Chapter 10
Day 4:
Dahil sa pagod sa paglalaba kahapon ay maagang nakatulog si Ayesha. Hindi naman na siya inabala pa ni Adonis matapos nitong maghatid ng hapunan kagabi. Ayon sa magaling na lalaki ay pagpa-pahinga-hin na raw muna siya nito dahil alam nitong napagod siya sa ginawa nila nang umagang iyon.
Alam niyang double meaning ang sinabing iyon ng manyakis niyang kapitbahay. Kaya naman matapos nitong sabihin iyon sa kaniya ay nagtatakbo na ito patungo sa sarili nitong bahay.
Napa-iiling na lamang siya na natatawa sa lalaki dahil sa kalokohan nito at kamanyakan. Hindi na nga niya maunawaan ang sarili dahil dapat nagagalit siya rito. Ngunit heto at natutuwa pa siya sa kamanyakan ni Adonis.
Kaya ngayong araw ay maaga siyang bumangon upang sana ay magsulat. Ngunit sa kasamaang palad ay ayaw na namang gumana ng brain cells niya. Kaya naman naisipan na lamang niyang mag-jogging muna, tutal ay alas-singko pa lang naman ng madaling araw. Tiyak namang may mangilan-ngilan nang mga tao sa labas ng ganitong oras kaya hindi siya mangangamba para sa kaniyang kaligtasan.
Well, tahimik naman talaga ang kanilang lugar at wala pa naman siyang nababalitaang naganap na krimen doon. Ngunit mainam na rin ang nag-iingat.
Matapos magpalit ng jogging pants at white sando na pinatungan pa niya ng black hoody jacket na nakabukas hanggang sa ibaba ng dibdib ang zipper ay lumabas na siya ng bahay at nag-stretching.
Napangiti siya nang maramdaman niya ang malamig na simoy ng pang-umagang hangin na yumakap sa kaniyang katawan. Matapos magpatunog ng mga buto sa katawan ay ilang beses pa siyang huminga nang malalim habang nakapikit bago siya nag-umpisang mag-jogging.
“Hmm, ang sarap pala mag-jogging ng ganitong oras. Nakaka-refresh!” sambit pa niya sa sarili.
Ilang minuto pa lang siyang nag-jo-jogging nang may umagapay sa kaniya. Hindi niya iyon nilingon sa pag- aakalang isa lang iyon sa mga tao sa kanilang lugar na kagaya niya at nagpapapawis lang din. Kaya naman muntik pa siyang madapa nang bigla itong magsalita.
“Dapat hindi ka nag-jo-jogging nang mag-isa.”
“Ay, kabayo!” nasambit niya sa pagkagulat saka siya huminto sa pagtakbo. Mabilis niyang nilingon ang kaniyang katabi na nakakunot ang noo habang nakatunghay sa kaniya. Bigla naman siyang napahawak sa dibdib na parang lumukso-lukso ang kaniyang puso mula roon.
Hala! Ano’ng nangyayari sa akin? tanong pa niya sa sarili nang hindi niya malaman kung bakit nagkakaganoon ang kaniyang puso. Si Adonis lang naman ang nasa harapan niya at wala namang bago sa lalaking ito. Ngunit bakit parang biglang naging abnormal ang pagpintig ng kaniyang puso?
Well, actually ay palagi na lang ganito ang nagiging reaksiyon ng kaniyang puso kapag nagkikita at nagkakalapit sila ng lalaki.
“B-bakit ka ba nanggugulat diyan?” masungit niyang sita rito upang maitago ang totoong nararamdaman ng mga oras na ito.
“Bakit hindi mo sinabing gusto mo pala mag-jogging ngayon? E, ‘di sana nasamahan kita. Mamaya kung ano pa’ng mangyari sa iyo rito, e,” salubong pa rin ang mga kilay nitong turan sa kaniya.
“Ano’ng masamang mangyayari? E, nandito lang naman ako sa loob ng village. At bakit ka ba bigla-bigla na lang sumusulpot diyan? Muntik pa tuloy akong madapa!” hasik niya rito.
