Chapter 30: Unsecure Love
Nakahinto ang sinasakyang bangka nina Pamela at Lucas sa pampang malapit sa talon sa Santuario de Santiago. Ilang beses pa lamang siyang dinadala roon ni Lucas at iyon ang unang pagkakataong namangka sila doon. Napakaganda ng paligid at kulang na kulang din ang sabihing romantic iyon. Pinagmamasdan lang nila ang paligid. Nakasandal lang siya sa dibdib nito habang nakayakap ito sa kanya. Nang lumingon siya rito ay ngumiti lang ito saka pinatulis ang nguso kaya idinikit niya ang mga labi rito. “Ang sweet mo.”
“Ngayon mo lang napansin? Ang tagal na nating mag-asawa eh.”
“Nagpapatawa siya,” aniya. Mahinang tumawa ito. Mula nang bumalik si Pamela, naging maligalig na siya bagaman nanatiling mainit ang samahan nila. Inihahanda niya rin ang sarili kung sakaling magkabalikan ang mga ito. Ilang beses na nahuhuli niya itong ka-text pa rin ang dalaga. Naiinis siya sa babae dahil alam naman nitong may girlfriend na si Lucas ay lumalapit pa ito. Pumupunta pa ito sa opisina nina Lucas para lang magtanong ng kung anu-ano. Wala naman siyang text na napansin na pinapatulan ni Lucas. Totoong friendly lang ang reply nito, walang halong malisya. Hindi niya alam pero umaasa siyang layuan na lang ni Lucas ito. Ayaw niyang pangunahan ang kasintahan dahil baka pagtalunan pa nila iyon pero sana ay piliin lagi siya nito.
“Kiss mo nga ako ulit,” nakangising sabi nito saka siya iniharap dito. Bahagya pang umuga ang bangka pero balewala lang dito. Natigil pa sila nang makarinig ng mga hiyawan at palakpakan.
“May bold na naman dito,” sigaw ni Donatello.
“Lagi ka na lang umeeksena. Mahiya ka nga,” sagot ni Alessandro na halata namang kakampi ang pinakamakulit sa grupo.
“Lumayas-layas kayo dito,” natatawang taboy ni Lucas dito.
“Oh nakakaistorbo na raw tayo,” nakangising sabi ni Isaac at nagsagwan na palayo. Nag-thumbs up pa sa kanya si Belle.
“Lucas, sinasabi ko sa ‘yo ha. Huwag dito,” nakakunot ang noo na sabi ni Apollo.
“Yes, boss.”
“Mat-Mat, masungit ka na naman,” sabi ng kasama nitong singkit na babae na mukhang Japanese. Napakaganda nito lalo na kapag ngumingiti.
“Oo nga, Mat-Mat,” sabay na sabi nina Donatello at Alessandro.
“Shut up,” asik ni Apollo.
“Bakit na naman?”
“Ang ganda nga ng Mat-Mat na pangalan eh.”
“Oo nga naman, cool ka lang, Mat-Mat.”
“Stop calling me that name! Wala kayong karapatan,” napipikong sabi ni Apollo sa dalawang makulit na ayaw tumigil.
“Pero kapag si Sophia, okay lang, madaya ka talaga,” kunwaring nagtatampong sabi ni Donatello.
“Hindi kayo si Sophia kaya lumayas kayo dito,” sabi ni Apollo na nagmamadaling nagsagwan palayo.
“Yieeeee,” sigaw nina Alessandro at Lisa.
Nagkatawanan lang sila ni Lucas dahil sa napanood. “Balik na nga tayo sa cabin ko.”
“Eh kararating lang natin.”
“Bukas na ulit dahil namimiss ka na ni Junior.”
“Lucas naman eh! Kakatapos lang natin kagabi.”
“Last night pa iyon. Iba ngayon kaya halika na,” sabi nitong nagmamadaling nag-sagwan pabalik sa pampang ng ilog at kinarga na siya palabas ng gubat. Mabilis lang itong naglakad bitbit siya kahit naririnig ang pang-aasar ng mga kaibigan.
NAPAPAHAGIKGIK si Pamela habang umaangal si Lucas. Dalawang araw na sila sa Santuario de Santiago at naroon lang sila sa cabin nito. Nakakapagod din ang paulit-ulit na marathon nila kaya gumawa siya ng paraan upang pareho silang malibang. Mayroon silang ginagawang beauty and wellness regimen ni Lucas. Nilagyan niya ng mudpack ang lalaking nakadapa lang sa couch habang binibigyan ito ng massage.
