Chapter 9: Heartbreak

“Wow! Talaga ba?” Halos manlaki ang mga mata ni Georgina at ng iba pa niyang kasamahan sa trabaho nang ibalita niya ang tungkol sa kanila ni Oliver kinabukasan. Katulad ng dati nag-uumpukan silang kumain sa mesa pero hindi na sumabay pang muli si Louie sa pagkain sa kanila. Mula nang magalit ito sa kanya ay hindi na siya nito pinapansin pa. Ni hindi niya nakikita itong tumitingin sa kanya tulad ng dati. Nalulungkot siya sa bagay na iyon pero mas nangingibabaw ang kanyang saya dulot ng relasyong mayroon sila ni Oliver ngayon.

“Kailan ang kasal?” tanong agad ni Divina.

“Kasal agad? Kakasagot ko lang sa kanya kagabi e,” sabi pa niya.

“Ano naman? Hindi na dapat pinapatagal pa iyan,” sabi naman ni Georgina.

“Ano ka ba, Georgina? Hayaan mo munang i-enjoy ni Jade ang in a relationship status niya. Matagal siyang walang boyfriend at dapat maranasan muna niya kung paano ang takbo ng isang relasyon ng magkasintahan bago magpakasal. Huwag natin siyang madaliin at baka madapa, mapurnada pa ang happy ending,” sabi naman ni Maribelle.

“Sus! Nagsalita ang laging failure ang lovelife,” biro naman ni Divina.

“Hoy! Kahit na failure ang lovelife ko noong una at pangalawa, natagpuan ko na ang tunay na magmamahal sa akin.”

“Huwag mong sabihing pagkatapos mong makipaghiwalay kay Joemar nitong nakaraan lang e may bago ka na agad?” hindi makapaniwalang sambit naman ni Georgina.

“Siyempre naman! Ako pa ba?” sabi pa ni Maribelle saka naghawi ng buhok. Akala niya ikinaganda niya iyon.

“Ang landi!” birong sabi pa ni Divina. Nagkatawanan ang lahat maliban kay Kristel.

“Hoy! Ang tahimik mo naman, Kristel! Anong problema mo? Nag-away ba kayo ng asawa mo?” tanong naman niya sa kaibigan.

“Hindi,” tipid na tugon nito. Bigla siyang nag-alala para sa kaibigan. Hindi naman ito madalas maging tahimik. Parang napakalalim ng iniisip nito at hindi masabi sa kanila.

Matapos kumain ay naisip niyang lapitan si Angela sa puwesto nito at tanungin sa problema nito. Ito ang pinakauna niyang naging kaibigan at pinakamalapit sa kanya kaya naman gusto niyang damayan ito sa kung anoman ang problema nito.

“Anong problema mo? Baka gusto mong i-share sa akin.”

Umiwas naman ito ng tingin sa kanya at nagpatuloy lang sa ginagawa.

“Kristel,” tawag pa niya rito.

Lumingon naman ito sa kanya na para bang naiinis ang mukha nito.

“Bakit ba tinatanong mo pa ako kung masaya ka naman sa buhay mo?” Ikinagulat niya ang sinabing iyon ni Kristel. Ngayon lang siya pinagtarayan nito.

“Galit ka ba?”

“Obvious ba?” mataray ulit nitong sambit. “Ang unfair mo kasi, hindi mo man lang ako sinabihan sa magiging desisyon mo. Bakit siya?”

“Ha?” tanging naiusal nito habang nakatingin sa kaibigan. Hindi niya maunawaan ang sinasabi nito.

“Anong ha? Alam mo naman ang ibig kong sabihin, Jade. Alam mong si Louie ang nirereto ko sa’yo pero si Oliver pa rin ang sinagot mo. Ano bang nakita mo sa lalaking iyon na wala kay Louie?”

Hindi agad siya nakasagot. Hindi rin naman kasi talaga niya maunawaan ang damdamin. Mas matimbang ang nararamdaman niya kay Oliver kaysa sa pagkakaibigang mayroon sila ni Louie.

“Matagal mo nang kilala si Louie tapos si Oliver, kakikilala mo lang sa kanya. Hindi ka man lang nag-research ng tungkol sa kanya. Alam mo bang may asawa at anak na si Oliver?”

“Ha?” Lalo niyang ikinagulat ang sinabi nito.

“Kita mo na! Wala kang alam. Bigla-bigla ka na lang pumapasok sa isang relasyon na hindi mo alam kung sino ang pinapatulan mo. Ayan! Tingnan mo!” utos nito sa kanya matapos ilapag ang isang brown envelop sa mesa nito.

Kinuha niya iyon at tiningnan. Halos malaglag ang panga niya kasabay ang panginginig ng kanyang mga kamay habang binabasa ang nasa dokumento. Isa iyong marriage contract na ang nakasulat ay pangalan ni Oliver at ang babaeng pinakasalan nito na ang pangalan ay Liecel Aranio. May kasama ring birth certificate ng isang bata roon na ang nakapangalan sa mga magulang ay ang babae sa marriage contract. Kusang pumatak sa dokumentong iyon ang luha galing sa kanyang mga mata. Sunod-sunod siyang napailing.

