Kabanata 17
MAY ilan pang dahong kumapit sa sapatos ni Jules na napansin si Mike pagtingin nito sa kanyang paa. Subalit hindi iyon ang importante sa ngayon kung kaya’t mabilis niyang ikinuwento ang buong pangyayari sa kanyang tiyuhin.
Napabagsak ito ng upo sa pinakamalapit na pang-isahang sofa. Mukhang hindi ito makapaniwala sa sinabi niya. Kahit nga siya ang mismong nakakita ay parang hindi pa maproseso ng kanyang utak dahil sa hindi normal na nangyayari iyon.
Bumalik silang dalawa doon sa bahay nila ngunit napakatahimik na roon. Napakalinis na nito at nakita niyang tila natutulog lang ang mga kakilala niyang naroroon pa rin. He thought it was weird. Dahil sa nasaksihan niya kanina ay ni isang ebidensya ay ‘di nila makita.
“Is this some kind of a prank, Jules?” ang galit na sita sa kanya ng tiyuhin nang pumihit ito upang harapin siya.
Umiling siya rito at napalunok. Alam niyang nalasing siya kanina pero sigurado siya sa kanyang mga nakita!
“Uncle Mike… please, believe me… I⸺”
“Uncle Mike! Kuya!” ang umiiyak na sambit ni Joanna mula sa itaas ng hagdan at nagmamadali itong bumaba.
Napadako ang pansin nila sa kapatid niya nang tila hindi makapaniwala. Where was his sister all this time? Saan ito itinago ni Mariana? Sadyang hinanap niya ito kanina pero hindi niya talaga makita.
Sinalubong niya ang kapatid at niyakap ito habang umiiyak. Ramdam niya rin ang panginginig ng katawan nito nang dahil sa takot.
“U-Uncle Mike! W-wala na si Ate Mariana!” ang balita nito nang hindi makapagsalita nang diretso.
Napatingin ang tiyuhin nila sa dalaga nang tila ayaw maniwala. Napalunok siyang muli at inaalo ang kapatid. Malakas pa rin ang pagkabog ng kanyang dibdib.
“Sabihin mo sa ‘min ang nangyari, Joanna,” ang medyo matigas na boses na utos ni Mike ngunit ay maingat naman nitong hinawakan sa magkabilang balikat ang dalaga.
Napatingin ang kapatid sa kanya bago ito nag-umpisang magsalita. Isinalaysay ni Joanna ang buong pangyayari kasama ang pinsan nila.
“P-pinasuot niya ako ng puting damit… T-tapos, siya naman ay nagsuot ng itim… Pagkatapos no’n s-saka niya ako tinuruan ng… ng isang spell… Para daw iyon sa kanyang kasintahan…” pautal-utal na anito.
“Kasintahan?” magkasabay na ulit pa nina Jules at Uncle Mike niyang nakasimangot.
Kumibit naman si Joanna. “Iyon ang sabi ni Ate,” ang tugon naman nito. “Tapos, p-pinag-aralan ko nga po ‘yong… ‘yong engkantasyon na gagawin namin… p-pero… hindi ko alam na… na kailangan niya ng maraming tao…” Namilisbis na naman ang luha sa pisngi nito.
“Maraming tao? Ano’ng ibig mong sabihin, Joanna?” ang tanong niya sa kapatid nang nakakunot pa rin ang noo at nag-aalala.
‘Hindi kaya ang mga taong na-flush sa jacuzzi ang ibig niyang sabihin?’ sa loob-loob niya.
“At para saan ba ang engkantasyong ginawa n’yo? Aanhin ni Mariana ang sinasabi mong kasintahan niya? Sino ba siya? Kilala mo ba siya?” tanong ng nagtitiim-bagang na tiyuhin nila. Mukhang nahahati ito sa hindi ito naniniwala at nagagalit ito kung sakaling totoo nga ang sinasabi ni Joanna.
Kahit siya man ay hindi niya paniniwalaan ang kahit na anumang tungkol sa witchcraft at magic… kung hindi lang niya nasaksikhan ang mga bagay sa gabing ito. Sa ngayon ay paniniwalaan na niya ang kahit na ano nang dahil sa kababalaghang nangyari. He was a living witness to all that.
Nakita niyang umiling ang kapatid na nakatingin sa kanilang tiyo. “H-hindi ko po alam, Uncle Mike. Basta… basta sinabi lang sa ‘kin ni Ate Mariana na importante iyon para sa kanya upang hindi na mapalayo sa kanya ang kanyang nobyo. At iyon ang hiniling nitong kapalit upang magkasama sila palagi.” Pagkasabi ay lumunok ito nang natatakot pa rin. Bakas pa rin iyon sa mga mata nitong hilam sa luha.
“Pero nasaan na si Mariana?” ang tanong ni Mike sa dalagang hinawakan ito sa magkabilang balikat at niyugyog ito.
“W-wala na siya, sabi ko na sa inyo kanina, Uncle Mike!” ang tugon nito sa garalgal na boses.
Umiling si Mike. “Hindi, hindi totoo ‘yan. Hindi totoo ‘yan, Joanna!” Malinaw na galit ito at na-shock din sa mga sinabi ng kapatid.
“U-Uncle Mike…” Umpisa pa ng dalaga habang niyuyugyog ito ni Mike.
Pinigilan na ito ng binata. “Uncle Mike, huminahon ka! Baka naman ay lilitaw lang si Mariana mayamaya. Malay natin,” saka kumibit na aniya sa tiyuhing napatitig na sa kanya.
Humugot ito ng malalim na hininga. “Sana nga, Jules. Dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag nawala na ang kaisa-isa kong anak,” malungkot na anito.
Napalunok si Jules.
Umupo sila sa sofa sa living room at hindi nila namalayan ay sumisikat na ang araw. Hindi sila nakatulog na tatlo at kani-kanyang nalunod sila sa kani-kanyang isipan tungkol sa mga pangyayari sa madaling-araw na iyon.
Nakita na lang niyang nagising ang mga kakilala niya at napatingin ang mga ito sa kanilang magtitiyuhin.
“Man, great party!” ang natutuwa at naiiling na sabi ng isang lalaking may malaking ngisi. Isa ito sa mga lumutang sa ere noong madaling-araw.
“Uwi na kami pagkatapos naming mangape,” ang singit naman ng isa.
Napamaang sandali si Jules na napatingin sa mga ito nang tila hindi makapaniwala. Hindi niya alam kung bakit walang alam ang mga ito sa lahat ng nangyari kagabi. Nakapagtataka rin iyon dahil nga sa naranasan niyang nakakapangilabot.
“Pare, wala ba kayong natatandaang… nangyari kagabi? O kaya kaninang madaling-araw?” marahang tanong niya na tinantiya ang mga ito. Isa-isa niyang pinagmamasdan ang bawat reaksyon ng mga panauhin sa party.
Nagkatinginan naman ang mga kaibigan niya. Umiling ang mga ito sa kanya nang halos sabay at saka kumibit.
“Ang naaalala ko lang ay nakatulog na ako dahil sa kalasingan. Buti at hindi masyadong masakit ang ulo ko sa hangover,” ang tugon ng nauna. Ngumisi pa ito sa kanya na parang normal lang ang lahat.
“Ang natatandaan ko ay umalis ka para tingnan sina Daryl sa itaas. Saan na nga pala sila, pare?” ang tugon na tanong ng pangalawa.