Huling Kabanata

Nang magising ako'y tila ba'y kay tagal akong nahimlay sa aking pagkakatulog. Iginalaw-galaw ko ang aking mga kamay. Parang buong katawan ko'y namanhid. Nakuyom ko ang aking mga kamay at puwersahan kong pinilit ang aking katawan na makabangon. Huminga ako ng malalim at bumaba sa kama. Dahan-dahan akong humakbang hanggang sa tuluyan akong tumapat sa pinto. Pinihit ko ang busol. Nang mabukas ko ang pinto ay ang malaking buwan agad sa kalangitan ang aking nasilayan. Masiyadong maliwanag ang kalangitan. Humakbang pa ako at napahawak sa barandilyang gawa sa bakal. Puna kong nasa barko ako, kung saan ito 'yong ginamit namin sa aming paglalakbay ni Mattheaus. Nasuklay ko ang aking buhok gamit ang aking mga daliri.

"Umahon ka na," ang boses ni Mattheaus ang aking narinig. Mabilis akong humakbang. Gano'n na lamang ang aking pagtataka dahil parang maraming nagbago sa aming barko. Iba na ang ilang desenyo at parang kay bilis namang nakumpuni ng mga nasira gayong... Natigilan ako.

"Arthyseuos!" sambit ko at agad na tumalon pababa.

"Yana?" gulat pang sambit ni Mattheaus nang makita ako. Agad siyang lumapit sa akin at mahigpit akong niyakap. Maingat niyang hinagkan ang aking buong mukha. Buong pangungulila kong tinugon ang mga halik ni Mattheaus sa akin. Ngunit agad na pumukaw sa aking atensyon ang isang binatang nakamasid lang sa aming dalawa ni Mattheaus. Katabi ng lalaki ang aking inang si Nely. Nagsalubong ang aking mga kilay at kumunot ang aking noo. Para kasing may hawig siya ni Mattheaus. Magandang lalaki ito at matikas din ang pangangatawan. Kasing tangkad siya ni Mattheaus at kulay berde rin ang kanyang mga mata.

"Sino siya?" baling ko kay Mattheaus. Marahas itong nagpakawala ng hininga.

"Ang anak natin," sagot niya. Napaatras ako sa aking narinig. Hilaw akong napatawa.

"Anak? Nagbibiro ka ba? Sanggol pa lang ang anak natin!"

"Yana, mahigit dalawampung taon kang tulog." Nahigit ko ang aking hininga. Mas lalo akong napaatras.

"Hindi totoo 'yan!"

"Mahal ko, makinig ka muna sa akin. Nagkamali ako sa pagkagat sa iyo. Kasalanan ko ang nangyari." Sumenyas ako upang patigilin siya. Tinalikuran ko si Mattheaus ngunit hinila niya ang aking braso. Sa galit ko'y nasampal ko siya ng malakas. Alam kong 'di nakakatinag 'yon ngunit 'yon lang ang alam ko upang maibsan ang aking galit. Tinakbo ko ang hagdan at tinungo ang pinakadulong harapan ng barko. Mahigpit akong napakapit sa barandilya. Tuluyang bumagsak ang aking mga luha. Hindi ko matanggap na dalawampung taon akong nakahimlay lang sa kama. Wala akong kamuwang-muwang sa mga nangyayari sa aking paligid.

"Yana," tawag sa akin ni Mattheaus ngunit agad akong umiwas.

"Mahal ko," muling utas nito. Sa muling pag-iwas ko'y nahila niya ang aking kanang kamay at agad akong ikinulong sa kanyang mga bisig.

"Yana," anas nito. Nasuntok ko ang kanyang dibdib habang humahagulhol ng matindi.

"Bakit mo nagawa sa akin 'to!? Bakit!?"

"Hindi ko sinasadya Yana." Panay pa rin sa pagtulo ang aking mga luha.

"Hindi ka ba masaya na makita ang anak mo? Ang anak natin?" Nag-angat ako ng aking ulo.

