Kabanata 20

“ANO’NG nangyari sa kapatid mo?” tanong ni Finna kay Jules nang tumigil na naman sa pagkukuwento ang binata.

Umiling si Jules. He still felt that same thing he did before.

Inabot ng babae ang kanyang kamay at saka napatingin siya rito.

Their eyes spoke a hundred words. Subalit naiiling siya.

Binawi naman agad ng dalaga ang kamay nito at napangiti siya rito nang matipid kahit papaano.

“Makikinig ako,” ang tanging nasabi nito.

Napatango naman siya at saka nagpatuloy na sa pagkukuwento.

***

TUMAKBO si Jules papalabas ng bahay at ginamit ang motorsiklo para makatakas. Patungo na naman siya sa bahay ng kanyang Uncle Mike, katulad noong gabing may nangyari sa party niya noong nakaraang taon. Surely, this was some kind of a pattern. Dapat niyang resolbahin ito at kailangan niya ang tulong ng kanyang tiyuhin.

Magmula nang namatay (o nawala) si Mariana ay nag-imbestiga ang tiyo niya kung ano ang dahilan niyon⸺kung bakit nangyari iyon sa panahong iyon at sa mga oras na iyon.

Gusto siyang kausapin nito matagal na ngunit sinabi niyang wala siyang oras para doon. Pero ang totoo ay ayaw niyang ungkatin ang nakakatakot na karanasang iyon. He did not want to admit though that he felt like a coward. Pero kahit naman siguro na sinong nasa kalagayan niya ay ganito rin ang mararamdaman.

“Uncle Mike!” tawag niya sa tiyuhin. Kinatok ng binata ang pinto na halos sisirain na ito.

Agad namang binuksan ng kanyang tiyo ang pinto. Halatang marunong na itong mag-lock ng pinto dahil sa nangyari sa pamilya nila.

“Jules! Ano’ng nangyari?” ang alalang tanong nito ngunit parang may ideya na ito dahil napasulyap ito sa pambisig na orasan.

“H-hindi ka natulog?” ang tanong niya sa tiyuhin.

“M-may pakiramdam akong kakaiba kasi. M-may nangyari ba sa inyo?” ang sagot-tanong nito. Napamasid ito sa labas, sa kadiliman, dahil hindi niya isinara ang pinto.

It was so eerie. Biglang lumamig ang hanging dumampi sa kanilang balat at nanindig ang balahibo ni Jules. Sa katunayan ay napangaligkig siya, subalit wala silang panahon ngayon.

Ikinuwento na niya ang nangyari habang sakay sila sa jeep nito papunta sa kanilang bahay.

“Just what I thought. Hindi pa tapos ang nangyari kay Mariana noong isang taon,” ang naging komento ng kanyang tiyuhin habang nagmamadaling nagmaneho patungo sa bahay nila.

“Hindi ko maintindihan, Uncle Mike, kung bakit gano’n,” ang turan niya pagkatapos.

Yes. It had been already a year since it happened. Natuklasan na ang ilang bangkay ng mga kaibigan niyang tila nagsisulputan na lang sa ilog. Dahil naagnas na ang mga iyon ay tanging mga kasuotan at ilang gamit tulad ng mga alahas ang siyang tanging nakapagsabi kung sinu-sino ang mga iyon.

Naging palaisipan iyon sa kanilang barangay nang ilang araw at lingo samantalang nanatiling nanahimik pa rin ang pamilya nina Jules tungkol sa nangyari. Wala namang imbestigasyong naganap na ginawa ang mga pulis. Siguro ay mahika na naman ng kanyang kapatid ang may pakana roon.

“Mukhang alam ko na,” ang anang tiyuhin niya. Ipinarada na nito ang jeep sa harap ng bahay nina Jules.

Napasulyap siya roon. Bukas ang mga ilaw sa loob ngunit walang makikitang kahina-hinala.

‘Tapos na kaya? Ano na ang nangyari kina Daddy at Mommy?’ Napausal siya ng mabilis na dasal sa Maykapal na sana ay protektahan ang mga magulang niya at kapatid.

