Chapter 14
Iba ang tingin ni Tito Boy sa akin. Nagtataka. Pati si Tita Karol ay nakataas ang kilay habang tinitingnan ang dala-dala kong malalaking cardboard at styrofoam. Wala naman silang sinabi kaya nagtuloy-tuloy ako sa itaas.
Hindi ko nakita sina Tita Merivic at 'yong dalawa ko pang Tito. Baka hindi pa nakakauwi 'yong dalawang nag-aaral, at naghahanap pa rin ng trabaho si Tito Pol. Wala rin sina Lolo at Lola sa sala, pero hindi na ako nag-aksaya ng oras na magtanong sa dalawang taong nakita ko sa sala.
Si Mama... baka nag-o-overtime na naman sa trabaho.
Nilapag ko sa kama ang mga biniling school supplies, saka ko dinukot ang cellphone sa bulsa. Nag-borrow load ako sa network saka nag-text kay Gernalie na hintayin ako sa bahay nila.
Walang traffic sa sentro kaya wala pang alas-cinco ay nakauwi na ako sa bahay. Baka pwede pa akong humabol sa quota ko ngayong araw.
Nagpaalam ako kay Tita Karol at nangakong uuwi bago mag-alas sais. Dinahilan kong may project akong dapat asikasuhin. Umuo siya. Aniya, nakita niya 'yong dala-dala ko kaya alam niyang abala nga ako sa project.
Nakahinga ako nang maluwag do'n.
Tinakbo ko ang eskina papunta sa bahay nina Gernalie. Agad niya akong sinalubong sa harap ng tarangkahan nila, kaya tumakbo na naman ako kasama siya papunta sa malaking bahay.
"Estudyante pala ng Tyrant 'yong anak ng may-ari ng malaking bahay," hingal na sambit ni Gernalie sa kalagitnaan ng pagtakbo namin.
Sumulyap ako sa gawi niya. "Ano?" hingal kong sigaw.
"Desirie ang pangalan ng anak! Sikat daw ngayon sa social media!" sigaw niya pabalik.
Binaling ko ulit ang tingin sa harap at inalala kung saan ko narinig ang pangalan na 'yon. Bigla na lang sumagi isip ko ang tungkol sa babaeng pinagkaguluhan ng mga estudyante noon sa harap ng gate. Desirie din ang pangalan ng estudyanteng sikat sa Tyrant.
"Okay! Pero hindi pa ba tayo late?" tanong ko. Napabuga ako ng hangin nang matanaw ko na sa malayo ang malaking bahay.
"Mukhang hindi pa. Sabi ni Tatay na hanggang alas-siyete ang trabaho niya ngayon. May dadating kasing bisita bukas sa malaking bahay kaya hindi lang pagtatanim ang pinagkakaabalahan niya ngayon. Tumutulong din siya sa paglilinis ng bakuran."
At tama nga ang sinabi ni Gernalie. Nakita ko ang tatay niyang kinukuskos ang lumot sa pinaglumaang fountain. May ilang babaeng katulong din na nagwawalis sa lilim ng mga punong nakapalibot sa malawak na bakuran ng malaking bahay.
"Tay!" tawag ni Gernalie. Sabay kaming lumapit sa tatay niya.
Nag-angat ng tingin ang matanda at ngumiti sa aming dalawa. "Tamang-tama, doble ang sweldo ngayon. Ngunit doble rin ang quota na kailangan niyong makuha."
Napatingin ako sa mga punong tinatanglawan ng kahel na sinag ng araw. Pantay na sa mga sanga ng puno ang sinag kaya sa tingin ko, pasado alas-cinco na.
"Anong dapat naming gawin?" bulong ko.
Tinuro niya ang imbak na sako sa ilalim ng isang puno. "Mga tuyong dahon ang mga 'yon. Kailangan niyong sunugin sa likod-bahay. Pagkatapos, diligan niyo ang mga butong tinanim natin kahapon."
"Sige." Ngumiti ako.
