Chapter 19: Painful Love

Another three months had passed, and she hasn't seen Isaac yet. Pabor naman sa kanya iyon. Mas hindi niya ito nakikita, mas maganda. Mas nasasanay na siyang wala na sila. Noong nakaraang linggo ay nagbakasyon siya sa kanilang bayan. Pakiramdam niya tuloy ay bago siyang tao. Hindi na masyadong malalim ang sugat. Siguro ganoon talaga, kapag mas malalim ang sugat, mas mabilis ang dating sa isang tao ng realisasyon dahil ang hapdi nito ay hindi basta maisasawalang-bahala. Sa totoo lang, hinahanap pa rin niya ito paminsan-minsan pero hindi tulad nitong mga nakaraang buwan. Mas may direksiyon na siya dahil unti-unti niyang natatanggap na kahit kailan ay wala silang patutunguhan.

Ngayon ay araw ng Linggo. Bukas pa sana siya luluwas pabalik ng Santiago pero binyag ngayon ng tatlong buwang kambal nina Leandro at Tiffany at isa siya sa mga ninang. Parehong lalaki ang mga iyon at kamukhang-kamukha ng tatay. Ang hiling lang niya ay huwag lumaking babaero ang mga ito gaya ng tatay. Tinawanan lang siya ni Leandro nang sabihin niya iyon dito. Sa halip na mainis ay sinabi lang nitong ang pinsan nitong si Isaac ang tunay na batikang womanizer, suplado pero babaero. Naniniwala naman siya rito dahil hindi nga ito makatagal sa commitment. Ang tanging konsolasyon niya ay hindi ito nambabae sa mga panahong nagsasama sila sa penthouse nito. Iyon nga lang ay hindi talaga ito makatagal sa ganoong setup samantalang ito naman ang nag-suggest ng ganoon. Nang marealize niyang para na naman siyang bitter na ex-girlfriend, itinigil niya muna ang pag-iisip sa lalaki at inisip na lang ang mga inaanak na panggigigilan niya. Dumiretso na siya sa isang lumang Simbahan sa Santiago at gaya ng hinala niya ay nagsisimula na ang seremonya. Solo ng kambal ang araw ng binyag. Okupado ng mga ito ang unang dalawang pews sa dalawang hanay. Pumuwesto muna siya sa bandang likod para magdasal. Nang matapos, tahimik na pinanood na lang niya mula sa malayo ang binyag.

Hanggang sa matapos ang binyag ay nanatili siya sa likod. Hindi siya napapansin ng mga ito. Doon niya nakita si Isaac habang inaalalayan si Frances, na medyo malaki na ang tiyan. Buntis na pala ito. Kaya siguro nakipaghiwalay sa kanya si Isaac. May binuntis pala ito habang sila pa. Kaya pala nanlamig ito at bigla na lang nakipaghiwalay. Sasabihin pang it would never work out. Iyon naman pala ay may ibang babae na nabuntis. Habang sa kanya na ilang buwang kasama nito sa penthouse ay ingat na ingat ito. Naalala niya pa na agitated ito nang magkunwaring fertile siya at hindi ito nakasuot man lang ng proteksiyon. Mabuti na lang pala at wala silang nabuo dahil kawawa ang baby kapag nagkataon.

Sa naisip, parang may bumikig sa kanyang lalamunan habang tinutusok ng mga aspile ang kanyang dibdib. Ang sakit pa rin pala. Siguro dahil hanggang sa huli ay ipinaramdam nitong hindi siya karapat-dapat para dito. She belonged to his bed alone. Iyon lang, wala nang iba pa, sa kabila ng pagmamahal niyang hindi nito alintana.

"Bakit mag-isa ka lang dito?"

Pagbaling niya sa kaliwa niya ay nakita niya si Lucas na naka-uniporme pa. Mukhang galing ito sa duty bago dumiretso ng Simbahan. Hindi na ito naghintay na sumagot siya. Umupo lang ito basta sa tabi niya at nakipagkuwentuhan.

