Chapter 12
Gabi na nang makarating sina Ayesha at Adonis sa kanilang village. Kaya naman inihatid lang siya ng lalaki sa kaniyang bahay at hindi na ito nagtagal pa roon. Pagkaalis nito ay agad naman siyang naligo at kinuha ang kaniyang laptop saka nag-umpisang tumipa.
Malapit na niyang matapos ang assignment sa kaniyang editor slash kaibigan na si Eds. Ibig sabihin ay malapit na rin siyang makabalik sa normal niyang buhay. Balik na ulit siya sa horror/suspense na genre. No more romance novel; no more pakikipaglapit sa kapitbahay; no more makulit na Adonis, at higit sa lahat—no more falling for her neighbor.
Bigla siyang natigilan sa huling naisip. No more falling for her neighbor. Ipinilig niya ang kaniyang ulo saka muling ibinalik ang kaniyang atensiyon sa pagtitipa. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang falling for her neighbor. Pero na-fa-fall na nga ba siya kay Adonis?
Hay nako, Ayesha. Ano’ng pinagsasasabi mong falling for your neighbor? Hello?! May I just remind you, this is just pure business. Bawal ma-in love! At ano’ng alam mo sa love na iyan? E, hindi ka pa naman nakararanas niyon, a! anang kaniyang utak.
“Erased, erased, erased! Oo nga naman. Wala tayong malay sa love na iyan kaya huwag tayong mag-feeling! Baka naman kasi akala ko lang iyon dahil nga ngayon ko lang na-e-experience ang lahat ng ito. As in ang maligawan, ang may lalaking aali-aligid—a, basta, iyon na ‘yon!” kausap niya sa kaniyang sarili.
Muli niyang ipinilig ang kaniyang ulo at huminga nang malalim bago muling itinuloy ang naantala niyang pagsusulat. Natutuwa siyang malapit na niyang matapos ang kaniyang manuscript. At natitiyak niyang this time ay hindi na iyon ma-re-reject!
Day 19:
Ilang araw ang matulin na namang lumipas.
Kagaya noong nakaraang mga araw ay muli na naman siyang niyaya ni Adonis na mag-date. Isang yellow polkadots ruffled skirt na lampas tuhod ang kaniyang isinuot at tinernohan niya ng white fitted v-neck shirt. Pinatungan niya rin iyon ng maong jacket habang ang kaniyang saping pampaa naman ay isang white snickers shoes na may black lining.
Tinalian niya ang kaniyang buhok ng kalahati lang at hinayaan iyong nakalugay. Ang kaniyang makeup ay manipis lang din katulad ng palagi niyang inilalagay sa tuwing may lakad sila ng lalaki. Isang mabilis na sulyap pa ang kaniyang ginawa sa harapan ng salamin at naglakad na palabas ng silid.
Nang matiyak niyang naipinid na niya nang maayos ang pinto ng bahay ay saka niya ito ini-lock. Tamang-tama lang naman ang kaniyang paglabas dahil kagaya ng mga naunang labas nila ni Adonis ay naroon na ito at nag- aabang sa kaniya.
“Magandang hapon, aking Irog. Huwag mo namang masyadong galingan ang pagpapaganda. Lalo akong nabibighani sa’yo niyan, e!” nakangiting wika nito sa kaniya nang makalapit na siya rito.
“Bolero! Tara na nga! Saan mo na naman ba kasi ako balak na kaladkarin na lalaki ka, ha?” tanong niya rito bago siya sumakay sa nakabukas na pinto ng sasakyan nito.
“Sa malamig na lugar kung saan kaya kitang painitin,” taas-baba pa ang mga kilay na sagot nito sa kaniya.
“Adonis, iyang kamanyakan mo? Kailan kaya maaalis? Halika na nga!” aniya sa lalaki.
“Hindi na yata maaalis basta ikaw ang kasama ko,” pilyong tugon naman nito sa kaniya bago isara ang pinto ng sasakyan. Naiikot na lamang niya ang kaniyang mga eyeballs saka ikinabit ang seatbelt. Nasanay na lang din talaga siya sa pagiging green-minded ng lalaki na minsan ay nagiging sanhi ng kaniyang pagtawa ngunit madalas ay pagkainis.
“Okay, bago ang lahat...” anito nang makasakay na rin ito sa loob ng sasakyan at may iniabot na kung ano sa likurang bahagi ng upuan nito.
“Para sa iyo, aking Irog!” Isang paper bag ang ibinigay nito sa kaniya. Nagtataka man ay tinanggap pa rin niya iyon at binasa ang card na nakasabit doon.
‘Dahan-dahan ang pagbuka, baka ikaw ay masugatan!’ Tiningnan niya nang masama si Adonis pagkabasa niya ng mga katagang nakasulat doon. Hanggang sa note ba naman nito ay kamanyakan pa rin ang laman?
“Kapag ako hindi natuwa rito sa ibinigay mo, malilintikan ka sa aking lalaki ka!” pagbabanta niya rito. Tatawa-tawa lang naman si Adonis habang nagmamaneho.
Inirapan niya ito saka marahang binuksan ang paper bag na ibinigay nito sa kaniya. Nang mabuksan niya iyon ay isang easy open can na may label na tuna ang nakita niya roon. Kaya naman agad niyang hinampas ang braso ng kumag niyang manliligaw.
“Buwisit ka talagang lalaki ka! Sinasabi ko na nga ba’t kalokohan na naman ang laman ng paper bag na’to, e!” sabi niya rito habang pinanggigigilang kurutin at hampasin ang braso nito.
