Chapter 8: 7: Happiness

Hindi mapakali si Jade nang araw na iyon. Hindi niya malaman kung ano ang isusuot. Kung iyong kulay pula niyang red dress o iyong floral dress niya. Panay ang ikot niya sa harap ng salamin habang isinusukat ang mga damit. May mga damit pang nakapatong sa kama na iba-ibang disenyo. Nagagandahan siya sa lahat pero hindi niya mapili kung ano ang dapat isuot.

“Aba, mukhang abala ang anak ko a. May lakad ka ba?” tanong ng kanyang ina na kapapasok lang sa loob ng kanyang kuwarto. Lumapit ito sa kanya.

“May usapan po kami ni Oliver. Susunduin niya po ako dito sa bahay at magdi-dinner po kaming dalawa sa labas,” nakangiting tugon niya sa ina.

“Hmmm… mukhang nakita mo na ang lalaking nagpatibok ng puso mo a.”

“Sana nga po siya na ang tamang lalaki para sa akin, Inay. Balak ko na po siyang sagutin ngayong araw na ito sa oras na magtapat po siya.”

“Natutuwa ako para sa’yo, anak.” Hinaplos pa nito ang kanyang buhok at tinitigan siya sa mga mata. May ngiti rin sa mga labi nito na tanda na talagang masaya ito para sa kanya. “Alam mo bang akala ko, gusto mo na lang magpakatandang-dalaga. Ni wala ka kasing napupusuan sa mga manliligaw mo pero ngayon parang nakikita ko na ang magiging apo ko sa’yo.”

“Inay naman! Apo agad? Hindi ko pa nga po siya boyfriend.”

“Aba! Ikaw na rin naman ang nagsabi na sasagutin mo na siya hindi ba? Doon na rin ang punta noon. Kung puwede nga lang na bukas na bukas rin ipakasal ko na kayo, gagawin ko.”

“Inay talaga! Huwag po kayong magmadali at baka po mapurnada pa.”

“Ay oo nga, naku. Huwag naman sana.” Humagikhik ito nang mahina bago tiningnan ang damit na hawak niya. “Ayan ba ang napili mo?”

Ang tinutukoy nito ay ang bestida na kulay pula. Simple lang iyon at hanggang tuhod ang haba. Pinangsisimba niya iyon minsan.

Tumango naman siya.

“Bagay po ba?” tanong pa niya at ipinakita pa nito na nakalapat sa katawan niya.

“Subukan mong sukatin, anak. Mukhang bagay sa iyo iyan. Lalo kang nagiging mukhang inlove.”

“Sige po, isusuot ko na.” Tuwang-tuwa siyang pumasok sa banyo dala ang kanyang damit. Isinuot niya iyon at saka lumabas ng banyo para ipakita sa ina ang suot.

“Wow, ang ganda mo diyan anak. Blooming na blooming ka,” papuri ng kanyang ina. Nilapitan pa siya nito saka niyakap. “Alam mo anak, nagpapasalamat ako sa Diyos na binigay ka niya sa akin. Natutuwa rin ako na inuna mong pahalagahan ang obligasyon mo sa pamilya mo kaysa sa sarili mo. Panahon na para kaligayahan mo naman ang unahin mo.”

Tumulo ang luha nito habang hinahaplos ang kanyang buhok at nakatitig sa kanya. Pinahid naman niya iyon.

“Inay naman, huwag na po kayong magdrama. Makikipag-date palang po ako at hindi pa magpapakasal.”

Tumawa naman ito sa kanyang sinabi. “Pasensiya ka na sa akin. Hindi ko kasi akalaing darating ang araw na pipili ka na ng taong mamahalin.”

“Sana nga po, tama ako ng pipiliin,” aniya sabay buntong hininga.

“Magtiwala ka lang. Kapag nilaan ng Diyos, iyon ang masusunod.”

“Salamat, inay.” Niyakap niya ito sandali pagkatapos ay tumingin muli sa salamin. “Sa palagay ninyo po ba magugustuhan ni Oliver ang suot ko?”

“Oo naman. Napakaganda mo kaya. Tiyak na lalo ka niyang mamahalin.”

Lalong lumapad ang kanyang pagkakangiti at parang may kumiliti sa kanyang tiyan.

“Ang mabuti pa, aayusan kita. Ako na ang magme-make up sa’yo at mag-aayos ng buhok mo.”

