Chapter 7

"Wanda gising, aalis na tayo."

Minulat ko ang mga mata ko at nakita ko si Dion na nakayuko habang nakahawak sa kamay ko.

"Aalis na tayo." Dugtong nito saka binitiwan ako at tumalikod.

Agad rin akong bumangon.

"Heto." Sabay abot niya ng flashlight sa akin. Tinaasan ko ito ng kilay.

"Akala ko ba naiwan ito doon kasama ng mga gamit natin?" nagtataka kong tanong. Ngumiti ito at ipinahawak sa akin ang flashlight.

"Binalikan ko kanina nung tulog kapa pero 'yan lang ang nakuha ko," malungkot niyang wika.

Napapakinabangan naman pala itong lalaking ito kahit papaano.

"Ayos lang, malaking tulong na rin naman 'to," pampalubag loob kong sabi.

Nagpatuloy na kami sa paglalakad at dahil isa lang ang ilaw namin napagpasyahan ni Dion na siya na ang gagamit nu'n.

"Ako na ang mauuna, humawak ka lang ng mahigpit sa damit ko at sumunod sa akin. Huwag na huwag kang bibitaw," wika niya.

Sinunod ko ang sinabi niya. Humawak ako ng mahigpit sa likurang bahagi ng damit niya pagkatapos ay dahan-dahan na kaming naglakad.

Habang sumusunod sa kanya ay amoy na amoy ko ang kanyang napakabangong katawan. Mga mayayaman talaga kayang bumili ng pabangong hindi nawawala ang amoy kahit nadumihan na ang damit.

"Wanda, hindi ka ba natatakot?" Bigla niyang tanong sa akin sa kalagitnaan ng paglalakad namin.

"Matatakot? Saan? At bakit naman ako matatakot?" simple kong sagot dito.

Sandali siyang natahimik bago sumagot.

"Alam kong sa puso ng gubat kung saan nakatira ang itim na bruha tayo pupunta. Hindi ka ba natatakot sa kanya?"

Napabitiw ako sa pagkakahawak sa damit ni Dion matapos marinig ang sinabi niya. Natahimik ako at napahinto sa paglalakad.

Bakit niya nalaman?

Hindi niya napansin ang pagbitaw ko sa kanya kaya nagpatuloy ito sa paglalakad habang ako ay nakatingin lang sa kanyang likod.

"Paano mo nalaman?" nagtataka kong tanong.

Iyong oras na iyon niya lang napagtanto na hindi na ako nakahawak sa damit niya. Lumingon siya at itinapat ang ilaw sa akin kaya napatakip ako sa mukha ko.

"Bakit bumitaw ka? Sinabi kong huwag kang bibitaw hindi ba?! Paano kapag naiwan ka? Hay!" may halong pagkainis sa tono ng kanyang boses.

Nagmadali siyang bumalik sa kinaroroonan ko at nang mapalapit sa akin ay kaagad niyang kinuha ang isang kamay ko at hinawakan ito ng mahigpit.

"Anong ginagawa mo?" nagtataka at may halong pagkairita kong tanong.

"Mas mabuting ganito para nasigurado kong kasama parin kita." Wika niya sabay hila sa akin.

Nagpatuloy kami sa paglalakad at sa oras na ito ay magkahawak na ang kamay namin. Ramdam na ramdam ko ang kanyang malambot na palad dahil sa sobrang higpit ng kanyang paghawak sa akin.

"Noong bata ako, nabanggit ni yaya sa akin ang tungkol sa nakatirang witch sa puso ng gubat dito sa norte. Akala ko noong una gawa-gawa niya lang 'iyon hanggang nakilala kita," mahinahon niyang salaysay.

"Kaya mo ba ako sinamahan dito ngayon?"

"Iyon na nga. Una kitang nakita noong may namatay na lalaki sa canteen. Sumisigaw ka noon tungkol sa itim na usok. Doon ako umpisang nagduda tungkol sa sinabi ni yaya at simula nun hinahanap na kita palagi sa loob ng skwelahan."