Mabilis kong natapos ang mga gawaing inatas ng ama ni Gernalie. Pinagpag ko ang mga kamay at ngiting tiningnan ang may kalakihang kalbong hardin. Hindi pa tumutubo ang tinanim na buto kaya ampanget tingnan ng kayumangging hardin.
Bumuga ako ng hangin at tiningnan ang langit. Malapit nang magtago ang araw sa lupa. May parte na ring medyo madilim-dilim, tulad no'ng parte sa kakahuyan sa malayo. Nakabukas na rin ang malalaking lamppost ng bahay.
Kailangan ko nang umuwi.
Patakbo akong bumalik kung nasaan ang tatay ni Gernalie. Napangiti ako nang makita ko siyang kausap na 'yong mayordoma ng bahay na siyang nagbigay ng sweldo sa akin kahapon. Lumapit ako sa kanila at nakita ko sa gilid ng mata ang paglapit din ni Gernalie. Sinundot pa ako kaya tahimik kong sinaway. Sumenyas siyang natatawa siya. Napailing na lang ako.
Inaya kami ng mayordoma na pumasok pero agad akong tumanggi. Nagpumilit pa siya pero sinabi kong hinahanap na ako sa amin, kaya wala siyang nagawa kung hindi ibigay na sa akin ang sweldo ko sa araw na 'to.
Nagpaalam na rin ako sa tatay ni Gernalie. Ngumiti ako sa huli at sumenyas na magkita kami bukas sa school. Tumango lang siya.
Masaya akong naglakad pauwi sa bahay nang makasalubong ko sa daan si Margie. Napahinto ako nang hinarang niya ako.
"O, 'di ba sabi ko sa 'yong hindi pa tayo tapos?" sabi niya.
Napaatras ako. "Anong kailangan mo?"
"Kailangan? Sa 'yo? May kailangan ako sa 'yo?" Natawa siya. "Wait, baka ikaw ang may kailangan sa akin?"
Nangunot ang noo ko. "Wala akong kailangan sa 'yo, Margie."
Naningkit ang mga mata niya. "Wala nga ba? Hindi ba ikaw 'yong bumasag sa favorite flower pot ko? Binato mo pa ako ng putik noong bata pa tayo! Sabihin mo ngayon na hindi mo kailangang humingi ng forgiveness sa akin!"
"Margie, bata pa tayo noon. At h-hindi ko alam ang pinanggagawa ko."
Lumabi siya bigla at nanubig ang mga mata. "Dahil sa 'yo kaya namatay ang favorite dog ko! Sobrang careless mo kaya nabasag 'yong flower pot at nabagsakan si Zayron! Lech* ka! Ilang taon akong umiyak dahil pinatay mo ang aso ko! Lech*!"
"Margie..."
"Kaya dapat magbayad ka sa ginawa mo!"
"Margie, sorry. S-Sorry talaga. Hindi ko sinasadya na mabagsakan ang aso mo. Saka... ikaw ang tumulak sa akin kaya nasagi ko ang flower pot. Kung hindi mo sana ako tinulak, siguradong buhay pa si Zayron ngayon."
Umiyak siya bigla. Tahimik ko siyang nilampasan at tumakbo nang bigla na lang siyang humagulgol. Ayokong may makakita sa amin sa daan na nasa gano'ng kalagayan.
Mahilig pa naman ang tao ritong magpakalat ng tsismis. Baka mas lalo lang sumama ang tingin sa akin ng mga tao sa bahay kung ako na naman ang magiging sentro ng tsismis sa buong baranggay.
Sinuksok ko muna sa bulsa ng pajamang suot ko ang perang nakuha ko mula sa mayordoma bago pumasok sa loob ng bahay. Mahirap nang makuha ulit ni Tito Boy ang pera. Nagsabi pa naman ako kay Hanson na ibibigay ko nang buo ang inutang ko sa kaniya.
"Saan ka galing?"
Nahinto ako sa paghakbang. Lumingon ako at nakita ko si Mama na nakatayo sa entrada ng pintuan at may hawak siyang dalawang malalaking supot sa magkabilang kamay.
Lumunok ako. "Sa classmate ko, M-Ma. May project kasi akong ginawa."