“Marunong po ba kayo?” tanong pa niya.

“Aba naman! Nakalimutan mo na ba na noong bata ka pa ako ang nag-aayos ng buhok mo?”

“Ang tagal na po noon.”

“Oo nga. Ang tagal na nga pala ano?” sabi pa nito habang sinusuklay ang kanyang buhok. “Huling nasuklayan ko ang buhok mo ay noong naka-graduate ka ng kolehiyo pagkatapos noon naging abala ka na sa trabaho at ikaw na ang nag-aasikaso sa sarili mo. Independent ka na talaga, anak at sobrang proud ako sa’yo.”

Natatandaan niya ang araw na huling inayusan siya ng kanyang ina. Ang sarap ng pakiramdam niya dahil ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng kanyang ina kahit na hindi na siya bata. Hanggang ngayon ay ipinaparamdam pa rin ng mga ito na alagang-alaga siya nito. Hindi lang siya pati na rin ang mga kapatid niya kahit na may mga asawa na ang mga ito at nauna pa sa kanyang magkaroon ng mga anak.

“Salamat, Inay. Proud din po ako na kayo ang naging magulang ko, kayo po ni Itay.”

“Oh, narinig ko yata ang pangalan ko,” sambit naman ng kanyang ama na kararating lang at nakasilip sa may pinto ng kanyang kuwarto. Nakangiti itong lumakad palapit sa kanila.

“Mukhang may date ang aking panganay a,” sabi pa nito.

“Oo. May date ang anak mo at panalangin mo na tuloy-tuloy na para makapag-asawa na.”

“Inay naman!” reklamo niya pero nakangiti.

“Aba! Magandang balita iyan. Magkakaroon na ako ng apo sa’yo.”

“Itay naman! Parehas talaga kayo ni Inay, masyadong advance mag-isip. Date palang apo na agad.”

“Ganoon talaga anak. Sa edad mong iyan, dapat sa’yo may asawa at anak na. Aba! Naunahan ka pa nga ng mga kapatid mo na mas bata sa’yo.”

“Maaga naman po kasi nila nahanap ang true love nila. Hindi katulad ko na na-traffic po yata sa Edza kaya nagtagal,” biro pa niya.

“Atleast dumating pa rin kahit late na hindi ba?” biro din ng kanyang ama.

“Tao po!” Natigil ang usapan nila nang marinig ang boses ni Oliver sa labas ng kanilang bahay.

“Si Oliver na po iyon, inay.” Bigla siyang nataranta at napatayo sa kinauupuang silya sa harap ng salamin.

“Oh, kalma ka lang. Baka masira ang make up mo niyan,” sabi naman ng kanyang ina na sinipat pa ang kanyang itsura. “Okay na, puwede ka na ng lumabas para harapin ang bisita mo.”

Nagmadali naman siyang lumabas ng kuwarto at tinungo ang pinto. Siya na mismo ang nagbukas ng pinto para sa binata. Lumapad ang kanyang ngiti nang makita ang guwapong mukha nito na nakasuot ng long sleeve polo na kulay pink na bumagay sa dito. Naka-slacks pants din itong itim at black shoes. Lalo itong naging malinis at pormal na tingnan.

“Good evening, Jade. This is for you.” Inabot nito sa kanya ang isang boquet ng rosas na kulay pula. Tinanggap niya iyon at inamoy.

“Salamat,” tugon pa niya.

“Are you ready?” Nag-alok ito ng braso upang hawakan niya. Umabrisyete siya rito. Lumingon pa siya sa kanyang mga magulang para magpaalam. Tinanguan lang siya ng mga ito at kumaway. Tila tiwala naman ang mga ito na nasa mabuti siyang mga kamay.

Dinala siya ni Oliver sa isang mamahaling restaurant hindi kalayuan sa kanila. Masaya silang nagkuwentuhan at nagtawanan habang kumakain. Napakagaan ng loob niya habang kausap ito. Parang bang walang boring moment para sa kanya kapag kausap ito. They talk everything under the sun at hindi siya nagsasawa. Para bang kulang pa ang ilang oras nilang magkasama para ikuwento ang lahat ng mga bagay.

“Ops… it’s almost nine o’clock. Hindi ko na namalayan ang oras,” sabi ni Oliver matapos mapasulyap sa wrist watch nito.