Hindi ko magawang magsalita hindi dahil sa mga sinabi niya kundi dahil sa pabango niya na naaamoy ko at sa mga malalambot niyang kamay. Paano naman kasi ako makakapag isip ng mabuti kung naamoy ko ang pabango ng isang gwapong lalaki at kahawak kamay ko pa siya.

"Ewan ko ba kung bakit mas gusto kong samahan ka kahit alam kong mapanganib," dugtong niya.

"Ibig sabihin ay nakikita mo rin iyong itim na usok?"

"Hindi. Pero gusto parin kitang tulungan."

Hay! Bakit ba ang bait niya? Tapos ang bango pa? hmmm.... pakiramdam ko nanalo na ako kahit hindi pa nag-uumpisa ang laban.

Napahinto ako sa paglalakad at napahawak sa tiyan ko nang biglang tumunog ito.

Hay! Nakakahiya. 'Yung mga alaga ko gutom na!

Naramdaman ko ang mahinang pagtawa ni Dion.

"Talaga lang ha? Bakit, ikaw ba hindi nagugutom?" naiinis kong tanong rito.

Mas lalo pang lumakas ang kanyang pagtawa.

"Pasensya na, ngayon lang kasi ako nakarinig ng ganun ka lakas na tunog ng tiyan," natatawa niyang wika.

"Hindi mo naman kasi naranasang magutom ng sobra dahil marami ka namang pera."

Tumigil siya sa pagtawa matapos marinig ang sinabi ko. Siguro ay napagtanto niyang nasaktan niya ako sa sinabi at pagtawa niya.

Ilang minuto rin kaming naging tahimik, tanging tunog ng tiyan ko lang ang naririnig.

Hindi ko alam kung bakit ayaw niyang tumigil sa pagtunog. Kahit hindi na tumatawa si Dion alam kong natatawa siya sa loob-loob niya pero pinipigilan niya lang ito.

"Kailan ba tayo makakalabas dito? Dahil sa sobrang dilim akala ko ilang buwan na tayo rito." Pagrereklamo ko.

"Sa tingin ko hindi na tayo maglalakad sa dilim, tingnan mo."

Napatingin ako sa unahan at nakita kong hindi na ito masyadong madilim. Siguro ay malapit na kaming makarating sa dulo ng kuweba at sa wakas ay makakalabas na rin kami rito. Pinatay ni Dion ang gamit naming flashlight at nagpatuloy na sa paglalakad. Binitawan niya na rin ang kamay ko.

May kaonting kurot sa puso ko nang bitawan niya ako ngunit naisip kong bakit pa niya ako hahawakan kung hindi naman madilim ang paligid namin, maliban na lamang siguro kong gusto niya rin ako. Siguro hindi.

Kahit masakit ang puso ko mas ramdam ko parin ang hilab ng tiyan ko.

"Wanda, tingnan mo!"

Ano na naman ba?! Kahit pogi siya pero pwede bang tumahimik siya kahit sandali lang? Kasi halos mahimatay na ako sa sobrang gutom tapos siya ang ingay pa!

"Ano na naman ba?!" Nakayuko kong tanong.

Hindi na ako nag-aksaya pang tingnan kung ano ang nakita niya.

"Tingna mo," dugyong niya.

Sigurado akong wala na naman itong kwenta.

"Hayaan mo na kong ano man-"

"Kulay gintong mansanas," saysay niya.

Tama ba ang narinig ko? Mansanas?

"Mansanas? Saan?" Bigla akong nabuhayan ng loob nang marinig ang salitang mansanas. Sa wakas ay makakakain na rin ako.

Tumakbo ako papunta sa unahan ni Dion at tiningnan ang paligid. Tama nga siya! May mga nakapatong na kulay gintong mansanas sa isang patag na bato. Sa tingin ko nasa sampu ang mga ito.

Patakbo akong lumapit sa bato kung saan nakalagay ang mga mansanas, sumunod rin si Dion.

"Kakaiba ang mga mansanas na ito." Badya niya.

