CHAPTER 7

TANGHALI na nang makabalik si Eris sa puwesto ni Hasna kung saan matiyagang hinintay siya ng kaibigan. Nangunot ang kaniyang mga mata nang makita si Almidos na nakaupo sa dulo ng upuan habang si Hasna naman ang nasa kabilang dulo nito.

“Hey, pasensya na natagalan. Sobrang haba pa naman ng pila. Nakikipag-away na nga ako doon sa mga kasunod ko dahil pasingit nang pasingit,” panimula ni Eris upang kuhanin nag atensyon ng dalawa niyang kaibigan na hindi namalayan ang kaniyang pagdating.

Kaagad na tumayo si Hasna at saka lumapit kay Eris. “Ang tagal mo,” reklamo niya kay Eris.

“Babalik na kayong sittio?” biglang singit ni Almidos. Tumayo ito mula sa kaniyang kinauupuan at saka lumapit sa dalawang dalaga.

“Hindi pa. Kakain lang muna siguro tapos uuwi na rin,” sagot ni Eris. Napatango-tango naman si Almidos bago ngumisi.

“Sabay-sabay na tayo,” wika ni Almidos.

Pasimpleng umirap si Hasna at saka tinalikuran sina Eris at Almidos na nag-uusap. Ilang sandali lang ay naramdaman niyang sumunod na rin ang dalawa sa kaniya. Walang katapusang pagrereklamo ang ikinukuwento ni Eris habang si Almidos naman ay tatawa-tawa at kung minsan ay sumasang-ayon na lamang sa sinasabi ni Eris.

“Ano’ng oras pa kayo magkasama kanina doon sa upuan?” tanong ni Eris kina Hasna at Almidos.

“Mula noong pumila ka,” kaswal na sagot ni Hasna. Napahinto si Hasna sa paglalakad at saka nilingon ang dalawang kaibigan. Napahinto rin ito at sabay na tiningnan siya. Bakas sa mukha ni Eris ang pagtataka habang si Almidos naman ay napayuko na lamang at hindi na nagbitaw pa ng anumang salita.

“Don’t tell me you just sit there. Hindi man lang kayo nag-usap?” tanong pa ni Eris sa dalawa. “So, hindi pa rin kayo maayos?” Dagdag pa nito.

“We’re okay, Eris. Nag-usap naman kami ni Hasna tungkol sa nangyari kagabi and we’re fine with that,” wika ni Almidos nang iangat niya ang kaniyang tingin sa kaibigan.

“Ang nakalipas ay tapos na, saka ano’ng tingin mo sa amin, magkatabing tuod? Sa hinaba-haba ng oras ng paghihintay, sa tingin mo hindi kami mag-uusap?” mariin na sabi ni Hasna habang diretsong nakatingin sa mga mata ni Eris.

“Alam ko naman pero p’wede rin namang hindi kayo nag-usap but knowing Almidos, alam kong hindi ‘yan makakatiis na hindi dumaldal,” sabi pa ni Eris. Natawa naman si Almidos habang si Hasna ay napaiwas ang tingin habang gumuhit ang pasimpleng ngiti sa kaniyang labi.

Nahagip ng kaniyang paningin ang grupo ng babae na kung umasta ay mayayaman. Napatingin rin sina Almidos at Eris dito.

Upang mabago ang ihip ng hangin mula sa nag-iinit na dugo ni Hasna, kaagad na lumapit si Almidos kay Eris para akbayan ito at hilahin palapit kay Hasna. Inakbayan rin ni Almidos si Hasna at habang palabas ng campus.

“Ano bang problema mo, Almidos?” inis na tanong ni Hasna habang nagpupumiglas at pilit na inaalis ang braso ni Almidos na naka-akbay sa kaniyang balikat. Lalong pinagtibay ni Almidos ang kaniyang pagkaka-akbay kay Hasna habang kay Eris naman ay kaniyang niluwagan dahil hindi naman ito nagpupumiglas at natatawa lamang.

“Nagugutom na ako. Maghanap na tayo ng makakainan tapos pumunta naman tayo ng mall. Hindi ba’t ‘yon naman talaga ang pakay mo, Eris,” wika ni Almidos at ibinaling ang tingin kay Eris.