“Talaga ba? Ako rin, hindi ko na namalayan. Kanina pa pala tayo rito,” natatawang sambit niya.

“Oh paano, ihatid na kita?” tanong pa nito sa kanya. Tumayo ito sa kinauupuan matapos siyang tumango bilang tugon. Tumayo na rin siya at hinawakan ang inabot nitong kamay. Tinawag ni Oliver ang waiter at kinuha ang resibo ng kanilang kinain. Agad itong nagbayad sa waiter at nagbigay pa ng tip. Lubos naman ang pagpapasalamat ng waiter bago ito umalis.

“Let’s go,” sambit pa nito saka inalalayan siya palabas ng restaurant na iyon. Inalalayan rin siya nito hanggang sa makasakay at makababa siya sa kotse nito.

“I have a great night, Jade,” sabi nito nang nasa harap na sila ng gate ng kanilang bahay.

“Me too,” tugon naman niya.

“Sige mauuna na ako,” paalam pa nito.

“Teka lang.” Hinawakan niya ang braso nito upang pigilan ito sa pag-alis. Nang lumingon ito sa kanya ay hinalikan niya ito sa labi na kinagulat nito. Labis namang nag-init ang kanyang mukha at kagat-labi siyang napayuko. Hindi niya akalaing magagawa niya iyon at hindi niya mapipigilan ang sariling gawin iyon.

“W-what was that for?” gulat na tanong pa ni Oliver na halos mautal.

“G-goodnight kiss from your girlfriend,” nahihiyang tugon niya.

“G-girlfriend? You mean…”

Sunod-sunod siyang tumango. “Yes.”

“Yes?”

“Yes!” masiglang ulit niya.

“Wow!” hindi makapaniwalang sambit nito. Bigla siya nitong binuhat at inikot sa ere. Napasigaw siya dahil doon.

“You don’t know how much you make me happy.” Ibinaba siya nito at hinawakan ang kanyang mukha. Bahagyang hinaplos iyon habang nakatitig sa kanyang mga mata. Sinalubong niya ang mga tingin nito. Bakas rin sa mga mata nito ang labis na kaligayahan.

“Ganoon din ako. Hindi ko maipaliwanag ang saya ko tuwing kasama kita at alam kong natagpuan ko na ang lalaking makakasama ko habang buhay at ikaw iyon, Oliver.”

“Thank you, Jade,” pabulong na sambit nito saka siya niyakap nang mahigpit. May luha pa sa mga mata nito nang kumalas sa pagkakayakap sa kanya. Agad din nitong pinunas iyon nang mapansing nakatingin siya roon na nagtataka.

“I’m sorry. It was a tears of joy. Parang ayaw ko na tuloy umalis,” sabi pa nito.

“Bakit naman?” kunot noong tanong niya.

“Parang gusto na lang kitang makasama at hindi na iwan pa. Pakasal na rin kaya tayo. Kahit bukas na bukas.”

“Ano? Nagbibiro ka ba?”

“No. Natatakot lang kasi akong mawala ka pa sa akin. I was tired of long engagement then after that a heartful break-up. Minsan, mas maganda pa siguro ang short term relationship. Iyong sigurado ka nang siya na at ayaw mo nang pakawalan pa kaya hindi na kailangang patagalin pa.”

“Nagmamadali ka rin ba?” natatawang sambit niya.

“Hindi naman sa ganoon. Baka lang kasi maagaw ka pa ng iba sa akin.” Pinaglaruan nito ang kanyang mga kamay bago dinala sa mga labi nito at hinalikan ang likod ng kanyang palad.

“Walang aagaw sa akin sa’yo. Sa’yong-sayo na ako. Mula ngayon hanggang sa wakas.”

“I love it and I love you, Jade,” buong pusong sambit nito.

“I love you too,” tugon naman niya.

Hindi na siya tumutol pa nang dumampi ang labi nito sa kanyang mapupulang labi at ginawaran siya nang matamis na halik. Pinakamatamis na halik at pinakaunang naranasan niya sa buong buhay niya. Para siyang biglang umangat sa lupa at nagkaroon ng pakpak. Dinadala siya ng halik na iyon sa langit. Ang saya ng kanyang pakiramdam at ayaw na niyang matapos pa ang sandaling iyon.