Chapter 10: Unwanted Visitor
SIMULA nang makabalik ang dalawa sa suite ng binata ay wala ng imikan ang mga ito. Kibuin dili ni Norman si Sunshine at hindi man lang ito nag-abalang utusan ang dalaga.
Kaya naman nagtungo na lamang si Sunshine sa kusina upang ihanda ang mga sangkap para sa lulutuin.
Si Norman naman ay nagtuloy-tuloy sa silid. Sapo ang ulong ibinagsak ang katawan sa malambot na kama. Naipikit niya ang mga mata nang maalala ang kasamang dalaga. Ang masaya nitong mukha habang pinagmamasdan ang kagandahan ng paligid sa lugar na kanilang pinuntahan. Hanggang sa mawala ang mga ngiting nakapaskil sa labi nito dahil sa pagiging arogante niya.
Malaya niya itong napagmasdan kanina dahil tutok ito sa tinitingnan. Hindi na ito ang dalagang unang beses niyang nakita sa restobar. Ang serbidorang palaging nakangiti na ultimo ang mga mata ay kakikitaan ng saya. Ang fire dancer na walang kapaguran sa pagsasayaw at halatang nag-eenjoy sa ginagawa.
Ang dalagang nakikita niya ngayon ay madalas na malungkot. Hindi man iyon makita sa ekspresyon ng mukha ay mararamdaman naman iyon oras na titigan ito sa mga mata. Madalas din niya itong mahuling nakatingin sa malayo.
"Am I being too harsh to her?" tanong ni Norman sa sarili. He wanted to apologize but he doesn't want to give down his pride.
Hindi na namalayan ni Norman ang unti-unting pagbigat ng mga talukap hanggang sa tuluyan itong makatulog.
Iritadong bumangon ang binata nang magising ito dahil sa sunod-sunod na pagkatok.
"What!?" singhal nito kasabay ng pagbukas nito sa pinto.
"Kakain na," mahinang saad ni Sunshine.
Mababakas sa mga mata ng dalaga ang kawalang gana kaya agad namang kinalma ng binata ang sarili. Tinanguan niya ito bago hinablot ang roba at tinungo ang banyo.
Nadatnan ni Norman ang mga pagkain sa dining table, ngunit wala roon ang dalaga kaya naman hinanap niya ito.
"Akala ko ba kakain na?" aniya nang makita ang dalagang nakaupo sa upuang nasa beranda at nakatanaw sa malayo.
"Hey, Sunny..." muling untag niya rito nang tila hindi siya nito narinig.
"Ha?"
Tinitigan ni Norman si Sunshine, mababakas sa mukha nito ang mga emosyong ngayon lang niya nakita rito. Parang maluluha ang mga mata nito nang lingunin siya at para bang nagulat pa sa presensiya niya.
Napabuntong-hininga siya at naupo sa upuang nasa gilid ng dalaga at tinanaw ang kalangitan.
"Kumain ka na ro'n," ani Sunshine.
Ngunit hindi sumagot ang binata.
"Sir?"
"Tigilan mo nga ako sa katatawag mo ng sir."
"Eh?"
"Stop calling me sir! Norman ang pangalan ko. N-O-R-M-A-N!"
"Per---"
"Dalhin mo rito ang pagkain, dito ko gustong kumain."
"O-okay, si--- I mean, Norman." Mabilis na tumalima si Sunshine. Nagtungo ito sa dining area at inilagay sa isang tray ang pagkain ng ng binata.
Inilapag niya ang bitbit na tray sa glass table at inihain ang mga pagkain. Ngunit natigilan ang dalaga ng marahas na bumuntong-hininga ang binata, kasabay ng pagtayo nito at pumasok sa loob.
Napalingon si Sunshine sa gawi ng pintuan, nang ilang sandali lang ay muling lumabas ang binata buhat sa loob at may dala na itong isa pang tray.