"Masaya ako, sobra! Pero hindi mo maaalis sa akin ang magalit at magtampo! Wala ako noong mga panahong lumalaki siya. Hindi ko man lang nakita kung paano siya lumaki. Hindi ko man lang alam kung ano ang mga gusto at ayaw niya. Hindi ko man lang alam kung may babae na ba siyang nagugustuhan sa tuwing dadaong tayo. Pakiramdam ko'y parang wala akong kuwentang ina. Pakiramdam ko'y napabayaan ko siya."

Mas lalo akong humagulhol. Hinaplos naman niya ang aking mukha at hinagod ang aking likod.

"Hindi totoo 'yan Yana. Mahal ka ni Arthyseuos, mahal na mahal." Nasapo ko ang aking noo.

"Iwan mo muna ako," wika ko. Tumango siya at hinagkan lamang ang aking noo. Agad siyang bumitiw sa akin. Muli akong humarap sa malawak na karagatan. Huminga ako ng malalim.

"Ina," sambit ng baritonong boses na nakatayo sa aking likuran. Nilingon ko siya.

"Arthy," sambit ko. Tumabi siya sa akin at bumuntong-hininga.

"Galit po ba kayo sa akin?" Agad akong umiling.

"Hindi! Hindi ako galit sa iyo anak."

"Para kasing ayaw niyo sa akin. Ang akala ko'y yayakapin mo ako ina sa oras na magising kayo. Nagkamali ako." Bakas na bakas sa boses niya ang matinding lungkot.

"Anak, hindi totoo…" Bigla niyang ibinigay ang itim na rosas sa akin.

"Ayos lang ina." Tinalikuranna niya ako ngunit mabilis akong humarang sa kanya at yumakap dito.

"Anak, patawarin mo ako, pakiusap." Niyakap niya ako pabalik.

"Mahal na mahal ko kayo ina, pakiusap. Itigil niyo na po ang mga negatibong kunklusyon na namumuo sa inyong utak. Alam kong nahihirapan pa rin kayo ngunit mas importante pa rin po ba ang nakaraan kaysa ang kasalukuyan?" Nag-angat ako ng aking ulo.

"Ikaw pa rin ang mas importante anak ko," maluha-luha kong wika.

"Maligayang pagbabalik ina." Hindi ako umimik ngunit mas lalo ko lamang hinigpitan ang pagkakayakap ko sa aking anak.

Buong atensyon ang inilaan ko sa aking mag-ama simula nang araw na iyon. Mahirap mang tanggapin na nawala ang presensya ko sa aking mag-ama ngunit tama si Arthyseuos. Importante man ang nakaraan ngunit mas importante ang kasalukuyan. Kung anuman ang mayroon noon, mas pupunan ko ang mayroon ngayon.

"Arthyseuos! Umakyat ka na!" tawag ko sa aking anak na masayang nagtatampisaw sa kulay asul na karagatan. Nakinig naman ito sa akin. Ibinigay ko sa kanya tuwalya nang makasampa ito sa barko. Lihim akong napangiti. Magandang lalaki nga ang anak ko at nakasisiguro akong wagas din ito kung magmahal.

"May nagugustuhan ka na ba anak?" Bumaling ito sa akin.

"Mayroon ina, isang Seltzer." Umawang ang aking bibig. Kalaunan din ay huminga ako ng malalim.

"Utos ba ito ng iyong ama?" Natigil siya sa pagpunas sa kanyang sarili.

"Nakita ko ang larawan niya ina noong sampung taon pa lamang ako. Maganda siya at parang mabait. Ilang beses ko na rin siyang napagmamasdan mula sa malayo sa tuwing dumadaong kami pabalik ng isla Herodes. Nabighani niya ang puso ko ina."

Mahigpit akong napahawak sa bakal na barandilya. Bahagyang bumakat ang mga daliri ko ro'n.

"Sagutin mo ang tanong ko." Ito naman ang huminga ng malalim.

