Chapter 7: 6: Rejection

“Ano na, Jade? Nakapili ka na ba sa dalawang suitors mo?” tanong sa kanya ni Divina habang kumakain sila sa canteen. Sa ganoong oras lang sila palaging nagkakasama at nagkakakuwentuhan ng matagal ng kanyang mga kaibigan.

Nag-init naman ang kanyang mukha sa tanong nito. Sa totoo lang, hindi siya pinatulog kagabi ng dalawang lalaking manliligaw niya. Gulong-gulo siya sa nararamdaman. Para bang nahihirapan siyang pumili. Sa pinakita kasi sa kanyang kabutihan ni Louie ay tila nagkaroon ito ng puwang sa kanya. Naging komportable na siya kahit na malapit lang ito. Hindi katulad noon na naiilang siya tuwing kakausapin siya nito.

“Kailangan bang pumili agad-agad?” tanong naman niya.

“At kailan po ba balak pumili sa kanila? Kapag trenta ka na?” sabat naman ni Maribelle.

“Ayan na naman kayo. Pine-pressure ninyo na naman ako,” nakangusong sabi niya.

“E kasi naman, kami ang atat na atat na mag-asawa ka na. Gusto mo bang ikaw na lang lagi ang kukuning ninang ng mga anak namin? Masaya ka na bang maging ninang na lang?” sabi pa ni Maribelle.

“Bakit? Okay lang naman iyon a,” sagot naman niya.

“Ano ka ba? Hindi okay iyon. Hindi ka na bumabata, Jade. May choices ka naman kaya hindi mo kailangang magpakantandang dalaga,” sabi naman ni Georgina.

“Tama si Georgina. Maganda ka at sayang kung magpapakatandang dalaga ka lang.”

“Sino ba kasing may sabi sa inyong magpapakatandang dalaga ako? I just need to time to choose.”

“Sus! Gaano katagal ang kailangan mong oras? Isa hanggang dalawang taon pa? Aba! Baka mamaya, umayaw na iyang mga suitors mo sa’yo,” sabi naman ni Divina.

“For sure, hindi aayaw si Louie,” sabi naman ni Kristel. “Ewan ko na lang si Oliver.”

“Aba! Siyempre hindi rin susuko si Oliver. Siya ang mas deserved para kay Jade,” sabi naman ni Georgina na nag-cross arm pa.

“Ahem!” Halos sabay-sabay silang lumingon para tingnan ang nakatayong nagsalita sa tabi Jade. May hawak itong tray ng pagkain at nakangiti habang nakatingin kay Jade. “Puwede ba akong sumabay sa inyo sa pagkain? Puno na kasi ang mga mesa at dito na lang ang bakante.”

Luminga naman siya sa paligid at totoo naman ang sinabi nito. Puno na nga ang mesa sa paligid. Mas marami ang nag-break time ngayong araw na iyon dahil may mga bagong empleyado nan a-hired na nag-orientation kanina. Sabay ang breaktime ng mga ito sa mga staff ng kompanya. Eight to five din kasi ang orientation ng mga ito.

Napilitan siyang tumango Nahiya naman siyang tanggihan ito.

“Salamat,” sabi nito saka umupo sa mahabang silya katabi niya. Lahat naman ng mata ng kanyang mga kaibigan ay nakatingin sa kanila na para bang nagtataka sa kinilos nilang dalawa. Nagtataka ang mga ito kung bakit parang bigla silang naging malapit ni Louie sa isa’t isa.

“May nangyari bang hindi namin alam?” tanong ni Kristel na nagsasalitan ang tingin sa kanilang dalawa.

“Ha? Wala naman,” sagot naman niya.

“Sigurado ka? Bakit parang hindi ka na naiilang kay Louie?” tanong naman ni Divina.

“Ha? A e kasi…” Sumulyap siya kay Louie bago ibinalik ang tingin kay Kristel. “Naisip ko kasi na hindi ko talaga dapat tintrato na ganoon si Louie. Kababata at kaibigan ko siya. Hindi ko dapat sinira ang pagkakaibigang iyon nang dahil lang nanliligaw siya sa akin.”

“Buti naman at na-realized mo na iyan ngayon,” sambit naman ulit ni Kristel. “Pinahirapan mo si Louie, ano?”

Ngumiti naman si Louie dahil sa sinabi ni Kristel. Para bang natuwa ito sa sinabi niyon.

“Hay naku, huwag mong sabihing si Louie na ang pinipili mo?” Nakataas naman ang kilay na sambit ni Georgina. Tumingin naman si Louie dito na waaring hindi nagustuhan ang tila pagkontra nito.

“Wala naman akong sinabing ganoon. Binalik lang naming ang pagkakaibigang mayroon kami noon,” sabi niya at nakipagsalubungan ng tingin at ngiti kay Louie.