“Aw! Irog ko, baka naman madisgrasya tayo niyan. Hindi pa nga ako nakaka-score, madidisgrasya na tayo! Aray!” reklamo pa nito nang muli niyang paluin ang braso nito.
“Hindi naman kasi tuna iyan, e. May kasama iyang crackers. Baka naman kasi isipin mo kuripot ako,” tumatawang wika nito sa kaniya.
“O, o, o! Ayaw ko na, ha! Nagmamaneho ako, Ayesha,” mabilis na awat nito sa kaniya nang akmang papaluin niya itong muli.
“May kasama nga kasi iyan. Tingnan mo muna iyang paper bag,” utos pa nito sa kaniya.
“Heh! Ayaw ko na. Baka mamaya kung ano na namang kalokohan iyang nasa isip mo!” masungit niyang saad dito.
“Hala! Kalokohan agad? tingnan mo na nga kasi. Dali na. Promise, hindi iyan prank,” sabi nito kasabay ng mabilis na pagsulyap sa kaniya.
Naiinis man ay sinunod pa rin naman niya ito. Tama nga ito na may kasama pa ngang isang plain na silver chain ang hawak niyang lata. Kinalkal niya pa ang paper bag at nakita niyang may maliit na papel doon na ang nakalagay ay instruction.
Kinuha niya iyon saka binasa. Doon lang niya napagtanto na ang lata pala na akala niyang tuna ang laman ay pearl pala na siyang ilalagay sa loob ng maliit na cage pendant na kalakip ng chain na hawak niya.
“See? I told you. Mamaya mo na lang buksan iyong lata. Baka masugatan ka pa. Ako na ang magbubukas para sa iyo pagdating natin sa mall,” nakangiting sambit nito sa kaniya.
Lihim naman siyang kinilig sa concern na ipinakita nito sa kaniya. Kung kaya nag-iwas siya ng mukha at tumanaw sa labas ng bintana ng sasakyan nito. Ilang minuto rin niyang c-in-omposed ang kaniyang sarili bago siya tumikhim at humarap kay Adonis.
“Thank you,” mahina niyang saad sa lalaki.
“You’re welcome, Irog ko. Kahit sa bahay ko ay welcome ka,” nakangisi namang tugon nito sa kaniya. Natatawa na lang siya sa sinabi nito. Kahit yata seryoso ang usapan ay hindi nito kayang hindi magsingit ng kalokohan. Mayamaya pa ay huminto na ang sasakyan nito sa isang mall at nag-park malapit sa entrance.
“Okay. We’re here, aking Irog. Pero akin na muna iyan at nang maibuka ko na ang dapat ibuka,” pilyong saad pa nito sa kaniya sabay kuha ng paper bag sa kaniya.
Binuksan nga nito ang lata ng tuna at dinukot mula roon ang isang shell na dahan-dahan nitong ibinuka. Nang matagumpay na nitong maibuka ang shell ay saka nito kinuha ang pearl na nakalagay roon. Inilagay ni Adonis ang pearl sa tissue at maingat na pinunasan bago iyon inilagay sa pendant.
Iniligpit muna ng lalaki ang mga kalat saka nagwisik ng alcohol sa mga kamay nito bago muling kinuha ang kuwintas at winisikan din iyon ng alcohol. Nang matapos ito sa ginagawa nito ay saka lang siya muling hinarap ni Adonis.
“Talikod ka muna,” utos nito sa kaniya.
“At bakit?” kunot-noo namang tanong niya rito.
“Talikod na kasi. Mas madaling isuot kapag nakatalikod, e,” pilyong saad nito sa kaniya.
“Adonis, iyang bibig mo, ha!” naiinis na saad niya sa lalaki.
“Ano na naman itong bibig ko? Pinatatalikod lang kita para maisuot ko na itong kuwintas sa leeg mo. Ikaw kamo. Masyado kang advance mag-isip!” nakalolokong tawa pa nito sa kaniya.
Inirapan niya ito saka tumalikod. Mayamaya lang ay bigla siyang nangilabot nang dumikit ang kamay nito sa kaniyang batok. Pigil na pigil ang kaniyang paghinga habang ikinakabit nito ang kuwintas sa kaniyang leeg. At nang matapos ay saka lang siya tila kiti-kiting napahaplos sa kaniyang batok at braso. Tila kasi nagsitaasan ang mga buhok niya sa parteng iyon ng kaniyang katawan.
“O, bakit?” takang tanong naman nito sa kaniya.
“W-wala. Halika na!” umiiling niyang saad sa lalaki saka niya binuksan ang pinto ng sasakayan nito sa kaniyang tabi at mabilis na umibis palabas. Makailang beses siyang huminga nang malalim dahil wala na namang tigil sa paglundag ang kaniyang puso. Kung tutuusin ay hindi naman nito nahawakan ang kaniyang batok pero parang ramdam na ramdam pa rin niya ang sumaging daliri nito roon.
“Ano ka ba naman, Ayesha? Sagi pa lang iyon. Maka- react ka riyan, akala mo naman hinawakan ka na!” sita niya sa sarili. Nasa ganoon siyang pakikipag-usap sa sarili nang lapitan siya ni Adonis.
“Are you okay?” nag-aalalang tanong nito sa kaniya.
“Ha? O-oo naman! Tara na,” mabilis niyang tugon dito saka nagpatiunang maglakad patungo sa entrance ng mall.
Mabilis naman itong sumunod sa kaniya at hinayaan lang siyang maglakad habang nakaagapay ito sa kaniyang tabi. Laking pasasalamat naman niya at hindi na ito nangulit pa dahil kung hindi ay hindi niya alam kung paanong sasagutin ito. Dahil ngayon ay malinaw pa sa kaniyang paningin na may gusto na nga siya kay Adonis.