"Kailangan kong sundin ang nasa propesiya at walang kinalaman si ama rito. Noon pa man ay alam ko na ang dahilan kung bakit niyo ako isinilang sa mundong ito ina. Iwasan ko man ang tadhana ko'y ganoon pa rin ang kahihinatnan ng aking kapalaran." Mariin akong napapikit.

"Pero…"

"Anak, Yana, mag-usap muna tayo," singit ng inay Nely sa aming usapan. Aangal pa sana ako ngunit kinayag na ako ng inay Nely palayo kay Arthyseuos.

"'Nay naman." Umiling ito.

"Nagsisisi ka ba't ipinanganak mo si Arthyseuos sa mundong ito?"

"Hindi 'nay," sagot ko agad kasabay ng aking pag-iling.

"Kung ganoon ay alam mo kung bakit nakakapagsalita ng ganoon si Arthyseous."

"Inay, ayaw ko lang naman na malagay siya sa kapahamakan," nag-aalala ko pang sagot.

"Malaki na ang anak mo, Yana. Pagkatiwalaan mo siya. Alam mong tama ang mga sinabi niya kanina. Kahit na ikaw, hindi mo natakasan ang tadhana mo. Minsan ka nang inilayo kay Mattheaus ngunit ibinalik ka pa rin sa kanya. Ganoon din ang mangyayari kay Arthyseuos sa oras na ilayo mo siya. Kaya sana anak, pagkatiwalaan mo siya."

Hindi ako umimik. Ayaw kong makipagtalo kay 'nay Nely. Malaki ang punto niya ngunit ina ako ni Arthyseuos. Hindi maalis sa akin ang matinding takot at pangamba. Tinapik naman ng inay Nely ang aking balikat at iniwan ako. Bigla akong napapikit nang madama ko ang kakaibang haplos sa aking balikat, pababa sa aking baywang. Hinawi niya ang aking mga buhok at hinagkan ang aking batok. Gumapang ang halik niya sa aking leeg at punong tainga. Napasinghap ako ng marahan.

"Nag-aalala ka na naman," aniya.

Humarap ako sa kanya at ikinawit ang aking mga kamay sa kanyang batok.

"Mahal ko lang kayo," sagot ko. Hinagkan niya ang aking noo, ang tungki ng aking ilong at huminto sa aking mga labi.

"Hindi na natin hawak ang buhay niya mahal ko."

"Ina niya ako at ikaw ang ama niya. Hindi ba talaga tayo puwedeng makialam?" Tipid niya akong nginitian.

"Isa siyang Zoldic, ugali naming tumayo sa sarili naming mga paa. Iwaksi mo na sa iyong isipan ang pangamba. Hindi makakatulong sa anak natin iyan. Dapat ang pagtuunan mo'y ang kasal nating dalawa."

Agad na sumilay ang matamis na ngiti sa aking mga labi. Dahil sa pag-aalala ko ng sobra kay Arthyseuos ay nawala na sa isip ko ang preperasyon para sa kasal naming dalawa ni Mattheaus.

"Uuwi na tayo sa isla Bakunawa at nagsisimula na akong magtampo sa iyo." Natawa ako.

"Hindi halata sa iyo mahal ko," sagot ko at inirapan siya. Dinilaan niya ang aking leeg.

"Kagatin kaya kita," sabi pa niya. Agad akong umurong.

"Hindi na ako ang pagkain mo," natatawa ko pang ani. Nagsalubong ang kanyang kilay.

"Nagtataka ako. Bakit si ate Catherine, naging immortal lang siya?"

"Dahil mortal ka pa noon at wala akong ibang magagawa para magtagal ang iyong buhay. Kailangan kitang gawing kagaya ko pagkatapos mong maipanganak si Arthyseuos." Napatango-tango ako at muling yumakap sa kanya. Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang matipunong dibdib.