Lumapit si Norman sa kaniyang pwesto at inilapag ang dala sa harapan ng dalaga.
"Kumain ka," utos nito kay Sunshine.
"B-busog pa a---" hindi na naituloy ng dalaga ang tangkang sasabihin sana nang makita ang matalim na tingin sa kaniya ng binata. Nahigit niya ang hininga saka nag-umpisang kumain.
Tahimik na naghapunan ang dalawa at kapwa nagpapakiramdaman.
"May problema ba?" tanong ni Norman.
"Ha?"
"Tinatanong ko kung may problema ka!"
"Ah, w-wala. Wala naman."
"Kung wala, bakit lagi kang tulala?"
Bumuga ng hangin ang dalaga, binitiwan ang kubyertos na hawak atsaka tumingin sa kawalan.
"Pasensiya na. Naaalala ko lang si mamang, hindi kasi ako sanay nang hindi man lang siya nakikita."
Hinintay ni Sunshine ang tugon ng binata, ngunit hindi na ito umimik.
Mayamaya lamang ay biglang tumayo si Norman at akmang babalik na sa loob nang...
"Ah, si-- Norman..." pagpigil na tawag ng dalaga, "... pwede bang humi---"
"Hindi pwede. May lakad ako bukas at kailangang kasama ka," walang emosyon nitong sagot atsaka nagpatuloy na sa pagpasok.
Naikuyom ni Sunshine ang kaliwang kamay, habang ang kanan ay nanggigigil sa hawak na kubyertos.
Kinabukasan...
Gulat na napahinto si Sunshine sa bungad ng pintuan nang makita ang binatang prenteng nakaupo sa sofa, paharap sa kaniyang silid. Nakatingin ito sa gawi niya na tila ba hinihintay nito ang paglabas niya. Mabilis na dumako ang mga mata ng dalaga sa wall clock, at halos mag-untugan ang kaniyang mga kilay pagkakitang ala sais impunto pa lamang ng umaga.
Muli niyang ibinalik ang paningin sa binata saka lamang niya napagtantong nakagayak ito.
"Stop staring, fix yourself. We will leave," maawtoridad nitong utos.
Walang salitang pumasok siyang muli sa sariling kuwarto upang ayusin ang sarili. Puno man ng pagtataka kung saan sila pupunta nang ganoon kaaga, ay hindi na siya nag-usisa pa. Dahil naiinis pa rin siya sa kaarogantehan ng binata.
Ilang minuto ang lumipas bago muling lumabas ng silid si Sunshine, at kita niya ang pagkabagot sa mukha ng kaniyang amo. Nakasimangot iyong tumayo at nagpaumunang lumabas ng suite.
'Kasalanan ko ba? Hindi naman niya sinabing ganito kaaga pala kami aalis!'
Nakataas ang kilay at habol tingin niyang usal sa sarili bago sumunod sa lalaki.
Sa main entrance sila nagtungo at mula roon ay naghihintay na ang dalawa sa apat nitong bodyguard at ang driver ng binata. Kapwa sila inalalayan ng dalawa sa pagsakay sa makintab na itim na sasakyan.
Tinalunton ng kotse ang daan na pamilyar kay Sunshine, ngunit wala siya sa mood na mag-usisa, kaya naman isinandal na lamang niya ang ulo sa headrest at ipinikit ang mga mata.
Ilang minuto ang kanilang inilakbay nang maramdaman ng dalaga ang paghinto ng sasakyan. Nakita niyang bumaba ng sasakyan ang isa sa mga bantay.
Doon lamang napagtanto ni Sunny na nasa isang dry market sila. Kung saan makikitang nakahilera sa daan ang mga nagtitinda ng iba't ibang klase ng mga prutas.
Ilang sandali lamang ay dumating na ang bodyguar at may bitbit na itong supot. Kung ano ang laman ay hindi niya alam. Ni hindi man lang siya nagtangkang sulyapan ang kasamang binata kahit na nararamdaman niyang lumilingon ito sa kaniya.
