Chapter 11

Mabilis na lumipas ang mga araw. At ngayon nga ay dalawang linggo nang nanliligaw sa kaniya si Adonis. Ibang klase rin ang pamamaraan nito ng panliligaw. Dahil sa halip na maging maginoo ito at magpa-impress sa kaniya ay parati lang naman siya nitong binubuwisit.

Ngunit sa kabila ng mga pinaggagagawa nitong kalokohan sa kaniya ay hindi naman iyon nakababawas sa paghanga niya sa lalaki. In fact, mas nagugustuhan nga niya ito sa bawat araw na lumilipas. Ewan niya kung bakit. Ngunit kakaiba kasi talaga ang dating nito sa kaniya.

Day 14:

Ngayong araw ay niyaya siya ni Adonis na mamasyal ngunit hindi naman sinabi ng lalaki kung saan sila pupunta. Basta ang sabi lang nito ay magsuot siya ng jeans, t-shirt na pula, at rubbershoes. Natatawa pa nga siya nang pati kulay ng damit na kailangan niyang isuot ay sinabi nito.

Kaya naman ngayon ay nakasuot nga siya ng pulang polo shirt, ripped jeans na skinny type, at puting rubber shoes. Naka-braid ang kaniyang buhok, at nag-apply lang siya ng manipis na makeup sa mukha. Nagwisik muna siya ng cologne sa katawan bago muling tumingin sa salamin. Nang makuntento sa siya nakikitang repleksyon sa salamin ay dinampot na niya ang itim niyang bag at lumabas na ng kaniyang silid.

Nang maisara na niya ang kaniyang bahay ay agad siyang nagtungo sa labas ng gate kung saan naghihintay ang demanding niyang date. Kagaya niya ay nakasuot din ito ng pulang polo shirt, ripped jeans, at puting rubber shoes. Kung titingnan ay mukha silang real couple na pareho ng porma. Couple goals ba. Iyon nga lang ay naka-bull cap ito at siya ay hindi.

“Ready?” nakangising tanong nito sa kaniya. “Uh-huh!” tumatangong tugon naman niya rito.

“Alright, aking Irog. Sakay na,” anito matapos nitong buksan ang pinto ng puti nitong sasakyan.

“Saan ba kasi tayo pupunta?” tanong niya rito nang pareho na silang nasa loob ng sasakyan nito.

“Basta. Malalaman mo rin,” nakangising sagot naman nito sa kaniya.

“Malamang. Malalaman ko nga kasi roon nga tayo pupunta, ‘di ba? Duh?!” umiikot ang mga eyeballs na turan niya rito. Sa halip na sagutin siya nito ay tatawa- tawa lang na pinatakbo ng lalaki ang sasakyan.

Habang nasa biyahe ay inabala na lang niya ang sarili sa pagtanaw sa daang kanilang nadaraanan. Wala rin naman yatang balak magsalita si Adonis kaya hinayaan na lang niya itong magmaneho. Okay na rin naman iyon para hindi siya mabuwisit sa lalaki.

Ilang sandali pa at huminto na ang sasakyan nito sa isang amusement park. Nakakunot-noong sinulyapan niya ito sa kaniyang tabi dahil hindi niya alam kung ano ang ginagawa nila roon. Kung tama ang kaniyang iniisip ay mukhang ito ang sinasabing date ng kumag niyang manliligaw.

“Surprise! Halika na!” nagniningning pa ang mga mata nitong sambit sa kaniya.

“Adonis, seryoso ka? Dito mo talaga naisip na mag-date tayo?” namamanghang tanong niya rito.

“Uy, bakit? Ano’ng masama sa ganitong lugar? Ang cool nga, e. Mukha lang tayong babalik sa ating kamusmusan,” nakangising tugon naman nito sa kaniya habang tinatanggal na ang seat belt nito. Ginaya na lang niya ito at lumabas na ng sasakyan bago muling inilibot ang paningin sa kapaligiran.

