Chapter 3: Hero
“TULONG!” ubod ng lakas na sigaw ni Alexis habang nagpupumiglas sa upuan.
Hindi niya na marinig ang mga lalaking nag-uusap-usap. Kanina pa siya nakikiramdam matapos niyang maulinigan ang sirena ng mga pulis at ang mga pagtakbo. Kailangan niya nang makatakas sa lugar na iyon dahil baka mamaya, ibang tao naman ang dumakip sa kanya. Mas lalong hindi siya makakauwi kung ganoon ang mangyayari.
Naglakas-loob na siyang gumawa ng ingay. Wala na siyang pakialam kung sino man ang makarinig ngunit hinihiling niyang mabuting tao sana ang makatugon sa pagsigaw niya.
“M-may tao ba riyan?”
Nanlaki ang mga mata niya nang marinig niya ang isang boses ng lalaki.
Please, sana’y tulong na ito.
“T-tulong…nakikiusap ako. Tulungan mo ako,” pagmamakaawa niya habang patuloy sa pagpupumiglas. Gumawa pa siya ng ingay gamit ang mga paang nakatali upang malaman na naroon siya.
Mayamaya pa’y narinig niya na ang tunog ng binuksang switch.
MAGKAHALONG pagtataka at takot ang naramdaman ni Melvin nang buksan niya ang ilaw. Isang lalaking nakagapos ang bumungad sa kanya nang lumiwanag ang paligid. Araw-araw siyang dumaraan sa eskinitang iyon pero ngayon lang siya nakatunghay ng ganitong pangyayari.
“Diyos ko…”
Dali-dali niya itong tinulungan gamit ang mga laman ng tool box na palagi niyang dala. Una niyang tinanggal ang supot na nasa leeg nito nakakabit upang makalanghap na ng hangin ang lalaki. Napakarami niyang katanungan na nasa isip habang kinakalagan ito. Sana’y masagot iyong lahat nito.
Kinuha niya ang kutsilyo at pinutol ang tali sa mga kamay nito. Habang ginagawa niya ang pagkalag sa mga taling nasa tiyan at paa, ang lalaki na mismo ang sumira sa kung ano man ang ibinalot sa ulo nito.
Narinig niya ang paghinga nito nang malalim. Matapos niyang tanggalin ang lahat ng sipi ay inilagay niya ang kutsilyo sa tool box at pinagmasdan ito na nakahawak sa dibdib.
“M-maraming salamat sa ‘yo,” habol-hininga nitong sabi.
Naliligo sa pawis ang lalaking iyon. Nagmarka pa ang higpit ng pagkakatali sa palapulsuhan nito.
“Ano ang nangyari sa ‘yo? Bakit ka napadpad sa lugar na ‘to?” sunod-sunod na tanong niya.
Alam niyang may kaya ito sa buhay dahil sa suot nitong damit pang-opisina. Mabilis siyang makabasa ng tao kaya alam niyang magkaiba ang estado ng pamumuhay nilang dalawa.
“T-tulungan mo na muna akong makaalis dito. May…” Napalunok ito. “…may mga lalaking dumukot sa akin kanina. Hindi ko sila kilala. Bigla na lang nila akong nilagyan ng panyo sa ilong tapos…ganito na. Nakikiusap ako. Ibibigay ko ang lahat ng mayroon ako basta tulungan mo akong makaalis sa lugar na ito—“
Pareho silang napaigtad sa gulat nang marinig nila ang sunod-sunod na putok ng baril sa hindi kalayuan. Agad na inakay ito ni Melvin patayo at kahit na iika-ika pa ito sa paglalakad, mabilis silang nakalabas sa mahaba at masikip na eskinitang iyon.
Paglabas nila ay bumungad sa kanila ang isang kalsada na napakaraming tao sa paligid. Paniguradong hindi siila masusundan ng mga ito kung sakali man dahil sa dami ng taong naroon at pulis sa paligid, mahuhuli agad ang mga iyon.
