KABANATA II: THE UNKNOWN CALL

ILANG tasa ng kape ang makikita sa mesa ni Landon habang nakataas ang paa nito roon at prenteng nakasandal sa swivel chair habang nakapikit. Hanggang ngayon ay iniisip niya kung saan siya nagkulang magmula sa pagkalap ng impormasyon tungkol sa sindikatong ito.

Kaya, lahat ng mga papeles na inaral nila magmula noong una ay nasa kanyang lamesa. Hindi niya na alam kung paano mag-uumpisa dahil sa dami noon. Napansin niya rin ang ilang beses na pagtawag sa kanya ni Angelika kagabi ngunit wala siyang gana na sagutin ang isa man doon dahil sa dami niyang iniisip.

“Hindi ba papasok sa trabaho si Angelika ngayon?”

Umayos silang lahat sa pagkakaupo nang marinig ang baritonong boses ni Donald na isa sa mga head ng Kris and Light Organization—ang lalaking naging dahilan kung bakit apat na taon siyang nagtatrabaho para sa sikretong organisasyong ito.

“Let her rest for today. Alam ko naman na napagod siya kagabi. Dapat talaga, hindi na lang din siya sumama,” tugon niya.

Ngumisi ang lalaki at ibinagsak ang isang folder saka naupo sa isa sa mga upuang nasa harap niya.

“Landon, I just want you to know that Angelika is still one of our agents. Kung gusto niyang magpahinga, kailangan niya pa ring magsabi sa akin dahil ako ang head ninyo—“

Nagulat si Donald sa biglang pagtayo ni Landon. Matalim ang pagkakatitig nito sa lalaki na para bang may ginawa itong masama.

“Nasaan ka kagabi?”

Pansin ni Landon ang dagling pag-iwas nito ng tingin ngunit ginantihan siya nito ng mas nanlilisik na mga mata at pagngisi.

“Kung nagagalit ka sa nangyari kagabi, huwag mo akong idamay. Kasalanan ko ba na naunahan kayo ng mga tauhan ng Caroline na iyon? Kasalanan ko bang hindi kayo naging maingat sa mga galaw ninyo? I am not expecting na aabot ng anim na buwan ang misyong ito sa inyo—“

Nahinto ang kanilang usapan ng marinig nila ang pagtunong ng telepono na nanggaling sa mesa ni Landon. Tumindig sa pagkakatayo si Donald at namulsa.

“Sagutin mo na muna ‘yan. I can wait for your rants.” Nakakaloko pa itong ngumiti sa kanya.

Padabog niyang sinagot ang tawag. “Landon Sta. Inez.”

“Ako ‘to…”

Agad na kumulo ang dugo niya nang marinig ang boses na iyon. Hinding-hindi niya makakalimutan iyon dahil ilang beses na silang dalawa na nagkausap sa telepono.

“Sa palagay mo, maniniwala pa ako sa mga sasabihin mo?”

“Magkita tayo sa Huwebes sa South Reginal Circle Mall. Ibibigay ko ang mga impormasyong gusto mo.”

At talagang inuubos nito ang kanyang pasensya dahil narinig niya pa itong payak na tumawa.

“Hindi ko kailangan ng mga impormasyon mo! Ang kailangan ko ay si Caroline at ang mga kasamahan niya sa grupo. Kung hindi mo kayang ibigay sa akin ang mga taong iyon, kaya kitang i-track para malaman ko kung nasaan ka at ipapahuli kita!”

“Huwag kang masyadong mainit, Landon. Sumunod ka na lang kung ayaw mong bawiin ko ang lahat ng sinabi ko. Huwag kang mag-alala dahil ang lahat ng gusto mong malaman ay dala ko.”

“Paano pa ako maniniwala sa ‘yo? Wala kaming nahuli kagabi! Akala ko ba nandoon sila?”

“Hindi na ‘yan mahalaga. Ang mahalaga sa ngayon, may madaragdag sa impormasyon ninyo tungkol sa kanila, hindi ba? At hindi lang iyon, sa pagkikita natin sa Huwebes, ibibigay ko ang lahat ng gusto mo, makipagkita ka lang sa akin.”