Tama rin naman ito na masarap nga rin namang balikan ang kanilang pagkabata sa ganitong lugar. Kaya naman napangiti na lamang siya matapos humugot nang malalim na paghinga.

“Tara na, Irog ko. At nang makarami tayo!” pilyong yaya na nito sa kaniya sabay lahad ng kamay nito. Sa nakalipas na mga araw ay nasanay na rin naman siya sa mga banat nitong double meaning. Kaya nato-tolerate na niya kahit papaano ang ganoong paraan ng pakikipag-usap nito sa kaniya.

Inabot niya ang kamay nito ngunit agad ding binawi nang tila may maliliit na namang mga langgam na kumagat sa kaniyang palad. At tila gumapang pa ito sa buo niyang katawan. Napatingala pa siya kay Adonis na parang kagaya niya ay naramdaman din ang bagay na iyon.

“Ahm, tara na!” ‘pagkuwan ay yaya na lang niya rito saka nagpatiunang maglakad palayo sa lalaki.

Abot-abot kasi ang kabang biglang bumundol sa kaniyang dibdib matapos niyang maramdaman ang bagay na iyon. Agad naman siyang sinundan ni Adonis at muli nitong kinuha ang kaniyang kamay. Nahila niyang muli iyon ngunit mas maagap ito ngayon. Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kaniya at saka siya nilingon nito.

“Huwag mo nang tangkain pang kalasin ang kamay mo sa kamay ko at baka masaktan ka lang. Saka hayaan mo nang hawakan ko ang kamay mo para masanay tayo sa init ng isa’t isa. Malay mo sa susunod ay ibang init naman ang maramdaman natin,” nakalolokong saad nito sa kaniya.

“Siraulo!” tanging nasambit niya sa lalaki na ikinatawa lang naman nito.

At dahil nga mas malakas ito kaysa sa kaniya ay hinayaan na lang niya ang magkahugpong mga kamay nila. Tama rin naman ito sa bandang huli dahil habang tumatagal ay tila nasasanay na nga ang kaniyang sarili sa init ng mga palad nito.

Nang makapasok na sila sa amusement park ay bumili ng ride-all-you-can na ticket si Adonis at sinubukan nila ang lahat ng mga rides na magkasama. Hindi lang iilang beses na tumanggi siya sa pagsakay ng mga extreme rides na gusto nitong sakyan. Ngunit dahil mas malakas si Adonis ay hindi man lang niya magawang takasan ito.

“Kasi naman, Adonis, e! Hilong-hilo na ako at mapapaos na ako sa kasisigaw dahil diyan sa mga trip mong sakyan!” nakasimangot na niyang saad dito nang pilitin siya nitong sumakay sa roller coaster.

“Last na ito. Promise! ‘Tapos kakain na tayo at maglalaro na lang ng shoot-an,” nakangising saad nito sa kaniya. Nai-iskandalo naman siyang napatingin sa kanilang paligid habang nanlalaki ang kaniyang mga mata. Kahit kailan talaga ay napakahalay ng bunganga ng lalaking ito.

“Iyang bunganga mo!” Pinandilatan niya ito habang kinukurot ito sa tagiliran.

“Ha? Bakit? Ano na naman ang sinabi ko?” maang- maangan pa nitong tanong sa kaniya.

“Iyong shoot—”

Muli siyang lumingon sa kanilang palagid saka mariing bumulong rito, “Iyong shoot-an!”

“Ano iyon? Lakasan mo kaya. Hindi ko marinig, e!” nang-aasar pang turan nito sa kaniya.

“Iyong shoot—” Napapikit siya dahil hindi niya alam kung paano sasabihin iyon sa buwisit niyang kapitbahay.

“Shoot-an!” aniya rito na ikinatawa naman nito.

“Ahh, iyong shoot-an!” ulit pa nito sa mas malakas na tinig. Kaya naman nag-init ang kaniyang mukha at natampal ang sariling noo. Kahit kailan talaga ay walang preno ang bibig ng lalaki.

