Kabanata 34

Bernard POV

Napakaganda.

Iyon ang unang salita na naisip ko nang tumanaw ako sa ibaba ng school ground. Tinuturo nina Gary at Arnel ang dalawang babae na nakaupo roon. Napakunot pa ang noo ko nang makilala ang isa sa mga iyon. Ang babaeng binigyan ko ng panyo kanina. Pero, hindi sa kaniya natuon ang atensyon ko kundi sa kasama nito. Laura. Katulad nito ay napakaganda din ng pangalan nito.

"Bernard, bakit mo ako hihiwalayan?"

Binalingan ko kaagad si Lani, ang pinakabago kong nobya. Nakahiga ito sa kama habang nakabalot ng kumot ang hubad na katawan nito. Kakatapos lang naming magpalabas ng init sa katawan nang sabihin ko dito ang talagang gusto ko.

"Hindi nga kita, mahal! Pasensya ka na. Alam mo naman na hindi ako seryoso sa'yo, di ba?!" may halong inis na sagot ko sa tanong nito.

Napaiyak ito sa sinabi ko. Nakita ko pa ang pag-alog ng balikat nito habang impit na umiiyak. Sinabunutan ko ang sarili dahil doon pero, wala akong ginawa para aluin ito. Desidido na akong makipagkalas.

Hindi ko naman kasi maintindihan ang sarili ko. Sa loob ng dalawang taon pakiramdam ko hindi na ako masaya sa dati kong nakasanayang buhay. Pilyo ako pagdating sa mga babae pero, pakiramdam ko hindi na sapat. Nakakasawa. Kulang na mula nang masilayan ko ang mukha ni Laura.

"Ang gaganda talaga ng Senior High, ngayon. Di ba, classmate ng kapatid mo si Sofia?" tanong ni Arnel.

Tumango ako sa tanong nito. Wala naman kasi sa usapan nila ang isip ko kundi kung paano ko lalapitan si Laura. Tandang-tanda ko pa ang sinabi ni Andrew sa akin. Ligawan at lapitan.

Ginawa ko ang sinabi nito. Nilapitan ko si Laura pero irap at ismid ang lagi kong nakukuha mula dito. Kapag kinakausap ko rin ito ay palaging nakataas ang kilay. Minsan pa nang bigyan ko ito ng bulaklak ay itinapon pa niya iyon sa aking mukha. Napakatapang ni Laura kaya gusto ko siya.

"Ano 'yan?!" bungad kaagad nito sa akin. Nakakunot pa ang noo nito habang may titig na pailalim.

Pero, kapag uurong ako ngayon, paano ko pa mapapatunayan sa kaniya na seryoso ako? Na gusto ko siya. Hindi ako sanay manligaw pero para kay Laura, gagawin ko. Susubukan ko.

"Chocolates para sa'yo," nahihiyang sabi ko dito.

College na ako habang grade twelve naman si Laura. Araw-araw inaabangan ko siya sa pasilyo para lang makausap at maibigay ang regalo ko. Kahit na laging supalpal ay ayos lang sa akin. Ang importante, ginawa ko.

Hindi ako tumigil sa pagsuyo kay Laura. Tinigil ko rin ang hilig ko sa babae at nagseryoso ako para makuha siya, at hindi naman ako nabigo. Sinagot ako ni Laura pagkatapos ng dalawang taon nang panliligaw ko sa kaniya.

"Sir, sandali lang po. May taping pa si ma'am." iyon kaagad ang bungad sa akin ng kaniyang P. A.

Tumango ako sa sinabi nito. Umupo din ako sa bakanteng silya na nasa gilid ng tent ni Laura. Galing pa akong San Vicente at sinamahan si Papa para sa pangangampanya. Tatakbo akong Mayor ayon na rin sa kagustuhan nito.

Ang totoo, mas mahal ko ang lupa kaysa pulitika. Pero, dahil kagustuhan ni Papa ay sinunod ko ang gusto nito. Ayaw ko nang magulong buhay dahil alam ko na ang pakiramdam dahil kay Papa. Desidido akong si Laura ang magiging kasama ko habambuhay at gusto kong ibigay dito ang isang pamilya na nararapat para dito.

"Sinundo mo pa talaga ako. Eh, mukhang pagod na pagod ka,"

Napangiti kaagad ako nang marinig ang boses na iyon. Para itong anghel na pinalis lahat ng pagod ko sa katawan. Parang musika na dinuduyan ang aking pakiramdam. Ang boses ni Laura ang isa sa minahal ko sa kaniya.

