Thymine
Pansamantala muna kaming tumigil sa ikalawang palapag at pinagpapahinga muna kami ni Trench dahil medyo magtatagal pa ang lakaran na gagawin namin. Inaamin ko, nakakapagod ito. Pero kung para sa impormasyon na makakapagligtas sa buhay namin, bakit ako tatamarin?
"Tama 'yan, Thymine. Kailangan mong malaman ang ilang importanteng impormasyon. Tiyak na magagamit mo 'yon," sabi sa akin ni Rhian.
Ngumiti ako dahil tama nga ang mga sinasabi niya sa akin, tutulungan niya ako. Ang pagsama ko sa kanya ngayon ay maituturing kong magandang desisyon kaysa maghintay sa kuwarto.
"Hindi ko alam kung paano ka pasasalamatan, Rhian. Ang dami mong ginagawang tulong sa akin. Hindi nga kita kilala pero ganito mo ako kung ituring," nakangiting sagot ko sa kanya.
May mga impormasyon na rin akong nalaman sa paglalakad namin sa unang palapag at hindi ko lang alam kung paniniwalaan ko ba. Pero kung iisipin mabuti, maraming posibleng mangyari sa lugar na ito.
"Basta tandaan mo lang ang lahat ng sasabihin ni Trench. Saka huwag kang mag-alala, sisiguraduhin ko lagi na maayos ang kalagayan mo. Hindi kita hahayaang mamatay sa lugar na ito. Ayos ba?" bulalas ni Rhian na siyang ikinangiti ko.
Tuwing pagkagat daw ng dilim ay naglalakad sa buong bahay ang tinatawag nilang Kamatayan. Ito raw ay nakasuot ng itim na sumbrero at may dalang itak sa kanyang mga kamay. Sa mga sinasabi pa lang nila, naaalala ko na naman ang nangyari kagabi.
"Nakakatakot ba talaga si Kamatayan? Siya ba 'yong nakita ko kagabi noong iniligtas mo ako? Base kasi sa mga sinasabi nila, mukhang siya nga iyon," nagtatakang tanong ko kay Rhian.
Nakakatakot daw ang boses ni Kamatayan at mayroon din nakakalokong ngisi sa kanyang mga labi. Ito marahil siguro ang nakita ko kagabi. Nakakatakot! Tila bigla akong bumalik sa pagkaka-engkwentro ko kay Kamatayan.
"Huwag mo munang isipin 'yon. Ang mahalaga, maging handa ka para kung sakaling makaharap mo siya, alam mo ang gagawin. Hindi ka na lang basta matatakot at iiyak sa may sulok," paliwanag niya sa akin.
Kung sabagay, may punto nga siya. Kaso, alam kong kahit anong paghahanda ang gawin ko, hindi ko pa rin mapipigilan ang sariling makaramdam ng takot kapag nakaharap si Kamatayan. Iba ang awra niya, mababakas mo talagang nasa panganib ka.
"Nakahanda na ba kayo? Sa bawat palapag ay may misteryo kayong matutuklasan. Mas mabuting handa na kayo sa pagkagat ng dilim. Kailangan nating makaligtas. Mabilis na lumilipas ang oras," sabi ni Wince sa aming lahat.
Hindi ko alam kung paano nito nagagawang pasunurin kami at nagtataka na rin ako minsan. Ang postura kasi ni Wince ay parang nasa elementarya pa lang, tunog bata ang mga tinig niya. Anong espesyal sa kanya?
"Bakit kaya sila sumusunod kay Wince? Kung pagmamasdang mabuti, si Rhian ang papasok na kanang kamay ni Trench. Ano kayang mayroon kay Wince at siya ang pinili sa halip na si Rhian o 'yong iba pa?" mahinang bulong ko.
Mataba rin ang mga pisngi nito at medyo mamula-mula ang labi. Hindi rin siya katangkaran. Kahit saang anggulo ko talaga tignan, hindi ko alam kung bakit sumusunod sa kanya ang mga kasama namin.
Agad akong pinitik ni Rhian sa noo at bahagya pa siyang tumawa sa harapan ko. Hindi ko alam kung bakit niya kailangang gawin 'yon. Ang buong akala ko pa naman ay hindi niya ako papansinin.
"Alam ko ang tingin na ganyan, Thymine. Kung iniisip mong walang kayang gawin si Wince, nagkakamali ka. Maraming nagkakamali sa pagkakakilala sa kanya kaya huwag ka nang gumaya sa kanila," sabi niya sa akin.
Palagi kaming magkasama at magkadikit kapag maglalakad ang grupo. Hindi ko rin siya gaanong napapansin na may kinakausap na iba. Person marami pa ring nakakakilala at tumatawag sa kanya palagi.
"Wala namang akong sinasabing gano'n. Wala naman sigurong masama kung tititigan ko siya at kikilatisin? Gusto ko kasi siyang makilala," paliwanag ko kay Rhian pero pinitik niya ulit ang noo ko.
Nakaugalian na rin niyang pitikin ang noo ko, mas mabuti na raw na ganito kaysa yakapin at akbayan niya ako. Hindi ko maiwasang tumawa sa sitwasyon namin ni Rhian.
"Bahala ka kung anong gusto mong isipin. Basta Thymine, sa tuwing kailangan mo ng tulong ay darating agad ako. Maawasan mo ako sa kahit anong bagay. Ano, ayos ba?" natatawang sabi niya sa akin.
Itinatama rin niya ang maling pag-iisip ko sa mga bagay at tao rito. Nakakatuwa, siya lang kasi ang may pakialam sa akin. Dalawapu't apat kami, pero tanging si Rhian lang ang nagtitiyaga na lapitan at samahan ako.