Muli niyang isinandal ang ulo at pumikit hanggang sa siya ay makaidlip.
"Miss, nandito na po tayo," panggigising ng isa sa mga tauhan ni Norman kay Sunshine.
Pupungas-pungas na iginala ng dalaga ang paningin. Bahagya pa niyang kinusot ang mga mata upang makita kung nasaan na sila. Nanlalaki ang mga mata at hindi makapaniwalang lumingon siya sa binata. Nagtatanong ang tinging ipinukol niya rito.
"Susunduin ka rito after lunch," wika ni Norman nang hindi tumitingin sa dalaga.
"Nor---" hindi naituloy ni Sunshine ang sasabihin nang mangilid ang luha sa kaniyang mga mata. Pinunasan niya iyon bago pa tuluyang pumatak sa kaniyang mga pisngi. "Salamat," bukal sa loob niyang usal habang nakatingin sa binata. Wala man siyang nakuhang tugon buhat dito, ang ginawa naman nito ay nakapagpalis sa sama ng loob na nararamdaman niya para rito.
Nang makababa si Sunshine ng sasakyan ay inilapag naman ng bodyguard ang dalawang supot na binili nito sa dry market na kaninang hinintuan. Nagpasalamat siya rito bago ito muling bumalik sa sasakyan. Nakangiti niyang kinawayan ang binata bago makaalis ang mga ito.
Kinuha niya ang supot at tiningnan ang laman niyon, saka niya napagtantong puro iyon mga prutas. Iba't ibang uri ng mga prutas. Nakangiti niya iyong binitbit at humakbang papasok sa kanilang bahay.
"Mamang!" masiglang tawag ng dalaga habang nangingiti dahil sa ginawang iyon ng binatang amo.
******
"Surprise!"
"What are you doing here?" gulat na tanong ni Norman ng mabungaran niya sa loob ng suite na prenteng nakaupo sa sofa ang isang maganda at sopistikadang babae,
Wala naman talaga siyang lakad, inihatid lang niya ng personal si Sunny pagkatapos ay dumiretso na siyang muli rito sa suite upang magkulong. Pero ito ang dadatnan niya? Tsk!
"I'm in vacation. Then, I heard from someone that you are also here. That is why, I'm here," malanding sagot ng babae. Tumayo ito at iniangkla ang mga braso sa batok ng binata.
Iritadong binaklas ni Norman ang mga kamay ng dalaga at salubong ang mga kilay na naupo sa single sofa.
"Who gave you the access here?"
"Well, Lowelle knows me." Umupo ito sa tabi ng binata at walang salitang hinalikan ito.
"Come on, Claire. I'm not in the mood," iritadong inilayo ni Norman ang mga labi sa dalaga.
"Well, I'm in my mood, honey." Kumandong ito at parang sawang inilingkis ang katawan sa binata.
"Stop."
"I said, stop!" bulyaw rito ni Norman at marahas na itinulak ang babae. Tumayo ito at humakbang patungo sa silid, ngunit huminto sa harap ng pintuan.
"If you want to stay here, then stay. But don't do anything. I need rest," aniya pa at nagtuloy-tuloy na ito sa silid.
Naiwang nakaismid ang dalaga at padabog na naupo sa sofa.
*****
"Hindi pa ba dumadating ang sundo mo?"
"Hindi pa, mamang." Sinulyapan ni Sunshine ang relong pambisig, mag-aala una na ngunit wala pa ang sundo niya.
"Ano ba ang sabi sa`yo?"
"Hmmm, after lunch daw po ay susunduin ako. Hayaan n'yo na po. Atleast, matagal-tagal ko kayong makakasama."
"Hindi ka ba hahanapin ng amo mo?"
"Hindi naman po siguro, mang. Siya naman ang nagsabing ipapasundo niya ako."