"Masaya ako at naging ganito ako. Kahit na hindi ko na maramdaman ang pagtibok ng puso ko'y alam ko Mattheaus, ikaw pa rin ang nais kong makasama habambuhay." Hinagkan niya ang aking noo.

"Ikaw at ikaw lang din ang gusto ko, Yana."

Nang dumaong ang aming barko ay aligaga akong halos. Hindi ako mapakali sa pag-asikaso sa aming kasal ni Mattheaus kahit na ang totoo'y nariyan naman ang inay Nely at ang mama Maria Carissa. Sila ang mas punong-abala sa pagdaraos ng aming kasal. Sa malaking hardin ng mga Zoldic gaganapin ang aming pag-iisang dibdib ni Mattheaus.

Tumayo ako sa gitna kung saan nalalatagan ng katad na pulang karpet ang aking inaapakan. Sa magkabilang tagiliran ko'y ang kumpol ng mga rosas na kulay itim ang nakasabit sa nakadesenyong bakal, na pomurmang hugis puso. Sa pinakadulo naman ay isang altar. May dalawang gintong kopita sa mesa at isang makapal na libro. Nakagat ko ang aking labi. Ayaw mawala itong mga ngiti ko sa aking mga labi. Kinikilig pa rin talaga ako.

"Yana!" ani ate Catherine at niyakap ako mula sa aking likuran. Agad din naman siyang kumalas at tumabi sa akin.

"Ang saya mo yata ah," anito nang nakangiti.

"Ikakasal ate e," sagot ko.

"Hay, parang gusto ko ulit magpakasal." Natawa ako.

"Puwede 'yon ate," sagot ko. Siya naman ang umiling at nailing-iling pa.

"Kapag umabot ng ilang dekada." Tawanan kaming dalawa.

Kumindat naman bigla si Mattheaus sa akin nang tingnan ko siya. Kausap niya ang kapatid na si Zsakae. Nang bumaling naman ito kay ate Catherine ay nagtanguan lang ang mga ito. Kumunot ang aking noo.

"Nag-away ba kayo ni Mattheaus, ate?"

"Kami? Medyo nagkagalit lang si Steffano at Mattheaus. Ngunit masiyado na iyong matagal Yana." Nagsalubong ang aking mga kilay.

"Sa anong dahilan po ba?"

"Muntik na niya akong mapatay." Namilog ang aking mga mata.

"Seryoso po?" Tinanguan niya ako at ipinakita ang kanyang kanang kamay na may malaking peklat sa palad.

"Nasalag ko ang banal na punyal nang akmang itatarak niya ito sa akin. Napagkamalan niya kasing si Steffano ang pumaslang kay Alyana dati gayong si Zsakae naman pala ang totoong may gawa noon. Nalaman kasi ni Zsakae ang pagpapanggap ni Alyana at huli na nang malaman ni Mattheaus ang totoo." Nakagat ko ang aking labi.

"Napagkamalan din naman ako ni Mattheaus ate. Muntik niya na rin akong mapatay ngunit alam ko namang wala siya sa kanyang sarili dati." Hinagod naman niya ang aking likod.

"Ayos naman na ang lahat, 'di ba?"

"Oo naman po ate," sagot ko.

"Nagkita na ba kayo ni Jeorgie?" Napanganga ako.

"Jeorgie? Jeorgie Micaela Baguisa?" ulit ko pa.

"Oo, hindi mo ba alam? Habang nasa paglalayag kayo'y napadpad dito si Jeorgie at naging kasintahan siya ni Zairan. Nasa bakasyon silang dalawa ni Zairan kaya wala siya rito ngayon." Natampal ko ang aking noo.

Hindi ako makapaniwalang maging ang matalik kong kaibigang si Jeorgie ay napadpad din dito sa isla Bakunawa.

"Isa rin ba siyang itinakda?"

"Sa pagkakaalam ko'y oo. Ngunit naging maayos naman ang lagay niya sa piling ni Zairan. Kambal ang anak nilang dalawa, magkasing edad lang yata sila ni Arthyseuos." Nasapo ko ang aking batok.

