Chapter 16
“ITO ang mapa ng kabuuan ng lugar na ito,” saad ni Akira at pagkatapos ay inilatag niya sa lamesa ang isang mapa na kanina ay nakarolyo habang hawak-hawak niya.
Napatingin akong mabuti sa nilalaman ng mapa. Sa dami ng lugar at sa lawak nito ay mukhang mahihirapan kami sa paghahanap lalo pa at walang lugar ang sinasabing pinaninirahan ni Amara. Isa pa ay matagal na siyang hindi nakikita ng kahit sino. She may be already dead. Hindi ko alam! Minsan talaga ay gusto ko na lang magwala at umiyak dahil sa galit at frustration dahil hindi ko alam kung paano ko siya mahahanap at kung may chance nga ba na mangyari iyon.
“Unahin muna natin dalawang kagubatan ng lugar na ito. Iyon kasi ang pinaka-common na maaaring tirahan ng isang witch na kagaya niya,” suhestiyon ni Ate Clara.
Nagpasya kaming humiwalay sa dalawang grupo. Kami ni Akira ang magkasama habang si Ate Clara, Kuya Vince at ang kapatid nitong babae naman ang magkakasama. Akira and I would be taking the Light Woods and the three of them decided to go to the Dark Woods. Sinasabi na ang Dark Woods ay isang mapanganib na kagubatan at hindi ito nasisikatan ng liwanag. Kapag nangyaring napatay ka sa lugar na iyon ng kung sino o ano ay walang makakaalam. Habang ang Light Woods naman ay ang kagubatan na kabaligtaran ang deskripsiyon sa Dark Woods.
Mas pinili ni Ate na ang grupo na lang nila ang magtungo sa Dark Woods sapagkat hindi namin alam kung anong panganib ang maaari naming suungin sa lugar na iyon. Di-hamak na mas malakas ang team nila dahil nasa kanila si Ate Clara na siyang pinakamalakas na witch sa henerasyon namin ngayon.
Hindi na kami nag-abala pang magdala ng kahit anong klaseng armas dahil makakabigat lamang iyon sa amin. Tanging pagkain at inumin lamang ang aming bitbit. Nang sumapit na ang paglitaw ng araw sa kalangitan ay naghiwalay na kami ng mga landas. Magkasama kami ni Akira na tinahak ang daan patungo sa tinatawag na Light Woods. Namangha ako nang marating namin ang bungad niyon.
Mula sa kinatatayuan namin ay matatanaw ang nagsisitaasang mga puno na umaabot na ang mga dulo sa langit. This is beautiful! Hindi ko inakala na sa buong buhay ko ay masasaksihan ko ang mga bagay na ito. Hindi ko mapigilan ang mapangiti kasabay ng mataas na pagtalon dahil sa pagkamangha at excitement. Tiningnan ako ni Akira na parang ako na ‘yong pinaka-wirdong tao na nakilala niya.
Hindi ko na lamang siya pinansin. Gamit ang aking kapangyarihan ay gumawa ako ng isang motor at sumakay roon. Tumingin ako kay Akira dahil hanggang ngayon ay hindi pa din siya gumagalaw mula sa pwesto niya. Nahuli ko siya na manghang-mangha na nakatitig sa motor na ginawa ko.
“Ang astig naman ng kapangyarihan mo!” Bilib na saad niya. Napatingin din ako sa motor na ginawa ko. Kulay lila ito at tila umuulan ng putting magic dust ang katawan nito. Nakakamangha ngang pagmasdan.
“Sakay na bilis!” saad ko kay Akira ng may bahid ng pagmamadali. Hindi na kasi ako makapaghintay na gumala sa lugar na ito.
Tiningnan ako ng may pagdududa ni Akira. “Baka hindi ka marunong mag-drive niyan,” saad niya.
Inirapan ko siya. “Huwag kang sumakay. Diyan ka lang. Bye!” saad ko at binuhay ko na ang makina ng motor. Bago ko pa mapaandar iyon sa isang iglap ay nasa likod ko na agad si Akira. Yumakap ang kaniyang mga braso sa beywang ko na nakapaghatid sa akin ng kuryente.
“WOW!” A kid’s voice exclaimed. Napatingin ako sa pinanggalingan niyon at nakita ko ang isang magandang batang babae na nasa harapan ng aking nakaparadang motor habang namamangha na pinagmamasdan ito.
Tinawag ko si Akira na abala sa pagpitas ng green na ubas. Nang makita niya kasi kanina ang sandamakmak na bunga ng green na ubas ay napagpasiyahan naming huminto at manguha nito upang madala namin pagbalik at ng makakain siya nito. Sa mundo ng mga tao ay bihira lamang daw makakain ng ganito si Akira dahil mahal nga ang benta sa ganitong klaseng prutas.
“Akira! May bata!” tawag ko pa kay Akira ng hindi siya natinag sa pagkain at pagpitas. Hindi niya pa rin ako pinansin kaya iniwan ko na siya at ako na lamang mag-isa ang lumapit doon sa bata.