Mas lalo pa akong napangiti nang yakapin ako nito mula sa likuran. Kapag naglalambing si Laura sa akin ng ganito ay sobrang tuwa ang naramdaman ko. Hindi ko lubos maisip na ang dating matapang at palaban na babaeng inaayawan ako, ay magiging malambing na tulad nito.

"Pagod ako pero, mas mahal kita." Nakangiting saad ko.

"Tseh! H'wag mo nga akong binobola,"

Natawa ako sa sinabi nito. Iginaya ko rin si Laura paharap sa akin. Umupo ito sa kandungan ko at niyakap ako ng mahigpit.

"Mahal kita," bulong ko.

Hindi na ako makapaghintay na dumating ang araw na ayain si Laura na magpakasal. Na tuluyan itong maging akin at ipagsigawan sa mundo. Ang mayakap ito ng mahigpit mula sa umaga at gabi hanggang sa aming pagtanda.

"Ano ba 'yang ginagawa mo. Tumayo ka nga!"

Hinampas ni Laura ang aking braso pero hindi ko ininda. Kakapasok pa lang namin sa bahay nila nang bigla akong lumuhod sa harapan nito. Saksi ang hardin at mga bulaklak sa aking pagmamahal kay Laura. Saksi ang langit at mga bituin sa napaka-espesyal na araw ng buhay ko.

"Bernard!" tanging nasabi nito ng kunin ko ang isang itim na kaheta mula sa bulsa ng aking jacket na maong. Natutop din nito ang bibig sa gulat at nagbago ang ekspresyon sa mukha. Ang kaninang nakangiti ay unti-unting nababahiran ng luha.

"Mahal kita, Laura. Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko. Hindi ko alam kong kaya ko pang maghintay ng matagal." wika ko dito. Nanatili akong nakatingala para makita niyang seryoso ako. "Pakakasalan mo ba ako, Laura? Pakakasal ka ba sa akin?"

Nang tumango ito bilang tugon ay nagliwanag ang aking buong pakigid. Mabilis akong tumayo at yumakap dito habang hinawakan ko rin ang kamay nito para isuot ang singsing. Nang tuluyan ko itong magawa ay itinaas ko ang kamay ni Laura at tinitigan.

"Bagay na bagay sa'yo, Mrs. Laura Guerrero." masayang bigkas ko habang masuyong hinalikan ang labi nito.

Napakasaya ko habang hinihintay ang araw ng aming kasal. Dobleng saya pa ang nangyari nang manalo si Laura bilang Best Actress ng MMFF. Akala ko kompleto na ang buhay ko ngunit, mas naging kompleto iyon nang manalo din ako bilang Mayor ng San Vicente.

Kasabay ng unti-unting pagkabuo ng pangarap ko kasama si Laura ay ang mga hindi inaasahang kaalitan sa pulitika. Ang mga hindi sang-ayon sa pamamalakad ko at ang mga ilegal na gawain na nabubuwag dahil sa akin.

"Mayor Guerrero,"

"Sino to?" nagtatakang tanong ko dito.

"Relax ka lang, Mayor. Gusto lang kitang surpresahin." wika pa nito sa kabilang linya. "Naririnig mo ba, Mayor ang iyak ng nobya mo?!"

Hindi ko maintindihan ang sinasabi nito pero nang banggitin nito si Laura ay naalarma ako. Lalo na nang narinig ko ang mga maliliit na hikbi mula sa kabilang linya. Agad akong kinabahan sa maaring mangyari kung totoo ngang si Laura iyon. Nagsimulang mamawis ang noo ko at tumambol ang puso ko sa kaba.

"Palabasin mo lang ang kargo namin mula sa San Vicente at umanos na tayo." wika nito bago pinatay ang tawag.

Tinawagan ko si Laura pagkatapos noon at nakahinga nang maluwag dahil maayos ito. Ngunit, nagimbal ang pagkatao ko nang makita sa cellphone ang litrato ng kasama nitong babae. Si Lara, ang kakambal ng mapapangasawa ko.

Sinisi ko ang sarili sa nangyari kay Lara, maging sa naging epekto ng pangyayari dito. Ang takot na laging nasa mukha nito kapag napapalapit ito sa ibang lalaki. At ang pagbabago sa ugali nito. Gusto ko itong ipagamot pero umayaw ito. Sinisi ko rin ang sarili dahil sa paglilihim kay Laura sa nangyari. At nangakong, tutulungan na lamang si Lara sa kahit anong paraan lalo na nang magbuntis ito.