“Sorry. Ikaw naman kasi, e. Sa susunod, sasabihin mo sa akin kung mag-jo-jogging ka para masamahan kita. ‘Tapos ganyan pa iyang suot mo. Naku!” sabi pa nito sa kaniya at saka ito lumapit. Nagulat na lang siya nang itaas nito ang zipper ng kaniyang hoody hanggang sa leeg.
“Ayan. Mas okay na iyang suot mo ngayon. Hindi kagaya kanina na para kang nang-aakit ng mga lalaking aso para habulin ka,” nakangisi pang saad nito sa kaniya.
Hinampas niya ang kamay nito at akmang ibababa ulit ang zipper ng kaniyang hoody. Ngunit mabilis siya nitong inawat. “Hep! Subukan mong ibaba iyan, bubuhatin kita pabalik sa bahay mo,” pagbabanta nito sa kaniya.
“E, bakit ka ba kasi nakikialam? E, sa mainit masyado kapag nakasara ng buo itong jacket, e!” aniya rito saka mabilis na ibinaba ang zipper ng suot niyang hoody.
Nakangisi pa siya habang ginagawa iyon sa harapan nito. At hindi niya inasahan ang sumunod na ginawa ng lalaki sa kaniyang harapan. Nag-squat ito sa harap niya at niyakap ang kaniyang mga hita. Mabilis siyang binuhat nito bago naglakad pabalik sa kaniyang bahay.
“Hoy! Adonis, ibaba mo ako! Walang hiya ka talagang lalaki ka! Ibaba mo sabi ako!” naghuhumiyaw niyang saad sa lalaki habang binabayo ang likuran nito. Tila wala namang epekto iyon dito dahil sa halip na masaktan ay isang malutong na pagtawa pa ang pinakawalan nito kasabay ng pagpalo sa kaniyang pang-upo.
“Siraulo ka talagang lalaki ka! Manyak!” nagpupumiglas pa rin niyang saad dito habang naglalakad pabalik sa kaniyang bahay.
“Sige lang. Magsawa ka sa kasusuntok diyan sa likuran ko. Sa susunod ay hindi lang ganito ang gagawin ko sa’yo!” narinig pa niyang wika nito at muling pinalo ang kaniyang puwet.
“Kapag nakababa lang ako rito ay humanda ka sa aking lalaki ka! Basted ka na! Huwag ka nang manliligaw sa’kin dahil bina-basted na kita!” sigaw pa niya rito at muling sinuntok-suntok ang likuran nito.
Hanggang sa makarating sila sa kaniyang bahay ay hindi pa rin siya ibinababa nito. Nang nasa loob na sila ng bahay niya ay saka lang siya pinakawalan ng lalaki. Agad niya itong sinuntok sa dibdib na ikinaubo naman nito. Pagkatapos ay tinuhod ang ibabang parte ng katawan nito. Agad itong namilipit sa sakit at napaupo sa sofa ng sala.
“Ayan ang nababagay sa manyakis na katulad mo! Huwag ka nang magpapakita pa ulit sa akin dahil basted ka na!” masungit niyang turan dito at nagmamartsang umalis sa harapan nito.
“Uy, Ayesha! Baka mabugok ito. Aanakan pa kita ng mga sampu! Uy, bumalik ka rito! Ahh!” narinig pa niyang sigaw nito sa kaniya bago siya tuluyang nakapasok sa kaniyang silid.
“Anakan mo’ng sarili mo!”
“Hindi puwede! Paano ako makikipag-sex sa sarili ko? E, wala naman akong tahong na kagaya ng sa’yo. Ang mayroon lang ako ay talong na mahaba at mataba!” sagot pa nito habang tumatawa.
“Heh! Buwisit ka talaga! Umalis ka na nga!” ganting sigaw niya rito. Ngunit bakit ganoon? Parang na-excite pa siya sa sinabi nitong aanakan siya nito ng mga sampu? At para din siyang kinilig sa sinabi nitong talong na mahaba at mataba? Marahas niyang ipinilig ang kaniyang ulo at padaskol na kinuha ang tuwalya upang maligo.
