Chapter 6

Zero na naman. Napayuko ako.

"Ano ba 'yan, Alvaro. Sana hindi na ako kumodigo sa 'yo, grabe, hinila mo pa ako pabagsak sa assignment ko!"

"Pasensya na," bulong ko. "Promise, hindi na ko tatanggap ng favor mula sa iba. Hindi na ako magpapakodigo dahil zero lang din naman ang makukuha natin."

"Hah, buti alam mo!" Dinamba pa ang balikat ko nang lampasan niya ako.

Napasandal ako sa pader at napatingala sa langit. Bakit? Bakit gano'n? Ginawa ko naman lahat nang makakaya ko pero bakit gano'n? Bakit mali-mali? Bakit hindi ko kayang makakuha ng magandang marka? Bakit sobrang... useless ko?

Nahihiya na ako sa kaklase ko. Ilang beses ko na silang nabigo. Sana... hindi ko na lang binanggit sa kanila na kabilang ako sa first section last year. Tuloy, umaasa sila sa aking matutulungan ko sila pagdating sa assignments at group activities. Pero, zero o kung hindi naman, one or two points lang ang nakukuha ko. Kaya lahat ng kaklase kong kumodigo sa akin, makakakuha rin ng gano'n kababang marka.

Hindi ko dapat pinagmalaki na kabilang ako sa first section. Hindi ko dapat pinagmalaki na kabilang ako sa top students noong elementary pa lang ako.

Kasi mas lalong bumaba ang tingin ko sa sarili ko. Ayos na kasi sa akin 'yong lungkot at sakit sa bahay... tama na 'yon. Tama na dapat 'yon pero bakit pati rito sa Tyrant, pinagkakaisahan ako?

Minsan, nakakapagod na rin ang sakit.

"Miss Laura Ashlee, ikaw ang magiging representative ng klase natin sa quiz bee, ha?"

Napaangat agad ako ng tingin kay Teacher. Nakangiti siya sa akin. Nang nilibot ko ang tingin sa kaklase ko, nakatingin din sila sa akin. May pag-asa sa mga mata nila.

Napalunok ako. "K-Kailan po 'yan, 'cher?"

"Bukas na."

"B-Bukas? Pero... hindi pa ako nakakapag-aral, 'cher."

Lumapad ang ngiti niya. "Ayos lang 'yon, Miss Alvaro. Stock knowledge lang saka common sense. Ngayon lang din kasi inilabas ang mechanics ng quiz bee."

"B-Bakit ako, 'cher? Baka hindi ko kaya 'yan."

"Kaya mo, Miss Alvaro. Naniniwala kami sa kakayahan mo."

"Oo nga, Laura."

"We believe in you, Laura. Sige na, ikaw lang ang tanging pag-asa ng section natin."

Paulit-ulit akong lumunok habang nililibot ang tingin sa kanila. Nakangiti sila at ramdam ko ang pagpapalakas-loob nila sa akin. Hindi ko alam kung paano ako nakasagot ng... "O-Okay..." sa kanila.

Narinig ko nalang ang palakpakan nila at mga salitang nagpapalakas-loob sa akin. Marahan akong napangiti. Siguro... kailangan ko ring tumayo.

Kinabukasan. Excuse lahat ng representative ng quiz bee. Kanina pa ako kinakabahan habang nakaupo sa gilid ng plant box sa gilid ng B. D building. Hinintay ko 'yong isang representative ng ibang section para sabay kaming magpunta sa gymnasium.

Pinagpawisan na ang kamay ko dahil sa nerbiyos. Sa totoo lang, ito 'yong unang beses na sumali ako sa ganitong quiz bee. Kahit kasi kasama ako sa top students noong elementary, pero wala namang school level competition na nangyayari doon. Pipili lang ang teachers ng estudyante at diretso na sa division level competition. At palaging pinipili ng teachers 'yong first at second honor ng klase namin.

Kaya hindi ako sanay na isabak sa ganito.

"Miss, tara!"

Ngumiti ako nang bahagya at tumayo. Sumunod ako sa babaeng representative ng 1B.

