CHAPTER 9

Labag sa loob ko lahat ng kaganapang nangyayari ngayon sa buhay ko at pilit ko mang tutulan ang lahat ng iyon ay wala akong magawa, dahil kahit isa sa mga taong nakapaligid sa akin ay walang nakakaalam tungkol sa paghihirap na nararanasan ko.

Sana pala sinabi ko kay Julie ang lahat noong simula pa lang, para may sasagip sa aking kaibigan.

Natuloy sa Italy si Lucas kasama si Nikki kagaya ng plano niya. Masakit sa akin na kaya akong iwan at balewalain ng asawa ko para sa ibang babae pero wala akong magagawa. Asawa lang ako sa batas at papel at hanggang doon na lang ang katayuan ko para kay Lucas.

Sa kapirasong papel lang nakasaad na akin siya, pero ang totoo ay pag-aari ng iba ang puso ni Lucas.

Ayaw ko sa bahay ng magulang ni Lucas! Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga, pero wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang pilitin na manatili, dahil kung hindi ay bugbog na naman ang aabutin ko oras na umuwi si Lucas.

Isang linggo si Lucas sa Italy kaya isang linggo rin akong mananatili sa bahay ng mga magulang niya. Sa apat na araw ng aking pananatili ay gusto ko nang umuwi.

Bukod kasi sa hindi ako komportable sa paligid, hindi rin ako kampante sa presensiya ng daddy ni Lucas. Hindi ko alam kung bakit pero isa lang ang sigurado ako, parehas sila ni Tiyo Robert na may masamang pakay sa akin. Mapanghusga man kung ituturing pero iyon ang nararamdaman ko. Kahit gusto kong umalis sa bahay ng mga Sandoval, wala akong magawa dahil binilin din ni Lucas na huwag akong hayaan na makalabas.

Wala akong ginagawang mali pero hindi ko alam kung bakit ginagawa akong preso ng asawa ko. Kung may kakayahan lang sana akong bumalik sa nakaraan, pipiliin kong makabalik na lang sa dati kong buhay, kung saan kahit madalas akong murahin at saktan ni Mama, nagagawa ko pa ring ngumiti at lumaban araw-araw.

Mag-isa akong kumain ng hapunan kaya naman pinili kong sa kusina na lang maupo at kumain nang tahimik, tutal naman ay wala akong ibang kasabay sa malaking dining table. Gusto akong pagsilbihan ng mga kasambahay pero pinigilan ko sila dahil kaya ko naman ang sarili ko, at hindi na dapat pang iasa sa kanila ang kung anuman na kailangan ko.

Habang kumakain ay abala ako sa pag-scroll sa isang social media account ko nang biglang nakita ko ang isang post mula kay Nikki, picture nila iyon ni Lucas habang magkayakap at kapwa nakangiti sa harap ng camera.

Nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko dahil nasasaktan akong makita na masaya si Lucas kasama ng iba. Nag-uumpisa nang mamuo ang mga luha sa mga mata ko dahil kahit nasasaktan ako ay patuloy ko pa rin na tinitingnan ang iba pa nilang pictures.

Hindi na ako magtataka kung magkakaroon ng issue si Lucas dahil sa mga pictures nilang magkasama ni Nikki at nasisiguro kong ako na naman ang gagawing panangga ng mommy niya para linisin at ayusin ang eskandalong maidudulot ni Lucas sa pamilya nila.

Hirap na hirap na akong gumising araw-araw dahil sa totoo lang ay nawawalan na ako ng pag-asang maging maayos pa ang lahat. Wala lang talaga akong choice dahil nangako ako sa sarili kong hangga’t kaya kong gawin para kay Lucas ay gagawin ko. Isa pa, siya na lang din ang nayroon ako.

Tuluyan nang umagos ang luha na kanina ko pa pinipigilan dahil kasunod ng post ni Nikki ay ang kay Lucas naman ang nakita ko. Yakap niya ito sa baywang at nakahalik sa pisngi ni Nikki. Ang pinakamasakit pa ay ang caption sa post na ‘I love you, my angel’ dahilan para mapahagulgol ako ng iyak habang mag-isang kumakain sa kusina.

Akala ko ay ayaw niya kay Nikki kaya kahit noong mag kaibigan pa lang ang turingan namin sa isa’t isa ay hindi ako nagselos, kasi sabi niya ayaw niya sa babaeng puro make-up at arte lang ang alam gawin sa buhay. Pero akala ko lang pala iyon. Dahil simula ngayon, malinaw na sa akin na mahal niya si Nikki.

Ang sakit-sakit sa pakiramdam na ako ang palagi ang kasama ng asawa ko pero hindi niya ako magawang mahalin. Mabuti naman akong tao pero bakit hindi ako makita ng asawa ko bilang ako na nagmamahal ng totoo sa kaniya?

Umaasa akong kasama si Lucas ay matutupad yung isang buo at masayang pamilya na pangarap ko, pero mukhang imposible na talaga dahil hindi niya talaga ako kayang mahalin.

Iba ang mahal niya at hindi ako iyon.

