CHAPTER 10

LAGPAS ISANG LINGGO nang hindi nakikita si Thraizy. Katakot-takot na rin ang sermong inaabot ko mula kay sergeant. Nagpalabas na siya ng missing flyers para sa anak niya at inutusan kaming lahat na idikit ito sa buong Jacorta. Tinawagan ko na rin sina officer Keifer at Chief Velasco para galugadin ang Velacosta. Mabuti na lang at pumayag silang tulungan kami.

Isang araw, habang naglalakad ako dala ang flyers nakita ko si Vienna sa loob ng isang coffee shop. Agad ko siyang pinuntahan para alamin kung nakita niya ba si Thraizy.

"Anong sabi mo? Nawawala si Thraizy?"

Tumango ako sa kaniya. "Oo. Lagpas isang linggo na siyang nawawala. Hindi mo alam? Akala ko alam mo kung nasaan siya ngayon."

"Hindi! Hindi ko alam. Mula nang gabi matapos ang cooking show hindi na niya ako tinawagan o tinext man lang. Hindi rin siya nagpupunta sa club. Katunayan pa nga niyan, masama na ang tingin sa kaniya ng ibang mga admin. Naging milyonaryo lang daw siya, hindi na raw ito nagpakita."

Hindi ko sila masisisi kung ganon ang maging tingin nila. Pero alam kong hindi iyon ang totoong dahilan. "Pakisabihan na lang sila na nawawala si Thraizy. Baka sakaling matulungan pa nila kaming hanapin siya."

"Sandali tatawagan ko siya," sabi ni Vienna bago tinipa ang phone niya.

Nag-ring ang number ni Thraizy. Sumilay ang pag-asa sa mukha ko nang mag-ring ito. Ngunit nakailang ulit ang ring, hindi ito sumasagot. Nakailang ulit na ng tawag si Vienna pero hindi pa rin nito sinasagot ang tawag.

"Mukhang maski ako ayaw niyang kausapin. Ano ba ang nangyari? May nangyari ba sa inyong dalawa?" tanong niya sa akin.

"Vienna, natatandaan mo ba yung picture ng bracelet na sinend mo sa akin noon?" balik kong tanong sa kaniya.

Tumango ito, "Oo. Bakit?"

"Mayroon si Thraizy ng bracelet na iyon," sabi ko sa kaniya.

"So? Ano ngayo-Wait. You mean s-siya ang-"

Kaagad kong sinita si Vienna. "Shhh! Huwag kang maingay." Natulala ito dahil sa sinabi ko. "Oo. Siya nga. May alam ka bang dahilan para gawin niya ang mga iyon?" tanong ko sa kaniya.

"Wala. Wala akong idea," sagot niya bago humigop ng kape. "Ibig sabihin ba nito kaya niya itinatag ang Fight For Women Club kasi biktima rin siya noon?" tanong sa akin ni Vienna.

"Hindi ko alam. Wala siyang sinasabi sa akin."

"Kung ganon siya pala ang nagbigay sa akin nito." Inilabas ni Vienna ang isang card. "Dumating iyan sa akin noong araw matapos mamatay si Dela Pueña."

Binuksan ko ang maliit na envelope. May laman itong maliit na card at nagulat ako nang makita ko ang nakasulat dito.

No. 4

NAME: Vergel Fuentes Dela Pueña

BIRTHDAY: Dec. 2, 1975 47 MALE

DEATH: March 23, 2022

ADDRESS: Block 7 Lot 21, Vercundi Homes, Jacorta.

POSITION: CEO of Grand Hotel, Jacorta

"Justice was served, Vienna."

- Shaft-cutter

"Alam mo ba kung saan nanggaling tong card na to?" tanong ko sa kaniya.

"Hindi. Walang bukod na envelope ang letter na iyan. Iyan lang mismo ang nakalagay sa loob ng mailbox ko."

"Natanggap mo ito noong araw matapos mamatay si Dela Pueña?"

"Oo. Hindi ba sabi mo, March 23 siya namatay? 24 ko iyan nakuha sa mailbox ko."

Ibinalik ko ang letter sa kaniya. "Okay, salamat."

"Nasaan na kaya siya ngayon," bulong ko.

Patuloy akong naglibot para maikabit ang mga flyers. Bawat sulok, bawat bahay pinaaabutan ko ng flyers. Tumulong na rin sa akin ang mga taong tinulungan niya na nakatira sa ilalim ng tulay. Nabanggit pa nilang noong nakalipas na tatlong araw, nagpaabot muli ng tulong sa kanila si Thraizy.

She still serving people despite of her absence. Sa nakalipas na araw ko naramdaman na sobrang miss na miss ko na siya. Lahat ng galit at tanong sa isip ko ay unti-unting nabubura. Ang tanging nasa isip ko lang ngayon ay ang makita siya. Gustong-gusto ko na siyang makita. Muling maramdaman ang mahigpit na yakap niya. Ang matatamis na halik niya. Gusto kong makita muli ang magagandang ngiti niya.

