CHAPTER 1

"Lia, tara na kasi!" Hinahatak hatak ako ni Stella sa pagkakahiga.

"Bakit ba kasi ayaw mo makipagblind date? Paano ka nyan magkakajowa?" tanong naman ni Aster na humiga sa tabi ko at nagscroll sa phone nya.

Ang aga-aga yan talaga ang agenda nilang dalawa, tsaka ano naman kung wala akong jowa? ikamamatay ko ba?

"Eh sa ayoko nga, tsaka pinagbigyan ko na kayo one time pwede bang ok na yun?"

Sobrang traumatic kasi ng date na yun dahil walang ibang ginawa yung ka-date ko kundi magyabang at maliitin ang trabaho ko, eh ang baho naman ng hininga nya tsaka ang dami nyang tinga! Kaya nako, pinangako ko talaga sa sarili ko na never na ako papayag sa mga pa-blind date nitong dalawang 'to.

"Osige hindi na, pero sana naman kahit yung dating app i-try mo." sabi ni Stella habang tinutupi ang mga damit na nakalimutan ko tupiin dahil sa pagod.

"Bakit ba kasi atat kayo na magkajowa ako? eh ikaw rin naman Aster wala."pagpoprotesta ko.

" Anong wala, trabaho ang jowa nyan." pangaasar ni Stella.

"Eh ikaw, may jowa ka nga wala namang balak magpakasal." sabay bangon ni Aster sa kama ko.

"Meron! hindi pa lang nya narerealize!" pinaghahampas ni Stella ng unan si Aster dahil sa asar.

"Meron hindi pa lang nya narerealize..." pangaggaya naman sa kanya ni Aster.

Habang nag-aasaran sila ay lumabas na ako ng kwarto at naghanda na ng maluluto. May nirerentahan akong apartment, mag-isa na lang kasi ako kasi nasa heaven na sila mama at papa tapos yung ate at kuya ko nasa ibang bansa, doon sila nagtatrabaho. Ako? freelancer, ayaw ko umalis ng Pilipinas dahil sino na lang maiiwan sa Pilipinas kung lahat ng tao gustong mag-ibang bansa? Naks, makabayan ba? hindi, takot lang.

Sila Aster at Stella naman, may sarili yang mga condo, ewan ko nga rin bakit lagi silang nakatambay dito sa maliit kong apartment eh kung tutuusin mas malaki naman yung tinitirhan nila. Pero ayos lang, nagiging maingay kasi ang apartment kapag nandyan sila kaya ayos na rin. Matagal ko na silang kaibigan, nursery pa lang kami hindi na kami mapaghiwalay tatlo. Si Aster, capricorn at sya ang pinaka matanda sa aming tatlo at siya rin ang pinaka workaholic. Pero hindi tulad ko, hindi nauubusan ng lalaki si Aster kasi bukod sa pinaka matanda, sya rin ang pinaka maganda, , matangkad at maganda ang katawan. Pero sya rin ang pinaka mataray at masakit magsalita. Bukod sa grupo namin, sya rin ang pinaka matanda sa magkakapatid sa pamilya nila, kaya sa kanya rin bagsak lahat ng responsibilidad na pagtapusin ang mga kapatid nya. Si Stella, gemini; sya ang gitna, pinaka madaldal, at bukod tanging may love life sa aming tatlo. Masayahin man pero alam ko nasasaktan sya kasi ang long term boyfriend nya ay parang wala sa bokabularyo ang marriage. At ako virgo, ayun cute.

Araw-araw lang akong nandito apartment, minsan lumalabas sa coffee shop pero madalas nagstay lang talaga ako sa place ko para magtrabaho. Bilang isang freelancer iba-iba ginagawa kong task, minsan content writer ako, minsan transcriber, at minsan virtual assistant, depende kung saang gig may client. Mahirap, kasi yung kita ko nakadepende kung may client ako o wala, sa sobrang competitive na kasi ng ganitong industriya, mahirap talaga makakuha ng client, tiyagaan lang talaga.

"Lia ah, dating app." ngumunguyang sabi ni Stella habang palabas ng pinto dahil paalis na sila.

Tumango na lang ako at sinenyasan si Aster na hatakin na si Stella at ang kulit na naman.

Pagkasarado ng pinto ay balik na naman sa katahimikan ang apartment ko. Dumiretso na muna ako sa banyo para maligo para tuloy-tuloy na ang trabaho mamaya at para matapos agad. Pagkatapos magbihis ay umupo muna ako at tiningnan ang dating app na pinapainstall sa akin i Stella. Tinitigan ko ito ng matagal at iniisip kung susubukan ko ba.

