Chapter 4: Melvin Gallardo
NAAALALA pa ni Alexis ang mga panahong pareho pa sila ni Melvin ng katayuan sa buhay. Ganoon din ang bahay na tinirahan niya noon bago pa siya kunin ng ama at patuluyin sa napakalaking bahay.
“Pwede bang makahingi ng tubig?” aniya.
“Oo. Sige, sandal lang.”
Habang nasa kusina ang lalaki ay nakita niya ang isang batang babae na nakasilip sa may pinto. Agad siyang napangiti. Noon niya pa gustong magkaroon ng anak na babae ngunit biniyayaan silang mag-asawa ng isang lalaking anak na ngayo’y nasa elementarya na.
Pagbalik ni Melvin ay nakita nito ang anak na naroon at patuloy na nakasilip. Alam niyang nahihiya ito dahil napakadalang na magkaroon sila ng bisita.
“Pumasok ka na, anak. Saan ka ba galing? Hindi ba’t sabi ko sa ‘yo na huwag na huwag mong iwan ang kapatid at mama mo?” mahinahong pangaral niya sa bata.
“A-ako…ang…nagpalabas…sa…kanya.” mahinang sambit ng kanyang asawa na dahan-dahang uupo kaya agad niya itong tinulungan.
“Alexis, ito ang asawa ko, si Lilian.” Inakbayan niya ang asawa at saka malungkot na ngumiti sa lalaki.
Alexis can’t express his sadness. Sa kalagayan na ‘yon ni Lilian, alam niyang masyadong malaki ang pinagdaraaanan ng pamilyang tumulong sa kanya.
“Nice to meet you, Lilian. Napakabait ng asawa mo at tinulungan niya ako,” sagot niya matapos uminom ng tubig. Napatid ng malamig na tubig na iyon ang uhaw niya sa ilang oras na mayroong nakabalot sa ulo niyang supot.
“B-bakit? Ano ang nangyari?”
“Ah, ano kasi…may mga lalaking dumukot sa kanya kanina. Mabuti na lang, doon ako sa eskinita na ‘yon dumaan kasi kung hindi baka na-holdap naman siya kung sakaling makalabas siya.”
Lumapit si Sunny sa ama’t ina.
“Ilang taon na siya? Eight?” tanong ni Alexis.
“Oo. Nasa elementary na. Ikaw, may anak ka rin?”
“Meron. Pareho tayong nasa elementary na ang mga anak. Siya nga pala, pwede ba akong makahiram sa ‘yo ng cellphone?”
Agad nitong dinukot sa bulsa ang isang de-pindot na cellphone. “Pasensya ka na, ah? Hindi touch screen ang cellphone ko. Wala kasi kaming pambili ng ganoon kamahal. Kung tatawag ka lang, pwede mong gamitin ‘to.” Iniabot nito iyon sa kanya.
“Maraming salamat. Pwede bang lumabas ako saglit? Sa labas ako tatawag.”
“Sige. Walang problema. Mas malakas ang signal niyan sa labas.”
Nagpasalamat ito at naglakad na palabas ng bahay.
“P-pasensya ka na, Lilian.”
Ngumiti ang asawa niya. “Para saan? Alam ko naman na…” Humugot ito ng hininga. “…hindi mo na maiaalis sa katawan mo ang pagtulong. Proud ako sa ‘yo dahil napakarami mong natutulungan kahit na maliit na bagay lang. Pero delikado ang ginawa mo, ha?”
“Alam ko ‘yon kaya nga humihingi ako ng pasensya.”
“Baka imbis na ako ang mauna, ikaw pa. Ayoko no’n. Lalong magiging kaawa-awa ang mga anak natin. Ilang taon pa lang si Rainier at Sunny. Hindi ko kayang mawala sa mundong ito ng walang mag-aalaga sa kanila.”
“Lilian…huwag kang magsalita ng ganyan.” Hinimas-himas pa nito ang likod ng asawa.
“Alam natin na kaunti na lang ang itatagal ko sa mundong ito. Tanggapin na natin ‘yon, Melvin. May mga pagkakataong gusto ko nang bumitaw pero hindi ko kayang maiwan sila ng wala ka. Kailangan nandito ka kung sakali man na lagutan ako ng hininga.”
