WAKAS

Laura POV

San Vicente mourns for Guerrero's death

Mayor Bernard Guerrero died in a car crash

Hinaplos ko ang mga kataga na nakasulat sa isang lumang diyaryo. Pagkatapos ng ilang sandali ay napabuntong-hininga ako. Isinandal ko rin ang aking likuran sa kahoy na upuan habang tahimik na pinagmamasdan ang karagatan.

Napakalawak nito at tila ba napakapayapa. Ang asul na tubig na humahalik sa mapusyaw na kalangitan ay napakagandang pagmasdan. Ang liwanag na nagmumula sa araw na tila nagdudulot ng bagong pag-asa sa sinuman ay nakakabighani kong titingnan. Tila ito isang obra na sadyang nilikha para sa nais makahanap ng katiwasayan.

"Ano pong nangyari sa prinsipe? Nasaan na po, siya?"

Isang maliit na boses ang umagaw sa aking nagliliwaliw na isip. Itinagilid ko ang aking ulo at tiningnan ito sa aking tabi. Naglalaro ito ng buhangin habang ang mga malilit na binti ay walang pakialam na nakasayad doon.

Parang dinuduyan ang puso ko kapag nakikita ito at napagmamasdan. Ang maliit at matangos na ilong. Ang hugis bilog na mga mata. Ang labi na pulam-pula at ang kulay ng balat. Hindi maikakaila na isa itong repleka nang taong aking pinakamamahal. Bunga ng aming pag-ibig na wagas at totoo.

"Mama," tila naiinis na ulit nito. Nakataas ang mukha nitong nakatingin sa akin habang may nakakunot na noo.

Mas lalo akong napangiti dahil sa nakita. Binitiwan ko rin ang hawak na diyaryo at dinala ko ang aking kamay sa maliit na mukha nito. Hinaplos ko iyon ng may pagmamahal at pag-iingat habang unti-unting ibinubuka ang bibig upang sagutin ang tanong nito.

"Nandito lang kung saan ang prinsesa. Nakasunod palagi, anak," malumanay na sagot ko dito.

"Bakit hindi ko nakikita? Nasaan na, Mama?" naguguluhang tanong ulit nito.

Napabuntong-hininga ako. "Ikaw ang prinsipe, Bernard. Para sa akin... Ikaw ang prinsipe. Naiintindihan mo ba?"

Tumango ito sa aking sinabi habang ang mga mata ay puno ng kainosentehan. Napangiti ito pagkatapos at tumayo. Nilapitan ako nito sabay kumandong sa aking harapan. Niyakap ako ng mahigpit at hinalikan sa mukha.

"Mahal kita, Mama," mahinang bulong nito.

Napangiti ako sa sinabi nito. Ilang sandali itong nanatili sa aking kandungan bago nagdesisyong umalis. Hinayaan ko ito sa gusto nitong gawin at sinundan na lamang ng tingin. Nakapag-isip-isip din ako sa sinabi nito. Nasaan nga ba ang prinsipe?

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Hindi ko rin alam kung paano ko ba sasabihin. Anim na taon na rin ang nakalipas simula nang nangyari ang lahat. Mga panahon kung saan puno ng sakit at pagkadurog ang aking puso.

"Laura, si Bernard..."

Halos hindi ko na marinig ang iba pang sinabi sa akin ni Andrew ng mga panahong iyon. Hilam sa luha ang aking mga mata habang nanunuot sa aking puso ang isang walang kapantay na sakit. Bakit ba kasi sobrang mapaglaro ng tadhan para sa amin ni Bernard? Bakit kapag gusto naming maging masaya nagiging napakailap nito para sa amin?

Nang araw din na iyon ay umalis ako ng Maynila at umuwi ng San Vicente. Hindi ko na hinintay na ihatid pa ako ni Olive. Ni hindi na rin ako kumain o kinuha ang bag sa bahay nito. Dumiretso kaagad ako sa sakayan ng bus papuntang lalawigan.

