Chapter 23
Nagising si Ayesha na mag-isa sa sofa ng sala sa bahay ni Adonis. Dahan-dahan siyang bumangon at iginala ang kaniyang paningin sa kabuuan ng bahay nito. Wala kahit na ano mang bakas ang nagsasabing naroon ang lalaki.
Kaya naman tumayo siya at nag-inat nang may mapansin siyang papel na nakapatong sa ibabaw ng center table sa sala. Agad niyang nilapitan iyon at kinuha dahil may nakasulat doon.
To Ayesha. Basa niya. Napangiti siya bago niya binuklat ang nakatuping papel. Kinilig pa siya matapos niyang basahin ang nakapaloob sa papel na iyon.
Aking Irog. Papasok lang ako sa trabaho pero babalik din ako kaagad. Nagluto nga pala ako ng pagkain mo. Ubusin mong lahat iyon, ha? Sayang ang gayuma kung hindi mo uubusin. Sabi ng nasa sulat.
P. S. Mamaya na lang kita sasaksakin ng malaking injection. Kaya magpahinga kang mabuti. I love you! Nagmamahal, Ang iyong Adonis. Malapad ang pagkakangiti sa kaniyang labi na muling itinupi ang papel at itinabi.
Naglakad siya patungo sa kusina at natagpuan doon si Honey na nakaupo sa ibabaw ng mesa. Parang binabantayan nito ang tingin niya ay pagkaing nakatakip sa tabi nito.
“Hi, Honey! Binabantayan mo ba ang pagkain ko, o aagawan mo na naman ako?” tanong niya sa pusa.
“Meow!” sagot lang nito na kaniyang ikinangiti.
“Sumasagot ka pa riyan, ha. Halika na. Bumaba ka muna riyan nang makakain na ako. Don’t cha worry, hindi naman ako madamot, e. Bibigyan kita. Promise!” kausap pa niya sa pusa at dahan-dahan itong hinawakan saka ibinaba sa sahig. Naupo naman ito roon at tila hinihintay ang ipinangako niya rito.
Pagbukas niya ng takip ay tumambad sa kaniyang paningin ang tatlong waffles, dalawang boiled eggs, at dalawang sausage. May tatlong malalaking strawberries din—coated with chocolate na kasama sa plato.
“Ang sweet naman ng manyak kong jowa!” ngiting- ngiting wika niya sa sarili.
“Meow!” Muli niyang narinig ang pusa na ngayon ay umiikot na sa kaniyang paa. Napangisi naman siya at mabilis na humati ng waffle at ibinigay iyon sa pusa.
“Ayan. Kain ka lang diyan, ha? Kakain na rin ako,” kausap niyang muli rito. Naupo siya nang maayos at inumpisahang lantakan ang mga pagkaing nasa kaniyang harapan.
Matapos niyang kumain ay iniligpit muna niya ang mga pinagkainan bago nagpasyang umuwi sa kaniyang bahay. Bitbit ang malaking bag ay lumabas siya ng bahay ni Adonis at lumipat sa kaniyang bakuran. Maglalaba na lang muna siya ng maruruming mga damit para wala na siyang iintindihin.
Abala na siya sa paglalaba nang maulinigan niyang parang tumutunog ang kaniyang cellphone. Mabilis siyang nagtuyo ng kaniyang mga kamay at pumasok sa loob ng bahay upang sagutin sana ang tawag.
Nang nasa backdoor na siya ay tumigil na ang pag-iingay ng kaniyang cellphone. At nang makapasok siya sa kusina ay ang seryosong mukha ni Adonis ang kaniyang nabungaran.
Hawak nito ang kaniyang cellphone at nakalagay iyon sa isang tainga nito. Bigla siyang kinabahan dahil sa paraan ng pagkakatingin sa kaniya ng binata. Tila galit ito at basta na lang nitong iniabot ang cellphone sa kaniya.
“Ipasa mo na raw ang manuscript sa editor mo,” malamig na saad nito. Nang abutin niya ang cellphone ay agad na itong tumalikod at mabilis na lumabas ng kaniyang bahay.
“Adonis!” tawag niya rito ngunit hindi man lang siya nito nilingon.
