Chapter 5: Sunny and Jekka

“SUNNY!”

Agad na napabangon ang dalaga nang marinig ang boses ng ama. Mabilis niyang kinuha ang cellphone na nasa side table at saka tumayo.

“Shit!”

Nang makita niyang alas siete y media na, kumaripas siyang nagpunta ng banyo. Walang anu-ano’y nagbuhos siya ng tubig sa katawan nang hindi man lang pinapakiramdaman kung gaano ito kalamig. Napahiyaw siya sa pagkagulat nang maramdaman ang mala-yelong tinunaw sa tubig na dumadaloy mula sa kanyang ulo patungo sa kanyang katawan.

Mabilis siyang nag-shampoo at nagsabon. Kailangan niyang magmadali. Nakalimot siya sa oras dahil sa dami niyang ni-review kagabi. Sabay-sabay ang long tests nila ngayong araw kaya anong oras na siya nakatulog. Hindi siya pwedeng bumagsak sa kahit isa man lang sa mga subject na ‘yon dahil paniguradong mayayari na siya sa ama. Hindi na siya makakapunta kina Jekka pagkatapos ng klase.

Pinulupot niya ng tuwalya ang ulo kahit na tumatagktak pa rin ang tubig na nanggagaling sa kanyang buhok.

“Kaya mo ‘to, Sunny. Kailangan mong mabilis na kumilos! Hindi pwedeng ma-late ka ngayon dahil alam mo naman na pagtatawanan ka na naman ni Rallion kapag nangyari ‘yon,” paalala niya sa sarili habang sinusuot ang uniporme.

Kinuha niya ang school shoes at lumabas ng kwarto.

“Sorry, Pa. Anong oras na kasi ako nakatulog kagabi. Ang dami kong long quiz ngayong araw.” Nagmamadali siyang naupo sa tabi nito.

Handang-handa na ang hapag. Nakapagluto na nang maaga ang kanyang ama. Nakasuot na rin ito ng pamasok na damit.

“Alam ko ‘yon. Aba, kanina pa tunog nang tunog ang alarm ng cellphone mo. Alas singko pa lang ng umaga nagising na ako dahil doon. Tulog-mantika ka talaga,” natatawang sabi nito at saka siya hinainan ng kanin at ulam.

“Si Rainier po?”

“Nauna na. Ang tagal mo raw kasing gumising. Alas siete ang pasok niya kaya nauna na. Exam din nila ngayon kaya nagmamadali kanina.”

Napakamot-ulo siya. “Pasensya na po. Ang dami ko lang talagang long quiz ngayong araw.”

“Oo na. Ipasa mo ‘yan, ha? Alam mo kung ano ang consequence kapag hindi mo naipasa ‘yan. Alam mo naman na ang gusto ko lang ay hindi ka bumagsak. Pa-graduate ka na. Nakakahiya naman sa nagpapa-scholar sa ‘yo kung sakali na ngayon ka pa babagsak.”

“Alam ko naman ‘yon, Pa. At saka, alam ko naman na hindi na ako makakapunta kina Jekka kung sakali na isa lang ibagsak ko,” saad niya habang punong-puno pa ng laman ang bibig.

Napansin ni Melvin ang pagkabasa ng leeg ng dalaga.

“Diyos mio, anak! Hindi mo man lang muna pinatuyo ‘yang buhok mo bago magsuot ng uniporme. Kung narito lang ang mama mo, sinisiguro kong hindi lang ganitong sermon ang makukuha mo ngayong umaga.”

Mabilis niyang inubos kung ano ang nasa plato at diretsong ininom ang tubig.

“Excuse me, Pa. Sa sala na muna ako. Patutuyuin ko lang ‘tong buhok ko. Salamat po sa pagkain.”

Napailing na lang si Melvin. Ilang taon na rin magmula noong iwan sila ni Lilian at alam niyang masaya na ito sa kung nasaan ito ngayon.

NAKABUSANGOT ang mukha ni Jekka habang nakahalukipkip nang pumasok sa bahay nina Sunny. Nakasuot na siya ng uniporme at kanina pa nag-aabang sa labas ng bahay nito. Makailang beses na rin siyang nagtanong sa ama nitong si Melvin at ang sabi’y tulog pa ang dalaga. Kagabi ay nagkausap pa silang dalawa sabay silang papasok ng maaga ngayon dahil sa academy na niya balak mag-review.