"Ano kaya ang dahilan at napadpad siya rito?" bulong ko sa aking sarili.

"Naibigay nang maayos sa kanya ang sulat at pera Yana. Siguro'y siya na lamang ang tanungin mo sa oras na magkita kayo." Tipid akong ngumiti.

"Mukhang ganoon na nga lang ate," sang-ayon ko rin naman.

"Magbihis ka na, magsisimula na ang seremonya." Nginitian ko lang ang ate Catherine at pumasok sa loob ng bahay.

Ang dating silid ni ate Catherine sa ika'lawang palapag ang aking tinungo. Huminga ako ng malalim.

Nang buksan ko ang pinto'y napalundag ako sa gulat. Bigla na lang kasing lumitaw si Mattheaus at bigla akong hinila papasok sa silid. Nang masirado ang pinto ay agad niya akong isinandal sa pinto at siniil ng halik ang aking mga labi. Tumugon ako at kumawit sa kanyang batok. Ngumiti ito sa aking mga labi at bahagyang tumigil sa paghalik sa akin.

"Alam mo ba kung nasaan si Zairan?" bigla kong tanong. Kumunot agad ang noo nito. Agad kong hinaplos ang kanyang noo upang huwag itong kumunot.

"Magseselos ka na naman agad. Gusto ko lang malaman kung nasaan sila dahil kasama niya ang matalik kong kaibigang si Jeorgie." Umismid naman ito.

"Ang alam ko'y wala sila rito. Saka na natin sila dalawin kapag nakabalik na sila." Tumango ako.

"Magbibihis na ako. Bakit hindi ka pa bihis? Hmm?" Tinapik-tapik ko ang kanyang dibdib.

"Gusto kitang makitang nagbibihis." Pilya akong napangiti.

"Bawal," bulong ko sa kanya. Nakagat naman nito ang labi.

"Masusunod mahal ko," aniya at biglang nawala sa aking harapan. Natawa na lamang ako sa aking sarili.

Tinungo ko ang banyo upang maglinis ng aking katawan. Pagkatapos ay agad ko nang isinuot ang aking kulay itim na traje de boda. Ewan ba, ngunit gusto ni Mattheaus na magsuot ako ng ganito. Babagay daw kasi sa mga itim na rosas. Isinuot ko na rin ang aking sapatos na may mahabang takong. Ako na rin mismo ang nag-ayos ng aking buhok at naglagay ng kunting kolorete sa mukha. Humarap ako sa salamin. Kumurap-kurap ako baka sakaling bumalik na muli ang kulay ng aking mga mata ngunit kulay pula pa rin ang mga ito. Hindi ko pa rin talaga ito makontrol. Huminga na lamang ako ng malalim at lumabas na ng silid. Dahan-dahan akong humakbang pababa ng hagdan. Nang umabot ako sa pinto ay sumalubong sa akin ang inay Nely. Nang dumako ang mga mata ko sa hardin ay agadakong napangiti. Marami ang dumalo at puro kamag-anak ng mga Zoldic. Ngunit agad nawala ang aking ngiti nang makita kong bakante ang upuan ni Arthyseuos. Nang mapuna ni Mattheaus ang malungkot kong mukha ay agad siyang lumapit sa akin.

"Bakit mahal ko?" Kumapit ako sa kanyang kanang braso.

"Nasaan si Arthyseuos?" Umigting ang panga nito.

"Magkasama sila ni Cereina kanina, wala pa ba?" ani 'nay Nely.

"Pero 'nay, magsisimula na ang kasal ko. Nag-aalala na ako." Gusto ko nang maiyak. Ito na nga ba ang sinasabi ko.

"Hahanapin ko siya," mariing wika ni Mattheaus. Halatang galit na ito. Nang mawala ito ay inakay ako ng inay Nely at tinulungan ako sa aking damit. Sayad na sayad kasi ito.

