Kabanata 7

Nakangiti si Xiara habang nakahiga sa kama niya ngayon. Hindi niya ito inaasahang mangyari dahil ang buong akala niya ay hindi na magbabago si Leo kanina. Hindi sumagi sa isipan niya na bubuhatin siya nito at aakbayan. Hindi ito ang Leo na kausap niya sa ospital.

"I'm going crazy. Gosh, stop it, Xiara!" pagpapakalma niya sa sarili.

Inaamin niya na hanggang ngayon ay kinikilig pa rin siya sa ginawa ni Leo. Kahit isang sandali lang itong hindi naging misteryoso sa paningin niya, pakiramdam niya ay mas lalong nahuhulog ang loob niya rito.

"Nag-enjoy talaga ako sa first date natin. See you next time. Dalaw ka rito sa ospital," pagbabasa niya sa text message na ipinadala ni Leo.

Hindi na niya alam kung anong dapat gawin. 'Yung puso niya ay parang kakawala na sa sobrang saya. Ngayon lang siya nakaramdaman ng ganitong saya. Nakita niyang ngumiti si Leo kanina noong yakapin niya ito. Hindi niya maiwasang umasa na unti-unti na itong nagbabago.

"Sure. Sleep well. Nag-enjoy din ako sa company mo kanina. Let's meet tommorow," pagrereply ni Xiara kay Leo at nilagyan pa ito ng smiley face emoji.

Pagkatapos nito ay nagpagulong-gulong siya sa kama habang yakap ang cellphone. Hindi na niya alam kung nasa katinuan pa ba siya ngayon pero ang nasisigurado niya ay masaya siya. Masaya siya dahil nagpunta sa ospital kanina at niyayang makipag-date si Leo. Wala siyang ideya kung saan nanggaling ang lakas ng loob niya kanina pero hindi niya pinagsisisihan na nangyari ito.

"Matulog ka nang mahimbing. 'Yung necklace ko, ah? Ingatan mo sana dahil malapit ko na 'yan makuha," pagbabasa ni Xiara sa reply ng binata.

Kaagad na napawi ang ngiti sa labi niya nang mabasa ito. Tila doon na bumalik ang katinuan niya. Masyado siyang naging masaya at nakalimutan niyang dalawang date lang sila magsasama ni Leo at lalayuan na niya ito. Ang necklace lang na pagmamay-ari ng binata ang siyang nag-uugnay sa kanilang dalawa.

Hindi na siya sumagot pa sa text message nito at sa halip ay ipinikit na niya ang mga mata. Nagtatalo ang isip niya kung pupunta siya ng ospital bukas dahil kapag nag-date ulit sila ni Leo, tapos na ang kasunduan. Hindi na niya kailanman p'wedeng lapitan ang binata.

Nang magising si Leo kinabukasan ay kaagad siyang nagbihis at nagsuot ng formal na damit. Bumaba siya sa lobby ng ospital para hintayin si Xiara at isagawa ang pangalawa nilang date. Pagkatapos nito ay makukuha na niya muli ang pinakamamahal na kuwintas.

"Ang aga niyo naman po, Sir Leo. Ang ganda po ng coat na suot niyo. May lakad kayo ni Ma'am Xiara, ano? Nako sir, baka nahuhulog na ang loob niyo sa kaniya," pagbibiro ng janitor kay Leo nang mapansin ang binata.

Hindi naman ito pinansin pa ni Leo. Nanatili siyang nakaupo sa couch malapit sa front desk habang hinihintay ang babae. Bahagya niyang sinilip ang cellphone pero walang text messages na galing kay Xiara. Alas-otso na ng umaga kaya naisip niyang baka tulog pa ito dahil napagod sa lakad nila kahapon.

Lumipas ang isang oras pero hindi pa rin dumarating si Xiara. Nagsisimula nang mainip si Leo pero pinipigilan niya ang sarili. Maghihintay siya dahil siguradong darating ang babae. Maaaring ngayong araw na ang huli nilang pagkikita kaya hihintayin niya ito.