“Hello!” Nakangiting bati ko sa kaniya nang tuluyan na siyang humarap sa akin. Sa tingin ko ay nasa sampung taong gulang lamang siya.
Maganda ang kaniyang pisikal na anyo ngunit nakasuot lamang siya ng isang dress na halos magkulay brown na ang kaputian nito dahil sa sobrang kalumaan. Mahaba ang kaniyang itim na itim na buhok na umaabot hanggang sa tuhod niya.
Ngumiti din siya sa akin. “Hello din po. Ano pong tawag sa bagay na ito?” Inosenteng tanong niya at itinuro ang motor ko.
“Ang tawag diyan ay isang motorcycle. Iyan ang sinasakyan ng mga tao upang makarating kaagad sa kanilang pupuntahan,” paliwanag ko sa kaniya. Yumuko ako sa kaniya upang magkapantay ang aming mga mukha. Hindi ko na napigilan ang pisilin ang kaniyang matatambok na pisngi.
“Hey, kiddo! May kasama ka bang iba rito?” Bigla-bigla ay sumulpot sa likod ko si Akira. I glared at him. Muntik na akong atakihin sa puso sa pagkagulat.
“Wala po, Kuya. Wala na po akong magulang pati na rin ang Kuya ko wala na kaya solo na lang po ako,” malungkot na saad ng bata. Bahagya siyang yumuko ngunit kaagad ko ding iniangat ang kaniyang ulo upang bigyan siya ng ngiti at yakapin ng mahigpit. I want her to feel na hindi siya nag-iisa.
“Anong ginagawa mo rito mag-isa? Wala ka bang ibang kamag-anak na matutuluyan?” tanong pa ni Akira.
“Wala po, eh. Dito na lang po ako namumuhay. Ito po ang sa tingin ko ay lugar na kung saan ay magiging ligtas ako kaysa sa siyudad,” tugon naman ng batang babae. Ang bata pa niya ngunit parang andami na niyang nalalaman tungkol sa mundo na nakikita sa paraan ng kung paano siya magsalita.
Kumalas ako mula sa pagkakayakap sa bata at humarap kay Akira ng may malawak na ngiti sa aking mga labi. “Ampunin natin siya!” masigla at excited kong saad.
“Pwede naman. Papayag ka ba na kami na ang magiging magulang mo simula ngayon?” Baling niya sa batang babae na ngayon ay nangingislap na ang mga mata dahil sa tuwa.
“Opo, opo!” Masigla nitong tugon.
IT’S been almost a week na hindi pa nakakabalik sila Ate mula sa Dark Woods. Hindi ko maiwasang mabahala sa kanilang kaligtasan. What if nakasagupa na nila si Amara? What if ginawa niya din sa kanila ang bagay na iyon? Ang patayin sila.
Napahinto ako sa pag-iisip nang may humila sa laylayan ng damit ko. Napatingin ako kay Light, ang batang babae na inampon namin ni Akira. Light ang ipinangalan ko sa kaniya dahil doon namin siya natagpuan. Kagaya namin ay isa rin siyang taong-lobo ngunit ni-minsan ay hindi ko pa nakita ang kaniyang anyong lobo. Hindi pa siya handa na ipakita iyon sa iba at naiintindihan ko naman iyon. Hindi ko siya pipilitin at isa pa ay hindi naman iyon big deal.
“Ano ‘yon, baby?” tanong ko sa kaniya.
Napanguso siya. “I’m hungry na po, Mommy!” saad niya sa nakikiusap na boses.
Lumuhod ako upang magkapantay ang aming mga mukha. Itinago ko sa gilid ng kaniyang tenga ang ilang hibla ng kaniyang buhok na humaharang sa kaniyang mukha.
“Hindi ba nagluto ang Daddy mo ng food?” Nagtatakang tanong ko. Ang sabi ni Akira mag-aaral siyang magluto ng leche flan.
Lumapit sa tainga ko si Light at may ibinulong siya sa akin. “Palpak Mommy. Nasunog siya!”
Pagkabulong niya ay humagikgik siya habang tinatakpan ang kaniyang bibig. Hindi ko mapigilan ang mapangiti sa kaniyang reaksyon. Mayamaya ay hinihila na niya ako paalis.
“Bilis Mommy! Baka maabutan pa tayo ni Daddy! Ayokong tikman iyong luto niya,” nagmamadali niyang saad habang pasulyap-sulyap sa may pintuan dahil baka nga lumabas na si Akira.
Nagpatianod na lamang ako sa kaniya nang hilahin niya ako hanggang sa makarating kami sa pamilihan. Namataan ng aking mga mata si Tito Joseph habang nag-iinspeksyon sa kabuuan ng pamilihan. Sa likod niya ay maayos na nakahanay at nakasunod ang kaniyang mga guwardiya na may bitbit na kaniya-kaniya nilang mga espada.