"Hay! Ano ka ba, kakaiba naman kasi ang lugar na ito kaya kakaiba rin ang mga prutas. Ang mahalaga may prutas diba?"

Agad akong kumuha ng isang mansanas pagkatapos ay tinitigan ito ng malapitan.

Kakaiba nga ang mansanas na ito. Ngayon pa lamang ako nakakita ng kulay gintong mansanas at sobrang kinis pa. Nakakatakam.

Itinaas ko ito upang kainin nang pigilan ako ni Dion.

"Huwag! Hindi natin alam kung totoong mansanas 'iyan at isa pa baka may nagmamay-ari niyan."

Tumingin-tingin ako sa paligid at wala naman akong nakitang ibang tao.

"Sa tingin mo ba may iba pang tao rito? At sino namang papasok sa lugar na'to? Hay! Ayos lang 'iyan!" Ngumiti ako at tuluyan nang isinubo ang mansanas.

Sobrang tamis nito. Ito na yata ang pinakamatamis sa lahat ng mansanas na natikman ko. Hindi ko napigilan ang aking sarili at sunod-sunod ko itong isinubo at napapikit ako dahil sa sobrang sarap.

Kaagad kong naubos ang isang mansanas kaya kumuha pa ulit ako ng isa pa. Sobrang sarap nitong prutas na ito para tanggihan. Habang sarap na sarap sa pagkain ay napansin ko si Dion na nakatingin sa akin.

"Ano? Hindi ka kakain? Bahala ka," saad ko.

Nakita kong lumunok ito ng makitang sarap na sarap ako sa pagkain.

"Ay! Sige na." Kumuha ako ng isa at iniabot sa kanya. Nagdalawang isip pa ito ngunit sa huli ay tinanggap rin ng lalaki..

Nang tikman ay hindi naitago sa mukha nito ang pagkamangha. Napangiti siya habang tumatango-tango.

"Sabi ko naman sayo diba?" Natatawa kong wika.

Binilisan namin ang pagkain hanggang sa wala ng natirang mansanas na nakapatong sa patag na bato.

Umupo ako at sumandal sa bato sabay himas sa aking tiyan ganun rin si Dion. Halos hindi ako makagalaw dahil sa sobrang kabusugan.

Sobrang sarap ng prutas na iyon at habang kumakain kanina ay naramdaman kong parang lumulutang ako dahil sa sobrang sarap.

Para akong nalasing dahil sa sobrang sarap.

Nanlalabo ang mga mata ko.

"Dion? Ang gwapo mo ngayon." Natatawa kong sambit kahit hindi ko maaninag ng maayos ang mukha niya.

"Ikaw rin, ang ganda mo." Sagot niya at sabay kaming tumawa ng malakas.

"Nanlalabo ang mga mata ko," dugtong niya.

"Ako rin."

At sabay kaming tumawang dalawa.

Tumawa lang kami ng tumawa sa loob ng ilang minuto.

"Aba! May iba palang tao rito?"

Sabay kaming mapatingin ni Dion sa likuran namin nang may biglang magsalita.

Isang lalaki at isang babae ang nakita ko. Nakangiti sila habang nakatingin sa amin at napatigil kami pareho ni Dion sa pagtawa matapos makita ang gwapo at maganda nilang mukha.

Sobrang gwapo ng mukha ng lalaki. Katamtaman ang laki ng katawan, bilogin ang mga mata, may mapupulang mga labi, may makakapal na kilay at nagiging hugis puso ang kanyang mga labi sa tuwing siyay ngingiti. Ganoon rin ang mukha ng babae. Siguro ay magkapatid sila.

Natutula ako sa kanyang kagwapuhan.

Nakangiting lumapit sa akin ang lalaki. Pumunta siya sa likuran ko pagkatapos ay dahan-dahan niyang inilapit ang mukha niya sa akin at bumulong.

"Ang ganda mo."

Sobrang lamig ng kanyang boses na halos manghina ang buo kong katawan.