“Ha?”

“’Di ba? Kaya nga sumama si Hasna sa ‘yo dahil ang sabi mo ay gagala kayong dalawa pero bakit dinala mo s’ya sa school?” untag pa nito kay Eris at saka ito ngumisi.

Napabuntonghininga na lamang si Hasna at napailing-iling. Nang mapansin niya na wala ang atensyon ni Almidos sa kaniya, kinuha niya ang pagkakataon na iyon upang makatakas mula sa pagkaka-akbay ni Almidos.

Napahalakhak si Almidos at napailing-iling. Si Eris naman ay inalis na rin ang braso ni Almidos na naka-akbay sa kaniya.

“Bilisan niyo, nagugutom na rin ako,” sigaw ni Hasna. Nakasimangot na ito habang hinihintay ang dalawa.

Naghanap ang tatlo ng makakainan na walang gaanong tao. Ngunit karamihan sa kainan na puntahan nila sa gilid ng campus ay punuan dahil sa dami ng mga estudyanteng kukuha ng mga listahan ng requirements mula sa iba’t ibang baitang na sinabayan pa ng mga trabador ng kalsada na nakikisabay sa pananghalian.

Ilang kainan din ang napuntahan nila hanggang sa napadpad sila sa isang kainan na kakaunti na lang ang tao dahil kaaalis lang ng isang grupo na kumain rito.

“Ano’ng gusto niyong kainin?” tanong ni Almidos. “Libre ko,” anunsyo niya habang nakatingin kina Eris at Hasna.

“Ate, anim na kanin nga po tapos…” Hindi na naituloy ni Almidos ang kaniyang sasabihin dahil hindi niya naman alam kung ano ang gustong ulam ng dalawa. Isa-isa niyang tiningnan ang dalawa niyang kasama.

“Menudo na lang sa akin,” wika ni Eris.

“Sitaw na lang,” mahinang sabi ni Hasna bago tinalikuran ang dalawa at naghanap nga mapupwestuhan. Nang makahanap ay naupo na lamang siya doon habang naghihintay sa dalawa niyang kasama.

Ilang sandali pa ay dumating na ang dalawa, dala-dala ni Almidos ang isang tray na naglalaman ng tatlong plato na mayroong kanin at mangko ng ulam.

“Ang unti ng ulam,” natatawang sabi ni Almidos bago umupo. Ibinigay niya ang mangko na naglalaman ng ulam ni Hasna at Eris at pagkatapos naman ay ang plato naglalaman ng kanin.

Tahimik na kumain ang tatlo, tanging ang tunog lamang ng nagbabanggaan na plato at baso mula sa kusina ng tindahan at taga-hugas nito. Ilang sandali pa, pumasok ang isang maingay na grupo at kung ano-anong pinag-uusapan.

Agaw pansin ang ingay ng grupo kung kaya’t sabay-sabay na napalingon sina Almidos at Eris habang si Hasna ay tila ba nawalan ng gana sa pagkain. Nang makita ni Almidos si Almida, kaagad niyang ibinalik ang kaniyang atensyon sa pagkain upang itago ang kaniyang mukha. Si Eris naman ay napatingin kay Almidos at Hasna na tila ba nag-iba ang timpla nang makita nila kung sino ang grupo ng maiingay na ito.

Pasimpleng siniko ni Eris si Almidos. “Si Almida, tama?” tanong niya kay Almidos na mabilis na tumango at ipinagpatuloy na lamang ang kaniyang pagkain.

“Hindi n’ya pa rin alam?”

“Hindi pa. Kaya nga nagtatago ‘yan kasi panigurado sa oras na makita siya ng mga kasama n’yan ay kukuwestiyunin ang kanilang itsura,” singit ni Hasna.

Muling napatango-tango si Almidos. Nagsalin ito ng tubig sa kaniyang baso at saka ito mabilis na nilagok. Mayroon siyang hinugot sa kaniyang bulsa – pitaka. Humugot siya rito ng dalawang daan na buo at inilapag sa mesa.

Kinuha naman ito ni Hasna. Alam na nito kung ano ang ibig sabihin ng mga ikinikilos ni Almidos.