“Lolo!” sigaw ni Light na nakaagaw ng atensyon ng ibang tao sa paligid. Napatingin sa gawi namin si Tito Joseh at kaagad namang tumakbo palapit rito si Light.
“Lolo nagugutom na po ako. Gusto ko po ng masarap na pagkain,” saad ni Light sa kaniyang lolo na ngayon ag nawiwili sa presensya ng bata. Ilang araw pa lamang ang lumilipas ng ipakilala namin ni Akira si Light sa ama niya ngunit mabilis lamang na nagkagaanan ng loob ang dalawa.
Nakangiti akong lumapit sa kanila. Nagmano ako kay Tito bilang tanda ng paggalang. Pagkatapos ay nagpilit naman si Light na magpakarga sa Lolo niya kahit ang laki na niya.
“Asan pala si Akira?” tanong ni Tito.
“Nasa bahay po siya. Nag-aaksaya ng nilulutong pagkain,” si Light na ang sumagot. Pabulong niyang ginawa iyon dahilan upang matawa ang kaniyang Lolo.
Hindi naman mahirap mag-ampon ng bata sa lugar na ito, hindi katulad sa mundo ng mga tao. Walang legal at mahaba na proseso rito.
“Sumama muna kayo sa tahanan ko at doon na kayo kumain,” suhestiyon ni Tito.
Pumalakpak sa tuwa si Light. “Sige po!” Masiglang niyang saad.
Napailing-iling na lamang ako. Bigla kong naisip si Akira. Paniguradong nagtataka na iyon kung saan kami nagpunta. Maaaring hinahanap na niya kami ngayon sa mga oras na ito.
NAGULAT ako nang makita ko ang sitwasyon ni Ate Clara, ni Kuya Vince at ni Vanessa. Magulo ang kanilang mga buhok, may maliit silang mga galos sa kanilang mga braso at mukha at kita ang malalaking eyebags sa kanilang mga mukha. Kaagad ko silang dinaluhan. Kararating lamang nila ngayon.
“I would never ever come back to that place. Argh!” sigaw ni Ate na ikinatawa naman ni Kuya Vince. Sa nakikita ko, kung ano man ang nangyari sa kaniya ay hindi iyon ganoon ka-seryoso dahil parang nakipag-away lamang sila.
Kinuha ko ang mga bag nilang dalawa at inalalayan ko si Ate at Vanessa papasok sa loob ng bahay. Para kasi silang lantang gulay na anumang oras ay babagsak. Pinaupo ko silang tatlo sa mahabang upuan na may sandalan.
“Anong nangyari sa inyo?” Nagtatakang tanong ko.
“Well, that place ay tirahan pala ng mga wild animals katulad ng bats, bears at iba pa. Hindi sila iyon ordinaryong wild na hayop na makikita sa mundo ng mga tao dahil isa lang ang kulay nila, itim. Wala din silang kontrol. Sinusugod nila ng walang alinlangan ang makikita nilang tao sa lugar na iyon,” paliwanag ni Vanessa.
Tumingin ako kay Ate at bago ko pa maisatinig ang sasabihin ko ay inunahan na niya ako. “Hindi gumagana ang kapangyarihan ko sa kanila kaya humantong kami sa ganitong kalagayan,” nakasimangot na saad ni Ate.
“Pero ang cute mo noong nagwawala ka dahil sinusugod ka ng mga paniki.” Natatawang saad ni Kuya Vince.
“Stop talking o ibabalik ko ‘yang mga sugat mo para mamatay ka na!” sigaw ni Ate kay Kuya Vince.
Nagkatinginan kami ni Vanessa. Napangiti kami sa isa’t isa. “Lover’s quarrel!” We both exclaimed.
“Oh! Nakabalik na pala kayo!” Boses ni Akira iyon. Napatingin kaming lahat sa may pintuan at nakita namin si Akira na karga-karga si Light habang sa tabi niya ay ang mga magulang nila Kuya Vince at Vanessa na may mga bitbit na malalaking kamoteng kahoy.
Kaagad na tumayo si Ate Clara sa kaniyang kinauupuan at nagtungo sa harapan ni Akira. Pinakatitigan niya si Light.
“Ate si Light pala. Siya at nasa pangangalaga na namin ni Akira,” paliwanag ko kay Ate ngunit hindi man lamang siya natinag.
Lumapit na din ako sa kanila. “Light say hi to your Tita Clara.” Nakangiti kong saad.
Kumaway si Light kay Ate. “Hello po, Tita. Ang ganda niyo po!” Magiliw na saad ni Light ngunit nakakapagtaka pa din na seryoso pa rin ang mukha ni Ate. Ano bang nangyayari sa kaniya?
“Ate?” Untag ko sa kaniya. Tumingin siya saglit sa akin at muli niyang ibinalik ang kaniyang tingin kay Light. At hindi ko inaasahan ang binitawan niyang pangalan.
“Amara!” Mahinang saad niya. Halos pabulong na iyon ngunit hindi iyon nakalagpas sa aking tainga.