"Gusto mong kumain ng marami pang mansanas?" bulong niya ulit.

Hindi ko kinaya ang sobrang ganda ng kanyang boses. Para itong isang awit sa pandinig ko kaya napapikit ako. Para akong dinadala ng kanyang boses sa ibang lugar. Para akong lumulutang sa hangin. Ang kanyang boses at mukha ay 'yung tipong kahit busog ka na ay sasama ka pa rin sa kanya.

"Oo. Sasama ako sayo."

"Tara," mahinahon niyang sabi.

Habang nakapikit ay napangiti ako. Naramdaman ko ang isang mainit na kamay na humawak sa akin at alam kong ang lalaki iyon. Gusto kong dumilat ngunit parang inaantok ako kaya nanatili nalang akong nakapikit. Dahan-dahan niya akong hinila at nagsimula na kaming maglakad.

Wala akong ibang inisip kundi ang masarap na mansanas at ang gwapong lalaki na nakahawak sa akin ngayon

"Wanda?!" pagtawag ni Dion sa akin. Siguro ay naiinis lamang siya dahil mas gwapo kaysa sa kanya ang lalaking ito.

"Huwag kang maingay Dion. Pupunta tayo kung saan may maraming mansanas," natatawa kong saysay habang nanatili paring nakapikit.

"Wanda! Wanda idilat mo ang mga mata mo!" sigaw ni Dion.

Tumigil ako sa paglalakad at dahan-dahang idinilat ang mga mata.

Nakita ko si Dion na seryosong nakatingin sa akin. Napangiti ako.

Nagseselos ba siya?

"Nagseselos ka ba?" Derecho kong tanong sa kanya. Medyo nagulat pa siya sa sinabi ko ngunit kaagad rin niyang binawi. Mas hinigpitan ko ang paghawak sa kamay ng lalaki, gusto kong mas lalong mainis si Dion.

"Wanda," mabilis siyang naglakad papalapit sa akin at hinila ako kaya napabitaw ako sa lalaking kahawak kamay ko kanina. "Wanda gumising ka! Imahinasyon lamang ang lahat. Ang kinain nating mansanas kanina ay hindi totoong mansanas."

"Ano? Hindi ko maintindihan," tinawanan ko ito.

Naramdaman ko ang malakas na pagtama ng isang malaking kamay sa pisngi ko kaya napamulat ako ng husto. Biglang nawala ang antok ko dahil sa sobrang sakit ng pisngi ko sanhi ng malakas na pagsampal.

"Bakit mo ginawa 'yun? Aray! Ang sakit!" Pagrereklamo ko habang nakahawak sa kabilang pisngi ko.

"Tumingin ka sa paligid," pag-utos niya.

Tumingin ako sa paligid at napangiti ako nang makita ang gwapong lalaki na seryosong nakatingin sa amin.

"Ipikit mo sandali ang mga mata mo tapos kusutin mo at imulat muli," dugtong ni Dion.

Bakit ba ang dami niyang pinapagawa?

Kahit naguguluhan ay sinunod ko parin ito. Ipinikit ko ang aking mga mata pagkatapos ay sandaling kinusot at iminulat muli at deretchong tiningnan ang gwapong lalaki at ang kasama nito kaninang babae.

Napasigaw ako ng husto nang imulat ko ang aking mata. Ang lalaking gwapo kanina ay naging isang pangit at mukhang aswang na lalaki na may buhaghag na buhok at may nabubulok na mga ngipin. Ganun rin ang kasama niyang babae.

"Dion!"

Sunod-sunod ang pag-atras ko habang nakalaglag ang panga. Kinapa-kapa ko si Dion na nakatayo sa likuran ko at halatang natatakot na rin.

"Halika na. Pupunta tayo sa lugar na may maraming prutas hindi ba? Halika! Hihihihi." Sambit ng pangit na lalaki saka tumawa.

Itinaas niya ang kanyang mga kamay para abutin ako at nag-umpisang humakbang papalapit sa amin ganun rin ang kasama niyang babae.

"Dion!"