“Why are you crying, hija? May problema ba?!” dinig kong tanong ng isang lalaki na sa pagkakatanda ko base sa boses ay ang daddy ni Lucas. Bigla tuloy akong napatayo nang tuwid mula sa pagkakaupo ko at mabilis na pinahid ang luha sa mata at pisngi ko.

“W-wala po,” utal kong tugon habang nakayuko.

Halos hindi naman kami nagkikita ng daddy at mommy ni Lucas dahil kapuwa ito mga abala sa kaniya kaniyang trabaho, pero parang nakapagtataka lang ngayong araw dahil alas-otso pa lang ng gabi ay narito na si Mr. Sandoval at tila bakas ang galak sa mga labi, bagay na naging dahilan ng pagiging hindi ko komportable lalo sa presensiya niya.

“You we’re crying when I came here tapos wala lang? Tell me, Erem, do you have a problem?” may pang-uusisang tanong niya ulit habang unti unting lumalapit sa akin, dahilan para umatras ako palayo sa kaniya.

“W-wala po akong problema, Mr. S-andoval,” utal kong tugon muli sa kaniya.

“You look so uncomfortable with me, hija. Did I scare you?” tanong muli niya sa akin nang tuluyan na siyang makalapit. Akmang hahakbang pa sana ako paatras nang maramdaman kong tumama na ang likod ko sa pader.

Hindi ko tuloy maiwasan ang kabahan dahil sa mga oras na ito, sigurado akong hindi magandang kami lang dalawa ni Mr. Sandoval ang nandito sa kusina.

“Aakyat na po ako para magpahinga,” saad ko sa pinakakalmado kong boses kahit ang totoo ay kinakabahan ako.

“You look so tense and nervous, Erem. I don’t like that attitude of yours! You seems so scared too!” tuloy-tuloy niyang sabi muli habang nakangisi.

Handa na sana akong talikuran na lang basta ang daddy ni Lucas nang bigla nitong hawakan ang braso ko sabay himas nang dahan-dahan sa pisngi ko, iyong takot na nararamdaman ko kanina ay mas lalong umusbong dahil alam kong ang mga ganitong kilos ni Mr. Sandoval ay hahantong pa sa ibang bagay.

“I-inaantok lang po ako ‘tsaka nami-miss ko lang po si L-lucas. Bitawan ninyo po ako,” utal at kabado kong sambit.

Sa halip na pakinggan ako ay mas lalo niya pang inilapit ang sarili sa akin dahilan para matakot ako nang husto at mapaiyak na lang,

“Hindi ko alam kung bakit ang ilap mo sa akin Erem. Lalo tuloy akong nagkaka-interes sa iyo na asawa pa mismo ng anak ko,” saad niya sa seryoso pero maawtoridad na boses.

Sa mga oras na ito tanging takot at lungkot ang nararamdaman ko pero alam ko na hindi dapat ako magpaapekto sa nararamdaman ko. Kailangan may gawin ako dahil kung hindi ay baka kung ano ang mangyari sa akin sa huli at magalit pa sa akin si Lucas nang husto.

Akmang itutulak ko sana si Mr. Sandoval nang bigla niya akong hawakan sa buhok at basta na lang isinubsob ang mukha sa leeg ko para halikan ako, nag-umpisa nang pumatak ang mga luha ko pero ganoon pa man sinikap kong maitulak ito palayo sa akin para makatakbo ako pabalik sa kuwarto ko.

“Pareho lang din kayo ni attorney, Mr. Sandoval! Lahat kayo ay walang pinagkaiba! Mga professional kayong tao pero daig ninyo pa ang mga walang pinag-aralan sa mga inaasal niyo!” sabi ko sa galit na boses kahit pa nanginginig na ako sa takot.

Dali-dali akong tumakbo sa silid na tinutuluyan ko ‘tsaka mabilis na nag-lock. Hindi ako safe sa bahay na ito kung saan ako pinili ni Lucas na ikulong, kaya sa mga oras na ito mas pipiliin kong saktan niya ako kaysa may magawang mali sa akin ang sarili niyang ama.

Hindi ako nagkamali sa nararamdaman ko mula umpisa nang makilala ko ang daddy ni Lucas, dahil mula pa man noon alam kong ano mang oras ay may masama siyang intensyon sa akin.

Alam ko iyon dahil ilang beses ko nang naranasan na muntik ng mapagsamantalahan.

Binalot ko lahat ng gamit ko dahil uuwi ako sa bahay namin ni Lucas. Bahala na kung pigilan ako ng kung sino man basta uuwi ako.

Sobra na ang pagtitiis ko sa pananakit ng asawa ko, hindi na puwedeng pati ang sarili niyang ama ay may gawin pang hindi maganda sa akin.

Sa puntong ito, gusto ko nang itigil ang kung ano mang kasunduan na mayroon kami ni attorney Amanda. Paubos na ako at ayaw kong dumating sa puntong wala nang matira kahit katiting para sa sarili ko.

Mahal ko si Lucas pero mukhang kailangan ko nang tumigil dahil ilusyon lang naman lahat ng iyon.

Mahal ko siya pero parang ayaw ko na.