Chapter 28 Sina Jeremy at Katrina sa kanilang Silid
GUSTO sana ni Katrina na huwag gaanong pansinin ang presensiya ni Jeremy para hindi nito mahalata ang kanyang tunay na damdamin. Talaga kasing kahit anong gawin niya ay hindi niya mapigilang magselos sa bestfriend nitong si Veronica. Siguro naman kahit sinong nagmamahal ay maiintindihan ang kanyang nararamdaman.
Hindi pa man niya nakikilala ng personal si Veronica ay alam na niyang napakaimportante nito sa buhay ni Jeremy. Pakiramdam tuloy niya'y nilalapirot ang kanyang puso.
Bata pa lang sina Jeremy at Veronica ay magkasama na. Marami ngang nakakakilala sa mga ito na umaasa na silang dalawa ang magkakatuluyan. Ngunit, hindi ganoon ang nangyari. Gusto niyang isipin na dahil iyon sa pagmamahal sa kanya ni Jeremy kaya lang kapag ganoon ang sinabi niya ng paulit-ulit, wala siyang ibang lolokohin kundi ang sarili lang niya. Samantalang sila ni Jeremy ay sandali pa lang ulit nagkikita. Kahit dalawang taon din silang naging mag-on, mas matagal pa rin ang kanilang paghihiwalay.
Kasal na naman sila ngayon, gusto sana niyang ipagmalaki pero parang nahihiya siya. Paano ba naman kasi niya hindi mararamdaman iyon kung alam niya ang tunay na dahilan kaya siya pinakasalan ni Jeremy.
"Magandang umaga."
Ngumiti siya kay Jeremy. "Bakit dinala mo pa rito 'yan?" Tukoy niya sa mga pagkain na nasa tray.
Malalim na buntunghininga muna ang pinawalan ni Jeremy. "Baka mawalan lang tayo ng ganang kumain kung sasalo pa tayo sa baba. As usual, nandito ang mag-anak. Don't worry, sinabi ko kay lolo na gusto kitang makasamang mag-breakfast."
Hindi na niya nasagot pa ang sinabi nito dahil naramdaman niyang parang hinalukay ang kanyang sikmura kaya naman agad siyang nagtatakbo sa cr at dumuwal nang dumuwal. Dahil sa wala pa naman siyang kinakain, laway lang ang lumabas sa kanyang bibig. Ngunit, hindi sapat na dahilan iyon para hindi siya makaramdam ng panghihina.
"Ano bang nararamdaman mo?" wika nito habang hinahagod ang likod niya. "Gusto mo bang dalhin kita sa ospital?"
Kahit na sobra siyang nanghihina ng mga sandaling iyon, gusto niyang mapangiti. Dama kasi niyang sobra itong nag-aalala sa kanya at tiyak niyang pati rin sa kanilang magiging anak. Kahit pa, alam nitong ibang lalaki ang alam nitong ama ng kanyang ipinagbubuntis.
"Huwag kang OA." Natatawa niyang sabi kay Jeremy kahit sobra siyang nakakaramdam ng panghihina.
"Nagmamahal lang naman."
Kahit hindi siya sigurado kung bukal sa loob ni Jeremy na sabihin ang mga salitang iyon, ngumiti pa rin siya. Siguro'y gusto niyang isipin na bukal sa loob ni Jeremy ang mga salitang iyon.
"Ikaw talaga," wika niya kahit nanghihina pa rin.
"Ano?"
"Masyado mo akong binobola."
"Sino namang nagsabi sa'yong binobola kita?" Nakakunot ang noo nitong tanong.
Sa halip na sagutin niya ito ay minabuti niyang maghilamos at mag-toothbrush. Ayaw naman niyang kapag tinangka siyang halikan ni Jeremy ay maaamoy nito ang suka sa kanyang bibig. Kadiri naman iyon kaya minabuti na lang niyang wala itong masamang maaamoy sa kanya. Mahirap na, 'no. Baka bigla pa nitong maisip na iwanan siya.