“Hello, Eds? Tatawagan kita mamaya.” Iyon lang at saka na siya patakbong nagtungo sa bahay ni Adonis. Naabutan naman niya ito sa gate nito at hinawakan ang braso ng lalaki.
“Adonis, magpapaliwanag ako,” aniya rito.
“Ano’ng ipaliliwanag mo? Ang ginamit mo lang ako para sa isinusulat mong nobela? Ang pinaglaruan mo lang ang damdamin ko as reference?” Punong-puno ng hinanakit ang tinig nito.
“Hindi! Hindi ganoon iyon!” agad niyang wika rito.
“Hindi? E, ano? Ano iyong sinabi ng tumawag sa iyo na tapusin mo na rin ang pakikipaglapit sa akin?”
“Damn! Ayesha, mahal kita. At alam mo iyan! Pero ang laki ko pa lang tanga dahil hindi naman pala totoo lahat ng mga ipinakita mo sa akin!” Mababakas ang pait at kirot sa mukha ng lalaki habang nakatingin ito sa kaniya.
“Hindi totoo iyan! Lahat ng mga ipinakita ko sa iyo nitong mga nagdaang araw ay totoo. Walang halong pagkukunwari ang mga iyon. Oo aaminin ko na noong una ay nakipaglapit ako sa iyo dahil sa trabaho ko. Pero habang lumilipas ang mga araw na magkasama tayo ay unti-unti ka nang napalapit sa akin—,”
“Kaya ano? Kaya pati katawan mo ginamit mo para mas mapalapit pa ako sa iyo? Ganoon ba iyon? Alam mo kung ano’ng tingin ko sa iyo ngayon? Isa kang desperada!” putol nito sa kaniyang sasabihin.
Agad namang umigkas ang isa niyang kamay at dumapo iyon sa kaliwang pisngi ni Adonis. Hindi na niya napigilan pa ang pagpatak ng mga luha niya kaya mabilis siyang tumakbo pabalik sa kaniyang bahay.
Isinara niya ang pinto at padausdos na napasandal doon. Nayakap niya ang sariling mga tuhod habang umiiyak. Hindi niya akalaing sa ganitong paraan magtatapos ang lahat sa kanila ni Adonis.
Parang kailan lang ay masaya pa sila nito at magkasama sa loob ng iisang kuwarto. Pagkatapos sa isang iglap lang ay biglang wala na. Umiyak lang siya nang umiyak hanggang sa wala na siyang luhang mailuha. Mayamaya pa ay tumayo na siya at nagtungo sa kusina upang uminom ng tubig.
Matapos niyang uminom ng tubig ay wala sa sariling nagtungo siya sa lundry area at ipinagpatuloy ang paglalaba. Nakatulala lang siya habang binabanlawan ang mga damit. Hindi na niya alam kung pang-ilang banlaw na iyon. Basta ang alam lang niya ay nagbabanlaw siya.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nagbabanlaw ng mga damit. Basta nang maramdaman niya ang pananakit ng likod ay saka lang siya tumigil. Nang maisampay na niya ang lahat ng mga damit ay malungkot siyang pumasok sa loob ng bahay. Pasalampak na naupo sa sofa. Muli niyang naramdaman ang kalungkutan at muli na naman siyang naiyak.
Hanggang sa isang katok sa pinto ang nakapagpa-tahan sa kaniya. Bigla siyang nabuhayan sa pag-aakalang si Adonis ang kumakatok na iyon sa pinto. Mabilis niyang pinahid ang kaniyang mga luha at dali-daling tinungo ang pinto ng sala. Mabilis niya iyong binuksan. Ngunit agad na nawala ang kaniyang excitement nang makitang si Eds pala iyon.
“Disappointed, ‘day?” agad na salubong nito sa kaniya. Naglakad siya pabalik sa sofa at pasalampak na muling naupo roon. Sinundan naman siya ni Eds at naupo rin ito sa kaniyang tabi. Bigla na lang siyang humagulgol sa tabi ng kaibigan nang makaupo na ito sa sofa.
“Hala! Ano ba’ng nangyayari sa iyo?” nag-aalalang tanong nito sa kaniya. Umiling-iling naman siya habang humihikbi sa kaibigan.