“OMG, p’wede ba tayong lumipat ng ibang kainan?” maarteng wika ni Almida nang mapatingin sa grupo nina Hasna.

“Girl, wala nang ibang kainan na maluwag. Gusto mo bang manlagkit doon sa kabila kasama ang mga trabador?” wika naman ng isang babae.

Napailing-iling na lang si Hasna at tiningnan si Almidos. Ang ugali ni Almida at Almido ang parang milya ang distansya dahil sa sobrang layo nito. Kung si Almidos ay ang laki ng respeto sa mga mahihirap na tao ganoon naman ang pagiging mataas ni Almida.

Si Almida at Almidos ang magkapatid. Kung tutuusin ay puwede silang mapagkamalang kambal dahil magkamukhang-magkamukha sila. Para bang pinagbiyak na bunga ang kanilang mga mukha dahil kung ano ang hulma ng mukha ni Almidos ang ganoon rin ang kay Almida ngunit lingid sa kaalaman ni Almida na mayroon siyang panganay na kapatid.

Isa sa pinaka-ayaw ni Almidos ay makilala bilang kapatid ni Almida dahil ayaw niyang maging dahilan para pandirihan ang kaniyang kapatid sa kadahilanang may kapatid itong taga-bundok at higit sa lahat miyembro ng isang grupo na hindi pinaniniwalaan ng karamihan.

Para kay Almidos, hindi na mahalaga sa kaniya kung kilalanin siyang kapatid ni Almida, ang mahalaga ay matugunan niya ang tungkulin ng isang panganay na kapatid sa kaniyang nakababatang kapatid.

“Bilisan natin sa pagkain. Ayaw kong makasama ang mga cheap.”

Sabay na napatingin sina Almidos at Eris kay Hasna nang bigla itong tumayo. Bakas ang inis sa kaniyang mukha. Huminga nang malalim si Hasna habang taimtim na nakatingin kay Almidos. Dahan-dahan namang umiling si Almidos at ganoon rin si Eris.

Napairap na lang si Hasna at saka pumunta sa may kahera ng kainan. Agad namang lumabas si Almidos habang si Eris ay lumapit kay Hasna. Gamit ang kaniyang natitirang pera at pera ni Almidos bumili siya ng chuckies.

Matapos nitong makapagbayad at makuha ang plastic na naglalaman ng kaniyang pinamili ay agad itong naglakad palapit sa grupo ni Almida.

“Your behavior is cheaper than us,” mariing sabi ni Hasna at saka ibinagsak sa mesa ang kaniyang pinamili. “Take that as a treat of cheap person to a cheaper bitch,” dagdag pa ni Hasna bago tuluyang tinalikuran ang grupo ni Almida at lumabas ng kainan.

Hindi nakapagsalita ang grupo ni Almida at nang makaalis na sina Hasna ay doon lamang siya tumili dahil sa inis. “Magkikita pa tayo, Hasna!” sigaw pa niya.

Dinala nina Eris at Almidos si Hasna sa isang mall para libangin at pahupain ang kumukulo nitong dugo. Hindi naman masisi nina Eris at Almidos kung bakit ganoon na lamang magalit si Hasna dahil simula’t sapol ay naging sentro na siya ng katatawan dahil sa kaniyang mga binitawang salita noong nasa elementarya pa lamang siya. Siya ang naging sentro ng atensyo ng katulad na tao ni Almida.

Hindi naman nabigo si Eris at Almidos dahil sa huli ay nakuha nila ang kiliti ni Hasna. Silang tatlo ay walang sinayang na oras upang libangin ang kanilang sarili lalong-lalo na ang kaibigan nilang si Hasna na naiipit sa gitna nag pag-aalinlangan at paniniwala niya sa buhay.

Bilang kaibigan, hindi nila kayang makita na naiipit sa isang sitwasyon si Hasna dahil hanggang ngayon, kitang-kita pa rin sa mga kilos at pananalita ni Hasna ang pait ng kaniyang nakaraan na patuloy na lumalamon sa kaniyang paniniwala at pagkatao.

Wala silang ibang hangad kung hindi ang mapalaya ang kaibigan sa dilim na kinasasadlakan nito. Sa dilim na hanggang ngayon ay kakabit pa rin ng kaniyang pagkatao.