"Kumain na po ba kayo, sir? Sabi ng nurse na nagbabantay sa inyo, maaga raw kayong bumaba rito. May gusto po ba kayong kainin? Ibibili namin kayo," nagtatakang tanong ng nagkabantay sa front desk kay Leo.

Umiling lamang ang binata at nagpatuloy pa rin sa ginagawa. Nag-text na rin siya kay Xiara na nagsasabing hinihintay na niya ito pero wala pa rin siyang reply na natatanggap. Lumipas pa ang dalawang oras pero walang Xiara na dumating. Hindi na alam ni Leo kung may importante ba itong ginagawa o ayaw lang siyang puntahan.

"Nasaan na ba siya? Naiinip na ako. Ang tagal niyang dumating. Nakakaasar!" naiinis na sabi ni Leo.

Tatlong oras na siyang naghihintay sa wala. Hindi na niya napigilan ang sarili at mabilis na tumayo para pumunta sa parking lot. Wala siyang anumang ideya kung saan makikita si Xiara pero hindi na niya kayang maghintay pa. Gusto niyang malaman kung ano ba talagang nangyayari rito.

Tinakbo na niya ito nang sa gayon ay mabilis siyang makarating sa sasakyan. Wala namang ibang pumigil sa kaniya dahil sinabi na ng doktor niya kahapon na maayos ang kalagayan niya at walang dapat na ikabahala. Sinimulan na niya ang pag-start sa kotse at mabilis na umalis sa ospital.

"Nasaan ka ba talaga at bakit pakiramdam ko tinataguan mo ako? Hahanapin kita kahit na anong mangyari," determinadong sabi ni Leo.

Hindi niya alam kung nasaang condo nakatira si Xiara at kung anong unit ito. Nakuha man niya ang cellphone number nito pero hindi naman siya sinasagot. Kanina niya pa ito tinatawagan pero nakapatay ang cellphone ng babae. Hindi na niya mapigilang makaramdam ng pagkainis.

"Hindi ka talaga sasagot? Tingnan natin kung hanggang kailan ka magtatago," mariing giit ni Leo.

Ipinarada niya ang sasakyan sa gilid at mabilis na tumakbo paakyat sa overpass kahit na tirik na ang araw. Ito lang ang tanging paraan na naiisip niya para lumabas si Xiara. Hindi nito matitiis na may mangyaring masama sa kaniya kaya kapag sinaktan niya ang sarili, siguradong magpapakita ito sa kaniya.

"Xiara Gomez! Maghihintay ako ng sampung minuto at kapag hindi ka pa rin nagpakita sa akin, tatalon ako rito. Hindi ako nagbibiro!" malakas na sigaw niya kaya bahagyang tumingin ang mga taong dumaraan.

Hindi naman siya pinansin ng mga ito dahil akala nila ay nagbibiro lang. Limang minuto na ang nakalilipas pero hindi pa rin nagpapakita sa kaniya si Xiara. Naiinis na siya. Kanina pa siya naghihintay sa wala.

"Mahalin mo ang sarili mo. Huwag kang basta gagawa ng mga bagay na alam mong makakapanakit sa iba. Pag-isipan mong mabuti ang mga gusto mong gawin," mabilis na sabi sa kaniya ng isang lalaki at bahagya pang tinapik ang balikat ni Leo.

Naguguluhan niya itong tiningnan pero mabilis din umalis ang lalaki. Wala naman siyang balak na tumalon at ginagawa niya lang ito dahil baka sakaling magpakita sa kaniya si Xiara. Lumipas na ang sampung minuto na sinabi niya pero hindi pa rin ito dumarating.

"Nakakainis! Ayoko na. Siguraduhin niya lang na ibabalik niya sa akin ang kuwintas ko," naiinis na sabi ni Leo bago bumaba mula sa overpass at bumalik sa kotse niya.