"Nasaan ka na ba ngayon Thraizy," bulong ko habang nakatanaw ako sa harap ng maalong dagat.

Habang pabalik ako ng kotse ko biglang nagtext sa akin ang isang unregistered number.

Unknown

Don't find me. I know that today was the release of the arrest warrant. I will surrender myself but not in your hands. I heard your sufferings. I don't want to add some more. I know lots of questions are running inside your mind. Those will be answered soon, make sure that you will come. I will wait for you in

every trial.

Biglang nanghina ang mga tuhod ko dahil sa nabasa ko. Umagos ang luha sa mga mata ko. Pagpasok ko sa loob ng kotse ay sinubukan kong tawagan ang numero pero cannot be reached na ito. Parang dinadaanan ng wheeler ang dibdib ko nang maalala kong ngayon ang labas ng warrant. Naalala ko na rin ang mga sinabi ko noong lasing na lasing ako. Inakala kong si Mikee ang kasama ko, pero hindi pala. Nakita ng mga mata niya ang paghihirap at galit ko. Narinig din niya ang mga hinanakit ko.

"Mikee. Bakit ganon? Yung hinahanap pala natin, nasa tabi ko lang pala palagi! Akalain mo! Pinahirapan niya pa tayo! Isipin mo! Si Addam, nakama na siya, napakitaan niya ng katawan niya samantalang ako! Mikee tinatanggihan niya ako palagi!

"She's a nightmare dressed like a daydream! She's my life. I love her so much. I always respect her because it doesn't lessen me as a person but-Aish darn it!"

"Do I really deserve all of these? Tell me Mikee! Speak! I'm sorry Mikee. I failed. I failed as a chief. I'm telling this because honestly speaking, I can't put handcuffs on her wrists and put her behind the bars. So I'm asking you right now, can you do it for me? On the day when the arrest warrant arrives, kindly do it for me. I will see you if the trial starts, because I wanna hear her statements, her reasons why she does all of these. I know for others it's easy for them to ask but, everytime I see her eyes, I melt."

Nagmistulang baha ang luha sa mga mata ko. Sinisisi ko ang sarili ko kung bakit umalis ngayon si Thraizy. Sinisisi ko rin ang sarili ko dahil hindi ko man lang inalam ang nararamdaman niya sa araw-araw. Nasisiguro kong may malalim siyang dahilan pero hindi ko inalam. Hindi ko siya kinausap, hindi ko siya tinanong nang malaman ko nang siya ang shaft-cutter.

Dumeretso ako sa station para ibigay ang numero. Pinasubok ko ito sa kanila baka sakaling matrace na namin kung nasaan siya. Habang abala sila dumating si sergeant at tinawag ako sa loob ng opisina. Kaagad akong sumunod sa kaniya.

"Lucas," bungad niya sa akin. "Narito na ang arrest warrant. Ngayon na ang araw para hulihin ang shaft-cutter."

Namula ang mga mata ni sergeant. "I'm sorry," biglang sabi niya sa akin.

"Sir."

"Ako na ang humihingi ng tawad sa mga nagawa ng anak ko. Alam kong walang magagawa ang sorry dahil ilang buhay na ang kinuha niya. Kaya naman, ikaw na ang bahala sa kaniya. Hulihin niyo siya. Darating ako sa trial para marinig ang statement niya. Nais kong malaman ng buo ang dahilan kung bakit ginawa niya ang lahat ng ito."

Nakaramdam ako ng matinding awa para kay sergeant. Nasisiguro kong napakasakit ng araw na ito para sa kaniya. Ngayon na ang araw na huhulihin na si Thraizy. Ang babaeng nagtayo ng ubod gandang tore para sa kaniyang sarili. Tinitingala siya ng karamihan dahil sa labis na kagandahan, subalit dahil sa pagdating ng matinding bagyo na siya rin mismo ang gumawa, unti-unti na itong gumuguho paibaba.

Kinuha ko ang warrant. Pero gaya nga rin ng sinabi ko noon, ayokong ako mismo ang maglagay ng posas sa kaniya. Tinawag ko si Mikee para sa kaniya ipagawa ang pag-aresto.

"Ako po ang gagawa? Pero sir hindi ko pa rin po alam kung nasaan si Mam Thraizy," sabi niya sa akin.

"Natatandaan mo ba noong araw na tinawagan kita dahil nagpasalamat ako sa'yo sa paghatid mo sa akin sa bahay?" tanong ko sa kaniya.

"Ahhh opo sir. Bakit po?"

"Dahil noong gabi bago ang araw na iyon, lasing na lasing ako at si Thraizy ang kasama ko. Nasabi ko sa kaniya ang lahat ng hinanakit ko. Alam kong nasaktan siya o kundiman ay nahihiya. Nasabi ko rin sa kaniya ang hiling ko, dahil inakala kong ikaw ang katabi ko."