"Gano'n ba? Kumusta naman ang pakikitungo niya sa`yo?"
Natigilan siya sa tanong ng ina. Napanguso siya nang maalala ang mga panti-trip na ginawa nito bago pa man siya maging personal chimi-aa nito.
"Okay naman po, hindi naman masiyadong matrabaho. Pero may pagkaarogante, mang. Ang lakas pa ng topak." Inabot ni Sunny ang isang orange at binalatan iyon.
"Buti natitiis mo?" nakangiting tanong ng ginang.
Napapabuntong-hiningang isinubo ng dalaga ang isang hiwa ng prutas sa ina, atsaka bahagyang napangiwi.
"Hays, kung hindi ko nga lang po amo `yon, baka nasapak ko na ang lalaking `yon. Biruin n'yo po bang ilang beses nagpabago-bago ang isip no'n sa juice na gusto niyang inumin! Tapos kagabi, makikiusap sana ako na baka pwedeng mag-day off dahil gusto ko kayong makita. Inunahan ba naman ako na hindi raw pwede dahil may lakad kami. Tapos malalaman ko, ihahatid pala ako dito. Buang nga tawo."
"Binata pa ba `yang amo mo?"
"Naku, mang! Gurang na po `yon. Kaya nga siguro laging mainitin ang ulo, eh," hindi makatingin sa inang bulalas niya.
"Talaga? Bakit parang.. "
"Anong bakit parang, mamang?"
Hindi sumagot ang ginang, nakatingin lang ito sa anak habang ang mga ngiti ay tila nanunukso.
"Mamang, ha! Kung anuman po iyang iniisip n'yo, walang katotohanan! Wala talaga!" nanggigilalas na tanggi ng dalaga na iwinawagayway pa ang mga kamay.
"Ngano man? Wala naman akong sinasabi, anak." Naiiling na saad ng ginang.
"Iyan po kasing klase ng tingin mo, mamang," tila nahihiyang napaiwas siya ng tingin. Pakiramdam niya ay tinutukso siya ng ina.
"Ano ba ang mayroon sa klase ng pagtingin ko sa`yo ha, Sunny? Ikaw lang ang nagbibigay kahulugan sa nakikita mo," nangingiti pa ring wika ng ginang.
"M-magpahinga na po muna kayo, Mamang," pag-iwas ng dalaga. Inayos niya sa pagkakahiga ang ina at akmang lalabas na ng silid nito nang...
"May mga taong hindi kayang ipakita ang tunay na nararamdaman nila. Kaya may pagkakataong ipinaparamdam nila iyon sa ibang paraan."
Natigilan ang dalaga, hindi niya maintindihan ang gustong tukuyin ng ina. Nilingon niya ito. "Matulog na po kayo," aniya na nginitian na lamang ang ina saka ito iniwan.
*****
"Honey, let's have dinner outside?" ani Claire habang hawak ang kopita ng wine at lumapit kay Norman na nakaupo sa stoolbar. Ipinatong nito ang kanang kamay sa balikat ng binata.
"Okay," malamig na tugon ni Norman bago sinimsim ang sariling alak.
Matamis na ngumiti rito ang dalaga at akmang hahalikan ang binata nang...
Bumukas ang pinto ng suite at iniluwa roon si Sunshine. Nagitla ito sa natagpuang eksena, dahilan upang mapako ito sa kinatatayuan at hindi agad nakahuma.
"Sunny..."
"Ah, sorry. H-hindi ko alam na may bisita ka pala," ani Sunshine na tila nahihiya sa nakita.
"Who is she?" taas ang kilay na tanong ni Claire kasabay nang pagpasada nito ng tingin sa kabuuan ng bagong dating.
"She's Sunshine, my personal tour guide."
"Why she's here?"
"She stays here."
"Oh!" bulalas ng intrimitida na tinapunan ng nakakainsultong tingin ang nakayukong si Sunshine.