"Takbo!" Sigaw ni Dion sabay hila ng malakas sa akin.

"Waaaaaah! Habulin!" Rinig kong sigaw ng pangit na lalaki at nagsimulat na rin ang mga itong tumakbo para habulin kami.

Nasa unahan si Dion at nakasunod naman ako habang hawak-hawak ang kanyang kamay. Kahit masakit sa paa ang mga batong natatapakan namin ay patuloy parin kami sa pagtakbo.

Lumiko kami pa kanan at habang tumatakbo ay ramdam na ramdam ko na papalapit na sa amin ang dalawang hindi ko malaman kung anong klasing halimaw.

"Bilis Wanda!" Sambit ni Dion. Mas binilisan namin ang pagtakbo ngunit binilisan rin ng mga humahabol sa amin ang kanilang pagtakbo. Tumatawa pa ang mga ito.

Sa unahan ay may nakikita akong liwanag. Marahil, iyon na ang dulo ng kweba. Lumingon ako at nakita ko na ilang hakbang nalang ang pagitan namin ng lalaking halimaw kaya napasigaw ako.

Inangat ng lalaking halimaw ang kanyang kamay at kitang-kita kong konti na lang talaga ay maabutan na niya ako. Nakita ko pa ang pagngiti nito.

"Ah!"

"Talonnn!"

Tumalon si Dion at katulad ng kanyang sinabi ay tumalon rin ako. Tumalon rin ang halimaw at nahawakan nito ang isang paa ko ngunit agad ko itong sinipa gamit ang isang paa kaya nabitawan niya ako.

Bumagsak kami ni Dion sa mga damuhan sa labas ng kuweba. Pagkalabas na pagkalabas namin ay kaagad tumakip sa butas ng kuweba ang isang malaking bato kaya sabay kaming nakahinga ng malalim ni Dion.

Naramdaman ko ang paghapdi ng braso ko kaya tiningnan ko ito. Nagkaroon ako ng konting galos sa magkabilang siko. Nagkagalos rin si Dion. Mabuti at konti lamang ang bato rito sa binagsakan namin kaya hindi malubha ang natamo naming sugat.

Umupo ako at ganun din si Dion. Habang nakaupo ay bigla kong naalala ang mansanas na kinain namin.

Ang sabi ni Dion hindi iyon totoong mansanas, at ang sabi ni Lola dati gumagamit ng mahika ang mga halimaw upang mang-akit ng taong mabibiktima at pagkain ang ginagamit nilang pang-akit. Masarap na pagkain iyon sa tingin ng mga tao ngunit ang totoo ay mga buhay iyon na uod.

Napatakip ako bigla sa bibig ko matapos maalala ang sinabi ni Lola at sa oras ring iyon ay inilabas ko ang lahat ng nakain ko kaninang mansanas.

Diring-diri ako sa sarili ko at alam kong ganoon rin si Dion.

Matapos ipalabas ang lahat ng kasamaang kinain namin ay umupo muna kami sa ilalim ng puno at nagpahinga.

"Paano mo nalaman na hindi sila totoo?" pagtatanong ko sa kanya. Inayos niya ang kanyang pagkakaupo bago nagsalita.

"Tatlong mansanas lang ang nakain ko tapos ikaw na ang nag-ubos ng lahat. Napansin kong parang nawala ako sa katinuan ko at nanlabo rin ang mga mata ko ngunit dahil sa maliit lang ang nakain ko kaya nawala agad ang ganung pakiramdam at bumalik agad ako sa katinuan," paliwanag niya.

"Talaga palang nawala ako sa katinuan ko?" Hindi makapaniwala kong tanong sa kanya.

Tumango lang siya at hindi na sumagot. Naisip ko ang sinabi ko sa kanya kanina, na gwapo siya. Aminado akong may kagwapuhan talaga siya pero ang sinabi ko kanina ay bunga lang ng kinain kong mansanas. Hindi iyon sinasadya at walang malalim na ibig sabihin kaya sana nakalimutan na niya, sana.