"Ano po iyon?"

"Ikaw ang humuli sa kaniya, dahil hindi ko kakayaning makita siya."

Natulala si Mikee habang dahan-dahang inaabot ang posas at ang warrant. "Naiintindihan ko po kayo sir. Gagawin ko po iyon sa oras na matunton po namin ang kinaroroonan niya."

Tumigil na ako sa pag-iikot nang mabasa ko ang text ni Thraizy. Sinabi na niyang susuko siya, kahit hindi ko pa alam kung kailan maghihintay ako sa pagdating niya rito sa station.

Alas-kwatro na ng hapon, wala pa ring balita kung nasaan si Thraizy. Ilang ulit ko nang tinawagan ang mga phone number na ginamit niya pero lahat ay cannot be reached. Sinubukan ko na ring ipadetect ang handwriting baka sakaling may makuhang location pero bigo pa rin ako.

Dumating na rin ang ilang kaanak ng naging biktima ng shaft-cutter. Nakarating pala sa kanila ang balita na nakilala na ang salarin. Nakareceive na rin ako ng text kay Vienna. Naipaalam na raw niya sa admin ang pagkawala ni Thraizy at nagsisimula na silang maghanap sa mga lugar kung saan ito madalas na magpunta. Nagpatulong na rin daw siya sa mga ambulansya ng PMH, nagsimula na raw silang magronda sa area nila.

Ang lahat ay naghihintay na sa pagkakailanlan ng shaft-cutter. Hinihintay na nilang mahuli ito at makulong sa bilangguan. Maging ako ay naghihintay sa pagdating niya. Kahit na kriminal na si Thraizy, naniniwala pa rin ako sa bawat sinasabi niya. Siya ang tipo ng taong hindi bumabali ng pangako. Kung kaya maghihintay ako hanggang sa dumating ang tamang oras na susuko na siya sa amin.

Nagulat ako nang biglang tumakbo sa akin si Mikee. May kung sino raw na nagsend sa kaniya ng picture kung saan nakaupo si Thraizy sa tabi ng isang ilog. Kasunod nito ang mismong lokasyon kung nasaan si Thraizy.

"Chief totoo po kaya ito?" tanong ni Mikee.

"Saan ang location?" tanong ko pabalik.

"Floral River chief."

Parang pinalo ng maso ang dibdib ko nang malaman ko kung nasaan si Thraizy. Sapagkat sa dinami-dami ng lugar na pinaghanapan ko, ito pa ang nakalimutan ko. Ito ang unang lugar kung saan kami unang nagkakilala. Dito rin niya ako sinagot at dito rin namin dinaos ang first anniversary namin.

"S-Sa Floral river?"

"Opo chief. Masyadong malaki ang lugar. Magpadala po kayo ng maramin-"

Pinutol ko na ang sinasabi ni Mikee. "Hindi na kailangan. Magdadala lang tayo ng dalawang police car, sapat na iyon."

"Sasama ka po chief?"

"Oo, para hindi na kayo maghanap. Alam ko na kung nasaan si Thraizy."

Floral River, Jacorta

Nang marating na namin ang ilog kaagad kong inisketch ang daan patungo sa kinaroroonan ni Thraizy. Nagpaiwan ako sa kotse para hintayin ang isa sa mga police na inutusan kong dalhin ang motor ko.

Hindi maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Dumating na ang oras na huhulihin na si Thraizy. Dapat ay masaya ako dahil sa wakas tapos na ang kaso tungkol sa namumutol, pero kabaliktaran ang nararamdaman ko ngayon.

Ilang sandali nga lang bumalik na sina Mikee kasama si Thraizy. Bumuhos ang mga luha sa mga mata ko habang tinitignan ko si Thraizy mula sa likod ng puno. Nakaposas ang mga kamay. Nakayuko siya kung kaya hindi ko makita ang mukha niya. Suot niya ang damit na suot niya noong una kaming nagkakilala. Sobrang memorable ng lugar na ito para sa amin. Ngunit hindi ko inaakalang magbibigay din ito ng napakasakit na ala-ala para sa amin.

Bigla siyang tumingin sa kinaroroonan ko. Mas lalong bumuhos ang luha sa mga mata ko nang makita ko ang mukha niya. Namumugto ang mga mata niya at halatang hindi siya nakatulog. Namumutla siya at kapansin-pansin ang biglang pagbagsak ng katawan niya. Marahil ilang araw na siyang namalagi rito. Nasabubutan ko ang sarili ko, sapagkat nakalimutan ko ang lugar na ito.

Mula sa kinatatayuan ko bigla siyang ngumiti sa akin. Parang tinusok ng ilang libong karayom ang kalooban ko lalo pa nang imutawi niya sa mga labi niya ang mga salitang.

"I love you honey, I'm sorry."