Ngunit, sumubra yata ako sa pagtulong kay Lara. Na kahit hindi importante ay tinatawagan ako nito. Na kahit mag-asawa na kami ni Laura ay lagi itong nakasunod sa akin. Naiinis ako minsan ngunit, wala akong magawa. Nakokonsensya pa rin ako sa nangyari.

"Niloloko mo ba ako, Lara? Ang sabi mo nagdedeliryo ang anak mo at kailangan ma-ospital. Hindi ko sinipot si Laura, dahil sa'yo! Umayos ka nga!" sigaw ko dito. Kararating ko lang sa apartment nito galing sa munisipyo. Tinawagan ako ni Laura para sabihing may sakit ang anak nito ngunit, nadatnan ko lang itong prenteng nakaupo sa sala at nanonood ng telebisyon.

Ibinigay ko ang apartment na ito para kay Lara. Maging ang bahay nito sa may kalapit na bayan ng San Vicente ay pagmamay-ari ko. Marami akong bagay na ibinigay bilang suporta dito at sa anak nito. Minsan pati ang oras ko kay Laura ay nababawasan dahil sa mag-ina.

"Bakit ka ba nagagalit sa akin, Bernard? Nakalimutan mo na ba nang dahil sa inyo binaboy ako? Gusto mong magpakamatay na lang ako?" wika nito.

Mas lalo akong nakonsensya dahil sa sinabi nito. Napabuntong-hininga na lamang akong tumango at naupo sa bakanteng upuan kaharap ito. Gusto kong saktan ang sarili dahil sa nangyayari lalo na ang maglihim kay Laura nang napakatagal na panahon.

"Pasensya ka na. Nakakainis ka lang kasi minsan." bulong ko.

Hindi ko alam kung ano ang nangyari pagkatapos kung inumin ang juice na ibinigay ni Lara sa akin. Ang tanging malinaw lang sa akin ay nakatulog ako sa kwarto nito.

Hindi ko alam ang gagawin dahil sa nangyari. Umuwi ako sa bahay na malalim ang iniisip. Sumasakit ang ulo ko sa mga bagay-bagay. Ang pagsisinungaling ko kay Laura kung saan ako nanggaling at ang marami pang dahilan nang pagpapanggap.

Nagsinungaling ako kay Laura dahil takot akong malaman nito na ako ang dahilan ng pagiging miserable ng kapatid nito. Higit sa lahat, takot akong baka kapag sinabi ko kay Laura ang totoo ay iiwan niya ako.

"Kailan pa?" tanong ni Laura sa akin nang minsang pumunta ito sa opisina at nadatnan kami ni Lara na masayang nag-uusap.

"Honey, kung anu-anong pinagsasabi mo? Ang mabuti pa umuwi ka na lang muna," wika ko dito.

Habang nakikita ako ang mga mata nito na may lungkot ay dobleng sakit ang nararamdaman ko. Bakit ba kasi hindi ko kayang sabihin kay Laura ang totoo? Bakit ba kasi ako natatakot?

Hindi ko alam ang sagot sa mga katanungan ko. Mula nang mangyari ang tagpong iyon ay nanlamig na ang pakikitungo niya sa akin. Madalas na rin kaming mag-away at kung minsan ay hahantong kami sa sakitan. Nagsimula rin akong maglasing hanggang sa iniwan ko ito upang makapag-isip.

Napakaduwag ko. Hindi ko kayang harapin ang sakit sa mga mata ni Laura kapag tinitingnan ko ito. Hindi ko kayang sabihin dito na dahil sa akin nagkasakit ang kapatid nito. Hindi ko kaya dahil isa akong duwag.

Ngunit, may mga lihim na hindi nagtatagal. May mga lihim na naghihintay lamang ng tamang panahon upang mabunyag. Gulong-gulo ako nang sundan ko si Laura patungo sa aming mansion. Umiiyak itong nakaluhod habang kaharap ang aming ama.

"Gusto ko na pong makipaghiwalay kay Bernard, Papa. Hindi ko na po kaya,"

Pakiramdam ko sa sandaling iyon ng buhay ko, isa akong walang kwentang tao. Nagawa kong masinungaling para pagtakpan ang sarili. Nagawa kong saktan at paiyakin si Laura na pinangakuan ko nang purong pagmamahal. At higit sa lahat, nagawa kong patayin ang walang kamuwang-muwang kong anak.

Ni hindi ko man lamang ito nahawakan. Ni hindi ko man lang naiparamdam dito na mahal ko ito. Pinagkaitan ko na kaagad ito ng pagkakataon. Bagay na mas lalong ikinagalit ni Laura sa akin at iwan ako ng tuluyan.