Huminga siya nang malalim. Masyado nang mahaba ang pakikipag-usap niya sa lalaking ito.

“I’ll do it. No cops. Kami lang.”

“Hindi naman ako natatakot kung magsama kayo ng mga pulis dahil alam ko naman na magiging ligtas ang mga ito sa ‘yo. Tatawag ulit ako.” Pinutol nito ang tawag.

Muling naupo ang lalaki sa swivel chair nito habang sina Donald at ang mga lalaking kasama niya ay nakatingin lang sa kanya. Naghihintay sa kanyang iutos.

“Nagpapaniwala ka pa rin sa lalaking ‘yan?” Donald made chuckle. “Kung ako sa ‘yo, gagawa na lang ako ng ibang paraan para matapos na ‘tong kaso na ‘to, Landon.” Napailing pa ito habang paalis sa cubicle nila.

“Makikipagkita ang team ko sa kanya sa Huwebes. Sa South Regina Circle Mall. Kung hindi ka sasama, huwag kang magasama ng maraming backup namin dahil baka mapurnada na naman kami.”

Nagkibit-balikat lang ang lalaki bago ito umalis.

“Landon, seryoso ba ‘yong sinabi mo kanina? Makikipagkita talaga tayo sa kanya?” tanong ni Peter.

“Kailangan nating makuha ang impormasyong meron siya—alam kong ito na ‘yon kaya please, sa huling pagkakataon, maniwala kayo sa akin na malulutas na natin ‘to. Please, one more chance. Kapag hindi ko talaga ‘to natapos, mag-re-resign ako nang mas maaga pa sa inaakala n’yo.”

Nakatitig lang ang tatlo niyang kasamahan sa kanya at para bang nag-iisip ng magandang isasagot sa deal na pinakawalan niya.

“Kung sakali ba na mag-resign ka, invited pa rin kami sa kasal n’yo ni Angelika?” pabirong tanong ni Anton kaya siniko ito ni Jake.

“Hinayupak ka talaga!”

Nagtawanan silang apat.

“Huwag kang mag-alala, malaki naman ang tiwala namin sa ‘yo, Landon. Pero sana, isipin mo rin ‘yong sinabi namin, ha? Malakas ang kutob namin na kaya hindi natin ‘to matapos-tapos ay dahil may nakaalam ng plano natin,” ani Jake sa kanya.

Tumango lang siya. Ayaw niyang isipin ang bagay na iyon dahil may tiwala siya sa lahat ng taong nandito sa organisasyon. At alam niyang napakaimposible na isa sa mga ito ang magtatraydor sa kanya.

GUMISING si Angelika ng wala si Landon sa kanyang tabi. Naibsan na ang pagsakit ng kanyang puson na ininda niya kagabi dahil nakapagpahinga siya kahit papaano. Wala siyang natanggap na kahit anong tawag man o text sa lalaki nang kunin niya ang cellphone sa bedside table nito ngunit may isang mensahe siya galing kay Donald na agad nagpagising sa kanyang puso.

Alam niya kaya? Nakita niya kaya ako? Nakuha niya kaya ang plate number ng kotse ko?

Bago niya tingnan ang mensaheng iyon ay tumayo siya at nagtungo sa bintana upang silipin ang paligid. Magmula noong nalaman niyang buntis siya ay pinapakiramdaman niya na ang paligid. Ngayong hindi pa nila mahuli ang isa man sa miyembro ng Golden Beetle ay nasa delikadong sitwasyon siya—sila ng anak niya.

Tahimik ang kapaligiran nang natawin niya iyon mula sa second floor ng bahay. Wala ring kakaibang kotse o naglalakad sa paligid. Ligtas pa rin siya kaya naman pigil-hininga niyang binuksan ang mensaheng iyon.

“Hindi ka ba papasok ngayong araw? Mukhang si Landon ang kailangan ng pahinga at hindi ikaw.”

