Chapter 17: Seeing Him Again
Iwas na iwas na muna ang naguguluhang si Pamela sa pagbubukas ng Facebook account niya. Inilagay na lang din muna niya sa airplane mode ang cellphone niya. Puro text messages, missed calls, at chats mula kay Lucas ang inbox niya sa cellphone man o Facebook. Pagkatapos ng muli nilang paghahalikan, text na naman ito nang text sa kanya. Isang buwan na rin silang ganoon kaya naguguluhan na siya.
Nag-ayos na siya ng sarili niya saka binitbit ang shoulder bag niya. Napilitan siyang alisin ang airplane mode ng cellphone niya para tawagan si Jaycee. Pupuntahan niya ang pinsan sa Santa Clara. Naroon din daw si Harry. Okay na raw ang dalawa kaya napalagay na siya. Mag-overnight silang tatlo sa apartment unit nito. Unang suweldo daw kasi nito sa trabaho nito sa Rosario kaya magpapadeliver ito ng maraming pagkain saka sila magdamag na magkukuwentuhan.
Nang i-off niya ang tawag ay nag-ring naman ang cellphone niya. Naiinis na sinagot niya na rin iyon para tigilan na siya ng binata. “Lucas.”
“Why aren’t you answering my messages and calls?”
“Sinagot ko ngayon ang tawag mo, Lucas.”
Napabuntung-hininga ito. “Pamela…”
“Bakit ba?”
“I want to talk to you. Please talk to me. Can we meet at the park now? Papunta na ako ngayon diyan.”
“Hindi pwede dahil pupunta akong Santa Clara ngayon,” sabi niya at in-off ang cellphone.
Pababa na siya ng hagdan nang marinig ang boses ng Kuya Wyndham niya na tinatawag siya. “Bakit na naman, kuya?”
“Bakit ka laging gabi umaalis ng bahay? Isusumbong na talaga kita kina Daddy at Mommy eh,” naiinis na sabi nito.
“Kuya, nasabi ko namang mag-o-overnight ako sa apartment ni Jaycee kasama si Harry.”
“Sigurado ka?”
“Oo.”
“Bakit wala si Harry?”
“Hihiramin ko ang kotse. Ako ang naka-schedule.”
“Si Marriott ang naka-schedule. Dala niya ang kotse.”
Napatutop siya ng noo. “Magba-bus na lang ako.”
“Sure kang hindi si Lucas ang kasama mo ngayon.”
“Kuya, ihatid mo na lang ako kina Jaycee para makasiguro ka. Niligawan niya ako months ago. Hindi naman natuloy dahil mutual decision namin.” Sa loob-loob niya ay malapit na siyang mapaismid dahil malinaw pa sa alaala niyang ito ang may gustong tumigil na sa panliligaw. Pero hayun at halik na naman nang halik, lapit na naman nang lapit, nangungulit na naman nang nangungulit.
“Okay fine, mag-iingat ka,” paalala nito sa kanya pero napatili siya nang may babaeng nakatapis lang sa kumot na lumabas sa kuwarto nito.
“Baby,” malakas na sabi ng Kuya Wyndham niya at pinapasok ang babae.
“Hmp. Pare-parehong mga palikero kaya sigurado sa likaw ng bituka ng isa’t isa,” natatawang sabi niya habang naglalakad pababa sa hagdan.
“Narinig ko iyon ha.”
“Hindi ako nagsasalita,” natatawang sabi niya saka nagmamadaling lumabas ng bahay. Sinusian niya na iyon para maisara ang gate mula sa loob. Paglingon niya ay napahinto siya dahil naroon ang hudyo.
“Sweetheart, please talk to me.”
“Layuan mo ako, bad spirit,” sabi niya saka naglakad. “Gwapo ng hudas,” naiinis na sabi niya habang pinipigilan ang kilig. Nakasuot ito ng leather jacket na parang isang action star. Bagong gupit din ito kaya malinis na malinis din itong tingnan.
“No. Let’s talk, please, sweetheart,” sabi nito at marahang hinawakan siya sa braso.
“Kapal mo! I’m not your sweetheart. I’m not anyone’s sweetheart, and will not be your sidechick,” naiinis na sabi niya saka pumiglas dito at pumara ng motor. Mabuti na lang at may inihatid itong kapitbahay. “Manong, sa station po tayo ng mga bus.” Umaandar na ang motor nang paglingon niya ay nakasunod sa kanya si Lucas. Nang lumiko ang motor papuntang bus station ay dapat sa kabilang daan ito pupunta ngunit sinundan pa rin siya nito kaya kabado siya.
Nang magbayad siya sa motor, nagmamadali na siyang bumaba pero nauna pa roon si Lucas. Humarang ito sa dadaanan niya saka nakahanda nang lumuhod sa harap niya. “Please talk to me,” anito.
“Oo na,” angil niya.
“I knew that trick would work, sweetheart,” nakangiting sabi nito.
“Trick-in mo iyang mukha mo,” naiinis na sabi niya.
“Oo na,” anito at isinakay na siya sa Ducati nito. Nang makarating sila ng Liwanag ay iniliko nito papunta sa safe haven nito ang motor. “Lucas, ten minutes lang ha. Mag-uusap kami nina Jaycee.”
Huminto na ang motor nang makarating sila sa tapat ng kubo. “Ten minutes,” napakunot pa ito ng noo na parang batang inagawan ng kendi. “Ang kuripot mo naman eh.”
Hindi niya inaasahan ang ganoong facial reaction nito kaya natawa siya. “Nakakainis ka.”
“Two hours naman.”
“Ang tagal niyon!”
“Basta pumayag ka na. Matutuwa ka sa makikita mo promise.”