“Ang cute ng mudpack,” natatawang sabi niya.
“Ang lagkit eh,” naiiling pa ito pero nakangiti naman.
Pagkalipas ng ilang minuto ay inalis na nila pareho ang mudpack at naglagay naman ng kung anu-ano pa sa mukha. “Ayan, diyan muna for fifteen minutes ha.”
“Ang dami mo namang nilalagay,” natatawang sabi nito.
“Ima-manicure at pedicure muna kita.”
“Ay bongga naman,” anito sa ginawang bading na boses bago mabilis na kumilos at ipinagpalit ang puwesto nila. “Ako na muna ang mag-manicure at pedicure sa ‘yo, sister,” nakangising sabi nito at iyon na nga ang ginawa kaya nang matapos ito, tawa siya nang tawa dahil lagpas ang mga inilagay nitong nail polish. Inayos na naman niya iyon at nagbanlaw sila ng mukha. “Last na itong moisturizer.”
“Meron na naman?”
“Oo kaya tiisin mo.”
“Ang dami mo talagang nilalagay sa mukha mo.”
“Para pretty ako.”
“Sus, hindi na kailangan pretty na pretty ka na. Mas gusto ko nga kapag simple ka lang eh. Si Maureen nga hanggang ngayon, hindi naglalagay ng makeup pero magandang maganda pa rin.”
Napahinto siya at napatitig dito. Ganoon din ang naman ang naging reaksiyon nito na nagulat sa sinabi. Pinilit na lang niyang sakyan ito kahit ang totoo ay parang dinurog ang puso niya sa sinabi nito. “Oo nga eh. Ang ganda niya talaga,” nakangiting sabi niya at tinapos ang paglalagay ng moisturizer sa mukha nito. “Oh iyan pretty ka na rin mamaya,” sabi niyang pilit ang pagtawa. Ngumiti siyang muli. May kukunin lang ako sa banyo kaya huwag mo agad aalisin iyan. Mag-relax ka lang diyan. Kahit mahirap ay pinilit niyang magmukhang normal lang ang kilos niya. Dahan-dahan pa siyang umakyat ng kuwarto nila ni Lucas at pumasok sa banyo. Pigil na pigil niya ang paghagulgol habang parang naging dam naman ang tearducts niya dahil tuluy-tuloy ang pagpatak ng mga luha niya. Napahikbi na siya pero mahina lang din ang tunog dahil ayaw niyang marinig iyon ni Lucas. Pagkalipas ng ilang minuto ay narinig na niya ang pagkatok.
“Sweetheart?”
“L-Lucas,” sabi niya at nagmamadaling pinunasan ang mga luha.
“Please open the door. Mag-usap na muna tayo.”
“W-wait lang, pogi, may inaayos lang ako,” aniya sa pilit na pinasiglang boses.
Naghilamos na siya at napamura siya nang mapansing namumugto ang mga mata niya kaya lalo niyang pinagbutihan ang paghihilamos. Napatili siya dahil biglang bumukas na din ang pinto saka pumasok si Lucas. “Misis?”
“Bakit? Nagulat naman ako,” nakangiting sabi niya.
Hindi naman ito kumibo. Pinagmasdan lang nito ang mukha niya kaya nailang siya. Inabot nito ang face towel saka pinunasan ang basang mukha niya saka siya niyakap nang mahigpit. “I’m sorry, sweetheart. I’m sorry.”
“S-saan? Ano ka ba? Bakit ka ba nagso-sorry?” Niyakap niya rin ito.
“Let me kiss you,” sabi nito at agad na sinakop ang mga labi niya pero kumawala siya.
“Sabi ko sa ‘yo hintayin mo muna ako eh. May moisturizer pa eh,” sabi niya at hinayaan itong maghilamos saka pilit itong pinalabas.
“Bakit na naman? Ahh,” tumatangong sabi nito pero ngumisi nang mapansin ang bote ng wax na pinang-aalis niya samanipis na buhok niya sa kilikili. Natatawang inabot nito ang bote saka kinarga siya.
“Umayos ka diyan, Lucas,” tili niya saka humalakhak habag pinipilit kumawala dahil ito na ang nag-wax sa kanya.
“Nahiya ka pa,” anito at sumubsob ang mukha sa kilikili niya. “Amoy baby nga eh.”
“Tigilan mo na kasi,” natatawang sabi niya lalo na nang kilitiin siya nang kilitiin nito. Mula doon ay nauwi din iyon sa walang sawang pagniniig nila at hindi pa sila titigil kung hindi pa parehong kumalam ang mga sikmura nila.