"Totoo ba 'yan?"
May narinig akong yabag sa likuran na papalapit sa akin. "Nagpaalam sa akin ang anak mo, ate. Mukhang totoo. May dala kaninang malalaking karton." Si Tita Karol ang nagsalita.
Tumango si Mama saka nilampasan ako. "Nakahanap na ba ng trabaho si Pol?" tanong niya kay Tita Karol.
Nagkibit-balikat si Tita Karol at pumasok na rin sa loob ng bahay. Sumunod ako sa kanila hanggang sa sala, saka dumiretso ako paakyat sa hagdan. Habang dumiretso sa kusina sina Mama at Tita Karol. Hindi ko nakita si Tito Boy pati na 'yong ibang tao sa bahay.
"Gernalie?" Pumasok ako sa kuwarto habang ipit ng balikat at tainga ko ang cellphone. "Nakauwi na kayo?"
"Hindi pa. Nagtatrabaho pa rin si Papa. Tumawag ako kasi itanong ko sana kung nasa 'yo pa rin ang sweldo mo? Baka mamaya, kinuha na naman ng magaling mong Tito Boy."
Marahan akong natawa. "Tinago ko. Salamat pala sa part-time."
"Nagpasalamat? Hindi ako nagbibigay ng sweldo sa 'yo uy."
Natawa na naman ako at napailing. Pinindot ko 'yong loudspeaker saka nilapag sa kama ang cellphone. Sinipat ko ang binili namin ni Hanson na cardboards.
"Laura?"
"Hmm?"
"CLP na pala sa susunod na araw. Tabi tayo, ha?"
Natigilan ako bigla. "CLP?" Napatingin ako sa kalendaryo sa dingding na paanan ng kama. "Ambilis ng araw."
"Basta tabi tayo. Pareho last year. Saka balita ko, 4E ang magha-handle this month."
"4E?" Napangisi ako. "Paanong iha-handle 'yon ng 4E?"
"Baka nili-lead ni Sidine. 4E kaya 'yon."
Nagkibit-balikat ako. "Okay. Uh, wala ka bang planong tumakbo ng presidential position for next year? Iboboto kita."
Natawa siya. "Hindi ako qualified sa position. Saka, sobrang taas ng standard na iiwan ni Sidine sa SSG President Office. Baka masakal ako sa pressure."
"Okay, bahala ka. Ipapakilala pa naman kita kay Ate Sidine."
"Ows? Close kayo?"
Hilaw akong ngumiti. "Noon. Close kami noon."
"Ngayon?"
"Busy na siya. Saka, nakaka-intimidate magpunta sa 4E. Alam mo namang anak-mayaman ang mga 'yon. Baka i-bully ako." Natigilan ako nang may maalala. "Gernalie?"
"Bakit?"
"May kakilala ka ba sa 4C?"
"4C? 'Yong nagtatagong seksyon?" Tumawa siya. "Yong boyfriend mong si Hanson lang 'yong kilala ko."
Nakagat ko ang labi nang uminit bigla ang pisngi ko. "H-Huwag mo ngang ipagsigawan!" Tinakpan ko ang bibig at nilingon ang pinto.
"Hindi ako sumigaw, ikaw kaya! Sus, kilig ka naman diyan."
"Gernalie," ngiti kong reklamo. Pero napalis agad 'yong kurba sa labi ko. "May alam ka ba kung bakit nagtatago ang 4C?"
"Hmm... may tsismis na panget ang nando'n. Kaya nagtatago kasi panget daw ang mga estudyante sa 4C."
Panget? Natawa ako. "Anong klaseng tsismis 'yan? Hindi naman panget si Hanson, a?"
"Uy, pinagtatanggol ang boyfriend."
"Huy." Natawa na naman ako. "Wag ka ngang ano riyan." Bumuntong-hinga ako. May plano akong sabihin sa kaniya ang tungkol sa nalaman ko kay Hanson pero... "Sige na. Gagawa na ako ng dam. Mag-ingat kayo riyan."
"Sige, bye friend!"
Marahan akong ngumiti at binaba ang tawag.