CHAPTER FIVE

Naumid niya ang kaniyang dila at natigil sa pagkanta nang makalabas ng banyo. Napaurong siya nang bumulaga sa kaniyang paningin ang preskong lalaki na nakaupo sa isang upuang gawa sa kahoy.

"Ano'ng ginagawa mo rito? Paano ka…" Naputol ang kaniyang sinasabi nang sumabad agad si Aaron.

"This cabin is mine. And of course, I have my own key." ani Aaron na hinagod pa ng tingin ang dalaga— mula ulo hanggang paa.

Nag-iwas siya ng mukha. Tila napahiya siya sa hitsura na nadatnan ni Aaron. Humakbang siya patungo sa kaniyang tulugan para kumuha ng susuoting damit, pero laking gulat niya nang

sumunod si Aaron.

"Ano'ng sadya mo at pumunta ka rito?" Matapang ang tono ng boses niya habang pilit na pinaglabanan niya ang kabang nararamdaman.

"Well, I want to bargain with you."

"I don't bargain with a freak." pambabara niya sa binata.

"Well, it’s not like you have a choice. You walked into a trap by yourself. So bear with it." sarkastikong tugon nito.

"You're threatening me, aren't you?"

Ngumisi lang si Aaron sa sinabi niya.

"Just get to the point, Mr. Fontierra. Don't waste my time. Pagod ako at gusto ko nang magpahinga."iritang aniya rito.

"Masyado kang atat. Why don't you get dressed first?" Lalong lumawak ang pagkakangisi nito. "Iyon nga lang baka mas gusto mong makipag-usap na ganyan ang ayos mo." Sabay kindat pa nito sa kaniya.

Bago pa nakaganti ng sagot ang dalaga ay tinalikuran na siya ni Aaron. Kaya sa labis na gigil dito ay walang pakundangang ibinato niya ang hawak niyang tuwalya na nag-landing naman sa likod ni Aaron.

Muli siyang nilingon nito at pinulot ang tuwalya. Hindi pa siya naka-recover sa inis dito nang bigla na lang dumapo sa kaniyang mukha ang tuwalya na ibinato niya kay Aaron. Galit niyang inalis ang tuwalyang tumakip sa kaniyang mukha.

"Bastard!" sigaw niya kay Aaron na mabilis nang nawala sa kaniyang paningin.

Wiling-wili si Aaron habang pinagmamasdan si Jandie na nagdidilig ng mga halaman sa labas ng kaniyang mansiyon. Napangisi siya dahil sa suot nitong malaking T-shirt na may mahabang manggas na pinarisan nito ng pantalon. Nakabalabal din ito ng makapal na tela sa ulo. Halatang takot itong masunog ang balat dahil sa matinding sikat ng araw. Hinagod niya ang buong kabuuan nito. Litaw pa rin ang magandang hubog ng katawan ng dalaga kahit malaki at maluwang ang suot.

Unang araw pa lamang ng dalaga sa kaniyang mansiyon at ito ang unang sabak nito sa kanilang kasunduan. Gusto niyang magdiwang dahil sa nakikitang paghihirap ng dalaga kanina habang nagdadamo sa hardin at ilang beses niya itong nakitang sumalampak ng upo sa may carpet grass dahil sa pagod. Tagaktak din ang pawis nito kasabay nang pagkibot ng mga labi nito na animo may sinasabi. Alam niyang isinusumpa siya nito dahil sa pagpapahirap niya rito, pero hindi magbabago ang anumang napagkasunduan nila.

Tila napansin naman ni Jandie na pinapanood siya nito. Lumingon ito sa veranda kung saan siya nagmamasid kaya itinaas niya ang hawak niyang timer. Hudyat na ubos na ang oras ni Jandie sa mga halaman.

"Devil!" malakas na sigaw nito sa kaniya at nag-dirty finger pa.

Nginisihan lang niya ito. Pulang pula ang mukha nito dahil sa pagkakababad sa sikat ng araw. Ngunit hindi niya iyon pinansin. Tinawag niya ang dalaga. Alas-onse na ng tanghali at kailangan na nitong maghanda ng ilulutong tanghalian.

Natawa siya nang pabagsak na binitawan ni Jandie ang hawak na hoss at padabog na pumanhik sa mansiyon.

"Ano pa ba'ng gusto mong ipagawa Pharaoh?" sarkastikang bungad ni Jandie nang makapasok sa mansiyon.

"Magluto ka ng masarap na tanghalian. Relyenong bangus at kare-kare ang gusto ko." demand ni Aaron.

"Ano?! Ako’ng magluluto?!" Bulalas ng dalaga.

“Bakit, may kasama ba tayong iba rito sa mansiyon para magluto ng kakainin natin?"

"Eh, hindi ako marunong magluto." mahinang amin ni Jandie kay Aaron.

Hinagod siya ng tingin ni Aaron, mula ulo hanggang paa. "Eh'di pag-aralan mo. Iyan ay isa sa kasunduan natin, 'di ba?"

Napakagat-labi na lang ang dalaga bago tumalikod sa binata at bubulung-bulong itong nagmartsa patungo sa kusina.

NAPANGIWI si Jandie nang maihain niya ang kaniyang mga niluto sa dining table. Nadismaya siyang tikman ang relyenong bangus dahil nagmukhang dinurog na bangus iyon. Ang kare-kare naman niya ay kinulang yata sa tubig at ang mga gulay na sahog nito'y nasobrahan sa luto.