"Okay ka na ba?" Nag-aalala pa ring tanong ni Jeremy.
Kung hindi lang niya napigilan ang sarili, iaangat niya ang kamay para haplusin ang guwapo nitong mukha. Para rin kasing hinahaplos nito ang kanyang puso.
"Gutom na," sabi niya pagkaraan.
"Kain na."
Kahit ilang beses na niyang sinabi ka Jeremy na okay na siya, na hindi ns siya nahihilo, nananatili pa rin itong nakaalalay sa kanya. Kahit parang overacting na si Jeremy, hindi pa rin niya napigilan ang mapangiti. Talaga naman kasing nakakikilig ang ginagawa nito.
"Gusto ko tayo."
"Talaga namang tayo at hindi na magbabago iyon," wika ni Jeremy na nakangisi. Kinindatan pa siya nito, dahilan para bumilis ang kabog ng kanyang dibdib.
Ang anumang tampo na nararamdaman niya rito ay parang himalang napapawi kapag nginingitian siya nito. Kaya siguro sa nakalipas na mga taon ay nasa puso pa niya ang galit o tampo ay dahil sa hindi naman niya ito nakikita kaya hindi natutunaw ang galit na kanyang nararamdaman.
"Ibig kong sabihin tayo ang kakainin. Ikaw at ako."
"Magkakainan naman talaga tayo," wika ni Jeremy. Ngiting-ngiti.
Ohhhh, kung hindi niya napigilan ang kanyang sarili, naibulalas niya iyon at napasinghap siya. Talaga kasing naapektuhan siya sa sinabi nito. Batid naman kasi niyang may berdeng kahulugan din ang sinabi ni Jeremy at labis siyang naapektuhan.
"Talagang okay ka na?" Tanong na naman ni Jeremy. Ilang beses na kasi siya nitong tinanong.
"Ang kulit mo."
"Gusto ko lang makasiguro na okay ang mag-ina ko."
Mag-ina ko, wika niyang ngiting ngiti. Talaga kasing parang may humaplos sa kanyang puso kapag ganoon ang salita ni Jeremy. Hindi niya mapigilan ang kiligin sa ka-sweetan na palagi nitong ipinapakita at ipinararamdam sa bawat oras na sila ay magkasama.
"O, anong sagot mo?"
Napabuntunghininga na lang siya sa kakulitan ng kanyang mister. Ngunit, hindi naman niya makuhang magalit. Talaga naman kasing kinikilig siya sa mga sinasabi ni Jeremy.
"Okay kaming mag-ina."
"Mag-ina ko," wika nito.
Nang mga sandaling iyon, gusto na niyang burahin sa kanyang isipan ang takot na nararamdaman. Mas gusto kasi niyang isipin na magiging okay ang lahat sa kanila. Ang kailangan lang niyang gawin ay magtiwala sa mga salita ni Jeremy.
"Titigan mo nga ako," sabi sa kanya ni Jeremy. Masyadong seryoso ang boses nito kaya naman napatitig nga siya rito.
"Why?"
Ngunit, sa halip na sagutin nito ang kanyang tanong ay dahan-dahan nitong binaba angblabi sa kanyang labi. Dapat sana ay umiyas siya pero hindi niya ginawa. Talaga naman kasing miss na niya ang halik nito. Ibig na niyang matikman ang labi nito. Ngunit, hindi naman iyon inilapat ni Jeremy sa kanyang mga labi. Pakiramdam niya tuloy ay tinatakam lang siya nito.
Nakaramdam tuloy siya ng panggigigil sa ginagawa ng kanyang asawa. Nang una ay sinabi niya sa sarili na hindi siya dapat maapektuhan sa panunukso nito pero mahirap pala talagang awatin ang damdaming nananabik sa halik ni Jeremy.
Hindi na nga niya nagawa pang awatin ang sarili pagkaraan kaya inilagay niya ang kanyang kamay sa likod ng ulo nito para mapalapit ito sa kanya at gawin dito ang pinananabikan niyang gawin – ang halikan ito ng buong puso at kaluluwa.