"Hindi" sabi ko sabay exit at patay ng phone.

Ewan ko rin ba kung anong pumipigil sa akin para itry, dahil ba hindi pa ako financially stable? siguro nga. Ang gastos kaya makipagrelasyon ngayon, imbis na itatabi mo o ipangbabayad mo sa bills, ipangbibili mo pa ng regalo sa monthsary o anniversary nyo. Tama, yun ang rason ko kung bakit ayaw ko talaga magkajowa. Hindi dahil sa choosy ako pero wala lang talaga akong pera!

*ting*

May gumawa ng group chat, para saan naman 'to?

-Hello batchmates. Kumusta na?

-Siguro nabigla kayo biglang may gc. hahaha

-Gumawa ako ng gc kasi magkaroon tayo ng batch reunion!

-Oh diba ang saya!

-Kaya dapat lahat kayo pumunta.

-Sa school natin gaganapin, september 15, 8pm.

-Wag kayo mawawala ahhh! dapat kumpleto section natin!

Batch reunion? pupunta kaya sya?

-Kumpleto ang section 1 kaya dapat itaas natin ang bandera nating section 2!! hahhahah

Kumpleto ang section One, ibig sabihin pupunta sya!

Biglang may tumawag, sina Stella at Aster.

"Oh ano pupunta ka? Baka nandoon na ang forever mo!" tumitili pa sya, kitang kita ko kasi naka video call kaming tatlo.

"Oo pupunta ako."

Makikita ko ulit sya... makikita ko ulit Sky!

"Sure ka? birthday mo yun." Sabi naman ni Aster na hindi nakatingin dahil may ginagawa sa laptop nya.

"Ayos lang yun no Lia, baka nandoon si Sky!" Tili na naman ng tili si Stella.

"Jusko, Sky pa rin? Alam mo Lia, kaya ka siguro walang amor sa blind date at dating app kasi hanggang ngayon iniisip mo pa rin yung sinabi nya sayo nung prom." Napatingin na si Aster sa screen at hinihintay ang isasagot ko.

" Ay oo, yung hayaan mo kapag wala pa akong boyfriend at ikaw rin wala pa, kapag thirty na tayo, tayo na lang? yun ba? Nako baka eto na yun! mag-thirty ka na sa september fifteen, baka yun na ang sign talaga from the universe! Push na natin!" Puro sigaw at tili na lang ni Stella ang naririnig namin ni Aster.

"Di ko alam..." pabebe ko na sagot. Pero totoo naman kasi talaga, hindi ko nga alam kung tanda nya pa yung sinabi nya na yun.

Last prom namin noon kasi fourth year high school na kami, sobra talaga pagdarasal ko noon na sana isayaw ako ni Sky. Kasi naman nung third year prom wala sya kasi nagkabulutong kaya ang lungkot pero at least noong 4th year kami umattend sya at dininig ang dasal ko, isinayaw nya ako at dun pa talaga sa gusto kong kanta, yung enchanted by Taylor Swift. Sobrang kilig ko noon, buti na lang talaga ni required ng teachers na isayaw ng mga boys ang girls kaya kahit boys siguro gusto nyang isayaw eh wala syang magawa.

HIndi ako naimik habang sinasayaw nya ako kaya siguro nailang na sya at sya na ang nag-umpisa magsalita. Tinanong nya ako saan ako magcocollege at anong kukunin kong course, tinanong ko rin sya. Tapos nung sakto na sa part na ng kanta na ang lyrics ay: please don't be in love with someone else, please don't have somebody waiting on you...

Bigla nyang tinanong kung may crush ba daw ako at sino, sabi ko naman wala. Pagkatapos tsaka nya binitawan ang mga salitang never kong nakalimutan...

"Ganun, osige hayaan mo kapag wala pa tayong boyfriend parehas kapag thirty na tayo, tayo na lang."

Hindi ako makapagsalita noon, hindi ko rin alam pero hindi maalis ng mga mata ko ang tingin sa mga mata nya. Tandang tanda ko pa na parang may kuryente na dumaloy sa katawan ko na pinakalma ang puso ko. Natapos na ang kanta pero ang tingin ko ay hindi pa maalis. Natauhan na lang ako nang magpatugtog ng up beat at tsaka ako napabitaw sa kanya at tumawa naman sya. Simula noon, lagi yung sumasagi sa isip ko, excited ako na mag-thirty years old dahil umaasa ako na baka totoo ang mga sinabi nya. Nagkamali ako, ang dami ko pang sinasabi pero eto na ang malinaw na sagot kung bakit ayokong tumingin sa iba...

Dahil ang totoo, sya lang ang gusto ng puso ko.