Napagdesisyunan niyang bumalik na lang sa ospital dahil baka sakaling pumunta na roon ang babae. Wala naman siyang kahit na anong ideya kung saan ito hahanapin kaya mas mabuting sa ospital na lang ulit siya maghintay.

"Sir Leo, bakit ngayon lang kayo? Kanina pa namin kayo hinahanap," biglaang sabi sa kaniya ng bantay sa front desk pagpasok niya sa entrance.

Naguguluhan niya itong tiningnan. Hindi niya alam kung bakit siya nito hinahanap. Bakas din sa mukha ng babae ang bahagyang pag-aalala nito.

"Ano bang nangyari? Maayos lang ang kalagayan ko. Hindi ako nasaktan kaya hindi niyo na kailangang mag-alala pa," naniniguradong sabi niya rito.

Mabilis namang umiling ang babae at iginaya pa siya nito papasok sa loob. Naguguluhan pa rin siya at hindi alam kung anong nangyayari. Wala pa siyang dalawang oras na nawawala pero pakiramdam niya ay may nangyari noong nawala siya.

"Maupo muna kayo. Masyadong mainit sa labas kaya magpalamig ka muna sir Leo. Gusto mo bang tawagin ko ang nurse na nagbabantay sa iyo?" muling sabi nito sa binata.

Naguguluhan na si Leo sa ikinikilos nito. Hindi niya ito mabasa pero alam niyang may masamang nangyari at hindi ito sinasabi sa kaniya.

"Bakit ka ba nagkakaganiyan? May nangyari ba kay Dad? Alam ko maayos naman ang kondisyon niya ngayon. Hindi naman siguro siya inatake sa puso habang wala ako rito?" naniniguradong tanong ni Leo.

Bahagyang umiling ang babae kaya nakahinga siya nang maluwag. Ang akala niya pa naman ay may nangyari nang masama rito. Ang ipinagtataka niya lang ay kung bakit balisa pa rin ang babae.

"Maayos ang kalagayan namin ni Dad. Ano ba talagang mayroon at bakit hindi ka makatingin nang diretso sa akin? Bakit ka nag-aalala? Para kanino?" naguguluhang tanong niya rito.

Bahagya niyang inilibot ang mga mata sa buong lugar at wala naman siyang napansing kakaiba. May mga nurse na tumatakbo sa Emergency Room at may pasyente rin na naglalakad-lakad kasama ang guardian nila. Hindi na niya alam kung ano ba talagang nangyayari

"Hindi tungkol sa inyo ng Dad mo. Si Miss Xiara kasi..." mahinang sabi ito.

Kaagad namang kumunot ang noo ni Leo. "Anong mayroon sa kaniya? Pumunta ba siya rito noong umalis ako? Nasaan na siya ngayon?" magkakasunod niyang tanong.

Hindi niya mapigilan na mainis sa sarili. Kung hindi siya umalis sa ospital ay siguradong hindi sila magkakasalisi. Pinahirapan niya pa ang sarili na tumakbo sa initan para hanapin ang babae.

"Oo. Nandito siya sa ospital. Dumating siya rito kanina pero hindi isang bisita," bulalas ng babae.

Naguguluhan namang tumingin si Leo sa kausap. Kanina pa siya naguguluhan. Ang dami nitong paligoy-ligoy. Kung sinabi nito kaagad ang dapat na sabihin ay hindi na nabibitin si Leo.

"Ano bang ibig mong sabihin? Diretsuhin mo na ako," naiinis na sabi niya.

Bahagya munang nagpakawala ng buntong-hininga ang babae bago sumagot.

"Dumating siya rito hindi bilang bisita kung hindi isang pasyente. Nasa ER siya ngayon at kasalukuyang ginagamot ng mga doktor."

Sa sinabing ito ng babae ay bahagyang natigilan si Leo. Hindi niya alam kung totoo ba ang narinig niya. Hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin siya. Hindi niya kayang paniwalaan ang mga sinabi sa kaniya ng babaeng kausap.