"First time ko sa ganito pero confident enough ako kasi nakapaghanda ako para sa quiz. Ikaw, Miss? Nakapag-review ka ba?" tanong ng babae.

Ngumiti ako nang marahan at nagkibit-balikat. "Marami akong ginawa kagabi. Hindi ako nakapag-review pero sabi ni Teacher na stock knowlegde na lang."

Tumawa siya bigla. "Nagpauto ka naman sa Teacher? Alam mong hindi by level ang quiz bee. Per year per section ang quiz. Anong laban mo sa fourth years na mas marami nang alam kaysa sa 'yo? Hay nako. Dapat nag-aral ka kahit kaunti."

Nahinto ako sa paghakbang pero nagpatuloy siya sa paglalakad. Naiwan ako sa gitna ng covered pathwalk habang iniisip ang sinabi niya.

Talaga bang... wala na akong pag-asa sa quiz bee?

Napaatras ako bigla. Para bang nawala ang kompiyansa sa sariling binuo ko kahapon at kanina. Inisip kong tama siya. Isa lang akong hamak na bagong salta sa Tyrant. Walang kamuwang-muwang. Sobrang hina. Palaging nakakakuha ng zero score. Bobo.

Nakagat ko ang labi at napalunok. Pumihit ako at patakbong bumalik sa pinanggalingan. Mariin akong napapikit nang bigla na lang nanlabo ang paningin ko. Ayaw kong i-disappoint ang kaklase ko. Ayokong i-disappoint si Teacher. Ayaw kong -

"Ah!"

Bumangga ang mukha ko sa matigas na bagay, at bigla na lang may palad na lumapat sa likod ko para hindi ako matumba. Dahan-dahan akong nagmulat at nag-angat ng tingin. Bumungad sa akin ang seryosong mukha ni Hanson.

"Ashlee. Anong problema? Umiiyak ka."

Mabilis akong humakbang paatras at bahagyang napayuko. "P-Pasensya na -"

"Ba't ka umiiyak? Sabihin mo sa akin."

Pinahid ko ang basang pisngi at ngumiti sa kaniya. "M-May nabasa lang akong passage. Naiyak ako dahil do'n."

"Sigurado ka?" Tumango ako at lumapad ang ngiti sa labi. Mariin siyang tumitig sa mukha ko bago napabuntong-hinga. "Ba't ka nandito sa field? Class hours na," sabi niya.

"A-Ano kasi... pabalik na ako sa classroom. Ikaw? Ba't ka rin nandito?"

"Representative ng quiz bee." Bumuga siya nang hangin. "Ayoko nga pero sinong magri-reprenta sa 3C?"

Natigilan ako. "R-Representative ka?" mangha kong sabi.

Ilang segundo siyang tumitig sa mukha ko, saka ngumiti. "Alam ko na kung ba't ka nandito. Kasali ka sa quiz bee."

"H-Ha?"

"Basang-basa kita. Ba't hindi mo sinabi agad?" Natawa siya. Lumapit siya sa akin at inakbayan ako. Saka lumakad papunta sa direksyon ng gym. Wala akong nagawa kung hindi magpatianod sa kaniya.

Bumibilis kasi ang puso ko habang nalalanghap ko ang amoy ng prefume na gamit niya. Saka, 'yong uniporme niya... sobrang linis tingnan. Makinis din ang mukha niya. Siguro asset niya 'yong maiitim niyang mga mata na binagayan ng makapal na mga kilay. Naalala ko tuloy si Ate Sidine. Pareho silang may maiitim na mga mata. Ang pinagkaiba lang nila ay 'yong kulay ng buhok. Sobrang itim ang buhok ni Ate Sidine... samantalang kay Hanson naman, dark brown sa malayo pero reddish brown sa malapitan.

"Galingan mo sa quiz mamaya, Ashlee."

Bumalik ako sa realidad. "H-Ha?"

"Galingan mo mamaya. Libre kita kapag nanalo ka." Ngumiti pa siya nang malapad at marahang hinaplos ang buhok ko.

Napangiti ako sa sinabi niya. "G-Gagalingan ko... para sa 'yo, H-Hans..."

Sanay na ako sa bilis ng tibok ng puso ko. Tulad ngayon.