"Hija... Ang anak ko," iyon kaagad ang bumungad sa akin ng mama ni Bernard, nang makarating ako sa hospital. Punum-puno ng luha ang mga mata nito habang halatang pagod.

Niyakap ko ang ina ni Bernard ng mahigpit. Maging ako ay pagod din dahil sa byahe ngunit, hindi ko ininda. Gutom rin ako ngunit, hindi ko alintana. Mas importante sa akin ang kalagayan nina Bernard at ang kapatid nito.

Hindi ko lubos maisip na magagawang magbaril ni Aria sa sarili. Alam kong may ugali ito ngunit, hindi ko kailanman inisip na magagawa nitong magpakamatay para sa taong minamahal. Napakasakit kung iisipin para sa isang ina na nagmamahal para sa anak. Hindi makatarungan. Hindi katanggap-tanggap.

Ngunit, ano nga ba ang alam ko? Katulad ko ay nagmamahal din ito. Iba-iba nga lamang kami ng paraan kung paano dadalhin ang sariling sakit. Iba-iba ng paraan para makabangon mula sa pagkalugmok.

"S-Si B-Bernard po?" pautal-utal na anas ko.

Halos hindi ko magawang ibuka ang aking bibig para sa tanong na iyon. Naninikip din ang dibdib ko dahil sa nararamdaman. Hanggang ngayon hindi ko kayang tanggapin ang mga nangyari. Hindi ko kayang paniwalaan ang lahat.

"Bakit ka pa nagpunta dito?! Wala kang kwenta! Pinatay mo ang kapatid mo!"

Natigilan ako nang marinig ko ang boses ni Nanay sa aking likuran. Hindi pa man ako nakakalingon sa kinaroroonan nito ay isang sampal na ang natanggap ko mula rito. Nang makahuma ako sa ginawa ni Nanay ay binalingan ko kaagad ito.

Mas lalong nadurog ang puso ko nang makita ko ang hitsura nito. Sabog ang buhok habang mugto ang mga mata. Mas lalo kong naramdaman ang awa mula dito nang humagulgol ito ng iyak habang napaupo sa sahig ng hospital.

Nadudurog ang puso ko habang nakikita si Nanay sa ganoong estado. Tila ito nawalan na ng pag-asa at pasan ang lahat ng pasakit sa buhay. Pumapalahaw ng iyak kahit pa may mga taong dumadaan at nakatingin dito.

Si Nanay at ang aking byanan. Iba-iba din ang paraan ng pagpapakita ng mga ito sa nararamdamang pangungulila. Iba-iba ang paraan ng pagpaparamdam sa sakit na dulot ng pagkawalay sa anak. Ngunit, iba man ang paraan ng mga ito. Iisa pa rin ang damdamin na nakapaloob doon. Pagmamahal.

Hindi ko alam kung paano ko tinanggap ang katotohanan na wala na ang aking kakambal. Hindi ko alam kung paano ko nakayanan ang patuloy na umalalay kay Nanay sa kabila nang paulit-ulit na pagtataboy nito. Hindi ko alam kung paano ko natiis ang galit nito sa akin dahil sa nangyari kay Lara.

Tinanggap ko na lang.

"Umuwi ka na, Laura. Hindi kita kailangan!"

"Nay! Hayaan niyo naman po akong iparamdam sa inyo na hindi kayo nag-iisa. Hayaan niyo po sana akong yakapin kayo," mahinang anas ko kay Nanay.

Gusto kong ipakita kay Nanay na hindi siya nag-iisa. Na nandito pa rin ako. Na may anak pa siya maliban kay Lara. Na matagal ng naghahanap ng atensyon at kalinga nito. Na matagal ng nasasaktan.

"Mahal na mahal kita, Nanay." tanging nasabi ko na lamang.

