Chapter 2

Tumingin muna si Stella kay Louise at may pilit na ngiting nakakibit ng balikat. Sa tatlong tauhan, ito ang hindi nangungulit sa kanya. Masyado nitong nirerespeto ang agwat nila bilang employer and employee. Pero para sa kanya, mga kaibigan na rin niyang maituturing ang mga ito dahil ang mga ito rin naman ang palagi niyang kasama araw-araw. Hindi rin malayo ang agwat ng kanilang mga edad.

Naiiling siyang muli at saka binasa ang ilang e-mail inquiries tungkol sa iba’t ibang visa na kailangan ng mga kliyente niya. Naglagay na ng OPEN sign si Nicole sa glass door na hudyat na sa kanilang pag-uumpisa ng trabaho sa araw na iyon.

Naging busy sila buong umaga. Napuna niyang pasulyap-sulyap sa kanya si Stella na animo’y may gustong sabihin sa kanya ngunit hindi naman masabi. Siguro dahil nandoon sina Marcia at Nicole na puro bungangera. Hindi naman niya iyon binigyan ng kahulugan dahil baka mali lang siya ng iniisip. Isa pa, sunud-sunod ang pagpasok ng kanilang mga customers.

Nagkaroon sila ng noon break at nag-order lang sila ng delivery sa isang fast food chain kaya sabay na silang kumakain doon sa mini kitchen nila. Eksakto lang na makaupo silang apat doon.

Mayroong refrigerator, coffee maker, at lagayan ng mga plato, baso, kutsara’t tinidor at saka lababo roon. Halos araw-araw ay magkasalo sila. Puwera na lang kung may kani-kanyang lakad ang mga tauhan niya. Pero siya, palagi siyang kumakain ng pananghalian sa opisina saka nagpapahinga pagkatapos ng siguro kalahating oras bago magbubukas silang muli ng opisina.

“Hindi ko yata napansing tumawag si Anthony sa araw na ito,” ang puna ni Marcia habang kumakain sila ng kanin at burger steak.

Hindi naman sadyang tumingin si Louise kay Stella na napatigil sa pagnguya nang saglit bago ito nagpatuloy at saka sumubo na naman.

“Oo nga, ano?” sang-ayon ni Nicole. “At last week din, Sis Marsh. Tama! Hindi ko nga pala siya napansin last week na tumawag sa ‘yo, Louise,” saka bumaling ito sa kanya, “’Tsaka hindi ka man lang niya kinulit o sinundo.”

Kumibit naman si Louise sa bakla. “Mas mabuti na iyon para sa ‘kin.” Nang napatingin siyang muli kay Stella ay nakatitig ito sa kanya. “At sa kanya rin. He can move on.”

“Siyanga pala, Stella, napapansin kong palagi kang nakatingin kay Louise sa araw na ito,” ang obserba pa ng bakla. “Gusto mo yatang bumale, ano?” biro nito.

Napatingin siyang muli kay Stella habang ngumunguya ng pagkain. May problema na naman kaya ito sa pera? Paano kasi, nalulong sa larong Bingo ang nanay nito.

Uminom muna ng soft drink si Stella saka bumuntong-hininga ito bago sumagot, “Hindi. Hindi tungkol sa pera ang problema ko, Nicole.”

Napataas naman ng kilay sina Marcia at Nicole nang masulyapan niya ang mga ito. Naghihintay silang lahat sa susunod nitong sasabihin sa kanila.

Louise seemed to feel that the air itself was tense. Was there something going on?

“Problema? Ano’ng problema mo ngayon?” usisa ni Marcia, may pag-aalala sa mukha.

Umiling naman si Stella. “Wala talaga akong problema. Hindi ko lang alam kung sasabihin ko na ba sa inyong lahat o hindi pa… ang… tungkol sa…”

“Binibitin mo pa kami, Stella. Sabihin mo na!” ang halos padabog kunwari na wika ng bakla.

“Kung tungkol ‘yan sa lalaki, handa kaming makikinig! Alam mo ‘yan,” ang sabat pa ni Marcia na nakangisi.

Naiiling naman si Louise sa mga ito. “Puwede ba, pagbigyan n’yo na si Stella. Kung hindi pa siya handang sabihin sa ‘tin tungkol sa gumugulo sa isipan niya ngayon, huwag n’yo siyang i-pressure.” Sumubo na naman siya ng pagkain at ngumuya.

“Paano kasi, Louise… sinagot ko na si… Anthony noong isang linggo,” paglalahad ni Stella.

Lahat sila ay napanganga. Pati na si Louise. Hindi niya inasahan iyong mangyari saka napakurap-kurap siya ng mga mata habang napatingin sa kanilang tatlo si Stella na napakagat-labi. Kulang na lang ay itataas na nito ang isang kamay at magpi-peace sign.

Bumuntong-hininga silang lahat. Ang tatlo naman ngayon ay napatingin sa kanyang reaksyon.

“What? That’s life. I should say I’m happy for both of you, Stella. At dapat lang na titigil na ang nanay mo sa pagbi-Bingo dahil alam mo namang ayaw ni Anthony ng ganyan,” pahayag ni Louise.

Tumango naman si Stella. “Inaalok nga ni Anthony ng trabaho si Nanay bilang tagaluto at tagalinis niya sa kanyang condo para naman hindi na siya pupunta sa mga kaibigan niya para mag-Bingo.”

“Eh, tama lang ang ginawa ni Anthony. Kapag ganoon, magiging close na silang magbiyenan,” ang singit pa ni Marcia saka nag-apir ito at ang bakla.

“Hanep! Galing kay Louise, dahil basted siya, napunta na kay Stella. Hanep talaga. Wala akong masabi kay Anthony,” komento ni Nicole.

Nagkatawanan sila pati na si Stella.

Pagbalik nilang trabaho ay biglang nag-chat kay Louise si Stella sa messenger.

“Okay lang ba sa ‘yo ang tungkol sa ‘min ni Anthony?” tanong nito, mukhang concerned talaga.

Napasulyap siya ritong nakangiti saka tumango. Nag-reply rin siya sa tauhan.

“Sure, Stella. No grudge here. Wala naman kaming relasyon ni Anthony in the first place. Kaya okay lang sa ‘kin. No worries. I wish you happiness, Stella.”

Nagpasalamat ito sa kanya at halatang nabunutan ng tinik.

Matuling lumipas ang mga oras at nagsialisan na ang tatlo. Siya na lang ang naiwan, as usual, dahil sa binabalikan niya ang lahat ng kanilang transactions sa araw na iyon at nang malaman niya kung magkano ang kanilang kita at collectibles.

Kalimitan namang si Marcia na ang nagpa-follow up sa mga kliyente nilang may balanse pa sa kanila. Ipinagkatiwala niya ito sa pinakamatandang tauhan niya na nasa thirties na ang edad.

Napabuntong-hininga siyang napatitig sa kanyang ledger.

‘Kumusta na kaya siya?’