Ang kaniya namang sinaing ay nagmistulang lugaw na walang sabaw. In short, it was a total disaster.

Napapitlag siya nang biglang pumasok sa kusina si Aaron. Tila gusto niyang takpan lahat ang kaniyang mga niluto dahil sa hiya.

"Nakahain ka na pala, bakit hindi mo man lang ako tinawag? Kanina pa kumakalam ang sikmura ko." bungad ni Aaron, at madaling umupo sa silya't naglagay ng pagkain sa plato.

Hindi umimik si Jandie, ang mga mata'y nakatutok kay Aaron habang kumukuha ito ng pagkain. Umangat ang kaniyang kanang kamay na tila balak pigilan ang binata sa pagsubo, pero mabilis na naisubo na nito ang kutsara.

Napalunok si Jandie nang bigla itong tumingin sa kaniya. Batid niya ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha nito.

"Oh, ano'ng tinatayo-tayo mo diyan? Bakit hindi ka pa kumain?" kunot-noong tanong ni Aaron.

"Ah, h-hindi pa ako gutom, eh. Sige kumain ka lang." kaila niya. Ngunit ang totoo'y ayaw niyang kainin ang kaniyang mga niluto. Sa palagay nga niya’y may deperensiya sa panglasa itong si Aaron dahil nagawa pa nitong lunukin ang mga inihain nya.

Humakbang siya patungo sa lababo para hugasan ang mga ginamit niyang kasangkapan sa pagluluto nang bigla siyang pigilan sa kamay ni Aaron. "Sit down and join me. Pang dalawang tao ang niluto mo, huwag mong sabihing ako lang ang uubos nito.

"Hindi pa ako gutom." tanggi pa rin niya at talagang wala siyang balak sabayan si Aaron.

Tumayo ang binata at ipinaghila siya ng upuan sa tabi nito at inakay siyang umupo. "Bakit ayaw mong kumain? Siguro nilagyan mo ng lason ang mga pagkaing niluto mo‘no?"

Nangaakusang tingin ang ipinukol sa kaniya ni Aaron.

"Wala akong nilagay na lason diyan kasi di ka naman tatablan nun." sarkastikong dipensa naman niya.

Nagpakahirap siya sa pagluluto, heto at aakusahan pa siya ng herodes na ito.

"Puwes, sabayan mo ako para sakali man na tama ang hinala ko'y pareho tayong malalason." seryosong ani Aaron at agad na nagsandok ng kanin at ulam at nilagayan ang plato ni Jandie.

"Oh, kain na. Baka gusto mo subuan pa kita." saka ito ngumisi sa dalaga.

Inirapan lang niya ito at napipilitang sumubo. Unang subo pa lamang niya'y gusto na niyang iluwa ang pagkain dahil masyadong maalat ang relyenong bangus. Tingin din niya'y may natira pang tinik iyon.

"Masama ang magsayang ng pagkain. Napakaraming nagugutom sa mundo tapos ikaw magtatapon lang?" sita nito kay Jandie nang tatayo sana ang dalaga.

"Sino'ng nagsabing magtatapon ako ng pagkain? Kukuha lang ako ng tubig." pakli niya, pero gustong gusto na niyang iluwa ang pagkain.

Hindi na muling umimik si Aaron. Parang ganadong ganado itong kumain sa kabila ng sama ng lasa ng mga niluto niya na labis naman niyang ipinagtaka. Hindi man lang siya nakarinig ng reklamo o pang-uuyam rito.

Dahil sa matinding pagod ay maagang natulog si Jandie nang gabing iyon. Masakit ang buong katawan niya dahil sa walang pahingang paglilinis ng bahay maghapon. Isang linggo pa lamang siya sa mansiyon ni Aaron ay tila gusto nang sumuko ng kaniyang katawan sa bigat ng trabaho. Palibhasa hindi naman siya sanay sa gawaing bahay kaya't ganoon na lamang ang paninibago ng kaniyang katawan. Nagkakalyo na nga ang kaniyang malalambot at maninipis na mga palad dahil sa paglalaba, paghuhugas ng pinggan, at paghahalaman. Gayunman, hindi niya maitatanggi na nasisiyahan siya dahil natuto siya sa gano'ng gawain. Mahirap na masaya pala ang maging katulong. Oo, katulong. Ginawa siyang katulong ni Aaron. Malinaw ang kanilang napagkasunduan. Hindi na muling manggugulo si Aaron sa pamilya niya lalo na sa buhay ng kuya Jason niya at ni Maricar basta sumunod siya sa anumang iutos nito sa kaniya.

Una, pagsisilbihan niya si Aaron sa loob ng mansiyon. Pangalawa, hindi siya puwedeng umalis sa poder nito sa loob nang tatlong buwan. Pangatlo, magsisilbi siyang pananggalang ni Aaron laban sa mga plano ng kaniyang ama at kapatid habang nasa poder siya nito. At ang pang-apat ay hindi guguluhin ni Aaron ang kaniyang pamilya kung susunod siya sa lahat ng iutos at anumang hilingin nito.

Bawat pagsuway niya sa utos ni Aaron ay magdaragdag ng isang linggo ang pananatili niya sa poder nito.