Dahan-dahan pa siyang sumilip sa labas ng pintuan ng silid upang alamin kung nandoon pa ba si Adonis. Nang hindi niya ito makita roon ay saka siya nagtungo sa banyo upang maligo para naman mawala ang kamunduhang kaniyang naiisip nang dahil sa siraulo niyang kapitbahay.
Buwisit kasing lalaki ‘yon, e. Kung ano-ano tuloy ang naiisip kong kalaswaan!
Napabuntong-hininga na lamang siya at saka muling nagkuskos ng katawan. Matapos niyang maligo ay nagtapis siya ng tuwalya sa katawan, at lumabas ng banyo upang magtungo sa silid at magbihis.
Ngunit nagulat siya nang marinig ang pagsipol ng kung sino sa loob ng bahay. Mahigpit niyang nahawakan ang tuwalya at masamang tinapunan ng tingin si Adonis na nakangisi habang kumakagat ng pandesal na hawak nito.
“Ano na namang ginagawa mo rito? ‘Di ba, sinabi ko na sa iyong basted ka na at ‘wag ka nang magpapakita pa sa’kin?” masungit niyang tanong sa lalaki habang mahigpit pa ring nakahawak sa tuwalya.
“Aking Irog, magbihis ka na muna kaya bago mo’ko awayin? Kasi kung sa ganiyang itsura mo ako aawayin ay baka sa ibang away tayo mauwi,” tatawa-tawang tugon nito sa kaniya habang taas-baba pa ang mga kilay nitong nakatunghay sa kaniya.
“Bastos!” hasik niya rito at patakbong nagtungo sa silid at mabilis na nag-lock ng pinto. Agad siyang kumuha ng bihisan at mabilis na nagbihis bago tinuyo ang kaniyang buhok. Isang black cotton shorts at sleeveless blouse ang kaniyang isinuot. Nagpulbo at nagwisik din siya ng cologne sa katawan.
Teka, bakit ba ako nagpapaganda sa buwisit na ‘yon? tanong niya sa sarili nang ma-realized ang ginagawa.
Bakit? Nag-aayos lang naman ako ng sarili ko, a? Hindi naman pagpapaganda iyon, ‘no! depensa naman ng isang panig ng kaniyang isip. Ipinagpatuloy niya na ang pagsusuklay ng buhok at lumabas na ng kuwarto. Naabutan pa niyang nanonood ng TV ang feel-at-home na feel-at-home na si Adonis habang nagkakape sa sala.
“Wow! Hindi naman yata ako na-inform na may bago na palang nagmamay-ari ng bahay ko!” parinig niya sa binatang busy pa rin sa panonood sa TV.
At ang buwisit niyang kapitbahay slash manliligaw ay hindi man lang siya tinapunan ng tingin. Kaya naman sinulyapan niya ang pinanonood nito at nakitang balita pala iyon. Kaya siguro tutok na tutok ang atensiyon nito roon. Hinayaan na lamang niya ito at nagtimpla na lang ng sariling kape saka naghalungkat ng pagkain sa ibabaw ng mesa.
May nakita siyang nakatakip na plato kaya iyon ang kaniyang binuksan. Napangiti siya nang makita ang omelette na may parsley on top at dalawang toast. May nakalagay rin sa plato na salitang sorry, na nakapagpalambot naman ng kaniyang puso.
In fairness naman sa iyo, Adonis. Kahit na nagagalit na ako sa iyo, sweet ka pa rin, bulong pa niya sa sarili.
Mabilis niyang kinuha ang plato at nagsalin ng pagkain saka iyon inumpisahang kainin. Kagaya ng dati ay hindi nabigo ang kaniyang panlasa sa masarap na pagkaing palaging dinadala sa kaniya ni Adonis.
Masarap talaga ang kumag—este, ang luto niya.