CHAPTER 1

POLAND COUNTRY isang lugar na napiling puntahan ni Clinton Llavarez, umalis ng bansang Pilipinas para takasan ang makalumang paniniwala ng kanyang pamilya. Papalugi ang negosyo nila at siya na lang sa pamilya nila ang nag-iisang lalake, na single pa sa edad na thirty two.

Hindi niya naintindihan kung bakit? At kailan pa naging solusyon sa pag-ahon ang pagpapakasal, year 2018 na, at iyong pa rin ang strategy na naiisip ng buong pamilya niya para matakasan ang napipintong kahirapan na maaring dumating sa mga buhay nila.

Taliwas sa paniniwala niya at sariling prinsipyo. Maari pa sigurong pumayag siya kung siya ang magiging dahilan ng pag-ahon ng pamilya ng babaeng pakakasalan niya sana, pero hindi, siya ang lalabas na manggagamit sa pamilya ng mga ito.

Bukod sa hindi pa niya kilala ang babaeng itinakdang ipakasal sa kanya, isang malaking sampal para sa kanya ang malamang sila ang may kailangan. Bilang lalake, nakakadurog ng ego niya.

Mag-aanim na buwan na siya sa bansang iyon at kung ano-anong trabaho na rin ang sinubukan niyang gawin, marami na rin siyang nakilalang tao, pero hindi pa rin niya magawang makapag-decide na bumalik sa Pilipinas

Habang kampanteng naglalakad, nakakita siya ng isang babaeng hinahabol ng ilang kalalakihang Poles, mga native na tao sa bansang iyon, nakilala niyang tila isang kapwa Pilipino ang babaeng iyon, kaya naman hindi na niya natiis at nilapitan niya ang mga taong iyon na hinihila ang babae.

“Hey! Excuse me, Myra!” tawag niya sa dalaga, nagpanggap siyang kilala niya ang babae. Nanlaki naman ang mga mata ng babae, tila nagulat dahil sa alam niya ang pangalan nito.

“No! I’m not!” mabilis naman ang sagot ng babae. Kinindatan niya ito, upang ma-gets nitong tinutulungan lamang niya ito. Kaya lang ay hindi rin naman iyon nauunawaan ng babae.

“Sorry guys, I think there is a big misunderstanding here,” paliwanag niya pa sa mga lalaking naroon. Tatlong lalaki ang mga ito, at ang isa ay napansin niyang tila hindi maganda ang tingin sa babae.

“No, I don't think you have anything to do with it, you're just meddling,” sabi ng lalaking Poles.

“Tingnan mo, gusto mo bang mapahamak sa mga lalaking ito?” mahina niyang salita sa babae. Doon pa lang nito naunawaang nais lang niyang tumulong. “Kilala mo ba sila? Kasi kung kilala mo sila, aalis na lang ako, ayoko lang kasing makakita ng kababayan ko rito na nanahihirapan,” sabi niya sa babae.

Nang tatalikod na siya ay maagap naman siyang nahila ng babae sa kanyang kamay, “Yes! I-I know him!” sigaw nito na sa mga lalaking Poles nakatingin.

“Are you sure, we can get you and bring you to the Police station, if you want?” sabi naman ng isang pang lalaking taga-Poland.

“No! No! I made a mistake, I got lost in this place, he has found me, he is my boyfriend!” deklara ng babae.

“What? I don’t think so. I think you just prentending!” namamaling salita ng isa sa mga malalaking poles.

“No! She’s rigth, were having a relationship!” matigas ang mukhang sagot na lang rin niya para maniwala na ang mga lalaki.

Gusto man niyang mag-react dahil sa tingin niya ay lumabis naman ang babae sa pagpapanggap nito. Kaya lang ay hindi na niya nagawa sa takot rin niyang makahalata ang mga lalaking Poles. Baka mamaya ay sa police station nga ang punta nila kung nagkataon.

Ilang minuto nang nakaalis ang mga lalaking taga-Poland, sila naman ay magkaharap nang nakaupo sa mga upuang nakaharap sa bilog na lamesa. Isang manggo juice at apple juice ang nakalagay sa harap nila.

Wala pang gustong magsalita, o magpaliwanag ni isa sa kanila, ayaw naman niyang simulan, ngunit ilang minuto na ang lumipas at naiinip na siyang nakaupo lang sila roon. “Ano bang naisipan mo at sinabi mong boyfried mo ako?” tanong niya sa mahinahong pananalita.