"Laura, mahal kita." nagsusumamong sambit ko.

Ilang beses ko nang nasabi kay Laura kung gaano ko siya kamahal mula nang iwan niya ako at nagbalik siya sa showbiz. Ilang beses na rin akong pabalik-balik para siyuin ito, at kung minsan pa ay naaabutan ng antok sa labas ng apartment nito. Ngunit, sadyang matigas si Laura. Tumigas ang puso niya dahil sa mga kasinungalingan ko. Naging masyadong matigas ang puso ni Laura, na nakuha nitong hilingin sa akin na makipaghiwalay.

Sobrang sakit para sa akin nang ipakita sa akin ni Attorney Montreal ang papeles na maghihiwalay sa amin ni Laura ng tuluyan. Pinirmahan ko ito nang may mabigat sa dibdib baon ang pangakong susuyuin ko ulit ang aking asawa.

Si Laura lang ang tanging tama sa lahat ng desisyon na ginawa ko sa buhay. Siya lang ang taong nagpapalakas ng loob ko kapag nahihirapan ako ngunit, iniwan niya pa rin ako.

Paano ko tatanggapin na ang bumuo ng buhay ko ay siya din palang wawasak nito?

Masakit. Pero, wala akong magagawa. Lungkot, pag-iisa at pangungulila ang tiniis ko sa loob ng dalawang taon mula nang iwan ako ni Laura. Sinisi ko ang sarili dahil sa nangyari at nangakong babawi ako. Babawi ako sa pagbabalik ng asawa ko.

Wala akong alam sa kasunduan nina Papa at Laura. Nagulat na lamang ako nang magkita-kita kami sa Manila Pen. Inilahad ni Papa ang plano habang ako naman ay kay Laura lamang ang buong atensyon. Alam kong hindi nito gustonang gagawin. Kitang-kita ko iyon sa mga mata nito, na lalong nagpawasak sa aking damdamin. Hanggang doon na lamang ba? Tuluyan na ba akong nakalimutan ni Laura?

"Kapag umiiyak ka, dobleng sakit ang nararamdaman ko."

"Bakit ba lagi mong sinasabi sa akin 'yan, Bernard?"

Napakasakit isipin na ang dating mga salita na gustong-gusto ni Laura na marinig ay kinamumuhian na nito. Napakasakit isipin na mas pinili ni Laura na magpakabasa sa ulan kaysa ang makasama ako. Mas gusto niyang pahirapan ang sarili kaysa ang maniwala sa akin. Doon ko napagtanto na, wala na nga talaga. Kinalimutan na ako ni Laura.

Ngunit, kahit kinalimutan na ako ni Laura gusto ko pa rin na alagaan siya. Ang iparamdam sa kaniya na hindi nagbago ang pagmamahal ko sa kaniya. Na mula noon, siya pa rin ang tanging babae sa buhay ko.

"Ikaw ba ang ama nang anak ni Lara?"

Nagulat ako sa tanong ni Laura pero hindi ako nagpahalata. Basa kami dahil sa malakas na ulan at sa dating bahay na namin kami tumuloy. Parang kailan lang nang mapuno ang aming bahay ng halakhak at ingay namin ni Laura. Dito kami bumuo ng pangarap nang magkasama. Ibang-iba na sa dati ang hitsura nito.

"Oo-"

"Sinungaling!"

Hindi ko alam kung saan nalaman ni Laura ang lahat. Marahil sinabi ni Lara o ng Nanay nito. Siguro tamang panahon na rin para sa lahat. Habang umiiyak ito sa harapan ko ay nakaya kong sabihin dito ang mga bagay na matagal kong tinago. Ang mga sekretong matagal kong binaon.

"Ganiyan ka ba magmahal, Bernard? Kaya mo akong saktan,"

Damang-dama ko sa bawat salita ni Laura ang hinanakit. Natanong ko rin ang sarili kung ganoon nga ba ako magmahal? Na kaya kong mawala si Laura sa piling ko. Na kaya kong saktan ito.

Kasabay ng mga maiinit na halik ko kay Laura ay ang pangako ko sa sarili. Kasabay ng mga patak ng ulan ay ang mga damdamin na matagal kong kinimkim at itinago. Binuhos ko lahat sa aming maiinit na sandali ang pangungulila at pagmamahal.

Ang nangyari sa amin ni Laura ay masasabi kong napakaespesyal. Ito ang naging daan upang magbukas ang aming natutulog na damdamin. Naging paraan para matulungan na maghilom ang aming mga puso.

