Chapter 14: Ebidensya
YVONNE'S POV.
Nanghihina si Keith nang puntahan ko siya sa loob ng kwarto. Si Keith ang anak ni Akiro na dinapuan ng sakit na Malaria. Ilang araw na pa lang pabalik-balik ang lagnat niya bago siya nadala sa hospital. Walang kaalam-alam si Akiro na malaria na pala iyon. Ngayon ay problemado siya lalo na ngayon na wala rito ang asawa niya. Ayoko na lang sabihin pero nakita ko kanina ang asawa niya na nasa sugalan at abalang-abala. Kapag nalaman iyon ni Akiro, tiyak na magagalit siya.
"Uminom ka muna ng tubig, Akiro."
Kinuha niya ang inaabot kong baso at ininom. Nasa tabi siya ngayon ng anak niya at lungkot na lungkot. Malaki ang eyebags niya. Halatang-halata na wala pa siyang tulog kakabantay sa anak niya. Iyong panganay niya naman, iniwan lang nila sa bahay. Baka makakuha pa raw ito ng sakit lalo na at mahina rin pala ang katawan niya.
"Frenny, hindi ko alam ang gagawin. Hindi bumababa ang lagnat ng anak ko. Lagi siyang dumadaing na masakit ang ulo niya at nanghihina siya. Nag-aalala pa ako na baka ma-dehydrate siya. Ilang beses na siyang nagsuka, e."
"E, ano bang sabi ng doktor?"
"May mga pinapainom pang gamot sa kaniya. Mayroon pa yatang hinihintay na resulta tungkol sa test niya, e."
Napahinga ako nang malalim. Tinitignan ko ang mag-ina na parehas problemado. Nakakunot ang noo ni Keith habang umiiyak. Marahil ay dinadamdam ang sakit niya. Ito namang si Akiro, hindi napapakali.
Bigla tuloy akong natakot. Paano kung magkaroon ako ng anak tapos magkasakit siya ng ganito? Siguradong iisa kami ng mukha ni Akiro no'n. Kakayanin ko kaya?
"M-Mama, n-nasaan po si Papa?" nanghihina at uutal-utal na tanong ni Keith sa nanay niya.
"A-Ah, ano, e— P-Papunta na iyon, baby. Bakit? Nami-miss mo na ba si Papa?"
Tumango si Keith. Pakiramdam ko ay binasag ang puso ko. Walang kaalam-alam ang mag-ina na ang padre de pamilya nila ay nasa sugalan lang habang si Keith ay nakikipaglaban na sa sakit niya para lang mabuhay.
"A-Ano'ng oras po s-siya darating?"
"Maya maya lang nandito na rin siya, anak. Sige na. Magpahinga ka na nang kaagad kang gumaling. Teka, may gusto ka ba?"
Tumango si Keith.
"Oh, ano 'yon? Gagawin ni Mama ang lahat para mabigay sa super cute na baby niya ang gusto nito." Iginuhit ni Akiro ang isang malawak na ngiti sa mukha niya para pasayahin ang anak niya.
"G-Gusto ko pong m-maging maayos na ang p-pamilya natin. A-Ayoko na pong n-nakikita kayo ni Papa na nag-aaway, M-Mama..."
Sandaling napako si Akiro sa pagtitig niya kay Keith. Kahit ako ay tinablan nang sinabing iyon ni Keith. Totoo nga na kapag nag-aaway-away ang mga magulang, anak ang unang naapektuhan.
Sana bago kami magka-anak ni Ervin, maging maayos muna ang relasyon naming dalawa. Natatakot akong magkaanak nang alam kong pagdadaanan din niya ang pinagdadaanan ngayon ni Keith dahil sa hindi okay ang mga magulang niya. Ayokong mabuhay sa toxic na lugar at relasyon ang magiging anak ko kung sakali man.
Lumapit ako sa kanilang dalawa para tulungan si Akiro. Hindi na kasi siya nakapagsalita pa.
"Gusto mo ba ng apple, baby? Ipaghihiwa ka ni Ninang," suhestiyon ko habang ngumingiti nang malapad upang pangitiin ang inaanak ko.
Umepekto naman iyon nang tumango siya at ngumiti rin. Tinignan ako ni Akiro. Ngumiti siya ng pilit, senyales ng pasasalamat. Tinanguan ko lang siya at nagbalat na ng mansanas.
"Ikukuha ka lang ni Mama ng tubig, ha? Behave ka lang diyan." Bilin nito habang hinahagod ang buhok ng anak.
Lumapit sa akin si Akiro at bumulong, "Lulunukin mo ang sarili mong pride kapag nakita at narinig mo na sa bata ang mga ganoong kataga."
Hindi ako kumibo at tinignan lang siya pero kay Keith niya naman ibinaling ang tingin niya.
"Sorry, anak. Patawarin mo si Mama..."
ILANG araw pa ang lumipas, unti-unti namang naging okay si Keith. Bukas ay ilalabas na siya ng hospital. Sa loob ng ilang araw niya sa hospital, naging sobrang busy rin ako dahil ako lang ang kasama ni Akiro sa pagbabantay sa kaniya. Ako na rin ang nag-aalaga sa panganay ni Akiro. Sinasadya ko pa siya sa kanila para hatiran ng pagkain. Iyong asawa ni Akiro, palagi pa rin sa sugalan. Hindi ko pa nakita na dinalaw niya ang bunso niya sa hospital kaya itong si Akiro, sobrang sama ng loob. Mabuti na lang at naagapan ng mga doktor at lahat ng gamot ang sakit ni Keith kung hindi ay baka kung saan pa 'yon mauwi.
Sa ilang araw kong pagiging abala, nagiging sobrang abala rin pala ang asawa ko. Kinakabahan na nga ako sa pagiging sobrang busy niya, e. Wala na siyang oras sa akin sa tuwing umuuwi siya at palagi siyang pagod. Hindi ko na lang gano'ng pinapansin at ayokong mag-isip ng kung ano'ng ikasasama ng loob ko.
"Honey, aalis na ako." Hinalikan niya ako sa pisngi bago siya lumabas ng bahay.
Nagsalubong ang mga kilay ko dahil hindi niya ako sa labi hinalikan. Samantalang sanay na sanay ako na aalis siyang hahalikan niya ako sa labi.
Umiling na lang ako at ipinagpatuloy na ang ginagawa kong pagbubukod ng damit na de-color sa puti dahil maglalaba ako. Baka hindi na ako matapos sa dami nito. Naging abala ako at naiwan na ang mga maruruming damit namin.
Habang sinasabayan ko ang pagkanta ng pinatutugtog kong tugtugin ay bigla akong napatigil nang maagaw ng pansin ko ang isang puting polo na may bahid ng pulang lipstick. Kinuha ko agad iyon.
"Kay Ervin 'to, ah?" kumakabog ang dibdib na sabi ko at inispeksyon ang damit niya.
"Bakit may lipstick ang damit niya? Hindi naman pula ang lipstick ko, ah?" nagtatakang tanong ko at tinignan ang kabuuang damit.
Sa laylayan ay nakita kong punit iyon. Lalong napakunot ang noo ko nang bigla kong maisip na baka…
"May babae na naman ba siya?!"
Hinalughog ko ang lahat ng maruruming damit niya nang bigla kong makita ang isang pinaglagyan ng condom sa bulsa ng pantalon niya. Punit na iyon at wala ng laman.
Sumiklab ang galit ko. Napamura ako nang napakalutong habang sinasambit ang pangalan niya.
"T*rant*do ka talaga, Ervin!"