"Kumusta ka?"

"O-okay naman," sabi niya at hindi niya mapigilang mapatingin kay Isaac na inaalalayan si Frances pababa ng hagdan.

Bumuntung-hininga si Lucas. "I understand. Ewan ko ba riyan kay Isaac. Alam naman niyang ninang ka ng mga bata, dinala pa niya rito si Frances," halatang naiinis na sabi nito.

"Ano ka ba? O-okay lang iyon. Ilang buwan na kaming tapos mag-exclusively dating," aniya at gumuhit ng panipi sa ere.

"I hope you'll find someone to make you happy. I wanted you to end up with Isaac, but it seemed that things didn't fall into place at least for you," nanghihinayang na sabi nito.

"Saan pala sila nagkakilala ni Frances?"

"Y-you didn't know?"

"What?"

"Ahm," napakamot ito sa batok na tila nag-aalangang sumagot. "W-we better join them," sabi nito pero napigilan na niya ito bago tumayo.

"Please answer me."

"Okay," sabi na lang nito bago muling bumuntung-hininga. "Frances was Isaac's first girlfriend. They were childhood sweethearts."

Napaawang ang bibig niya dahil niya alam iyon. Kunsabagay ay sobrang in denial siya sa feelings para sa lalaki kaya lahat ng impormasyon tungkol dito ay iniwasan niya. "Kaya pala," tumatangong sabi niya.

"He was planning to propose to her when they broke up. I knew Isaac was heartbroken no matter how hard he tried to hide it. Kilalang-kilala ko na ang pinsan kong iyan dahil para na kaming magkakapatid niyan ni Leandro mula bata."

"Really?" Napatutop siya sa bibig dahil sa gulat.

"Yep. You know that Isaac is a secretive person. Kahit sa amin ni Leandro ay naglilihim din iyan. Pero alam mo, sa mga babaeng na-link sa kanya pagkatapos ni Frances, ikaw lang ang inamin niyang 'exclusive date' niya," anito at gumuhit din ng panipi sa ere.

"Sa dami ba naman ng mga naging babae niya eh." Dinaan na lang niya sa biro ang lahat.

"But it's true. Kaya nga inasar ko siyang liligawan kita. Noon ko lang kasi siyang nakitang nagselos nang ganoon. Kulang na lang bugbugin ako eh. Masaya ako noon kaya naiisip ko finally mukhang na-in love na ulit ang loko."

"But he didn't." Pero siguro baka nga na-in love sa kanya pero napakaliit ng pagmamahal na iyon kung ikukumpara sa pagmamahal nito kay Frances. Mukhang dumating lang siya sa buhay ni Isaac sandali bago naisipan ng tadhana na magkita ulit ang mga ito. Napabuntong-hininga na lang siya. Wala na naman siyang magagawa. At least, nabigyang-linaw na sa kanya ang maraming bagay.

Nang tumingin siya kay Lucas ay tipid na nginitian lang siya nito bago tinapik ang mga kamay niya, a brotherly pat. "You'll heal in time." He gave her a reassuring smile.

"Pwede bang samahan mo lang ako hanggang matapos ang celebration?" Nakakaunawang ngumiti ito at tumango.

"Tara, pagselosin natin ang pinsan ko," biro nito bago muling nagsalita. "Mag-smile ka na. Kailangang ipakita mo na masaya ka na ulit."

Tumayo na sila ni Lucas at lumapit sa mga ito. Nang magtama ang mga mata nila ni Isaac ay masama ang tingin nito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit parang galit ito sa kanya.

Hanggang lumabas sila ng Simbahan ay nakita niyang nakatingin lang ito sa kanila ni Lucas at parang galit pa rin. Si Frances naman ay nakangiting nakakapit lang sa braso nito na tila ba hindi pa pansin ang tinginan nila ng boyfriend nito.