Kahit papaano’y nabunutan siya ng tinik nang mabasa iyon. Alam niya naman na walang ibang pupuntaha ang kanyang kasintahan kundi sa opisina lang kaya panatag siya. Ngunit mas maigi sanang umuwi ito upang mapag-usapan nila ang nakita niya kagabi. Sayang lang at wala siyang ebidensya na nakalap dahil magmimistulang haka-haka o imainasyon lang iyon sa lalaki.

Pagbaba niya ay agad siyang nagtimpla ng gatas dahil sa gutom. Tahimik ang bahay na binili nila ni Landon kapag wala ang lalaki roon. Hindi siya mahilig sa musika at mas gusto niya ang nakakabinging katahimikan dahil nakakapag-isip siya nang maayos.

Habang nakaupo sa sofa at nagbabasa ng dyaryo ay isang number ang tumawag sa kanya. Binalot siya ng takot at pangamba lalo na’t ngayon lang siya nakatanggap noon. Mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang buong paligid kung nakasarado ba ang mga bintana at pinto saka niya iyon sinagot.

“A-Angelika Singson.”

“Akala ko hindi ka na sasagot.”

Mas lalo siyang kinabahan nang marinig na babae ang kausap niya sa kabilang linya. Hindi kaya ito si Caroline?

“Kung inaakala mong ako si Caroline, nagkakamali ka. Hindi ka niya pag-aakasayahan ng oras dahil mas gusto niyang pinapatay agad ang mga taong nakakaalam ng sikreto niya. Ako si Ruby. Isa ako sa mga miyembro ng Golden Beetle at handa akong sumuko sa inyo para sa kalayaan ko.”

“A-ano’ng ibig mong sabihin?” Napaupo siya at pinindot ang record button.

“Walang kaso sa akin kung i-record moa ng tawag na ‘to dahil iyon din naman ang sasabihin ko sa ‘yo. Angelika, delikado ang sitwasyon ninyo. Tumawag na naman ‘yong lalaki na madalas kausap ni Landon at magkikita sila sa isang mall sa Huwebes.”

“A-ano?”

“Makinig ka lang muna sa akin, naiintindihan mo?”

Tumango siya bilang sagot. “O-Oo. Makikinig ako.”

“Nasa ‘yo na kung maniniwala ka sa akin o hindi pero ginagamit lang kayo ng lalaking iyon para paglaruan. Si Caroline ang nag-utos sa kanya na gawin iyon. Alam kong nakita mo ang isang sikreto na hindi dapat kailanman malaman ng kahit na sino pero aksidente mong nakita, hindi ba?”

“Ano ang tinutukoy mo, Ruby?”

“Nandoon ako kagabi, Angelika. Ilang buwan na rin kitang minamanmanan. Alam kong alam mo kung ano ang tinutukoy ko. Isa ako sa mgataong tinalaga para palihim kayong sundan ayon na rin sa utos ni Caroline. Tutulungan kitang matapos ang misyon na ito pero nakikiusap akong tulungan mo akong makatakas sa kanila. Gusto ko nang magbagong-buhay. Gusto ko nang magkaroon ng sarili kong pamilya nang hindi natatakot na babalikan nila ako…”

“Ipinapangako kong gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para matulungan ka. Ano bang plano mo?”

“Sumama ka sa kanila sa Huwebes. Magkita tayong dalawa at ibibigay ko ang tunay na microchip na kakailanganin ninyo upang mapabagsak ang Golden Beetle.”

“N-naiintindihan ko. Huwag kang mag-alala, sasama ako.”

“Alam kong gagawa ng patibong si Caroline kaya kailangang safe kong madala sa ‘yo ang bagay na iyon. Tandaan mong tatawagan kita sa Huwebes. Huwag kang magpapahalata sa misyon na ‘to.”

“M-maraming salamat.”

“Angelika, ikaw na ang bahala kung gusto mong makarating ang pag-uusap na ito sa kasintahan mo pero kung ipapaalam mo na nag-usap tayong dalawa, sana alam mo kung anong mga impormasyon lang ang kailangan mong sabihin sa kanya.”

May sasabihin pa sana si Angelika ngunit pinatay na nito ang tawag. Ngayon, nagdadalawang-isip siya kung sasabihin niya ba ito kay Landon…o huwag na muna.