Kabanata 19

NAKAUPO nang Indian style ang kapatid ni Jules na animo’y nagme-meditate habang nakatingin sa apoy ng isang malaking pulang kandila na nasa gitna ng itim na bilog na guhit. Dalawang puting kandila ang nasa labas at ang isa pang mas maliit na pula ang nasa tabi ng malaki. Lahat ng mga ito ay nakasindi.

Sa tapat ng kapatid ay isang nakatayong salamin. Subalit hindi niya nakikita ang repleksyon niyon dahil sa nakatagilid ito at ang kapatid niya.

“Ito si Mariana at tinatawag ka, Dakilang Lilith, ina ng lahat ng mga sukyubus at inkyubus. Dinggin mo ang hiling ko at patawad sa aking kapangahasan.” Nakapokus pa rin ang mga mata nito sa apoy at hindi siya napansing nakasilip.

Napaisip ang binata kung bakit ang pangalan ng kanilang pinsan ang binanggit ng kanyang kapatid. Hindi niya pa maintindihan kung ano ang ibig sabihin nito.

Ilang sandali pa ay nakita na niya ang paghiga ng kanyang kapatid sa sahig nang tuwid at ipinikit nito ang mga mata. Unti-unti ay lumulutang ito nang ilang pulgada mula sa sahig at saka bumalik ang katawan nito roon. Nasaksihan na lang niyang may pumunit sa damit ng kapatid niya nang hindi niya nakikita. Dahil dito ay lumantad ang walang saplot nitong katawan.

Napapikit ng kanyang mga mata ang binata ngunit bago pa niya magawa iyon ay nakita na niya ang isang porma ng magandang lalaki na nakahubad at nakalutang ito sa ere. Paharap itong lumulutang sa ibabaw ng hubad niyang kapatid.

Pagdilat niya ng mga mata ay nakatingin na nang diretso sa kanya ang ngayon ay ang nilalang na kamukha ang isang demonyo. Para itong dalawang liyong umangil sa kanya⸺ang isa ay babae samantalang ang isa ay lalaki. Nagniningas ang magkahalong pula at berdeng mga mata nito. Tila lumiwanag ang mga iyon dahil sa sobrang itim nitong katawan. Gayunpaman ay hindi nakaligtas sa paningin niyang meron itong sungay na pakurba at mahabang matulis na buntot na tila marahang sumasayaw sa tuwa.

Napaupo si Jules sa sahig dahil sa kaba. Halos hindi niya maramdaman ang sakit nang kumonekta ang kanyang pang-upo sa kongkretong sahig. Ang lakas pa ng tibok ng puso niyang tila sisirain ng kanyang puso ang kanyang tadyang. Napahangos siyang animo’y tumakbo nang napakabilis.

Napaatras ang binata gamit ang mga kamay at paa na tila talangkang naglalakad patalikod. Takot siyang lapitan ng nilalang na yaon. Hindi nagtagal ay tumayo na siya para tumakbo nang mabilis palabas ng kanyang kuwarto. Nakasalubong niya sa sala ang mga magulang na gising pa pala sa mga oras na iyon nang madaling-araw. He knew it was already past three in the morning. Kaya natakot din siya nang makita ang mga ito roon.

Paano kung mauulit ang nangyari noong nagpa-party siya sa kanilang bahay?

“Jules? Ano ang nangyayari sa ‘yo? Ba’t ganyan ang hitsura mo? Para kang hinahabol ng demonyo,” ang usisa ng kanyang ina. Kitang-kita ang gitla sa noo nito nang sulyapan niya.

“Mom… Dad…” Nanginginig ang boses niya dahil sa takot. Pinilit niyang lumunok dahil sa nanunuyong lalamunan. Noon lang niya napansing may tig-iisang tasa ng tsaa na dala-dala ang mga magulang niya.

“You can’t sleep, too?” ang tanong ng ama niya.