"Doon ka na sa altar maghintay anak," anito. Umiling ako.

"Si Arthyseuos po."

"Nandito lang 'yon anak, sige na." Bigla namang lumitaw si Mattheaus.

"Papunta na siya. Halika na," aniya.

Nakahinga ako ng maluwag. Kumapit ako kay Mattheaus at sabay na kaming lumakad. Mahigpit akong humawak sa kanyang kanang kamay. Nang dumako ulit ang aking mga mata sa uupuang puwesto ni Arthyseuos ay agad akong napangiti. Dumating na kasi ito at bagay na bagay sa kanya ang kanyang suot na tuksedo.

Nang tuluyan naming naabot ni Mattheaus ang altar ay mas lalong lumawak ang aking ngiti. Nagsisimula na ring manubig ang aking mga mata. Masayang-masaya ako ngayon dahil kasama ko ang pamilya ko. At ngayon, sa araw ng kasal ko'y mas lalo nasasabik. Kahit na magkatulad na nilalang na kami ni Mattheaus ay importante pa rin sa akin ang araw na ito. Ang araw ng kasal ko ang nagpapatunay na nalagpasan ko ang lahat ng dagok sa aking buhay. At siyempre, wala ako rito kung hindi dahil sa matindi kong pagmamahal kay Mattheaus.

"Oras na," sambit ni Mattheaus.

Ngumiti lamang ako. Pumuwesto naman na sa gitna ang mama Maria Carissa. Sa tradisyon ng mga Zoldic, ang puwedeng magkasal sa magsing-irog ay ang nakatatandang Zoldic. At ang ama ni Mattheaus 'yon, ngunit hindi naman ito dumadalo sa mga pagtitipon kaya ang ina ni Mattheaus ang papalit dito. Inilahad naman ng mama Maria Carissa ang isang libro.

"Pakipatong dito ang kaliwa ninyong kamay."

Nakagat ko pa ang aking labi bago ko tuluyang ipinatong sa libro ang aking kaliwang kamay. Pilyo namang ngumiti si Mattheaus sa akin at ipinatong na rin ang kanyang kaliwang kamay sa libro.

"Sa ngalan ni Luna, kayo ay pinag-iisang dibdib niya."

Nang matapos ito sa pagsambit ay biglang kumirot ang aking kanang kamay. Tumingin ako kay Mattheaus. Humihingi ng tulong ang aking mga mata. Pero umigting lang ang kanyang panga. Ang kirot sa aking kamay ay gumapang paakyat sa aking braso. Napaatras ako ng isang hakbang. Agad na gumalaw si Mattheaus at umikot sa aking likuran nang hindi tinatanggal ang kanyang kaliwang kamay sa libro. Ang kanang kamay niya'y sumupurta sa aking baywang.

"Aw," marahang daing ko. Parang tinutusok ang mga ugat ko sa kaliwang kamay at braso.

"Kaya mo 'yan mahal ko," bulong niya sa akin.

Hindi ako umimik dahil inaagaw ng kirot ang aking pandama. Bigla namang lumabas sa aking braso ang marka ng isang itinakda, ang kulay itim na tangkay ng rosas. Gumapang ito pababa sa aking kaliwang palad at kumunekta sa kaliwang kamay ni Mattheaus. Parang binuhol ng tali ang aming mga kamay. Napaluha ako ng tuluyan dahil sa sobrang sakit. Hanggang sa tuluyang hinigop ng libro ang itim na marka. Agad na binawi ng mama ang libro na kanyang hawak at binuksan ito sa gitna. May maitim na pulbos rito at agad niya itong inilagay sa dalawang kopita. Kinuha ito ni Mattheaus at ibinigay niya sa akin ang isang baso. Nilagok ko ang lahat ng laman ng baso. Nang malunok ko ang laman nito'y parang may malamig na hangin ang gumapang sa aking buong katawan. Para akong binasbasan ng kung sino.