“Bakit? Ano ba’ng masama sa larong shoot-an? E, sa iyon naman talaga ang lalaruin natin pagkatapos dito, a!” tila naaaliw pa nitong turan sa kaniya.

“Adonis, kapag hindi mo pa itinikom iyang bibig mo, I swear, iiwanan talaga kita ritong mag-isa!” pagbabanta niya na rito habang nagpipigil siyang mapatili.

“Hala, wala naman kasing masama roon sa sinabi kong— ” At hindi na nito naituloy pa ang ano mang sasabihin nito nang bigla siyang tumili habang nakatakip ang mga kamay sa kaniyang tainga.

“Adonis!” tili niya sa pangalan ng lalaki na ikinalingon naman ng mga tao sa kanilang paligid.

“Ako po iyong, Adonis! Hehehe!” sambit pa ng kumag na lalaki sabay kaway sa mga taong nakatingin na sa kanila.

“Pasensiya na po kayo. Ayaw po kasi yata niyang maglaro kami ng shoot-an mamaya pagkatapos naming mag-rides.” Nagtawanan naman ang mga tao sa kanilang paligid dahil sa sinabi nito. Kaya naman nanlalaki ang mga butas ng ilong niya at mabilis na nag-martsa palayo sa lugar na iyon. Hiyang-hiya talaga siya sa pangangalandakan ng lalaki sa larong nais nitong laruin.

“Naku, naku, naku ka talagang manyakis ka! Hahambalusin na talaga kita nitong suot kong rubber shoes, e!” nanggigigil niyang kausap sa kaniyang sarili nang makalayo na siya sa maraming tao.

“Ayesha! Bakit mo naman ako iniwan, Irog ko?” tanong pa nito sa kaniya nang makalapit na ito sa kaniyang kinaroroonan. Hinarap niya ito at pinaningkitan ng mga mata.

“Ikaw na balahura kang lalaki ka. Kailangan talagang ipangalandakan mo iyang larong gusto mo?” gigil na gigil niyang tanong dito habang dinuduro-duro pa ang dibdib nito.

“Bakit ba kasi? Ano ba’ng masama sa shoot-an?” ulit pa nitong tanong sa kaniya saka nito natutop ang sariling bibig.

“Hala! Ikaw, Irog ko, ha? Ibang shoot-an ang iniisip mo, ‘no?” nanunuksong tanong pa nito sa kaniya.

“Pero on the other thought, puwede naman nating gawin iyong naiisip mong shoot-an. Pero hindi rito. Sa bahay na lang!” Inilapit pa nito ang mukha sa kaniya habang pilyo itong nakangiti.

Sa kaniyang inis ay napatili na lang siya at pinagbabayo ang dibdib ng lalaki habang malutong lang itong tumatawa sa kaniyang harapan. Hinuli nito ang kaniyang mga kamay at marahan siyang hinila at ikinulong sa mga bisig nito.

Dahil sa kaniyang pagkagulat ay tila estatwa siyang biglang nanigas mula sa kaniyang kinatatayuan at hindi magawang kumilos. Dumoble rin ang pagkabog ng kaniyang dibdib na parang may piyestahang nagaganap sa loob niyon.

“Okay ka na? Don’t worry. Walang kamanyakan iyong larong gusto kong laruin dito. At kung mamanyakin man kita, gusto ko iyong tayong dalawa lang at walang ibang makakikita,” malambing na saad nito sa kaniya. Hindi niya alam kung bakit. Pero sa halip na maasar at mainis siya rito ay tila kinilig at natuwa pa siya sa sinambit nitong iyon.

Ano ba kasing mayroon sa lalaking ito at tila namamanipula nito ang kaniyang damdamin? At ang sutil naman niyang puso ay tila nagbubunyi pa sa tuwing magkakalapit sila nang ganito ng lalaking ito.

Ano nga ba’ng tawag sa nararamdaman niyang ito ngayon? Pag-ibig na nga ba itong matatawag?