“Sorry, na- offend ba kita? Ikaw naman ang unang nakialam sa gulo namin,” umirap pa ang babae sa kanya. Bahagya naman siyang natawa sa dalaga.

“Buhay nga naman, pinoy nga naman, ikaw na nga ang pinagmalasakitan, parang ako pang may utang na loob sa iyo!” pasinghal niyang sabi ngunit mahina lang.

Tumingin naman sa kanya ang dalaga at nag-cross arms pa ito, sumandal ng maayos, at tumitig ng nakakaloko sa kanya. “Bakit Mr. Hiningi ko ba ang tulong mo? Saka bakit alam mo ang pangalan ko? Stalker ba kita? Isa ka ba sa mga tauhan ng Papa ko? Ang bilis talaga ng radar nila no? Kahit saang sulok ako ng mundo nasusundan pa rin nila ako,” mataray na salita ng babae.

“Excuse me, hindi ako tauhan o pinadala ng kahit na sinong tao para lang sundan ang childish na babaeng tulad mo, may sarili akong mundo, kaya alisin mo sa utak mo ang isiping stalker ako.” Tumayo na siya at ininom ang mango juice na inorder nila. “Bayaran mo ito ha, Miss heredera, at ang pangalan mo kasi nakatatak diyan sa shoulder bag mo.” Tuluyan na siyang tumalikod at umalis sa harapan nito.

“Hoy! Sandali nga lang Mr. Ang yabang mo no! Ikaw ang lalake, ikaw ang dapat na magbayad nitong lahat, hindi naman ako ang nag-order rito, at nag-ayang pumunta tayo sa lugar na ito, so bakit ako ang magbabayad?!” sigaw nito sa kanya.

Nakita niyang pinagtitinginan na naman sila ng iba pang mga tao sa nasabing restaurant. Hindi niya maintindihan, kung bakit napaka skandalosa ng babaeng ito. Kung alam lang niyang sakit pala ito ng ulo, hindi na sana niya ito tinulungan.

Naglabas siya ng ilang dolyares at ipinatong sa table, naniningkit ang mga mata niyang tiningnan lang ang babae. Saka niya ito muling tinalikuran at iniwan.

Tuloy-tuloy lang siyang naglalakad, malayo-layo na rin siya sa restaurant na pinagpahingahan nila kanina nang babaeng kinairitahan niya. Ayaw niya sa ganong babae, hindi maunawaan ang gusto, ito na nga ang tinulungan niya ito pa ang may ganang maghinala sa kanya.

Pero lingid sa kanyang kaalaman ang tuwa at saya ng babaeng iyon habang pinagmamasdan pa siya, “Ang cute niya talaga!” napapakagat labi pa nitong sigaw sa isipan. Mas ipinagpatuloy ang pagsunod-sunod sa binata.

Hindi nito alam kung ilang araw na ba itong parang baliw na nagsususunod sa kanya, ito pala ang stalker niya. Tila ba parang batang natutuwa si Myra habang nakikita mula sa malayo ang bawat galaw niya at maging ang hilatsa ng mukha niya ay ikinatutuwa nitong pagmasadan.

Gabi na ngunit nasa daan pa rin siya, hindi niya pa alam kung saang hotel o motel siya magpapahinga, gusto pa niyang tingnan ang magagandang tanawin mula sa mataas na lugar na kinauupuan niya.

“Anong ginagawa mo rito? Gabi na ha?” tanong ng tinig mula sa kanyang likuran. Hindi na niya nilingon dahil natandaan niya naman ang boses ng babaeng kanina lang ay kabangayan niya.

“Ikaw ang anong ginagawa mo rito, sa tingin ko ikaw ang sumusunod sa akin,” sabi niya. Natiyak niya iyon dahil alam niyang kanina pa talaga siya sinusundan nito. Hindi lang siya nagpapahalata.

“Sorry na, ang totoo kasi niyan, na-hold up ako kanina, kaya wala akong pangbayad doon sa resto, iyong lalake kanina, tinakot nila ako kaya hindi ko agad nasabi sa iyo, may mga hawak kasi silang armas hindi mo lang nakita.

Kaysa naman mapahamak pa tayong dalawa, hindi ko na lang sinabi sa iyo, kasi baka mamaya may mga kasama pa silang iba,” paliwanag pa ng babae.