KABANATA 7: (IKALAWANG KWENTO NG LAGIM) ANG KWINTAS NI LOLA
Bigla itong napatitig sa kwintas niya. Yumuko siya at napatingin na rin sa tinitingnan nito. Nagulat pa siya nang naging kulay pula ang berde sanang pendant nito. Nang hawakan niya iyon ay parang mainit pa.
Biglang tumayo ang lola niya at hinawakan siya sa magkabilang braso.
" May lumapit ba sa iyo na hindi mo kilala?" nangangamba ang mga mata nitong nakatingin sa kanya.
Nagulat naman siya sa reaksiyon nito.
" M-may nakasabay lang po ako sa paglakad na matanda."
" Nasaan na?" binitiwan na siya nito at napatingin sa paligid.
" Nawala na lang po siya bigla. Sa tingin ko ay doon siya sa mga tanim dumaan," nagtatakang sagot niya dahil hindi pa rin tumitigil sa kakatingin sa palibot ang lola niya.
Bumaling na uli ito sa kanya na seryoso ang mukha.
" Naisaulo mo na ba ang nasa maliit na librong bigay ko sa iyo?"
Tumango lang siya. Binasa lang niya iyon ng isang beses pero sa tingin niya ay nami-memorya na niya dahil madali lang naman talaga sa kanya ang mag-memorya ng mga bagay.
" Mabuti naman. Tara na at pumasok at malapit nang dumilim," palinga-linga pa rin ang lola niya at inakay na siya papasok ng bahay.
Kinabukasan ay hindi nakapasok si Tonyo. Ang sabi ng guro ay nilagnat daw kagabi sabi ng ama nito na pumunta ng paaralan. Mag-isa lang siyang naglakad pauwi. Nang malapit na siya sa daan na sinasabi nitong short cut ay nagtataka pa siya nang mas dumami ang mga magagandang bulaklak sa bukana nu'n.
" Ang ganda naman," parang nababatubalaning titig niya sa mga tanim.
Parang naiintriga din siya sa daan na iyon kaya't lumapit pa siya konti. Hindi niya napansin ang pag-iiba uli ng kulay ng kwintas niya dahil mas lalo siyang namangha nang makita ang lugar sa malapitan. Ang sabi ni Tonyo ay makakarating siya sa kanila sa loob lamang ng bente minutos kung doon siya dadaan. Iyon ay nu'ng mga panahong hindi pa iyon ginagawang tambayan ng mga maligno.
Nakita niyang parang maliit na garden ang daan dahil ang bawat gilid nu'n ay may mga bulaklak na hindi pa niya nakikita kailanman. Kakaiba pa ang kulay ng mga iyon.
Paano namang naging kakatakot ang ganito kagandang lugar? Tanong ng isip niya.
Humakbang pa siya at humakbang muli hanggang sa nagtuluy-tuloy na ang mga paa niya sa paglakad sa daan na iyon. Ngingiti-ngiti pa siya habang hinahawakan ang mga bulaklak. Natigilan siya dahil biglang tumahimik ang paligid. Ni wala siyang naririnig na mga kulisap.
Ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Saka niya napansin na pulang-pula na ang kwintas na suot niya.
Kakaiba pala itong kwintas ni lola at nag-iiba ng kulay, sabi niya sa sarili.
Patuloy pa siya sa paglalakad dahil nakikita na niya ang dulo ng daan.
Pssstttt....
Natigilan siya at napalingon pero wala naman siyang nakikita kaya't naglakad uli siya.
Pssstttt....
Hindi na niya pinansin iyon dahil naisip niyang baka insekto lang iyon o kaya ay hayop dahil nakikita niya naman din na mahahaba ang mga damo sa likod ng mga magagandang bulaklak. Andami ring mga naglalakihang puno sa tabi-tabi.
Pssstttttt...
Sa ikatlong narinig na sitsit ay biglang parang dumilim ang paligid. Tiningnan din niya ang lagusan na nakikita niya kanina at biglang parang naging itim na lang iyon dahil sa kadiliman.
Gabi na ba? Kakapasok lang niya sa daan na iyon at may araw pa nu'n. Paanong biglang dumilim?
" Nagkita uli tayo, bata," nagulat na lang siya nang nakatayo na sa harapan niya ang matandang babaeng nakasabay niya sa paglakad kahapon.
Ipinagpasalamat niya at nakita ito dahil nagsisimula na rin siyang kabahan at matakot.
" Kayo pala, lola. Dito rin pala kayo dumaan sa shortcut."
Tumigil muna siya sa paglalakad para kausapin ang matanda.
" Dito ako nakatira," biglang nag-iba ang boses nito at nakita niya uli ang namumulang mga mata nito.
Bigla siyang nahintakutan dahil nakakakilabot ang boses ng matanda lalo pa't nananatiling kulay pula ang mga mata nito.
" Ang lakas naman ng loob mong dumaan dito sa kaharian namin. Hindi ka ba nasabihan ng lola mong iwasang mapadaan dito?" parang dumadagundong na ang boses nito.
" W-wala naman po kasing nakasulat na bawal dumaan dito a-at... a-ano pong ibig ninyong sabihin na kaharian n'yo?" nakadama na siya ng takot nang oras na iyon.
" Hindi mo ba ako naaalala, Miko? Nagkita na tayo nu'ng dalhin ka ng Mama mo rito sa lugar na ito nu'ng bata ka pa. Muntik ka na naming naisama sa kaharian namin kundi lang nakialam ang magaling mong lola!" mas lalong nakakatakot ang mukha ng matanda.
Maya-maya ay nagsilapitan ang mga maliit na tao na hanggang tuhod yata niya. Mukhang mga bata ang mga iyon pero matatanda ang mga mukha. Katulad ng matandang babae ay pula din ang mga mata ng mga iyon. Hindi niya mabilang kung gaano sila karami na nakapalibot sa kanya.
May pangil ang mga ito!
Nangangatog na ang mga tuhod niya lalo't mas lalong lumalapit ang matanda sa kanya. Nagsisisi tuloy siya kung bakit napadaan doon.
" Masaya kami at bumalik ka na uli, Miko. Matagal na naming alam na nababagay ka sa kaharian namin. Ikaw ang magiging kabayaran ng lola mo! Alam mo bang siya ang dahilan ng pagkamatay ng asawa kong hari?!" lumabas na rin ang pangil ng matanda.
Nawala na ang pagiging kuba nito. Nakakatayo na ito ng diretso at biglang nililipad ng malakas na hangin ang mahaba nitong puting buhok.
" S-sorry po kung n-nagambala ko kayo rito. Pangako hindi na ako dadaan pa sa lugar ni'yo," nagmamakaawang pakiusap niya rito.
" Hindi ka na makakauwi sa pagkakataong ito, Miko. Kung hindi ka pa niligtas ng lola mo dati ay sana matagal ka na naming nakuha," dugtong nito.
Bigla niyang naalala ang palaging kinukwento ng Mama niya na nu'ng umuwi sila sa lola niya ay nilagnat siya ng halos isang buwan. Ginawa raw ng lola niya ang lahat para magamot siya. Kung saan-saan pa raw ito napadpad para lang maagapan ang sakit niya. Akala nga raw ng Mama niya ay mamamatay na siya.
Kaya't nu'ng gumaling siya ay umalis na sila sa lugar at hindi na muling bumalik pa. Ngayon lang napilitan ang ina niyang bumalik doon dahil wala naman itong mapag-iwanan sa kanya habang nasa abroad ito. Bago ito umalis ay paulit-ulit ang pakiusap nito sa lola niya na huwag na huwag siyang pababayaaan.