Kabanata 16
SA kasalukuyan, napatingin si Finna kay Jules nang umiling ito. Tumigil sa pagkuwento ang binata.
“Tell me what you saw!” ang utos ng dalaga sa binata.
Humugot muna ng malalim na hininga ang lalaki bago nagpatuloy sa pagkuwento.
***
NAKITA ni Jules ang kanyang pinsang nakalutang sa hangin. Nakasuot ito ng puti, nakatayo ang mahaba nitong buhok, at nakapikit ang mga mata habang nakataas ang mga kamay na tila nakapako sa krus. Sa sahig naman ay may mga kandilang pula at puti na itinulos sa loob at labas ng isang itim na bilog.
Nasa tapat naman ni Mariana ay tila isang aninong nakakubli sa robang itim. Napatingin siya sa buong paligid ng kuwarto at hindi niya makita ang ni anino ng kapatid. Isinigaw niya ang pangalan nina Joanna at Mariana ngunit walang sagot mula sa mga ito.
Sa halip ay lumingon sa kanya ang nakarobang itim na anino kung kaya ay napaatras siya. Subalit hindi niya puwedeng iwanan lang nang basta roon ang kanyang pinsan. Siguro ay nakalabas na ng bahay ang kanyang kapatid nang hindi niya alam. Sa ngayon ay kailangan niyang iligtas ang walang-malay na si Mariana.
Nagmadali siyang humakbang papalapit sa pinsan at hinila ang malamig nitong kamay.
“Mariana!” sabay tawag niya ulit sa pangalan ng pinsan. “Gumising ka! Aalis tayo rito!”
Ngunit hindi man lang niya ito matinag at hindi niya rin ito kayang hilahin kahit na sinusubukan niya. Kahit sa malakas na paghila ay ‘di niya ito kayang galawin. Kaya ang ginawa na lang niya ay ang tumalilis ng takbo lalo na’t lumapit sa kanya ang nakalutang na anino.
Humahangos siyang bumaba at nakita ang ilang mga kaibigang nakalutang din sa ere nang pahiga. Sinubukan niyang gisingin o kaya ay hilahin ang sinuman sa mga ito pero wala siyang magising o kaya ay magalaw sa mga ito. Tila mga batong nakaukit ang mga itong nakalutang doon. Nang lumingon siya ay sinundan siya ng itim na anino kung kaya’t nagmamadali siyang lumabas ng bahay.
“This is crazy! This is not true!” nausal pa niya sa sarili. “I’m just… seeing things!” dagdag na aniya para kumbinsihin ang sarili.
Hindi niya napunang napunta na lang siya sa mini-forest na pagmamay-ari ng kanyang pamilya. Tumigil siya sa malaking puno ng balete at napasandal doon. Sinubukan niyang analisahin ang mga nakakabagabag na pangyayari. Hindi ito normal at isa itong kababalaghan.
Napaisip siya sa kanyang pinsan. Hindi kaya ay gawa lahat ni Mariana na siyang pilit maging isang “witch” na nagsasanay ng itim na mahika? O kaya naman ay may mas malalim na dahilan kung bakit ito nangyayari sa gabing ito?
Hindi niya napansin ang itim na anino na nakalutang sa ere malapit sa kanya at gusto siyang abutin nito.
Napakurap-kurap siya at saka napatingin sa madilim na paligid. Tila hindi niya alintana iyon hanggang sa kasalukuyan. Bigla siyang kinabahan at kinapa ang lighter na nasa bulsa ng kanyang jeans. Kahit hindi siya naninigarilyo ay may dala-dala siyang lighter na maaaring kailangan niya kung may emergency. Isa pa, nakatuwaang ibigay iyon ng kanyang ex-gf noon. Kahit papaano ay may sentimental value iyon para sa kanya kahit na magkahiwalay na sila at may mahal na itong iba. May pinagsamahan din naman sila.
Ang lighter ang kanyang nagsisilbing tanglaw nang maglakad siya patungo sa bahay ng kanyang Uncle Mike. He had to know what happened at the party. At alam ng kanyang tiyuhin ang dapat na gagawin sa mga sandaling ito lalo na’t si Mariana ang ugat ng lahat ng ito.
Papalayo na siya sa puno ng balete at nanginginig ang puno nang malakas kaya napalingon siya roon. Bigla na lang lumitaw roon si Mariana na umiiyak ng dugo sa mga matang sadyang kay itim at hindi na nakikita ang puting parte ng mga iyon.
Napahiyaw siya dahil sa kaba at takot ay nabitiwan niya ang kanyang dalang lighter. Binalot na naman siya ng kadiliman pero kumaripas na siya ng takbo sa direksiyon ng bahay ng Uncle Mike niya. Ilang beses pa siyang nadapa at sumadsad sa lupa dahil sa pagtakbo nang walang ilaw na tumatanglaw sa kanyang daanan. Ilang ugat ng mga punong-kahoy ang siyang bumalakid sa kanyang makaalis nang mas mabilis mula sa mini-forest. Sugatan na ang kanyang palad, siko, at tuhod. Gayunpaman ay nagpapatuloy siya sa pagtakbo.
Lumingon siya at hindi na niya nakikita ang pinsan. Ilang minuto ang lumipas sa kanyang pagtakbo ay nakita na niya ang bahay ng kanyang tiyuhin. May mga ilaw itong nakabukas sa labas. It was like a safe haven when he entered there.
Sinalubong na lang siya ng kanyang nakakunot-noong tiyuhin sa sala na nakaroba lamang. Pumasok na lang siya roong walang anunsiyo.
“What’s happened, Jules?” ang tanong nito na binuksan ang halos lahat ng ilaw sa loob ng kabahayan. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa, napansin ang dugo sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Pati mukha niya ay may gasgas dahil sa mga maliliit na sangang kumastigo nito.
Napahinga nang maluwag si Jules dahil sa liwanag na nakikita. Para kasing wala na siyang pag-asa kanina habang nasa gubat pa lang at sobrang dilim doon.
“Buti na rin at hindi ka marunong mang-lock ng bahay mo, Uncle Mike,” wika pa niya at pilit na lumunok dahil sa nanunuyong lalamunan at pinahid ang pawis sa kanyang noo’t mukha gamit ang manggas ng suot na T-shirt.
“Tinatanong kita kung ano’ng nangyari sa ‘yo. Bakit ganyan ang hitsura mo?” usisang muli ng tiyuhin pagkatapos siyang sipatin nitong muli mula ulo hanggang paa.