Kabanata 18

HINDI agad nakapagsalita si Jules. Wala siyang mahumang sagot sa mga ito at napaisip siya nang malalim. Bago pa man siya makasagot ay napuna niya si Joanna na may ibinubulong sa sarili nito nang hindi napansin ng iba kundi siya lang. Pansin niyang tumahan na ito at mukhang normal na samantalang ang tiyuhin ay nakahawak sa ulo nito at nalulunod sa sariling mundo.

“Ah, nakita ko nga pala silang umalis nang maaga. Aalis daw sila papuntang Mindanao? Hindi ba weird?” ang anang pangalawa at saka bumaling ito kay Jules.

Napakurap-kurap siya. Ano’ng ginawa ng kanyang kapatid? May kinalaman ba ito sa sinabi ng kabarkada niya? Bakit parang wala sa tamang isipan ang kanyang mga kaibigan?

Ayaw niyang mag-isip nang masama sa kapatid ngunit hindi niya iyon maiwasan lalo na’t nalaman niyang sumang-ayon ito sa ginawa ni Mariana kagabi at kaninang madaling-araw. Who knew if his sister was not telling the truth?

‘Pero hindi,’ kontra naman ng isip niya. Kapatid niya ito at inosente ito. Bata pa ito at siguro ay naimpluwensiyahan lang ni Mariana na mahilig sa witchcraft, sorcery, at magic. Pero dapat niyang kausapin ito nang masinsinan mamaya kapag sila na lang dalawa. Importanteng may malalaman siya kung sakaling may hindi man ito sinabi sa kanya maliban sa naikuwento na nito kanina sa kanila ni Mike.

Umuwi na ang lahat ng mga kaibigan niyang tila walang nangyaring masama kagabi. Paano kung hahanapin ng kapamilya nila sina Ren, Daryl, Laila, at ang iba pa? Sigurado siyang mati-trace iyon sa kanila at sa kanya dahil siya naman ang nagpa-party.

‘Sh*t. I think I’m doomed!’ sa loob-loob niya.

Napatingin siya sa kapatid na nakatunghay pala sa kanya kanina pa. Why did he feel something was weird? It seemed that she did not look like his sister at all. It was as though he was looking at someone so different… someone he was familiar with but not really.

Ipinilig na niya ang kanyang ulo. Hindi maaaring pagdududahan niya ang kanyang inosenteng kapatid. Naging praning lang yata siya nang dahil sa mga pangyayari.

“So, what are we going to do now?” ang tanong ni Mike sa kanila nang sila na lang ang naiwan sa bahay.

Nakatingin pa rin si Jules sa kapatid bago bumaling si Joanna sa kanilang tiyuhin.

“Wala tayong sasabihin sa mga tao, Uncle Mike. Kahit kina Mommy at Daddy,” ang desisyon nito.

Napabuntong-hininga ang binata. He could not say that he was against it or anything, but he knew that his sister was right. Subalit ano’ng sasabihin nila sa pagkawala ni Mariana na parang bula?

“Sasabihin lang nating umalis nang bigla si Ate Mariana sa malayong lugar para mag-aral sa… sa kanyang… mahika,” ang suhestiyon ng kapatid niya.

Umiling si Mike. “I can’t lie to your parents, Joanna.”

“But you must, Uncle Mike. We have to!” giit pa nito.

Napabaling sa binata ang paningin ng kanilang tiyo. “Hindi natin ito mai-report sa mga pulis, Uncle Mike. Babalik sa ‘tin ang imbestigasyon…” ang punto naman ni Jules.

“Alam ko namang wala kayong kasalanan sa pagkawala ni Mariana. Pero…” protesta ni Mike.

“Uncle Mike, we’re dealing with the supernatural phenomenon here. Wala tayong magagawa. Isa pa, baka naman ay lilitaw lang si Mariana mayamaya… o… sa darating na mga araw… Baka naman ay isa lang itong laro para sa kanya. Baka ay sinubukan lang niya ang isang klase ng engkantasyon nang hindi natin alam o kaya naman ay…”

Tumango na lang ang tiyuhin niya. “Tama ka. Siguro nga ay tama ka, Jules. We’ll just wait then.” Napatagis ito ng bagang bago napabuga ng hangin.

Napatingin kay Jules ang kapatid niya. Parang sinasabi nitong nababaliw na yata silang tatlo.

***

“AT hindi kailanman bumalik si Mariana, gano’n ba?” ang tanong ni Finna sa binata nang tumigil siya sa pagkukuwento.

Umiling si Jules sa dalaga. “Hindi na namin siya nakita pa kahit kailan, Finna.”

“At ano’ng nangyari sa kapatid mo?” kuryusong tanong na naman nito. Nakakunot ang noo.

Umiling si Jules. “I don’t exactly know how she died. Almost two years ago, narinig kong may ginagawa siya sa kanyang kuwarto.”

“Ano? At may nakita ka ba?”

Humugot ng hininga ang binata at pinakawalan ito. “Sinilip ko siya at namangha na lang akong makitang may ginawa siyang rituwal.” Napailing siya ngunit parang hindi naman siya makatingin kay Finna na hindi inihiwalay mula sa kanya ang maganda nitong mga matang may bahid ng pag-aalala at takot. Sigurado siyang masisindak din ito kung ito ang nasa kalagayan niya noon.