Chapter One: Miss Beautiful
"Sometimes it takes a wrong turn to get you to the right place."
―Mandy Hale, The Single Woman: Life, Love and a Dash of Sass
Ashley’s POV
Wow! Nandito na pala ang TheDesire sa Paulina Mart.
Dinig ko Paulina Mart na ang may-ari ng TheDesire.
Mas dumami ang produkto.
Wow! Meron na rin silang beauty products and accessories.
Ang class ng presentation. Sosyalin ang peg.
Ang bango sa loob at ang lamig pa.
Ang ganda ng uniform ng mga saleslady.
Balita ko nagkagusto raw ang may-ari ng Paulina Mart sa may-ari ng TheDesire kaya binili ito.
Aww!!! Ang sweet naman!
Hindi ko mapigilang mapangiti habang nakayuko sa pinakamababang istante ng rack kung saan naroon ang mga maong na pantalon. Kasalukuyan ko kasing ibinabalik sa pagkakatiklop ang mga pinagpilian ng mga customers kanina. Tapos naririnig ko ang mga komentong iyon mula sa mga pumapasok simula pa kaninang umaga.
Sobrang natutuwa naman ako. Nakakataba ng puso at nakakawala ng pagod. Sulit ang ilang gabing pag-o-overtime namin upang mapaghandaan nang todo ang grand opening ng department store.
Pagtayo ko ay kusang hinanap ng mga mata ko si Ate Des. Ang saya nito at abot-tainga ang ngiti kaya pati ako ay napangiti rin kahit na nag-iisa ako sa sulok na ito. Labis-labis ang kasiyahan sa mukha nito.
Hindi nakatakas sa pansin ko ang pagkabalisa nito noong mga nakaraang araw. Alam kong nag-aalala ito sa magiging feedback sa bagong TheDesire. At ngayon ay nakahinga na ito nang maluwag sapagkat obvious naman sa mga narinig kong komento mula sa mga customers. Positive ang feedback ng mga ito sa pagkakabenta niya sa TheDesire.
Ate Des deserves to be happy. Sobrang bait na boss nito noong ito pa ang orihinal na may-ari ng TheDesire. Kunsabagay kahit naman hanggang ngayong hindi na siya ang may-ari ay sobrang bait pa rin.
Napakalaki ng dapat kong ipagpasalamat sa kanya sapagkat hindi niya kami iniwan ni Ate Jaq sa ere. Nang bilhin ng kompanyang Andrada&Sons ang TheDesire ay sinigurado niyang hindi kami mawawalan ng trabaho.
Ang laking bagay noon lalo na sa isang tulad kong part-timer lamang at sobrang kailangan talaga ng trabaho upang maipagpatuloy ang pag-aaral. Hindi naman kasi talaga tumatanggap ng part-timers ang kompanya.
Ipinakiusap lang ni Ate Des ang kalagayan ko. Tutal naman daw ga-graduate na ako. Kaya naman hindi ko iyon makakalimutan. Habang buhay ko iyong tatanawing utang na loob sa kanya kahit na umalis ako rito sa oras na makagradweyt ng kolehiyo.
Nang matapos ko ang pagtitiklop ay lumapit ako kay Rovie. Siya ang bagong miyembro sa grupo namin. Ni-request siya ni Ate Des dahil baka raw hindi namin kayanin kung tatlo lang kami at ako ay kalahating araw lang ang trabaho.
"Uy Rov, labas lang ako sandali ha. Punta lang ako sa restroom. Kanina pa 'ko nasi-cr." Paalam ko rito saka ako pasimpleng lumabas ng boutique. Nagmamadali kong tinungo ang restroom.
***
"Miss! Miss beautiful, free taste po. Try mo tikman. Bagong labas na noodles," anang cute na lalaking naka-apron sa bukana ng grocery ng Paulina Mart habang pabalik ako sa TheDesire. Curious akong napahinto. Iyon pala ang masarap na nalalanghap ko kaninang patungo ako sa restroom.
Kumulo tuloy ang tiyan ko. Nagrereklamo na ang mga alaga ko sa tiyan. Nagugutom na pala talaga ako. Hindi kasi ako nag-almusal bago umalis ng bahay.
Tatlong pirasong hotdog lang kasi ang nakita ko doon sa ref at saka tatlong itlog. Niluto ko na rin ang mga iyon para kina Tita Ena at sa dalawang anak nito. Husto lamang sa kanila kaya hindi na ako kumain.
Ayokong maging pabigat sa kanila. Iyon nga lang pagpapatira nila sa'kin sa bahay nila ng libre ay sobra-sobra na. Sa lunch na lang ako babawi. Doon naman kami kakain sa Sizzle. Mura lang tapos unli-rice pa.
Anyways, kailangan ko rin kasing pumasok ng maaga kaya hindi na rin talaga ako nag-almusal. Paniguradong male-late ako. Kabilin-bilinan ni Ate Des na agahan namin ang pasok para daw all-set na kami pagbukas ng department store. Gusto niya bukod sa maganda kami ay relaxed din sa pagharap sa mga customers at magiliw na iniistima ang mga ito.
"Just remember the saying, customers are always right and you could never go wrong," palagi nitong paalala. Natatawa nga ako sa reminder niya na 'yon e. Para kasing may twist sa dulo.
Medyo tinaasan ko ng kilay ang cute na lalaking kasalukuyang nakangiti sa'kin. He must be my age or younger. At marunong siyang mag-salestalk ha. Miss Beautiful daw sabi sa'kin. Malinaw ang mata ng cute na guy. Pinakain siguro ng maraming kalabasa ng nanay niya noong bata pa siya haha!