"Kaya pala nawiwili ka rito, honey. By the way, I am Claire, Norman's fia---"
"Let's go, Claire." Pigil ng binata na inalalayan ito sa siko. Bago tuluyang lumabas ay nilingon pa nito ang dalaga.
"Sa labas ako kakain, kumain ka na lang d'yan," bilin nito kay Sunshine at tuluyan ng lumabas.
Wala na ang dalawa ngunit nanatili si Sunshine sa kinatatayuan habang nakatanaw sa nilabasan ng binata at ng kasama nito. Napabuga pa siya ng hangin at balisang tinungo ang silid.
Tinamad na ang dalaga na magluto ng kakainin, kaya naman nagbukas na lamang siya ng instant noodles in a cup at iyon ang hinapunan, saka muling nagkulong sa kwarto.
Lumipas ang ilang oras, nagpabiling-biling si Sunshine sa higaan. Pinapakiramdaman ang pagdating ng amo. Ngunit sumapit na ang alas diyes ng gabi ay hindi pa rin ito dumarating.
Tumayo ang dalaga dahil sa nararamdamang pagkabalisa, akma na siyang lalabas ng silid nang biglang tumunog ang kaniyang selpon na nakapatong sa side table. Agad siyang lumapit doon at dinampot ang aparato.
"A-ate. Ate Shine..."
"Lucy?" nagtatakang tanong ni Sunshine nang mabosesan ang pinsan. Tiningnan pa niya ang nakarehistrong numero sa screen, ngunit hindi iyon naka-save.
"Naunsa ka diha, Lucy? Nganong muhilak man ka?"
"Ate, diri mi sa ospital. Gisugod namo si auntie."
"Naunsa si mamang? Lucy, naunsa si mamang!?" bumalatay sa mukha ni Sunshine ang labis na pag-aalala naang marinig ang sinabing iyon ng pinsan.
"Ambot! Dili ko kabalo naunsa si auntie. Ari ka diri, ate!" halos pumalahaw na sa iyak na sagot ni Lucy.
Nanginig ang mga kamay ni Sunshine, ayaw man niyang isipin na malubha ang kalagayan ng ina, ngunit sa pag-iyak na iyon ni Lucy ay nangangahulugang hindi maganda ang lagay nito. Nagmamadaling hinablot niya ang bag sa tokador at mabilis na nilisan ang suite. Nasa gitna ng lobby ng hotel si Norman kasunod ang mga bodyguard, nang makasalubong niya si Sunshine at tila hindi siya nakita dahil sa pagmamadali.
"Sunny!" tawag ng binata rito ngunit hindian lang siya nito nilingon.
"Hey, where are you going?" pigil niya sa braso ng dalaga nang maabutan ito.
Nilingon siya nito at doon niya napagtantong hilam sa luha ang mukha ng dalaga.
"W-what happened?" nag-aalalang tanong niya rito.
"I'm sorry, sir. P-pero k-kailangan kong umalis." Binawi ng dalaga ang braso at akmang hahakbang ngunit muli itong pinigilan ng binata.
"P-please sir, pagbigyan n'yo na ako. K-kai---"
"Ano sabing nangyari?!"
Natigilan si Sunshine dahil sa pagbulyaw na ginawa ng binata, dahilan upang mapako sa kanila ang atensiyon ng mga taong naroon.
"Na... n-nasa ospital ang mamang ko. Nasa ospital ang mamang ko, kailangan ko siyang puntahan," nakikiusap ang tinig na wika ng dalaga. Naramdaman niya ang pagluwang sa pagkakahawak ng binata sa kaniyang siko at ang paggiya sa kaniya nito palabas.
"Ihanda n'yo ang sasakyan!" makapangyarihang utos ng binata sa mga tauhan.
Maingat na inalalayan ni Norman ang dalagang nagpatianod na lamang sa kaniya palabas ng hotel, hanggang sa pagsakay nila sa kotse.