Ayaw na ayaw niyang naririnig iyon kay Lilian. Ilang taon na nilang nilalabanan ang cancer nito ngunit kahit sinong doktor ay tinaningan na sila. Wala siyang magawa. Madalas siyang nagrereklamo sa Panginoon kung bakit ganito ang sinapit nilang mag-asawa kahit na buong buhay naman nila ay alam niyang araw-araw silang gumagawa ng mabuti sa kapwa.
Bago pa man tuluyang maratay sa sakit ang ginang ay isa itong labandera. Napakarami nitong naging kaibigan dahil sa pagiging mabait ngunit nagkadawalaan ang mga ito nang malamang terminal cancer na ang sakit.
Nalungkot siya. Talaga ngang kung wala kang pera, mawawala na rin ang mga kaibigan mo. Walang tumulong sa kanila kundi mga kamag-anak na masama pa ang loob na magbigay ng tulong sa kanila. Hindi niya maiwasan ang umiyak dahil sa hirap na dinaranas nila habang patuloy na lumalala ang sitwasyon ni Lilian.
“Magsasaing na muna ako. Sunny, bantayan mo muna si Mama at si Rainier, ha?”
Tumango ang bata at naupo sa tabi ng ina. Ayaw niya na muling umiyak pero mabigat sa loob niyang makita ang ikinalaki ng pagbabago ng asawa.
“HELLO, Willy.” Napabuga ng hangin si Alexis ng sa wakas ay sinagot na ng matalik niyang kaibigan ang tawag.
“Sino ‘to?”
“Si Alexis ‘to. Pwede mo ba akong sunduin ngayon?”
“Nasaan ka ba? Kanina ka pa hinahanap sa akin ni Athena? Hindi ko alam ang isasagot ko.”
Napahilamos siya ng mukha. “Mamaya ko na ikukwento sa ‘yo kung ano ang nangyari. Hindi ka maniniwala sa naging araw ko.”
“Sige. Nasaan ka ba?”
“I-te-text ko sa ‘yo ang address. Hihintayin kita.”
“Sige.”
Matapos ang tawag na iyon ay muli siyang pumasok sa loob ng bahay. Nakita niya si Melvin na naroon sa kusina kaya nilapitan niya ito.
“Pwede ko bang malaman ang exact address n’yo rito? Magpapasundo na lang ako sa kaibigan ko. Masyado nang malalim ang gabi kung sakali man na mag-commute ako,” aniya.
Ibinigay ng lalaki sa kanya ang kumpletong address at iyon ang nai-text niya kay Willy. Naghintay siya sa sala kung saan naroon din ang mag-iina.
“Alexis ang pangalan mo, hindi ba?” tanong sa kanya ni Lilian habang nakahiga at nakatingin sa kisame.
“Oo. Alexis. Alexis Altamirano.”
“Alam mo, napakaswerte mo dahil si Melvin ang nakakita sa ‘yo. Sinabi ko sa kanya na huwag na huwag nang tumulong sa ibang tao dahil hindi naman siya tutulungan ng mga iyon kapag nanghingi kami ng tulong. Pero, matigas ang ulo niya.” Nakita niya pa ang pagngiti nito.
“Kaya ko kayong tulungan, Lilian…”
“Alam ko ‘yon. Naririnig ko na ang pangalan at apelyido mo sa mga balita. Hindi ko alam kung kilala ka ni Melvin pero namumukhaan kita kapag nanonood ako ng T. V.”
“Hindi ko alam na nakikita pala ako sa T. V.” Napakamot ulo siya sa hiya.
“Kung sakali man na tutulong ka, kakapalan ko na ang mukha ko, Alexis…”
Hindi siya umimik at hinintay ang susunod nitong sasabihin.
“Gusto kong tulungan moa ng mga anak ko. Tulungan mo sila na makapagtapos ng pag-aaral. Ayokong matulad sila sa amin na mag-asawang highschool lang ang tinapos at walang matinong trabaho,” mahinahong sabi nito ngunit maririnig ang bigat ng paghinga.
“Walang problema ‘yon sa akin, Lilian. Tutuparin ako ang kahilingan na ‘yan pero gusto ko sanang magpagaling ka.”
Mapait na ngumit ang ginang bago ipinikit ang mga mata.
“Hindi na ako magtatagal. Unti-unti na akong pinapahina ng sakit na ‘to.”