"Free taste po, Miss Beautiful. Tikman mo masarap," anito habang nagsasalin sa cup ng noodles. Ang sarap nga ng amoy. Umuusuok pa iyong kaserolang pinaglulutuan niya. Lalo nang nag-alburuto ang tiyan ko.
Maraming cup ang nakahilera sa tray. Mabilis na naubos ang mga iyon sapagkat maraming tumitikim. Dinederetso naman ng mga tumikim sa trash can sa gilid ng maliit nitong mesa ang mga ginamit na cup.
"Sigurado kang masarap 'yan, kuya?"taas ang mga kilay na biro ko dito.
"Yup. Siguradong-sigurado, Miss Beautiful. Eto kuha ka na para malaman mo." Inabutan niya ako ng isang cup. Mainit kaya hinipan ko muna. Nang tikman ko ay masarap nga. Medyo maanghang. Pabor sa panlasa ko. Mahilig ako sa mga spicy foods. Tapos mahilig din ako sa mga noodles at mga pancit. Pancit mami, pancit lomi, pancit miki, pancit bihon. Ah, basta kahit anong pancit, type ko.
"Sarap nga kaso bitin," sabi ko pagkaubos. Konti-konti lang naman kasi ang laman ng cup. Fee taste nga lang eh.
"Pwedeng humingi pang isa?" hirit ko. Para lang kasing tinakaw iyong mga alaga ko sa tiyan eh. Nag-alburuto ulit ang tiyan ko. Narinig pa yata ni kuyang cute. Napangiti ito.
"Pwedeng-pwede po. Akina 'yang cup mo at lalagyan ko ulit.”
"Ha! Okay lang ba?" Medyo nahihiya kong tanong. Mukha siguro akong hindi pinakain ng isang linggo. Pero gutom na talaga ako eh kaya inabot ko sa kanya 'yong cup na ginamit ko para lagyan niya ulit. Walang hiya-hiya sa taong nagugutom.
"Okay lang basta ikaw," anito saka muling sinalinan ang cup ko. At pinuno pa talaga. Nagdiwang tuloy ang mga alaga ko sa tiyan.
"Sarap talaga. Pwera biro," saad ko habang kinakain ang noodles at hinihigop ang sabay. "Pag sweldo ko bibili 'ko ng isang basket n'yan. Puro noodles na lang ang kakainin ko," sabi ko sabay tawa.
"Pwede," sabi nito habang tumatawa din. Nagsalin na ulit ito sa maraming cup. Dumami na kasi 'yong mga taong gusto ring mag-try doon sa free taste. Siguro ay na-engganyo dahil mukhang sarap na sarap ako.
Binilisan ko naman ang pag-ubos ng noodles. Baka kasi hanapin na ako doon sa TheDesire. Tumahimik na rin ang mga alaga ko sa tiyan. Salamat na lang kay kuyang cute. Kaya lang nagkaproblema ulit ako. Ngayon naman kasi ay nauuhaw ako. Wala pa naman akong baong tubig. Usually talaga nagbabaon ako pero dahil nagmamadali akong pumasok kanina nakalimutan ko.
"Wala bang free taste na water?" tanong ko kay kuyang cute. Syempre nagbibiro lang ako. Wala pa akong nakitang nagpa-free taste ng tubig. O baka meron hindi ko lang nakita.
"Mmm. Wala eh. Pero meron akong baong tubig. Para lang sa'kin 'to pero madami naman. Hati tayo," ani kuyang cute. Bigla naman tuloy akong kinapitan ng hiya.
"W.. wag na. Nakakahiya na. Bibili na lang ako ng mineral water mamyang break," sabi ko pero ewan ko kung makaya ko pa hanggang mamya. Feeling ko kasi umaapoy iyong dila ko eh. Spicy nga kasi iyong noodles. Parang gusto ko ngang ilabas iyong dila ko eh at saka paypayan. Kaya lang baka isipin ng mga nakakakita nagdo-drool ako sa ka-cute-an ni kuya.
Pero tingin ko ay alam ni kuyang cute ang nararamdaman ko kasi pilit niya akong inabutan ng cup na puno ng tubig. Agad ko namang inabot iyon at uminom doon ng paunti-unti. Naibsan ang pag-iinit ng dila ko.
"Hay, salamat. Thank you, thank you, kuyang cute. Pasok na 'ko ha. Baka hanap na 'ko. Thank you lalo na dito sa water," sabi ko habang lumalayo ako dito. Unti-unti ko pa ring iniinom iyong tubig. Baka kasi mabilaukan ako.
Parang nabasa ko somewhere na pag uhaw na uhaw ka 'wag mong lalagukin nang bigla iyong tubig. Pag nasamid ka o nabilaukan, it can cause heart attack then a sudden death. Isa pa gusto kong ibabad iyong dila ko sa tubig. Hanggang ngayon kasi parang umaapoy pa rin ang pakiramdam nito.
Ayan kasi. Katakawan.
Hinabaan ko ng nguso ang munting tinig na iyon sa utak ko. Bakit ba eh, nagugutom nga 'yong tao. Kung minsan para-paraan lang sa buhay para hindi magutom. Muli akong sumimsim ng tubig mula cup ko. Pero ewan ko ba naman kung ano ang nangyari. Bigla na lang wala nasa kamay ko 'yong cup. Nasa lapag na. Tapos parang dumaan si The Flash sa harap ko.
Ang bilis kasi ng pangyayari eh. Pagtapat ko lang sa entrance ng TheDesire. Muntik na nga akong tumilampon. Mabuti na lang may parang mga bakal na nag-clamp sa magkabilang balikat ko. Iyon ang dahilan kaya hindi ako tuluyang tumilampon. Kung nangyari iyon malamang ngudngod na ang mukha ko, lasog lasog pa buto ko sa lakas ng impact.