“E ‘di kayo na ang friends ulit pero sana naman si Oliver na ang piliin mo. Stay friends na lang kayo ni Louie para hindi masira ang friendship ninyo,” suhestiyon pa ni Georgina na lalong hindi nagustuhan ni Louie. Nagsalubong ang kilay nito habang nakatingin sa babae. Napansin naman iyon ni Georgina kaya napaiwas ito nang tingin kay Louie. Nakaramdam ito ng takot na hindi nito maipaliwanag.

“Ayan ka na naman, Georgina sa kapipilit mo kay Oliver para kay Jade. Hindi mo na lang hayaan si Jade na magdesisyon para sa sarili niya,” sagot pa ni Kristel.

Umirap na lang si Georgina at pinagpatuloy ang pagkain kahit ang totoo, bigla itong hindi naging komportable sa presensiya ni Louie na kasama nila sa hapag-kainan.

“Okay lang ba sa’yo kung ihatid kita ulit pauwi sa inyo?” tanong pa ni Louie sa gitna ng kanilang pagkain.

Tumango naman si Jade. Wala naman na kasi siyang nakikitang masama sa alok na iyon ni Louie. Iniisip na lamang niya na paraan lang iyon ng binata upang ibalik ang kanilang pagkakaibigan. Natuwa naman si Louie sa naging tugon ng dalaga.

Matiyagang hinintay ni Louie si Jade hanggang sa matapos itong mag-log out sa trabaho. Hinintay lang niya ito sa may gate ng kompanya. Kanina pang alas-kuwarto ang out niya at sinadya niyang maghintay hanggang alas singko sa labas ng kompanya para sabayan si Jade sa pag-uwi. Halos araw-araw na niya itong ginagawa at natutuwa naman siya dahil hindi na tumatanggi si Jade na gawin niya iyon para sa dalaga.

“Kumusta ang trabaho mo?” tanong agad niya rito nang makasakay na sila sa tricycle pauwi sa bahay nito.

“Ayos naman,” tipid na sagot ni Jade saka yumuko na para bang nahihiya na naman siya kay Louie.

“May problema ba?” tanong nito sa kanya nang mapansin nitong tila malungkot siya.

Umiling naman siya. “Wala naman. Medyo masama lang ang pakiramdam ko.”

“Ah ganoon ba? Gusto mong ibili kita ng gamot mamaya diyan sa botika?”

“Naku, huwag na. Okay lang ako. Ipapahinga ko lang ito,” sabi naman niya.

Tumango naman si Louie bilang pagsang-ayon.

Saglit na nabalot ng katahimikan ang pagitan nilang dalawa. Parang nagpapakiramdaman. Maya-maya pa ay binasag rin ni Louie ang katahimikang iyon.

“Ah, Jade. Puwede ba akong magtanong?”

“Ano iyon?”

“Huwag ka sanang magagalit pero gusto ko lang naman malaman kung may pag-asa ba ako sa’yo?”

“Ha?” tanging naiusal nito. Tumingin siya kay Louie na para bang kinakabahan at hindi malaman ang isasagot sa tanong nito.

“Hindi naman kita minamadali kaya lang kasi sa totoo lang, natatakot ako na makuha ka ng iba sa akin. Ibig kong sabihin, baka dumating ang panahon na ayaw mo na naman akong lumapit sa’yo dahil may nobyo ka na. Baka mamaya, umaasa lang ako tapos kayo na pala ni Oliver.”

“Ang totoo, medyo nalulungkot ako ngayon. Tungkol kay Oliver, hindi ko kasi alam kung bakit bigla na lang siyang nanlamig. Ibig kong sabihin, hindi na siya madalas mag-text at tumawag sa akin. Minsan hindi na rin niya sinasagot ang messages ko. Nag-aalala na ako na baka kung ano nangyari na sa kanya.”

“Nag-aalala ka sa kanya? Ibig sabihin ba niyan, gusto mo na rin siya?” tanong naman ni Louie.

Muling umiwas nang tingin si Jade.

“Huwag ka rin sanang magagalit sa sasabihin ko, Louie.” Bumuntong hininga si Jade nang malalim bago nagsalita. “Sa inyong dalawa ni Oliver, mas tipo ko ang tulad niya. Mas komportable akong kasama siya at nakikita ko ang sarili ko na kasama siya habang buhay.”

Nagdilim naman ang paningin ni Louie. Naningkit ang mga mata niya at kumuyom ang mga kamao pero pinipigilan ang kanyang sarili na magalit kay Jade. Pakiramdam niya ay pinaasa lang siya nito.