Bagong pagkakataon para sa amin. Bagong pag-ibig na pinatatag nang nakalipas na panahon. Bagong pag-asa at panibagong umaga. Si Laura at ako pa rin kahit kailan.

"Hintayin mo ako pagkatapos ng eleksyon. Papakasalan kita, Laura."

"Maghihintay ako, Bernard."

Parang musika sa aking pandinig ang naging sagot nito. Nakaupo ako sa aking opisina at pauwi na nang naisipan kong tawagan ito. Napangiti ako, pagkatapos. Hindi na ako makapaghintay na dumating ang araw na iyon. Gusto ko nang hilahin ang araw at puntahan si Laura sa Maynila.

Pagkatapos ng tawag ay isinandal ko ang aking likod sa upuan. Ilang sandali akong tahimik at nakatingala sa kisame nang pumasok si Lara sa aking opisina. Nakangiti ito at tila ba masayang-masaya.

Inimbitahan ako ni Lara na kumain sa labas. Kahit napipilitan ay sumang-ayon pa rin ako. Magana ito sa lahat ng ikonikilos nito kaya naging panatag ako. Sinamahan ko ito sa lahat ng gusto nitong puntahan bago inayang umuwi.

"Bernard, hindi mo ba talaga ako mamahalin?" tanong nito kapagkuwan habang lulan kami ng sasakyan.

"Lara... Babalik na naman ba tayo, d'yan? Akala ko ba, ayos na sa'yo ang lahat." mahinang sambit ko. Napamura pa ako nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Gabi na kaya madilim ang daan. Nagsisi tuloy ako kung bakit pa ako pumayag na samahan si Lara para mamili sa bayan.

"Hindi mo kasi sinasagot ng maayos ang tanong ko! Iniwan ka na ni Laura noon, Bernard! Huwag kang tanga!"

"Tigilan mo 'yan, Lara!" babala ko dito. Saktong may tumawag sa akin kaya sinagot ko ito kaagad. Nagimbal ang buong sistema ko sa narinig na balita. Hindi ko lubos maisip na magagawa iyon ng kapatid ko. Nagbaril ito sa sarili sa pamamahay ng mga Vergara.

Dali-dali kong tinapakan ang preno ng sasakyan para kumambyo pabalik. Napakadilim ng daan dahil sa ulan pero hindi ko ininda. Gusto kong puntahan si Aria. Gusto kong makita ang kapatid ko. Hindi ko matanggap. Napakabata pa nito.

"Bernard!"

Isang sigaw ang nagpabalik sa akin sa kasalukuyan. Huli na nang mapagtanto ko kung ano ang maaaring mangyari. Kahit anong pigil ko sa sasakyan ay tuloy-tuloy pa rin ang takbo nito palapit sa isang napakaingay na truck.

Nakangingilong ingay ang aking naririnig. Napakasakit ng buo kong pakiramdam. Kinapa ko rin ang sarili habang paunti-unting binubuksan ang aking mga mata. Dugo. Maraming dugo sa aking mga kamay. Maging ang aking katabi na si Lara ay ganoon din habang nakaipit ang kamay sa dashboard ng sasakyan.

"Lara," paos ang boses na tawag ko dito. Pinilit kong lapitan si Lara at hawakan ito ngunit, hindi ko nagawa nang maramdaman kong unti-unting gumagalaw ang aking sasakyan. Pakiramdam ko nahuhulog ito sa isang masukal na bangin.

Parang paulit-ulit na niyuyupi ang aking katawan dahil sa sakit. Isang napakasakit na pakitamdam. Pakiramdam na paunti-unting nawawala ang aking ulirat pero kailangan kong manatiling gising.

Para kay Laura. Para sa kasal namin. Para sa aming bagong pamilya. Ngunit, gaano ko man pilitin ang sarili ito na mismo ang kusang namamanhid. Ito na mismo ang kusang tumigil sa pagtibok.

Hanggang dito na lang ba? Dito na ba magtatapos ang lahat?

Isang luha ang umalpas mula sa aking mga mata. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa aking labi habang inaalala ko ang mga panahon na magkasama kami ni Laura. Ang ngiti nito. Mga halakhak at ang malulutong na tawa. Hanggang alaala na lang.

Kung mamamatay man ako ngayon, hinding-hindi ako magsisisi na sa ikalawang pagkakataon, sumugal ako para sa pag-ibig ko kay Laura.

Si Laura. Siya lang ang babaeng uuwian ko. Ang tanging babaeng mamahalin ko.