Bigla namang may gumapang sa aking palasing-singan. Marka ng itinakda. Romolyo ito sa aking daliri hanggang sa pumorma itong singsing at ang rosas na itim ang naging palamuti nito. Maging sa kaliwang kamay ni Mattheaus ay ganoon din ngunit magkaiba kami ng desenyo. Simple lang ang sa kanya ngunit mga diyamanteng kulay itim naman.

"Mabuhay ang bagong kasal," nakangiti pang wika ng mama Maria Carissa. Nagpalakpakan naman ang lahat. Humarap ako kay Mattheaus. Humalik ito sa aking labi. Nang humarap kami sa kanilang angkan ay isa-isa nila kaming binati.

Nang balingan ko si Arthyseuos ay wala na ito sa kanyang puwesto. Ginamit ko ang aking mga mata upang hanapin ito. Ngunit agad din akong napapikit. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kaya.

"Mahal ko," pukaw ni Mattheaus sa akin.

"Hindi ko mahanap si Arthyseuos," wika ko.

"Nandito lang siya." Umiling ako.

"Hindi ko pa rin kayang gamitin ang mga mata ko."

Yumapos siya sa aking baywang mula sa aking likuran. Idinikit niya ang kanyang labi sa likod ng aking tainga. Nakagat ko ang aking labi. Nakararamdam ako ng matinding kiliti.

"Huminga ka ng malalim mahal ko at subukan mo ulit."

Sinunod ko ang utos niya ngunit muli pa rin akong napapikit. Pinahaba naman niya ang kanyang kuko. Sinugatan niya ang kanyang kaliwang pulso. Nang lumabas ang kulay itim nitong dugo ay agad niyang itinapat ito sa aking bibig.

"Kagatin mo," utos niya.

Walang pag-aalinlangan kong kinagat at sinipsip ito. Napapikit ako. Kakaiba ang lasa ng dugo ni Mattheaus. Para itong katas ng mansanas. Bigla ko namang nahigit ang aking hininga at kasabay nito ang pagdilat ng aking mga mata. Agad kong nahanap si Arthyseuos.

"Maayos siya," aniya.

"Sino ang kasama niya?" taka kong tanong.

Isang babaeng nakatalukbong ng balabal ang kausap ng aking anak ngayon.

"Ang itinakda," sagot niya. Agad akong bumaling sa kanya.

"Kakayanin niya ba talaga lahat?" Ngumiti ito at hinagkan ang aking noo.

"Kung nakaya natin mahal ko, mas kakayanin niya." Nawala ang takot sa aking dibdib.

"Lalo pa ngayon at may nabuo na naman tayo." Umawang ang aking mga labi.

"Ano ang ibig mong sabihin mahal ko?"

Hinaplos naman niya ang aking tiyan at marahan nitong idiniin ang kanyang palad.

"Buntis ka mahal ko." Napasinghap ako at agad na nangilid ang aking mga luha sa aking mga mata. Hindi ko nagawang makaimik agad dahil sa sobrang saya na aking nadarama. Ginagap naman niya ang aking mga kamay.

"Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sasabihin mahal ko." Pinuno ko ng halik ang kanyang buong mukha.

"Sapat na sa akin na makita kang masaya mahal ko. Gusto mo bang malaman kung ano ang ipapangalan ko sa kanya?" Natawa naman ako.

"Hindi ba’t diyan ka naman magaling. Sige nga," wika ko pa.

"Yesheas Yue Zoldic."

"Lalaki?"

Kumikit balikat lamang siya at nginitian ako.

"Magsisimula na ang bagong yugto. Alam kong marami pa tayong haharapin na problema pero simula ngayon ay hahayaan ko na ang kapalaran ang magdikta nito sa atin." Pinahiran naman niya ang duguan kong labi at hinagkan ako.

"Hanggang sa huli mahal ko," aniya.

"Magpahanggang walang wakas," tugon ko at ako na mismo ang humalik sa kanya.

~Wakas~