“Balak ko na sanang sagutin si Oliver once of this days kaya lang bigla siyang hindi nagparamdam. Iniisip ko na lang na baka busy siya sa trabaho kaya ganoon.”

Hindi pa rin nagsalita si Louie. Bawat salitang namumutawi kasi sa bibig ni Jade ay tila sibat na tumutusok sa kanyang dibdib at nagpapatindi ng kanyang galit pero pinipigilan pa rin niya ito.

Hinawakan ni Jade ang kanyang nakatikom na kamay at bahagyang pinisil iyon.

“Pasensiya ka na kung pakiramdam mo pinaasa kita. Talagang wala akong maramdamang espesyal para sa’yo. Hanggang kaibigan lang talaga ang turing ko sa’yo, Louie.”

Marahas na buntong hininga ang itinugon ni Louie. Umiwas siya nang tingin sa dalaga. Itiningin niya ang kanyang tingin sa labas ng tricycle na kanilang sinasakyan. Mabuti na lamang at tumigil na rin ito sa tapat ng bahay ni Jade. Agad siyang bumaba. Inalalayan pa rin naman niya si Jade na makababa pero agad din niyang binitawan ito.

“Bayad po, Manong.” Nag-abot siya ng bayad sa tricycle driver na agad namang tinanggap iyon at umalis. Wala ring s/ali-salitang tinalikuran niya si Jade at naglakad palayo.

“Saglit lang, Louie,” tawag nito sa kanya.

Lumingon naman siya pero halatang malungkot ang mukha at masama ang loob.

“I’m sorry,” sambit ni Jade na hinawakan pa ulit ang kamay niya. Hindi naman niya nagustuhan ang ginawa nito na para bang mas lalo lang nitong pinaparamdam na naaawa lang ito sa kanya. Tinanggal niya ang kamay nito at muli niyang tinalikuran.

Wala namang nagawa si Jade kundi ang tanawin na lamang si Louie habang papalayo. Nalulungkot siya para sa binata. Alam niyang masama ang loob nito pero hindi niya magawang ibsan ang nararamdaman nito kahit kaunti. Parang bigla siyang nagsisi sa ginawang pagbigo niya sa binata. Bumuntong hininga siya nang malalim bago pumasok sa loob ng kanilang bahay.

Bigla namang tumunog ang kanyang cell phone at nakatanggap siya nang mensahe mula kay Oliver. Agad na tumalon ang puso niya sa tuwa at biglang naglaho ang alalahanin niya kani-kanina lang.

Oliver: I am sorry for the late response. I’ve been busy lately. How are you?

Jade: Okay lang. Ikaw? Kumusta ka na?

Oliver: I am fine. I am planning to visit you one of these days. I miss you.

Tila may paru-parung nagliliparan sa kanyang tiyan at hindi na niya napigilan ang mapatili. Nasasabik na siyang makita ang binata. Nakaplano na ang mga dapat niyang sabihin sa oras na magkita silang dalawa. Hindi na niya papalagpasin pa ang pagkakataong iyon. Panahon na para buksan na niya ang kanyang puso. Sigurado na siya sa taong kanyang pipiliin kahit na nga alam niyang nasaktan niya si Louie sa pagbigo niya rito.

Samantala, si Louie naman ay agad na nagtungo sa tindahan at bumili ng alak. Gusto niyang lunurin ang sarili sa alak dahil sa pagkabigong naramdaman niya kay Jade. Wala nang sasakit pa sa pagkabigong nararamdaman niya. Nagngingitngit ang puso niya sa galit at nais niyang ibuhos iyon.

"Aaaahhh!" Inihagis niya nang malakas ang bote ng alak sa dingding. Nabasag ang bote at nagkalat sa sahig ang mga bubog niyon. Lumikha iyon nang malakas na ingay na tumawag sa atensiyon ng kanyang ina. Agad siyang nilapitan nito.

"Anong nangyari sa'yo, Louie? Bakit ka nagwawala?"

Malalim na buntong hininga lang ang isinagot niya rito. Nanlilisik ang mga mata niya na nakatingin sa basag na bote na nagkalat sa sahig.

"Kung hindi siya mapapasa akin, hindi siya mapupunta sa iba," sambit pa niya.

"Ano bang sinasabi mo?" nagtatakang tanong ng kanyang ina. Naguguluhan ito sa ikinikilos ng anak.

"Akin lang siya. Akin lang si Jade," muling sambit niya saka kinuha pa ang isang bote ng alak na nakapatong sa lamesa at muling tinungga iyon. Tiningnan lang siya ng kanyang ina na wala ring magawa kundi ang pagmasdan siya. Wala naman kasi siyang balak sabihin dito ang nangyari. Wala rin kasing tumatakbo sa isip niya kundi ang mukha ni Jade at ang plano niyang pag-angkin dito.