CHAPTER 6

TATLONG BUWAN na naman ang lumipas, mula nang magkita sila ni Clinton, pero ang damuhong fiancee niya, wala na yatang balak na makipag kita pa sa kanya. Noong una, gumagana ang pagpapanggap niyang may sakit siya upang hindi lang ma-meet ang mga magulang at buong pamilya ng lalaking iyon.

Nalaman niyang nakabalik na ito mula sa malayong bansa, pero hindi manlang nag-effort na makilala siya. Siya naman okay lang sa kanya, kasi simula rin ng makita niyang muli si Clinton, ilang ulit na rin niyang idinasal na hindi na makipagkita pa ang lalaking iyon sa kanya.

“Ay nako naman Friend! Bakit ba tayo nandito sa obando? Ang dasal mo hindi mo makatuluyan ang fiancee mong walang mukha, bakit dito? Iyon ang tanong ko, bakit dito sa Obando?” matinis ang boses na tili ni Trina. Ang best friend niyang parang bakla kung tumili.

“Huwag ka ngang maingay! Seryoso ako, nagnonobena ako, at sasayaw ako ng sasayaw rito, para lang matupad ang panalangin ko!” sagot naman niya.

“Friend! Ang nagpupunta rito iyong mga gurangers nang hindi malagyan ang mga bahay bata! Jusko ka! Ang bata pa natin para lang magsasayaw rito! Saka itong suot natin!” naipapagpag pa nito ang suot na makulay na palda.

“Next time nga huwag ka nang sumama! Nakakainis ka, imbis na matupad ang ipinagdarasal ko, mauuwi sa kaletchehan! Alam mo bang natupad ang panalangin kong magkita kami ulit ni Clinton! At iyong isa naman ay tuluyan nang hindi magkalakas ng loob na makipag kita sa akin, siguro naknakan siya ng duwag at pangit!”

“Friend, baka naman inis ka kasi pakiramdam mo ay binalewala ka niya? Okay lang iyon di mo naman siya gusto,” sulsol pa ni Trina.

“Hindi sa ganon Friend, sabihin man lang ng formal, iyong bigyan ng closure, nang sa ganon, hindi kami nakokonsensiya ni Clinton, matinong lalaki iyon, palagi niyang sinasabi na nagtataksil raw kami, kasi pareho kaming nakatali sa isang kasunduang walang maayos na closure.”

Napabuntung hininga naman si Trina, “Hay! Sana naman po pagkitain niyo ang apat na taong ito, para naman po hindi na ako, magsasayaw pa rito!” humahaba ang ngusong sambit ni Trina. Pakiramdam nito, damay na ito sa mga problema ng kaibigan.

PAG-UWI pa lang nila sa bahay nila sa Paranaque, sinalubong na siya ng kanyang Mama, atubili ito, at tila kinakabahan, kaya naman mayroon siyang hinala, “Bakit ngayon lang kayo?” tanong ng Mama niya.

“Bakit po ba Ma?” tanong niya sa ina.

“May mga bisita tayo kanina pa, ikaw lang ang hinihintay, bakit kasi ang tagal niyo? Saan ba kayo nagpunta nitong kaibigan mo,” mahina ngunit may gigil na sermon sa kanya ng kanyang ina. “Hala sige na bilisan mo, harapin mo na sila,” sabi pa nito.

“Ma, magpapalit muna po ako ng damit,” paalam niya.

“Hindi na! Kanina pa sila, iyong mga magulang ng lalaking mapapakasalan mo,” giit ng kanyang mama.

Naiinis man ay walang nagawa si Myra kundi ang harapin ang mga bisita niya. Hindi niya pa nakikilala kahit na ang mga magulang ng lalaking pakakasalan, ang alam lang niya ay Llavarez ang apelido ng mga ito.

“Nako, napaka ganda naman pala ng mamanugangin namin, ikaw pala si Princess,” matamis ang ngiting bati sa kanya ng isang ginang. Na sa tingin niya ay kaidaran ng kanyang ina.

“S-sorry po, natagalan ako sa aking pag-uwi, hindi ko naman po kasi inaasahang pupunta pa po kayo, ang akala ko po kasi ay wala nang balak ang anak niyong magpunta para ayusin kung anomang ang meron sa amin,” deretsang niyang sabi sa ina ng lalaking mapapakasalan.

“Princess! Ano ka ba?” saway ng kanyang Papa, na kasalukuyan ring nakaupo ro’n sa kaharap ng mga bisita.

“Nako! Huwag mo nang sawayin ang anak mo, k-kami naman talaga ang may pagkukulang rito, iyong anak namin kasi, mukhang may ibang kinahuhumalingang babae, pero hindi kami pumapayag, sabi namin, hiwalayan niya iyon dahil si Princess lang ang gusto naming maging manugang,” paliwanag ng ginang.

“Ano! Pero paano niyong mapipilit ang anak ninyo?” tanong ng kanyang ama.

“Dapat po, makipag-usap muna siya sa akin kung gusto niyang makipag hiwalay, kahit na ang naging relasyon namin ay panay sa balita lang, walang pagkakataon na nagkita kami, nagkaroon pa rin po ng ugnayan ang ating mga pamilya, hindi naman ako nagmamalinis, ako rin po may mahal nang ibang lalake, kaya pakisabi po sa kanya, harapin niya muna ako at huwag siyang duwag, para maging malinaw sa aming dalawa ang lahat,” matapang niyang sabi sa mga magulang ng binata.

Napatulala naman ang mga ito, lalo na nang mag-walk out siya. Alam niyang kawalan ng manners ang ginawa niya, pero mas walang maners ang lalaking iyon kung ang mga magulang lang nito ang papaharapin gayong sila naman ang may relasyon. Kahit na realasyong balita lang, walang tunay na ugnayan.

NANG malaman ni Clinton ang ginawa ng babaeng fiancee niya, para naman siyang nasilihan sa galit, nabastusan siya sa ginawa nitong pag-walk out sa harap ng mga magulang niya.

“Sobra siya! Sino ba siya sa akala niya? Komo ba kami ang nangangailangan ay ganon niya tatratuhin ang mga magulang ko!” galit na bulalas ni Clinton.

“Pre, bakit kasi hindi mo pa harapin? Nang hindi ka nasasabihang duwag?” sabat naman ni Dante. Nasa bahay nila sila ng mga sandaling iyon.

“Ummm… hayaan niyo na, tayo ang may pagkukulang, ikaw naman kasi Clinton, sukat na nakipag relasyon ka kagad sa ibang babae, paano kung magandahan ka naman sa anak nila, si Princess,” sabat na salita ng ama niya.

“Pa, sinubukan ko naman, hindi ko lang alam kung bakit sa tuwing magkikita kami noon, may sakit daw siya. No’ng ako naman ang gusto niyang makita, wala ako, kaya hindi niloloob ng pagkakataon na magkita kami, baka lang Pa, baka hindi kami ang para sa isa’t isa.” katwiran pa niya.

“Sige, magpapa-book na ako ng dinner sa isang restaurant, family dinner ito, at kinakilangang naroon kayong dalawa, last na ito, sabihin niyo na sa isa’t isa ang mga nais niyo, at magdasal din kayo na makumbinsi niyo kaming pumayag na huwag na kayong ipakasal, tapos saka nating planuhin iyong sa bago mong nobya,” sabi naman ng mama niya.