Nakita niyang kumuha ng Bible, crucifix, at holy water ang kanyang tiyuhin mula sa likod ng jeep nito. Siguro ay palagi lang iyong naroroon dahil ‘di niya napansing kinuha ang mga iyon at dinala nang lumabas na sila ng bahay saka sumakay sa sasakyan nito.

Papasok na sana sila ng bahay nang napagtanto nilang hindi nila mabuksan ang pinto. They tried to shoulder their way in, but it was of no use. Sumakit na lang kapwa ang kanilang balikat sa kanilang ginawa ngunit ‘di pa rin sila makapasok.

Tinadyakan din nila nang sabay ang pinto ngunit ayaw pa rin iyong matinag. Parang napakatigas at napakalakas na bagay ang nakahadlang doon. Parang napakalaking bato.

Sumigaw na lang si Jules sa pangalan ng kapatid. Gayunpaman, walang nangyari. Napahagod siya ng tingin sa paligid nang dumilim ang ilang parte ng kabahayan. Tanging ilang ilaw lang ang lumusot sa bintana na siyang tumanglaw sa kanila sa labas.

‘Ano kaya ang nangyayari?’ sa isip ng binata.

Napaatras na lang siya nang may nakita mula sa malaking balete sa mini-forest. Napabaling din ang pansin ng kanyang tiyuhin doon.

“Engkanto?” ang nasambit pa ng kanyang tiyuhin.

Umiling siya habang tinahip ng kaba ang dibdib. “H-hindi ko alam, Uncle. P-parang demonyo ang nakikita kong nakatuntong sa itaas ng puno,” ang hinihingal na bulong niya sa tiyuhin habang nakatingin sa malahiganteng nilalang na may sungay at buntot. May dala itong scepter o staff. Ewan niya kung para saan iyon.

Naisip niyang ito ang nakita niyang lumutang sa ibabaw ng kanyang kapatid kanina dahil sa mga mata nitong magkahalong pula at berde na nagliwanag.

Pinilit ni Jules na ipihit ang seradura ng pinto at bumukas iyong bigla. Isang himala!

Hindi na niya naisip na baka may kinalaman ang demonyo sa pagbukas ng pinto.

Dali-dali silang pumasok na magtiyuhin nang makitang lumipad papunta sa bahay nila ang nakakatakot na nilalang. Mabilis niyang isinara ang pinto. Paglingon pa niya sa kinaroroonan noon ng mga magulang ay wala na ang mga ito roon. Sa halip ay nakahandusay na ang mga ito sa sahig malapit sa hagdan. Agad na nilapitan nilang dalawa ni Mike ang mga ito. Saktong nagkamalay na ang mga ito.

“Mommy! Daddy!” ang tawag niya sa mga ito.

“Melandro, Jenny,” ang sambit din ni Mike.

Napasapo ng kanilang ulo ang mag-asawang tila nagising lang na may hangover.

“A-ano’ng nangyari?” ang tanong ni Jenny na napatingin sa paligid nito. Nakita nitong nakaupo ang sarili sa sahig malapit sa hagdan. Napalingon ito sa asawa nang nalilito.

“H-hindi ko alam,” ang tugon ng asawa nito.

“O, bakit ka nga pala nandito, Mike?” ang tanong ni Jenny sa kapatid ng asawa. Halatang disoriented pa rin ito.

Nagkatinginan muna sina Jules at Mike bago sila bumaling at inalalayang tumayo ang kanyang ina. Sumunod ring tumayo ang kanyang ama. At bigla na lang sinabuyan ni Mike ang dalawa sa dala nitong holy water. Napasimangot naman ang dalawa dahil doon.

“Ano ‘yon?” ang tanong ni Jenny. Nakakunot ang noo ng maybahay na nabasa ang dibdib na bahagi ng suot na blusa.

“Ano’ng ginagawa mo?” ang sabay na tanong ni Melandro sa kapatid. Basa ang mukha nito ng holy water.

“H-hindi ba kayo napaso?” nauutal na tanong ni Mike sa halip na sagutin ang mga ito. Kuryusong tiningnan nila ni Jules ang kanyang mga magulang na taking-taka sa inakto ng tiyuhin.

“Bakit? Asido ba ‘yon?” ang napahumindig na angil ng kapatid nito. Lalong namilog ang namanghang si Melandro.