Hindi kayang tanggapin ng kanyang isip at puso ang nasa dokumentong iyon. Hindi siya makapaniwala. Wala man lang nababanggit sa kanya si Oliver tungkol sa bagay na iyon. Hindi rin sumagi sa isip niya na may asawa at anak ito. Napakabait ni Oliver at alam niyang tapat ito sa kanya.

“S-saan mo nakuha ang bagay na ito? Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin ito? Bakit mo siya pinaimbestigahan?” sunod-sunod na tanong niya kay Kristel.

“Hindi ako ang nagpaimbestiga niyan. Hindi ko rin alam kung saan galing ang dokumento na iyan. Bigla na lang iyang sumulpot dito sa lamesa ko. Hindi ko nga alam kung bakit sa akin niya pinadaan iyan sa halip na sa’yo. Pero isa lang ang alam ko, hindi mo na dapat ituloy pa ang relasyon mo kay Oliver. Masasaktan ka lang.”

“Sa tingin mo ba hindi pa ako nasasaktan ngayon? Gusto kong isipin na peke ang mga dokumentong ito.”

“Peke? Hello, Jade! Gumising ka nga at tingnan mong mabuti iyan. Hindi iyan xerox copy. Original copy iyan with sealed pa. Authenticated galing sa PSA,” giit pa nito. “Hindi porke inlove ka, magbubulagbulagan ka na.”

Hindi siya nakaimik sa sinabing iyon ni Kristel. Ibinalik niya ang tingin sa dokumento. Kahit anong sipat niya sa dokumentong iyon, hindi niya makitaan ng pagiging peke. Hindi niya niya napigilan ang pagbagsak ng masaganang luha sa kanyang mga mata.

Tumayo naman si Kristel at hinagod ang kanyang likod. Kahit masama ang loob nito sa kanya kanina ay hindi pa rin siya matiis nito. Nasa kanya pa rin ang simpantiya nito.

Pinuntahan niya si Georgina at inilapag sa mesa nito ang dokumento. Nagtataka naman itong lumingon sa kanya.

“Ano ito?” tanong pa nito sabay hawak sa envelop.

“Buksan mo,” walang emosyong utos niya kay Georgina.

Sinunod naman ito ng babae at nanlaki ang mga mata nito sa nakita. Tila gulat na gulat rin ito.

“What’s the meaning of this?”

“Hindi mo alam ang ibig sabihin niyan? Hindi ba ikaw ang nagpakilala sa akin kay Oliver? Hindi mo alam na may asawa na siya?” puno ng sama ng loob na sambit niya.

Sunod-sunod naman itong umiling. “I have no idea about this. Kaibigan siya ng asawa ko at sabi niya single si Oliver.”

“May single bang may marriage contract?” Muling pumatak ang luha sa kanyang mga mata.

“I am sorry, Jade. Wala talaga akong alam.” Tumayo ito at niyakap siya. Humagulgol naman siya. Ang akala niya ay naubos na niya ang luha pagkatapos niya iyong ibuhos kanina sa balikat ni Kristel. Ngunit hindi pa pala dahil pakiramdam niya punong-puno ang dibdib niya. Napakabigat ng nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Gusto niyang magwala. Kung wala nga lang siya sa opisina ay baka kanina pa niya iyon nagawa.

“Bakit ganoon? Minsan lang ako sumubok pero bakit ganito kasakit?” sambit pa niya sa kabila ng paghikbi.

“Hush! Hindi mo kasalanan. I was guilty about this. Dapat hindi ko na lang pinakilala si Oliver sa’yo.”

“Buti na nga lang nalaman ko nang maaga. Kahit masakit hindi pa gaanong kalalim ang sugat.”

“Humanda ang Oliver na iyan sa akin,” banta pa ni Georgina habang patuloy pa rin ang paghagod sa kanyang likod.

“Ako na lang ang makikipag-usap sa kanya. Kailangan ko nang tapusin ang relasyon namin bago pa magtagal. Hindi ako papayag na gawin niya akong mistress.”

Matapos ang trabaho ay tinawagan niya si Oliver na makipagkita sa kanya sa parke. Naghintay siya roon habang nakatitig lang sa kawalan. Alam niyang darating si Oliver dahil hindi pa ito nakakasakay sa barko. Sa sunod na buwan pa sana ang alis nito. Mabuti na nga lang dahil makokompronta pa niya ito ng personal.

Makailang ulit siyang bumuntong hininga bago muling sinulyapan ang dokumento. Sumisikip pa rin ang dibdib niya habang tinitingnan ito pero pinipigilan niya ang emosyon. Kailangan niyang ireserba iyon para kay Oliver.

“Hi, honey! I am sorry I’m late,” bati sa kanya ni Oliver sabay halik sa kanyang pisngi. Hindi niya namalayan ang pagdating nito.