"Hindi ko alam kung anong magandang nagawa ko sa mundo para makilala si Rhian. Kung wala siya rito, hindi ko na alam ang gagawin," mahinang bulong ko.
Nagsitayuan na kaming lahat at kapuwa naghihintay sa hudyat na ibibigay ni Wince. Pasado alas-diyes na at hindi pa rin kami kumakain. Kung sabagay, wala rin akong ideya.
"Sandali, anong oras ba tayo kakain? Hindi tayo nakapag-agahan kanina, hindi rin ba tayo magtatanghalian? Buong araw ba tayong hindi kakain?" nagtatakang tanong ng isa kong kasamahan.
Sa tingin ba nila mabubusog kami sa tubig na ibinibigay nila? Ang tubig ay pangpawi ng uhaw, kain at ulam ang kailangan para sa kumakalam na tiyan. Nagugutom na rin ako pero nahihiya akong magsabi.
Nagsisimula na ring umingay ang paligid, nagbubulung-bulungan sila tungkol sa hinaing na ito. Halos karamihan sa amin ay nagugutom na, hindi ba nila ito alintana? Kung sabagay, masyado kaming naging abala sa mga impormasyon na sinasabi ni Trench.
Itinaas ni Wince ang kaniyang mga kamay at pilit na pinakalma ang mga kasamahan ko. Hindi ko talaga maiwasang magduda sa kanya. Pero gaya nga ng sabi ni Rhian kanina, maraming kayang gawin si Wince kaya huwag ko itong maliitin.
"Maghintay po muna tayo, hindi pa bumabalik ang lima nating kasamahan na naghahanda ngayon ng makakain natin. Maglakad-lakad muna kayo. Huwag po kayong mag-alala dahil parating na rin sila," kalmadong paliwanag ni Wince at muling umupo sa sahig.
Makapal na kahoy ang ginamit sa pagkakagawa ng ikalawang palapag at kahit na tumalon-talon ka ay hindi ito basta magigiba. Hindi ko nga alam kung bakit bahay ang tawag dito, maituturing naman itong mansiyon sa laki.
"Alam ko ang tingin mo na 'yan, Thymine. Pareho tayo. Ganyan din 'yong unang pumasok sa isip ko noong nakarating ako rito. Mukhang mansyon ito, ano? Tama ka naman," sabi sa akin ni Rhian.
Nagsipag-upuan naman ang lahat at hindi na umangal pa, mukhang sapat na sa kanila na may naghahanda ng pagkain. Mga segurista pala ang mga tao rito, kailangan munang ipaliwanag bago sila manahimik at maniwala.
Pasimple kong kinalabit si Rhian, "Sanay na ba kayong alanganing oras kung kumain? Parang hindi man lamang kayo nakakaramdam ng anumang gutom," nagtatakang tanong ko sa kanya.
Pinipigilan ko lang na magreklamo, sa totoo lang ay gutom na gutom na ako. Libutin ba naman namin ang buong unang palapag? Hindi pa ako nakakain kagabi, basta na lang akong kinuha at dinala rito.
Tumawa na lang si Rhian,"Nasasanay na kasi kami na kalakaran dito, dalawang beses lang sa isang araw kung kumain kami. Masasanay ka rin sa pamumuhay dito, magtiis ka muna sa ngayon," sambit niya at nginitian ako.
"Ilang araw ka na ba rito? Saka hindi mo ba naisip na tumakas? Hindi ka man lamang nagtaka? Kasi ako, ang daming tanong na tumatakbo sa isip ngayon," nagtatakang tanong ko.
Kung wala lang tao sa paligid ko, tatakas na ako. Gusto kong makalabas pero wala pa akong naiisip na perpektong plano. Hindi naman ako p'wedeng magpadalos-dalos sa desisyon, kinakailangan ko itong pag-isipan. Ayokong matulad sa ginang na nagmatigas.
"Magdadalawang linggo na rin, hindi ko na gaanong namamalayan ang oras dahil halos paulit-ulit na lang ang mga nangyayari. Walang bago sa paligid, puno pa rin ng mga misteryo. Pinaglalaruan niya pa rin tayo," nanlulumong sagot niya sa akin.
Hindi ko naman siya masisisi, siguro nangungulila na rin siya sa mga magulang niya. Kamusta na kaya sila mama at papa? Siguradong nag-aalala na sila ngayon dahil hindi ako nakauwi kagabi.
"Habang tumatagal, mas lalong hindi ko na nakikilala ang sarili ko. Pakiramdam ko, hindi na ako 'yong dating Rhian na mapagmahal at palangiti. Nag-iiba na ang pananaw ko sa buhay, hindi ko alam kung bakit pero malakas ang pakiramdam ko na may kinalaman ang lugar na 'to," dagdag pa niya.
Kahit papaano ay nakikilala ko na si Rhian at mas lalo kong naiintindihan ang mga problema niya sa buhay. Hindi ko naman p'wedeng sabihin na magkatulad dahil malayo ang personalidad namin. Matapang siya at lagi akong pinagtatanggol.
"Hayaan mo, kapag nakaalis na tayo rito, sasamahan kitang makabalik sa inyo. Sasabihin ko sa pamilya mo kung gaano ka kabait na anak," nakangiting sabi ko sa kanya.
Magiging ganito rin kaya ako kapag nagtagal? Magbabago rin ba ang mga pananaw ko sa buhay? Mapapalitan ba ng pait at hapdi ang aking mga ngiti?
"Salamat Thymine, pero hindi mo na kailangang gawin 'yon. Masaya ako na natutulungan kita.
Muli akong ngumiti sa kanya bago pasadahan ng tingin ang buong lugar. Maraming nababalot na misteryo. Kailangan mong tanggapin ang masaklap na katotohanan sa harap mo.