Kakatapos lamang ng libing ni Lara. Wala nang sinuman ang nasa bahay. Lahat ng nakiramay at nakisimpatya ay umuwi na sa kani-kanilang tahanan. Nanatili ako dahil pakiramdam ko, kailangan ako ni Nanay. Ngunit, katulad ng dati mahilig pa rin itong ipagtabuyan ako.

Marahil may mga bagay na hindi para sa akin. May mga bagay na pinahiram lang para kunin. May mga taong darating para baguhin ang takbo ng iyong buhay. Ngunit, mas madalas ay para lumikha ng isang alaala na maari mong baunin sa hinaharap.

"Mama, laro po ako dito."

Natigil ang pagbabalik tanaw ko dahil sa sinabi ng aking anak. Tiningnan ko ito na patuloy pa rin sa paglalaro ng buhangin. Hubad ang maliit nitong katawan habang gumagawa ng kastilyong buhangin. Napapangiti na lamang ako kapag sisirain nito ang nagawa at magtatayong muli.

Sa ganitong pagkakataon at sa ganitong katahimikan, madalas kong isipin ang nakaraan. Madalas kong alalahanin ang mga pangyayari na nagdulot sa akin ng sakit. Ngunit, siya ding nagbigay sa akin ng bagong pag-asa.

Si Bernard. Siya ang tanging dahilan para patuloy akong makipaglaban sa hamon ng buhay. Siya ang bagong sibol ng katatagan para sa akin. Kung dati ay puro sakit at pait ang aking pakiramdam, nagbago ito ng dahil sa aking anghel. Naniniwala ako na ang pagtatapos ng isang unos ay ang pagsibol ng isang napakaliwanag na bahaghari.

"Kailan po dadalaw si Tito Andrew, Mama?" tanong nito.

"Matagal pa. Bakit? Miss mo na?" Nakangiting tanong ko dito.

"Opo! At saka, si Gummy Bear."

Napangiti ako sa sinabi nito. Naaalala ko na naman ang sandaling tuluyan akong binitiwan ni Andrew. Sinong mag-aakala na ang babaeng karapat-dapat nitong mahalin ay nasa hacienda lamang. Kontento na lang sa tingin habang naghihintay kung kailan mapapansin.

Mapaglaro ang tadhana. Sa sobrang daya nito hindi mo alam kung saan susugal. Kung kanino magtitiwala. Kung kailan ibibigay ang pagkakataon, at kung hanggang saan ang kaya mong ipaglaban. Kung kakapit ka pa ba o bibitaw na lang.

"Hay, naku! Laura. Bakit ba palagi mong gustong kumain ng hapunan dito sa tabing dagat. Nakakainis ka talagang bata ka!"

Ngunit, kahit gaano man katigas ang isang bagay. Napapalambot pa rin ito ng isang tunay at dalisay na pagmamahal. Isang mainit na damdamin na unti-unting tumutupok sa tila pader na yelo na bumabalot sa natutulog na pakiramdam. Pagmamahal na marunong maghintay kahit gaano katagal.

"Nanay, naman. Minsan lang naman po," Nakangiting sagot ko dito bago ito binalingan.

Nakita ko kaagad si John na hawak-hawak nito sa kamay. Ang lalaking bersyon ni Lara, na parang anak ko na rin. Agad itong lumayo kay Nanay at dinaluhan ang aking anak habang ako naman ay nakamasid lamang dito.

Tiyak kong kung nasaan man si Lara ngayon, masaya ito sa nakikita. Naging napakabuti ng anak nito at masunurin. Mahal na mahal din nito si Nanay na alam kong tanging gusto lang ng aking kakambal.

Pinatawad ko na si Lara. Matagal ko nang pinatawad sila ni Nanay. Ni hindi ako nagalit dito nang malaman kong ito ang kasama ni Bernard bago ang aksidente. Bagkus ay walang katumbas na awa ang naramdaman ko para dito.

Bakit pa ba ako magagalit?