Nabungaran niya si Sunny na nakaupo sa tapat ng electric fan habang nakikipagbuno sa buhok nitong buhol-buhol. Halatang katatapos lang nitong maligo dahil tumatagktak pa ang tubig mula sa leeg patungo sa kayumangging uniporme.

“Hindi ka pa tapos?” reklamo ng dalaga habang nakapamewang na nakatayo sa gilid niya.

“Naku, kanina ka pa niyan hinahanap ni Jekka. Nakailang balik na ‘yan dito,” sabi pa ni Melvin na nagliligpit na noon ng pinagkainan.

“Hindi naman kasi ako gaanong nagmamadali. Alam ko naman na mas mauuna pa tayo kay Ma’am kahit na maglakad tayo papunta ng academy. Chill ka lang.” Umirap pa siya.

“Hello? Ang dami nating long test ngayon at hindi pa ako nakakapag-review kaya kita pinagmamadali.” Naupo si Jekka sa upuang kahoy.

“’Yon ba talaga ang dahilan kung bakit nagmamadali ka?” makahulungang tanong ni Sunny.

Tumikhim ang dalaga at lumapit ng bahagya sa kaibigan. “Kasi, sabi ni Kuya Francis, may mga pupunta raw sa atin na bisita galing sa ibang university. Hindi ko alam kung ano ang meron. Gusto ko lang naman makita kung dadating nga ‘yong mga boys...”

“Iyon naman pala.” Nahinto siya sa pagsususklay.

“Pero kailangan pa rin nating pumasok nang maaga kasi hindi pa ako nakakapag-review, Sunny. Please. Bilisan mo na,” bawi nito.

“Sus. Huwag mo nang bawiin. Alam ko naman…”

Tumayo si Sunny at kinuha ang Pucca sling bag na gamit niya pa noong nakaraang taon. Kahit hindi pa siya tapos sa pagsusuklay ng buhok, nagpunta na siya sa kusina upang magpaalam na sa ama.

“Pa, aalis na po kami.” Humalik siya sa pisngi nito habang naghuhugas ng plato.

“Sige. Ayusin mo muna ‘yang suklay na nakasabit pa sa buhok mo. Iyong kabila, maayos tapos iyong kabila—“

“Okay na ‘yan, Pa. Susuklayin ko na lang habang naglalakad kami kasi nagmamadali na si Jekka.”

“Sige. Baka ma-late pa kayo. Mag-iingat kayo.”

Paglabas nila ay nakita niya si Jekka na naroon na sa terminal ng tricycle ilang hakbang ang layo sa bahay nila.

“Tara. Sumakay na tayo ng tricycle,” yaya nito sa kanya.

“Huwag na! Maglakad na tayo. Mag-review ka habang naglalakad. Kasalanan ko bang hindi ka nag-review kagabi. Puro lalaki kasi inaatupag mo. Puro ka KDrama!” sermon niya.

“Eh, wala kasi talaga ako sa mood mag-aral kapag nasa bahay. Hindi ako nape-pressure. As if naman na hindi mo alam ‘yon. Buti pa si Rallion, kahit na hindi mag-aral, pumapasa. Isa pa sa mga nagta-top.” Ngumuso ito.

“Hoy, Jek. Ang aga-aga si Rallion agad ang bukambibig mo. Matalino nga, hind naman tugma sa ugali niya,” kuda pa nito.

“Grabe ka naman kay Rallion—“

“Please lang, Jeks. Nagsisisi ako magpahanggang ngayon kasi mula first year high school hanggang ngayon na ga-graduate na lang tayo eh, kaklase ko pa rin siya. Nakakainis! Akala niya siguro bullet-proof ako pagdating sa pang-aasar niya sa akin kasi hindi ko siya gaanong pinapansin. Pero, deep inside? Gustong-gusto ko na siyang suntukin sa mukha.”

Pagkamot niya ng kanyang ulo ay doon niya lang naramdaman ang nakasabit pang suklay sa buhok niyang buhol-buhol pa rin hanggang ngayon. Nahirapan pa nga siyang tanggalin ‘yon.

Pumalahaw ng tawa si Jekka habang tinutulungan itong tanggalin ang suklay sa buhok. Nang matanggal ay ipinagpatuloy niya ang pagsusuklay.

“Daldal ka kasi ng daldal.”

Inirapan niya ang kaibigan. “Tigilan mo ako!”