Napakaingay dahil sa mga busina ng jeep, kotse, at mga truck. Napalingon ang lalaki sa paligid at naghahanap ng orasan. Mabuti na lamang at nakita niyang may maliit na wall clock sa paradahan ng tricycle. Alas sais y media na ng gabi. Napailing siya at bumuntong-hininga.
“P-pasensya ka na at pabigat ako sa ‘yo. Alam kong mabigat ‘yang bakal na tool box na hawak mo tapos akay-akay mo pa ako.”
“Ayos lang ako,” tugon niya. “Saan ka ba nakatira at ihahatid na kita bago pa ako umuwi?”
Tinanggal ng lalaki ang pagkakaakbay sa kanya at kinapkap ang magkabilang bulsa nito na tila ba may hinahanap.
“W-wala ang cellphone ko…” Muli pa nitong inispeksyon ang mga bulsa upang tingnan ngunit wala talaga.
“H-hindi ako ang kumuha.”
“Alam ko ‘yon. Baka ‘yong mga dumakip sa akin kanina.”
Nanghihinayang siya sa cellphone na ‘yon dahil iyon ang pinakaunang regalo sa kanya ng asawa magmula noong mag-10th wedding anniversary sila.
“Malapit lang ba ang bahay mo rito?” tanong sa kanya ng lalaki.
“Kung magta-tricycle tayo, malapit lang. Pero kung lalakarin natin, baka abutin tayo ng thirty minutes.”
Tumango ang lalaki. “Pwede bang tumuloy ako sa inyo kahit na saglit lang? Makikiinom lang ako ng tubig.”
Hindi nagdalawang-isip si Melvin na tumango. “Sige. Halika at sumakay na tayo ng tricycle.”
Tinulungan niya itong makapasok sa loob at saka siya naupo sa tabi nito.
“Sa La Constancia tayo,” sabi niya sa driver.
Tahimik silang dalawa habang nasa byahe. Ramdam na ramdam niya ang pagod sa isang buong araw niyang pagtatrabaho bilang isang construction worker. Pag-uwi niya sa bahay ay magsasaing pa siya at gagawa ng gawaing-bahay dahil may sakit ang asawa niyang si Lilian.
Katulad ng mga mahihirap, napakarami niyang suliranin sa pamilya. Isa na roon ang terminal cancer ng asawa. Hinihintay na lang talaga nila ang taning ng buhay nito na siyang kinasasama ng loob niya. Dalawang anak ang maiiwan sa kanya ng ginang kung sakali man at hindi niya alam kung paano mag-aalaga sa mga ito habang nagtatrabaho.
Napabuga siya ng hangin. Napakarami niya pang utang dahil sa pabalik-balik nila sa ospital kapag nakakaramdam ng matinding sakit si Lilian. Nahihiya talaga siyang patuluyin ang lalaking ito sa kanilang tahanan dahil alam niyang hindi nito magugustuhan ang makikita.
Matapos ang ilang minuto ay kinalabit niya ang driver upang sabihing huminto na. Pagbaba niya ay iaabot na sana niya ang bayad ngunit nauna nang nagbayad ang lalaki ng isangdaan.
“Keep the change, Kuya,” sabi nito bago lumabas.
“Pagpasensyahan mo na ‘yong bahay namin, ha?”
“Hindi ‘yan problema sa akin.”
“Halika, pasok.”
Pagbukas ni Melvin ng pinto ay nakahiga sa kamang gawa sa kahoy ang asawa niyang kasalukuyan pang natutulog. Sa may ulunan nito nakalagay ang crib kung saan naroon ang bunso niyang anak na si Rainier.
“Sunny!” tawag niya nang hindi makita ang panganay na anak sa paligid.
“Maupo ka. Pasensya na at puro kahoy ang gamit namin pero matibay naman ‘yan. Kayang-kaya ka.”
Ngumiti ang lalaki at saka naupo.
“Siya nga pala, ako si Alexis.” Inilahad nito ang kamay sa kanya.
“Melvin. Melvin Gallardo.” Nakipagkamay siya sa lalaki.