Chapter 27: Fear

BUONG bakasyon ay wala akong ginawa kundi yayain si Eula at syempre kasama ang mga pinsan niya, na mamasyal.

G na g naman sila at sumasama. Bukas nga ay sa falls naman kami gagala. Maganda roon, nakarating na ako isang beses kasama si James na lagalag.

Ngayon ay naglalaro lamang kami ng basketball kasama ang barkada at ang mga lalaking pinsan ni Eula. Nagkakantiyawan pa kapag may nakaka-shoot.

Natigilan lamang kami nang may lumapit. Pormal ang suot, pormal manalita. At nang tawagin nito si Denmark ay malakas na nagtawanan si Aerol at Lester na nakatanggap ng mura kay Denmark.

Walang-hiya. Bigatin pala itong isa sa pinsan ni Eula. Prinsipe pala ito? Hindi naman kasi gaanong halata. Para lang siyang batang hamog na pakalat-kalat.

Baka kapag naging kami ni Eula at magselos siya ay utusan niya itong pinsan niyang royalty na ipa-shoot to kill ako. Diyos ko!

Kinabukasan ay maaga kaming bumalandra sa gate nang bahay nang mga Quinto para manundo. May kalayuan kasi iyong falls.

Nagyabang pa ako na kunwari wala akong lisensya pero pwede magdrive. Muntanga!

Pagdating sa falls ay agad na lumusong at nagyabang ang mga kasama ko, syempre magpapasikat rin ako. Tumalon pa kami doon sa taas ng falls. Dati naman ay hindi ko ginagawa dahil masyado akong advance mag-isip.

Pero dahil mayabang, nagyabang ako. Nakahinga lang ako ng maluwag ng bumagsak ako sa tubig na buo pa rin ang katawan at walang tumatagas na kulay pula sa noo.

Si Eula ay nakaupo lamang sa tabi nang puno at panay ang dutdot sa phone at selfie. Nagpunta nga ako sa likuran niya para maging photo bomber.

Loko naman at ipinost na hindi pala chineck muna. Andami tuloy niyang naging comments. Tatawa-tawa lamang ako habang nagri-reklamo siya sa akin. Humiga na lang ako sa tabi niya saka kumanta, naalala ko kasing pinakanta niya ako noong nakaraan.

Hanggang sa lumapit ang mga kasama namin at nagsimula na namang mang-asar. Ngayon nga ay may ka-tandem na ang mga kabarkada ko, ang mga pinsan ni Eula.

Masaya pa kami noong una. Kinunan pa kami ni Den ng piktyur.

Pero noong lumusong na sa tubig si Eula at gulatin ko siya ay bigla na lamang siyang nahilo at dumugo iyong ilong niya.

Putang-ina! Takot na takot talaga ako ng mga oras na iyon. Iniisip ko na kasalanan ko dahil ginulat ko siya e alam ko naman na may dinaramdam siya.

Tanginang pag-iisip ‘yan.

Hanggang sa mag-aya na akong umuwi. Natakot ako. Gusto ko pa nga siyang sigawan noong sabihin niya na huwag ng ipaalam sa Lola niya.

Maayos pa naman noong mga ilang ulit pa kaming nag-gala pero noong stroll na, bigla siyang nahilo saka nawalan ng malay.

Agad namin siyang isinugod sa ospital na malapit. Lagi akong dumadalaw sa kaniya sa loob ng ilang araw na nasa ospital siya. Pero nanlumo ako walang nagawa noong sunduin na siya para ipa-check sa mas high tech na ospital sa kabila.

Ni hindi ko nakuha ang number niya para makumusta ko man lang siya. Saka noon ko rin lang nalaman na nagbabakasyon rin lang pala silang magpipinsan dito, tulad ko.

Mabuti na lamang at bumait na sa akin si Aerol, sinabi niya sa aking nakaalis na nga si Eula sinundo na at walang-hiya hiya ko nang hiningi ang number niya para makibalita tungkol sa dalaga.

At nang bumalik na rin ako, nakiusap ako kay Mommy at Daddy na ilipat ako sa Cuarteros College. Nalaman ko kasi na doon nag-aaral si Eula.

“Bakit ka lilipat? Naka-enrol ka na sa AIU.” Kunot noong tanong ni Mommy.

“Mom... please,”

“Bakit nga kasi?”

“Susundan ko siya.” Bulong ko na alam ko namang narinig nilang dalawa.

Iiling-iling na napangisi si Daddy, si Mommy naman ay mataman akong tinititigan.

“Anak, grade 12 ka na. Baka pwedeng sa college ka na magtransfer doon?”

Sakto na grade 11 Si Eula at STEM ang track niya. “Now na, ‘My ‘Dy.”

“Sabi ko, anak, maghanap ka lang huwag maulol! Diyos ko!” hinilot ni Mommy ang sentido niya dahil sa stress sa akin. Ilang araw ko na kasi silang kinukulit.

At sa huli, pumayag sila. Hindi ko alam kung bakit, paano at kailan pero nang ihatid ako ni Daddy sa harap ng Cuarteros sa unang araw ng klase ay gusto ko siyang yakapin kahit na nakakabakla.

Hinanap ko si Eula at nakita ko naman siya agad. Nagulat pa nang makita ako.

Masaya. Masaya siyang kasama. Lagi ko siyang inaabangan dahil nga gusto ko siyang alagaan, medyo clumsy pa naman.

At dahil nakuha ko na rin sa wakas ang numero niya, agad ko siyang itinext pero hindi ako nagpapakilala. Gusto ko muna siyang gawing textmate. Ngingisi-ngisi ako kapag mabilis na dumarating ang reply niya.

Aba’y loko. Nakikipag-textmate ang babaeng maliit.

Ang kasiyahan ko palang nararamdaman ay panandalian lamang. Sa subject na PE, doon na naman siya inatake. Takot na takot ko siyang binuhat saka isinakay sa sasakyan noong isa sa kaibigan niya.

Halos ayaw ko siyang bitiwan habang nasa biyahe. Gusto kong sumigaw at magmura pero alam ko naman na walang magagawa iyon.

Nang magising siya ay nasa labas lamang ako nang kaniyang silid. Nakikinig sa sasabihin nang doktor. Lymphoma.

Hindi pamilyar pero nang sabihin ng doktor na malala, risky at kung anu-ano pa ay parang kusang nagsara ang tainga ko. Wala akong marinig.

Alalang-alala ako. Hindi dahil pinopormahan ko siya kundi dahil na rin bilang isang kaibigan. Ang bata pa naman niya.

Naupo ako sa upuan na nasa labas lamang ng silid niya. Ayaw kong pumasok. Parang iiyak lang ako sa loob, baka magtaka pa ang magulang niya kung maglupasay ako doon ng iyak e hindi naman nila ako kilala.

Tama na muna ako dito sa labas.