Hindi ako ganoon kasama para magalit pa sa taong patay na. Sa mga nangyari sa amin ni Bernard, napatunayan ko na nagkulang ako ng tiwala dito. Napakadali kong bumigay sa mga bagay na maaaring makasira sa amin. Napakadali kong maniwala sa mga bagay na aking nakikita o naririnig.

Pareho kami ni Bernard na nagkamali. Pareho kaming nagkulang ng tiwala sa isa't isa. Pareho kaming bumitaw kaagad. Nagkulang kami sa komunikasyon. Pareho din kaming bumitaw kaagad.

Marahil hindi para sa amin ang pagkakataon. Marahil hindi rin kami handa. May mga bagay na mangyayari ayon sa kagustuhan ng tadhana ngunit, madalas ay dahil na rin sa nagawang desisyon.

"Ano na naman 'yang iniisip mo at ngiting-ngiti ka, 'Nak."

Sa sinabi ni Nanay ay lalo akong napangiti. Matagal kong hinintay ang pagkakataon na ganito. Ang makasama si Nanay sa iisang bahay. Ang mayakap ito ng mahigpit kahit kailan ko gustuhin. Ang iparamdam dito kung gaano ako nagpapasalamat sa buhay na ibinigay nito sa akin. Naging masalimuot man ang iilang taon ng buhay ko ngunit, napawi lahat iyon ng kasalukuyan.

Tumabi si Nanay sa akin sa malapad na upuan. Agad akong sumandal sa balikat nito na parang bata. Mabilis naman akong hinawakan nito na tila niyayakap sabay tapik ng marahan sa aking balikat.

"Nami-miss mo ba siya, Nay?"

"Oo naman. Pero masaya na rin ako dahil nandito ka. Napatawad mo ako. Napatawad ko rin ang sarili ko. Hindi naman kasi importante ang nakaraan. Ang mahalaga ang kasalukuyan." mahinang sagot nito sa akin.

Pareho naming pinagmasdan ni Nanay ng tahimik ang unti-unti nang nilalamon ng kadiliman na karagatan. Kasabay nito ay ang isang nagbabadyang liwanag mula sa maagang pagsalubong ng aninag mula sa buwan.

"Tumayo ka na d'yan! Kanina pa iyon naghihintay sa'yo. Tulungan mo daw siyang magluto. Naku! Nakakaawa nga ang hitsura."

Natawa ako sa sinabi ni Nanay. Mabilis din akong lumayo dito nang kurutin nito ang aking tagiliran. Napapakamot na lang ako sa ulo habang dinadampot ko ang diyaryo mula sa upuan.

"Bernard, Nak! Magbihis na tayo. Hindi ka pa ba nilalamig?"

"Hindi pa po, Mama."

Umiling ito sa aking sinabi. Gustong-gusto ni Bernard ang dagat na hindi ko alam kung saan niya namana. Kalaunan ay wala rin itong nagawa nang pagalitan ito ni Nanay. Binihisan din ito ni Nanay pagkatapos ay sumama sa akin.

"Dahan-dahan, baka madapa ka." mahinang pagsaway ko dito ng kumaripas ito ng takbo. Hinintay ako nito sa paanan ng terasa bago tuluyang pumasok sa aming simple ngunit, masayang bahay.

Sinundan ko ito ng dumiretso ito sa kusina at doon nakita ko ang taong tanging nagpapabilis pa rin ng puso ko. Nakatalikod habang abala ang mga kamay sa ginagawa. Nakasimpleng pambahay na taliwas sa nakasanayan nito noon.

"Papa!"

Patakbong tinungo ng aming anak si Bernard. Napangiti kaagad ako nang itinigil nito ang ginagawa at kaagad na lumingon. Nakangiti kaagad ito habang unti-unting napaupo upang magpantay sila ng aming anak. Niyakap kaagad niya ito sabay pinupog ng halik sa mukha ang nakikiliti naming anak.