“I… I was going to after I…” Napatigil siya sa pagsasalita. Sumulyap siya sa itaas at tiningnan kung may sumusunod sa kanya o wala ngunit wala naman siyang nakita. “Um… I-I was going to get some w-water. Na… Nauuhaw lang ako.”

Tumango ang ina niyang mukhang nahinalinhan at saka nginitian siya nito. “Akala ko pa naman ay may nangyari na sa ‘yo. Yes, you do that, get some water. Parang makalmante ka rin. Parang hindi ka kasi mapakali.”

Tumango siya.

“Ano ba kasi talaga ang nangyari sa ‘yo?” usisa pa ng ina. “Bakit parang ayaw mong sabihin sa ‘min ng daddy mo?”

Subalit hindi sinagot ang ina. Sinulyapan niya ang ama na inakbayan ang kanyang ina.

“I-I’m fine, Mom. Really,” wika na lang niya.

“Kung gano’n, maiwan ka na namin dito at kami ng mommy mo ay may panonoorin sa itaas,” ang anang ama niya nang makahulugan.

Bigla siyang napatingin dito nang naaalarma. “P-panoorin? A-ano ‘yon, Dad?”

“Titanic,” ang tugon nitong tila matatawa sa kanya. Subalit alam niyang paulit-ulit nang pinapanood ng mag-asawa ang palabas na iyon dahil sa paborito ng mga ito ang istoryang iyon nina Jack at Rose.

Tumikhim siya at saka napangiti sa kanya ang inang lumingon sa kanya habang itinaas niya ang kamay.

“I just thought… Never mind,” ang aniya sa mga ito nang may tonong paghingi ng despensa.

“You’re just not yourself after some busy weeks in Manila, huh, Jules?” ang hula ng ina.

Siya na ang nag-aasikaso sa kanilang negosyo sa Manila katulad ng gusto ng kanyang ama. In some ways or another, nag-e-enjoy rin naman siya sa trabaho niya. Kaya lang ay nami-miss niya ang preskong hangin, tahimik na lugar, at lalo na ang ina niyang masakitin. Kaya naman ay nagbabakasyon siya nang ilang araw sa Santa Barbara.

Iyon nga lang ay heto na ngayon ang nangyayari. May nakita na naman siyang hindi kapani-paniwala at…

Paglingon niya sa mga magulang na aktong papanhik ng hagdan ay bigla na lang na lumutang ang mga ito sa ere at nabitiwan ang kanilang tasa ng tsaa. Nabasag ang mga iyon sa sahig at nagkalat ang likido.

“Mommy! Daddy!” bulalas niya.

Tinakbo ng binata ang kinaroroonan ng mga ito. Hinila niya ang mga ito pababa at pilit na ginigising.

“Not again!” ang nausal niya sa sarili.

Lumabas na ang litid sa kanyang leeg dahil sa puwersa sa paghila ngunit wala man lang iyong silbi. Hindi niya alam ang gagawin lalo nan ang nakita niya ang isang anino na papalapit sa mga magulang niya. Nanlaki ang mga mata niya. Dinampot niya ang mga basag na parte ng tasa at hinagis ang mga iyon sa anino ngunit tumagos lang ang mga iyon sa elemento.

“Tama na! Huwag mong saktan ang mga magulang ko!” sigaw pa niya sa anino kahit na natatakot siya rito. Pilit niyang maging matapang, alang-alang sa mga magulang. Hindi niya kasi ito maiwan at basta na lang tumakbo para iligtas ang sarili. “Tigilan mo na kami! Tigilan mo na ako!” dagdag na hiyaw niya.

Gayunpaman ay lumapit pa rin sa kanya ang anino kaya napaatras na siya habang nakatingala rito. Nakalutang din ito sa ere. Nagtaas ng kamay ang anino upang abutin siya ngunit lumalayo siya mula rito at sumisigaw.

Naisip na lang niya kung naririnig ba siya o hindi ng kanyang kapatid na nasa itaas at may kasamang demonyo.