PROLOGUE
Kinaladkad sina Wigo at Mariya sa isang masikip na pasilyo patungo sa isang madilim na silid habang nakapiring ang kanilang mga mata. Ang kanilang mga kamay ay nakatali, at ang kanilang mga bibig ay nakatakip. Nakasuot ng itim na uniporme ang mga puwersahang humihila sa kanila. Garantisadong tauhan sila ng pamilya Crux, isang grupo ng sindikato na malaki rin ang galit sa mga Montesidro.
Ang mga Montesidro ay walang ibang kalaban kundi ang angkan ng Crux. Pero hindi pera o malalaking ilegal na proyekto ang kanilang pinag-aawayan, dahil ito sa kanilang patuloy na personal na isyu. Galit, selos, pagkahumaling, at paghihiganti.
Tinulak sina Wigo at Mariya sa kwarto. Sabay silang bumagsak sa sahig. Tanging ang liwanag ng buwan mula sa bintana ang nagbibigay liwanag sa kuwadradong silid na kinaroroonan nila. Wala itong laman maliban sa isang upuan at iba't ibang armas na nakasabit sa dingding. Mga baril, tanikala, espada, latigo, at iba pa. Tila pahihirapan sila hanggang sa mawalan sila ng hininga.
Tinanggal na rin ng mga taong kumuha sa kanila ang telang nakatakip sa kanilang mga mata. Hindi nagkamali sina Wigo at Mariya, nasa teritoryo sila ng angkan ng Crux. Parehong nagmatiyag ang kanilang mga mata sa paligid hanggang sa magkatitigan sila. Nag-aalala si Wigo kay Mariya. Plano man nila ang lahat, ngunit kapag naglaro ang tadhana, maraming pwedeng magbago.
Isinara ng mga lalaki ang silid na magsisilbing kulungan nina Wigo at Mariya. Ngunit bago nila tuluyang iwan sina Wigo at Mariya, itinali nila ang mga paa ng mga ito. Parang mga hayop sina Wigo at Mariya na kakatayin pagsikat ng araw. Walang kasiguraduhan sa buhay nila. Sa anumang sandali, iniisip nila na maaari silang mawalan ng buhay. Ang tanging pag-asa nina Wigo at Mariya ay mailigtas sila nina Eury at Knox.