Pangarap ko lang dati ang makasama si Bernard hanggang sa pagtanda. Sinong mag-aakala na dalawang Bernard pa ang ibigay sa akin ng Maykapal. Isa lang ang hiniling ko ngunit sobra-sobra ang binigay sa akin.

"Kapag ganiyan ang tingin mo sa akin, pakiramdam ko pinagnanasaan mo ako."

Pinandilatan ko ng mga mata si Bernard dahil sa kaniyang sinabi. Inirapan ko pa ito nang makitang nakakaloko itong ngumisi. Kinarga din nito ang aming anak at binalingan ang niluluto. Pagkatapos, ay inilapag nito si Bernard sa mesa at pinaupo.

"Galit ka na naman,"

"Nakakainis ka kasi!" wika ko dito habang inilalapag ang diyaryo sa misa. Naupo rin ako sa upuan habang si Bernard naman ay nakatuon ang atensyon sa dala ko.

"Binabasa mo na naman 'yan?" hindi makapaniwalang tanong nito.

"Ngayon kasi 'yon. Hindi ko lang maiwasan,"

"Hinding-hindi na mangyayari ang nangyari noon, Laura. At kung, mamamatay man ako uli. Mabubuhay ulit ako para sa'yo." bulong nito sa akin sabay yakap sa aking likuran.

Ipinikit ko ang aking mga mata para damhin ang mga katagang binibigkas nito. Naniniwala man ako sa bawat salita ni Bernard. Natatakot pa rin ako. Nakakatakot ang nangyari noon na nanaisin ko na lamang na kalimutan iyon.

Anim na taon na ang nakakaraan nang ideklara itong patay ng hospital. Isang desisyon na pinili ng ama ni Bernard upang ilayo ito sa lahat ng kontrobersiya. Naging usap-usapan ang isang malisyosong balita ukol dito at sa kapatid ko. Maging ang aming hiwalayan ay nakalkal ng kumakalaban dito.

Hindi maayos ang lagay ni Bernard dahilan para itago ito mula sa tao. May malaki iyong pilat sa mukha na hanggang ngayon ay naroon pa rin. Bali din ang paa nito dahilan kung bakit paika-ika na itong maglakad ngayon. Higit sa lahat, nabuhay itong muli para sa akin. Para sa pangako nitong uuwi sa akin.

Dito sa bayan ng Cagayan de Oro kami napadpad. Malayo sa dati naming buhay. Malayo sa dating pakikisalamuha sa mga tao. Malayo sa trabaho kong pag-arte. Dito sa bayan na ito, isa lamang kaming normal at simpleng mamamayan. Walang nakakakilala o walang magkakainteres na kilalanin man lang.

"Mahal na mahal kita, Laura. Ikaw pa rin ang babaeng uuwian ko." bulong nito sa aking tainga.

Sa sinabi ni Bernard ay napangiti ako. Katulad noon ay dama ko pa rin ang sensiridad sa mga sinasabi nito. Katulad ng dati ay ito rin ang uuwian ko. Ang dalawang Bernard ko ang totoong bumuo sa akin. Ang aking pamilya kasama si Nanay.

Ako si Laura. Nasasalamin ng isang babaeng halos talikuran na ang sarili para sa iba. Isang babaeng lumuha at nadapa nang ilang beses ngunit bumangon ng ilang ulit pa. Pinatatag ng pagsubok at mga hinanakit sa buhay. Pinalakas ng paninindigan at pag-asa.

Ito ang aking kwento.

"Pakasal na tayo," malambing na wika nito.

"Ikaw lang ang hinihintay ko," sagot ko naman.

Binuhat ako ni Bernard at pinaupo sa lamesa katabi ng nagtataka naming anak. Hinalikan niya muna ito bago dahan-dahang inilapit ang mukha niya sa akin. Wala akong ibang ginawa kundi ang pumikit at hintayin ang mga labi niya sa labi ko.