Napamaang siya rito. “Hoy!”
“Alam ko ang iniisip mo. Hindi iyon. Surprise ito saka wholesome.”
“Oo na.”
“Yehey,” masayang sabi nito at mabilis siyang kinarga at iniupo sa sofa sa veranda. Nagulat pa siya dahil may mag-asawang may-edad na naroon at parang hinihintay sila.
“Salamat Mang Teban, Aling Metring,” nakangiting sabi nito at nag-abot ng ilang lilibuhin sa mag-asawa. Pagtingin niya sa mesa ay may mga pagkain pa doon. Puro paborito niya iyon, karekare, sisig, fried chicken, at pansit canton. Awtomatikong kumalam pa ang sikmura niya kaya napangiti ang binata. “Nagugutom na rin ako. Kain na agad tayo,” anito at pinaupo siya.
Naiilang na siya dahil asikasong-asikaso siya nito. “Hoy, may kailangan ka noh,” nakangiting sabi niya.
“Wala ahh,” anito habang magandang kumakain. May sauce ng karekare sa magkabilang gilid ng mga labi nito.
“Para ka namang bata kumain,” natatawang sabi niya at pinunasan iyon.
“Thank you.”
“Ang sarap ahh.” Talagang weakness niya ang mga nakahain sa mesa kaya nabura ang inis niya sa binata.
Nang matapos silang kumain ay ito na ang nagboluntaryong magligpit. Paglabas nitong muli sa kubo, bitbit na naman nito ang telescope. “May meteor shower.”
“Talaga?”
“Oo, kaya nga kinukulit kita eh. Gusto kong makita mo.”
“Yehey,” sabi niya. Excited siya dahil first time niyang makakakita niyon ng close up. Naalala niyang gusto niyang tumatambay sa bubong para mag-wish sa mga bituin.
“I-set up ko na.” Sumilip ito. “Ayun meron. Dito ka,” anito at pinasilip siya.
“Ang ganda,” masaya pang sabi niya rito. “Ikaw din.”
“Sige lang, mag-enjoy ka muna diyan. Maya-maya ako sisilip.”
Pagkalipas ng ilang minuto ay lumingon siya rito. Nakangiti lang din ito sa kanya nang matipid kaya napangiti rin siya. “Check mo rin.”
“Okay ka na?”
“Yes, pero sisilip ulit ako maya-maya. Bibilangan kita ng five minutes.”
“Sige.” Sumilip nga ito. “Wonderful,” bulong nito habang iginagalaw ang telescope para mas makakuha ng mas magandang anggulo. Muli itong sumilip at seryosong nakatingin lang sa itaas. Pinagmasdan niya ang binata. Relaxed na relaxed ang hitsura nito kaya hindi niya masisi ang sariling magkagusto dito. Gustung-gusto niya pa rin ito kaya lang ay pinipigilan niya ang sariling mapalapit dito dahil lalo lang siyang magkakagusto rito. Napakabait at napaka-gentleman nito. Naaappreciate niya na hindi siya nito pinipilit sa isang bagay na ayaw niya. Nakikiusap ito at nagbabaka-sakali pero kapag hindi pwede ay magalang itong tatango lang sa kanya.
Parang kailan lang ay pinapangarap niya pa ang binata pero hayun ito at nakaupo sa tabi niya. Parang bata pa itong nakangiti nang hindi nito namamalayan. Ang hirap ding basahin ng iniisip nito ngunit ayos lang sa kanya. Kahit malayo, kahit hindi pwede, magkakasya na lang siya sa lihim na pagtingin dito. Nang muli siyang bumalik sa huwisyo ay nakita niyang nakatingin na rin ito sa kanya at malapit na malapit na ang mukha nito sa kanya. Napakabango ng hininga nitong amoy mint at dumadampi sa pisngi niya. Tinawid na nito ang ilang pulgadang nakapagitan sa kanila at marubdob siyang hinalikan. Puno iyon ng pagmamadali na tila ba mauubusan ito ng hininga kapag tumigil ito sa paghalik sa kanya. It was the most romantic kiss she ever had. There she was kissing and being kissed by the man she loved as meteors continued to fall and fill the skies with different hues. It was marvelous. But she suddenly woke up when she remembered it was a mistake.
"N-no, Lucas." Pero kahit anong pagpalag niya ay nalulunod siya sa mga halik nito. Nang lumalim ang halik nito ay lalo pang hinigpitan ang pagkakahapit nito sa beywang niya. Namalayan na lang niyang buong pusong tinutugon ang mga halik nito. Nakakulong na ang mukha nito sa magkabilang palad niya. Nang idiin nito ang sarili sa kanya ay nadama niya ang matigas na ibabang bahagi nitong tumatama sa puson niya. Kusang umangat ang mga binti niya payakap sa beywang nito. Namalayan na lang niyang nasa loob na sila. Naibaba na siya nito at naalis na ang dress niya. Tanging underwear na lang ang naiwang suot niya.
"You're indeed a moon goddess," tila nahihipnotismong sabi nito. Nakikita niya ang apoy sa mga mata nito. Akmang aalisin na nito ang natitira niyang saplot pero maging siya ay para nang tubig sa dam na handang rumagasa.
Hinubad niya ang lahat ng damit nito at tanging briefs na lang ang suot nito. "You're perfect," sabi niya sa nanginginig na boses dahil sa pinaghalong kaba at excitement. Para itong maganda at detalyadong sculpture. Lahat ng muscles nito ay nakahantad nang tama. Para itong sikat na modelo at maging siya ay bibili kahit magkano pa ang halaga nito. Handa ba siya? Susugal ba siya? Hindi niya pa rin alam pero wala siyang pakialam.