Chapter 11 Ang Desisyon ng ni Ex-General Leopoldo San Juan
"DAD..." hindi nagawang ituloy ni Katrina ang sasabihin dahil ibinaling agad ng ama niya ang tingin sa kanya. Hindi maipagkakaila sa mga mata nito ang disappointment. At hindi naman kataka-taka na makita ang reaksyon nitong iyon. Ikakasal siya dapat pero makikita nitong ganito ang kanyang ayos sa piling ng ibang lalaki. Sa piling ng kanyang ex-boyfriend.
"Magbihis ka at saka tayo mag-usap," mariin pang sabi ni ex-general Leopoldo San Juan sa makapangyarihang boses. Pagkatapos ay matagal nitong tinitigan si Jeremy na para bang gustong pagbabarilin ng mga oras na iyon kaya naman para siyang nakahinga nang maluwag ng umatras ito at isinara ang pintuan.
"Shucks, hindi na talaga ako iinom," bulong niya sa sarili. Kahit anong pilit niya, hindi niya magawang alalahanin ng buo ang nangyari pero tiyak niyang siya ang gumawa ng hakbang para magising siyang talop na talop. Napatingin lang siya kay Jeremy nang humalakhak ito.
Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Dapat kasi'y magalit siya rito pero hindi niya magawa. Sa pandinig kasi niya, parang isang napakagandang musika ang paghalakhak nito. "Lagi mo namang sinasabi 'yan sa tuwing malalasing ka."
"Shut up!" inis niyang sabi rito.
"Ito naman, inaalis ko lang naman ang kaba mo. Huwag kang mag-alala, nandito lang ako sa tabi mo. Promise, hindi kita iiwan."
"Iniwanan mo na nga ko dati, 'di ba. Kaya, sa'yo na 'yang promise mo. Hindi na ako maniniwala sa'yo."
Sa talim ng tingin niya kay Jeremy, siniguro niya na nagawa niyang ipahatid dito kung gaano siya kagalit dito. Imagine, dahil dito ay kailangan niyang ibaling ang atensyon sa ibang lalaki. Akala niya iyon na ang magiging paraan para makapag-move on siya rito pero hindi naman pala nangyari dahil hanggang sa kasalukuyan ay walang ibang laman ang puso niya kundi ito at ito lang.
"Sana naman, patawarin mo na ako sa nagawa ko dati," wika nitong nakatingin sa kanya. Parang nagmamakaawa ang mga mata nitong patawarin niya.
Sasagutin sana niya ang sinabi nito kundi lang sila nakarinig ng malalakas na katok buhat sa pintuan. Pagkaraan ay narinig na naman niya ang boses ng kanyang ama. "Sabi ko magbihis na, ano pa bang ginagawa ninyo diyan?" pasigaw nitong tanong.
Sa pangambang buksan na naman ng ama ang pintuan ay dali-dali na niyang inayos ang kanyang sarili. Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan ng buksan ni Jeremy ang pinto at alalayan siya nito pababa.
Kung kanina'y kinabahan na siya sa tingin ng kanyang Daddy, ngayon ay mas nadoble ang kaba niya. Hindi kasi niya kayang basahin ang emosyon nito habang nakatingin sa kanila ni Jeremy. Kahit kasi retired na ito sa pagseserbisyo sa bayan, nasa aura pa rin nito ang kapangyarihan na labis na kinatatakutan ng mga kriminal.
Hindi niya tuloy napigilan ang mapalunok ng mga oras na iyon. Sa pagkakataon kasing iyon ay naalala niyang nakagawa siya ng 'krimen'. Iyon nga lang, kahit wala siyang matandaan sa nangyari, hindi niya iyon pinagsisihan dahil si Jeremy naman ang kasama niya.
"Para kang maamong tupa ngayon, Fire Dragon, ah," pansin ng katabi ng kanyang ama na nakilala niya agad -- ang kanyang Ninong Sunday. Hindi niya ito agad napansin kanina dahil nga kabadung-kabado siya sa pagkakahuli sa kanila ng kanyang ama.
Kung hindi lang masyadong seroso ang sitwasyon, tatanungin pa niya ang kanyang Ninong Sunday kung bakit Fire Dragon ang tawag nito kay Jeremy. Kaya lang, bigla pumasok sa isip niyang sa The Dragons nga pala nagtatrabaho si Jeremy.
"Maupo kayong dalawa," mariing sabi ng kanyang ama.
Mabilis nila itong sinunod ni Jeremy. Kaya. wala na rin siyang nagawa kundi sumunod kay Jeremy na parang saglit na nakalimutan na magkasama sila. Napangisi tuloy siya sa kaisipang natataranta ito sa presensiya ng kanyang ama.
Kapag nagtataas ng boses ang kanyang ama, hindi niya mapigilan ang mataranta lalo na't damang-dama niya ang galit nito. Ngunit, nang mga sandaling iyon parang kalmante lang ang damdamin niya kahit na matiim na matiim ang tingin sa kanila ni Jeremy.
"Hindi ako papayag na maagrabyado ang anak ko, Rosales," maariing sabi ng kanyang ama habang ang mga mata ay nakatingin kay Jeremy. Sa makapangyarihang boses nito ngayon ay parang sinasabi nito na kailangan siyang panindigan ni Jeremy kahit hindi naman ito nakakasiguro kung may nangyari nga ba sa pagitan nila ni Jeremy.
Wala ba? sarkastikong tanong niya sa sarili. Kahit naman kasi hindi niya matandaan kung may namagitan nga sa kanila ni Jeremy ngayon, may namagitan na rin sa kanila ni Jeremy. Kabisado na nga niya kung nasaan ang nunal nito at balat. Pati na rin kung saan ang kiliti nito.
"Dad..." wika niya dahil parang alam na niya ang susunod nitong sasabihin.
"Pakakasalan mo ang anak ko, Rosales."
Kahit na inaasahan na niyang iyon ang sasabihin ng kanyang ama, para pa ring may bombang sumabog sa kanyang harapan. Ngunit mas nagimbal siya sa isinagot ni Jeremy. "Makakaasa po kayo, pakakasalan ko ang anak ninyo kahit ngayon din."