Wala namang kangiti-ngiti ang kanyang labi habang nakatingin sa masayang mukha nito.

“Bakit ganyan ang mukha mo? May problema ba?” kunot noong tanong nito nang mapansin ang kanyang reaksiyon.

“Sabihin mo nga sa akin. Ako lang ba ang girlfriend mo?” mahina pero mariing tanong niya.

“S-siyempre naman. Sino pa bang iba?”

Inihampas niya sa dibdib nito ang envelop na hawak niya. Kinuha naman nito iyon at binuksan. Halata sa mukha nito ang pagkagulat nang makita ang dokumento.

“K-kanino mo nakuha ito?” tila nabulol na sambit nito.

“Sabihin mo nga sa akin, ano ang ibig sabihin niyan?” Kusang tumulo ang luha sa kanyang mga mata habang nakatitig sa mukha ng nobyo. Lalong sumisikip ang kanyang dibdib sa nakikitang guilty reaction nito. Kahit hindi pa ito nagsasalita pakiramdam niya ay umaamin na ito sa kasalanan. Panay ang kagat-labi nito habang nakatingin sa dokumentong hindi nito maipaliwanag.

“J-Jade…” tanging sambit nito.

“Sabihin mo! Sa’yo ba ang marriage contract na iyan?” Tumaas na ang kanyang boses at hindi na niya napigil pa ang kanyang emosyon.

“Jade, honey…” muling sambit nito.

“Stop calling me honey! Magtapat ka sa akin ngayon! Kasal ka na ba?”

Humiyaw siya nang malakas matapos itong tumango kasunod ang malakas na hagulgol.

“How dare you do this to me? Niloko mo ako!” Pinagbabayo niya ang dibdib nito. Pinipigilan nito ang kanyang mga braso pero pilit pa rin niyang hinahampas ito. Nang magkaroon siya ng pagkakataon ay sinampal niya ito sa mukha. Bumaling sa kanan ang pisngi nito nang lumapat ang malakas niyang sampal dito. Agad na namula ang pisngi nito.

“Anong ginawa ko sa’yo para gawin mo sa akin ito? Anong kasalanan ko para saktan mo ako? Bakit ka nagsinungaling sa akin?” panunumbat niya rito.

“Jade, I am sorry.” Pumatak ang luha galing sa mga mata nito.

“Sorry? Sa tingin mo ba madadaan sa sorry ang lahat? Niloko mo ako! May asawa ka na at hindi mo man lang sinabi sa akin. Umasa akong ikaw na ang lalaki para sa akin pero hindi pala. Anong plano sa akin? Gawing kabit?”

“No, Jade. That’s not like that. Balak ko namang sabihin sa’yo kaya lang wala akong pagkakataon.”

“Walang pagkakataon? Ilang beses tayong nag-uusap. Ilang beses kang tumatawag at nagte-text sa akin. Alin ang walang pagkakataon doon? Kahit noong una tayong nagkakilala, dapat sinabi mo na. Ang sinabi mo lang sa akin noon, nagkaroon ka ng mga long time relationship pero hindi mo sinabi sa akin na ikinasal ka na! Ang lakas pa ng loob mo na alukin ako ng kasal agad-agad samantalang kasal ka na sa iba!”

“Ang totoo, matagal na kaming hiwalay ni Liecel. Papel na lang ito sa amin. Hindi na kami nagsasama, matagal na. Pina-process na ang annulment namin at malapit nang mapawalang bisa ito.” Itinaas pa nito ang dolumentong hawak.

“At gusto mo akong maghintay hanggang sa ma-annul ka?” Sunod-sunod siyang napailing. “At paano ang anak mo? Hahayaan mo siya sa ina niya? Hindi ako papayag na maging kasangkapan para lalong masira ang pamilya mo.”

“Jade, mahal kita.”

“Mahal? Hindi mo ako mahal. Ginagamit mo lang ako para mapabilis ang pakikipaghiwalay mo sa asawa mo. Kasi kung mahal mo ako, una palang sinabi mo na sa akin na may asawa ka.”

Hindi ito nakapagsalita kaya naman nagpatuloy siya.

“Ang laki kong tanga para magtiwala agad sa isang taong hindi ko pa gaanong kakilala. Dapat hindi na lang kita nakilala. Mabuti na lang, maaga pa nang malaman ko ang panloloko mong ito sa akin. Masakit man pero hindi ganoong malalim ang sugat. Maghihilom din ito at makakalimutan din kita.”

Tinalikuran na niya ito at iniwan na nag-iisa sa lugar na iyon. Ni hindi na niya ito nilingon pa. Hindi rin naman ito nag-abalang habulin pa siya. Marahil ay alam nitong wala na rin itong magagawa pa. Kahit anong sabihin nito, nakatanim pa rin sa puso niya ang sama ng loob nang dahil sa ginawa nito sa kanya. Ito ang unang beses na nasaktan siya at hindi niya iyon basta-basta makakalimutan.