“O, e, bakit kung makaatungal ka riyan akala mo naman may umaway sa iyo? Ano ba kasing problema? Kanina nang tumawag ako ay bigla mo na lang sinabing tatawagan mo ako. Pero ano’ng petsa na? Hindi ka naman tumawag ulit sa akin. ‘Tapos ngayon madadatnan kita ritong umaatungal. Baka naman gusto mong ipaliwanag sa akin?” tanong pa nito.
Muli siyang humikbi at pinilit na kalmahin ang sarili. Ayaw pa rin kasing maampat ng mga luha sa pagbagsak mula sa kaniyang mga mata.
“Ayesha, kapag hindi ka pa tumigil diyan sa kaiiyak mo, babatukan na talaga kita!” pagbabanta pa nito na kaniya namang ikinasimangot.
“Si Adonis kasi, e,” panimula niya.
“O, bakit? Ano’ng mayroon kay Adonis? Don’t tell me sinagot mo na ang isang iyon at kayo na?” litaniya nito.
Napayuko siya at tumango-tango sa kaniyang kaibigan. Hinawakan siya nito sa magkabila niyang balikat saka inalog-alog.
“Hoy, babae, magkuwento ka sa akin! Bakit hindi ko alam ang ‘tungkol dito? Saka teka. Kung kayo na pala ng lalaking iyon e bakit ka ngayon umaatungal riyan na parang baka?” naguguluhang usisa nito sa kaniya.
“Break na kami.”
“Ano? Teka, ang gulo mo roon, ha! Kayo na, ‘tapos break na kayo? Ayesha Marie, magpaliwanag ka kung ayaw mong i-salvage kita ngayon din!” pamimilit pa nito sa kaniya.
Umayos siya sa kaniyang pagkakaupo at ikinuwento sa kaibigan ang nangyari. Mataman namang nakinig ito sa kaniya. At nang matapos siyang magkuwento ay saka lang ito nagsalita.
“OMG! Kaya pala nang tumawag ako’t sinabi kong ipasa mo na ang manuscript mo, hindi ka sumasagot. ‘Tapos sinabi ko pang tapusin mo na ang pakikipaglapit sa kapitbahay mong manyak. Gosh! Si Adonis pala ang nakarinig niyon. Sorry naman, ‘day! Ikaw naman kasi. Hindi mo ako in-inform na kayo na pala ng kapitbahay mong manyak. E, ‘di sana nag-ingat ako sa pagsasalita ko!” anito.
Wala naman na silang magagawa, e. Nangyari na ang nangyari. At kasalanan din naman niya iyon. Kung noon pa lang ay sinabi na niya sa lalaki ang ‘tungkol doon, sana ay wala siya ngayon sa sitwasyong ito. Well, sinabi naman niya kay Adonis kagabi. Iyon nga lang ay mahimbing na itong natutulog.
“So, paano na iyan ngayon? Ano’ng sabi niya nang habulin mo siya kanina?” tanong pang muli nito sa kaniya.
“Ano pa nga ba? E, ‘di nagalit siya sa akin. Sinabihan pa nga niya akong desperada,” malungkot niyang tugon kay Eds.
“Ano? Sinabi niya iyon? Grabe siya, ha. Maka-desperada naman. Hindi ba puwedeng tigang lang?” Pinalo niya sa braso si Eds saka inirapan.
“Makatigang ka naman diyan. Mas malala pa iyon sa desperada, e.”
“Ikaw naman. Joke lang iyon, siyempre. Pinatatawa lang kita. Masyado nang maga iyang mga mata mo. Dadagdagan ko pa ba naman? Halika nga rito nang makonyatan kita,” pabirong turan ni Eds na kaniya namang ikinasimangot. Humagikhik naman ito saka siya niyakap.
“Hayaan mo, girl, maka-mo-move on ka rin sa kaniya. Kung gusto mo ay ihahanap pa kita ng date para naman maipamukha mo sa lalaking iyan kung sino ang sinayang niya,” wika pa nito sa kaniya.
Natawa na lang siya rito at gumanti ng pagkakayakap kay Eds. Kahit papaano ay nakahinga siya nang maluwag at nabawasan ang sakit na nadarama. Pero ang sinabi nitong maka-mo-move on din siya kay Adonis ay mukhang malabo yata iyon. Dahil si Adonis ang unang lalaking nagparamdam sa kaniya ng pagmamahal.
Si Adonis ang unang lalaking minahal niya.