Chapter 13
Inaya ulit ako ni Gernalie na pumasok sa loob ng ancestral house pero tumanggi ako. Pagkatapos kong makuha ang arawang bayad sa pagtatrabaho sa hardin, nagpaalam na ako sa kanila na mauna nang umuwi.
Hindi pwedeng maabutan ako ng dilim.
Kinabahan ako. Sana hindi pa nakakauwi si Mama. Nakuha ko na ulit 'yong uniporme at 'yong backpack dahil sinamahan ako ni Gernalie pabalik sa bahay nila kanina. Ngayon, medyo madilim na sa daan.
"Sana... sana wala pa si Mama." Lumunok ako nang ilang beses.
Nagbaba ako ng tingin sa isandaang hawak ko. Napahugot ako nang malalim na hininga. At least, may magagamit na ako pambili sa materyales para sa project ko.
"Laura!"
Nahinto ako sa paghakbang at napalingon sa taong tumawag. Nakita ko si Margie. Nakasuot pa rin siya ng uniporme ng Tyrant at magkasalubong ang kilay. Humakbang siya sa ilalim ng poste ng ilaw at nakita ko kung gaano katalim ang tingin niya sa akin.
Napalunok ako at tumakbo palayo sa kaniya. Ilang ulit siyang nagmura at pilit kong binabalewala ang mga masasakit niyang salita.
Habang tumatakbo pabalik sa bahay, kita ko sa gilid ng mata ang mga nagtataasang anino ng mga puno. Mas lalo lang nanlamig ang pakiramdam ko sa takot. Idagdag pa ang mabibilis na mga yabag ni Margie sa likod ko. Parang sinakal ang puso ko.
Hingal kong hinawi ang bahagyang bukas na tarangkahan ng bahay. Dumiretso ako sa entrada ng main door at huminto. Lumingon ako sa likod at nakita kong hingal na nakatayo si Margie sa labas ng tarangkahan. Masama pa rin ang tingin niya sa akin.
"Di pa tayo tapos, lech*!" sigaw niya at tumakbo papunta sa bahay nila na nasa gilid lang ng bahay namin.
Napabuga ako ng hangin. Pumihit ako at nanigas ang katawan ko nang makita ang kunot-noong mukha ni Tito Boy. Matalim ang titig niya sa akin. "Sa'n ka galing bata ka?" tanong niya.
Mabilis kong tinago sa likod ang hawak kong isandaan. Umiling ako. "Na-traffic lang, T-Tiyo."
Nagbaba siya ng tingin, parang inusisa kung anong tinatago ko sa likod. "Akina dalawang kamay mo."
"T-Tiyo?"
"Sabing ipakita mo sa akin ang mga kamay mo!"
Napakislot ako sa sigaw niya. Mabilis akong tumalima. Pinakita ko sa kaniya ang mga kamay ko.
"Buksan mo ang palad mo," utos niya.
Pikit-mata kong binuksan ang palad. Naramdaman ko na lang ang paghablot niya sa isandaan mula sa palad ko. Narinig ko ang halakhak niya. "Akin na 'to. Hindi ka dapat humahawak ng ganito kalaking pera."
"P-Pero Tiyo -"
"Sinusuway mo na ako?"
Nagbaba ako ng tingin. "Hindi, T-Tiyo."
Narinig ko ang yabag niya palampas sa akin. Dumilat ako at huminga ako nang malalim. Bagsak ang balikat na pumasok ako sa loob ng bahay. Nakita ko sina Tita Merivic at Karol na nakaupo sa sofa. Si Tito Pol naman, nagkukumpuni ng sirang rice cooker sa isang sulok. Wala si Tito Reide pati na sina Lolo at Lola.
Mabilis akong humakbang paakyat sa hagdan pero napahinto ako sa kalagitnaan ng baitang nang magsalita si Tita Karol. "May aso pala dito sa bahay. Ni hindi nagsabing umuwi na siya."
Bumuntong-hinga ako. "G-Good evening, Tiya." At nagpatuloy ako sa pag-akyat sa hagdan. Dumiretso ako sa kuwarto at doon nagkulong.
Lumabas lang ako nang kumatok si Tito Reide. "Laura, labas na."
As usual, magkasalubong ang dalawang kilay niya. Tiningnan pa niya ako mula ulo hanggang paa. Nagbaba ako ng tingin at mas lalong nanliit ang tingin ko sa sarili ko.
"Baka gusto mong ako ang magbihis sa 'yo?" asik niya.
Marahan akong tumango at pumihit. Bumalik ako sa loob at nagbihis ng pambahay. Saka, lumabas. Napatalon ako sa gulat nang biglang bumulyaw si Tito Reide.
"Takte! Magbihis ka nang disente!"
Nanginginig ako napaatras saka mabilis na bumalik sa loob ng kuwarto. Naghanap ako ng pwedeng masuot na pasok sa panlasa ni Tito Reide. Hanggang makita ko ang isang pajama at loose T-shirt. Mabilis ko 'yong sinuot at lumabas na naman ng kuwarto.
"Tara na," sabi niya at naunang naglakad papuntang hagdan. Napabuga ako ng hangin sabay sara sa pinto ng kuwarto ko. Humakbang ako pasunod sa kaniya.
Nakauwi na si Mama at kasalukuyang kumakain sa hapag. Kasama niya roon sina Lolo at Lola, pati na 'yong mga Tito at Tita ko. Kami lang ni Tito Reide ang wala sa puwesto.
"Maupo na kayo," aya ni Lola.
Tahimik akong naupo sa puwesto ko habang naupo naman sa tabi ko si Tito Reide. Napatingin ako kay Tito Boy pero nanatili ang tingin niya sa pinggan at parang walang pakialam sa paligid. Tahimik akong napabuga ng hangin. Pinaghirapan ko 'yong perang 'yon at ni hindi man lang niya tinanong kung para saan 'yon.
Nagsisi akong hindi ko sinilid sa bulsa ang pera.
"Kumain ka na, Laura."
"S-Sige, 'La."
Nagbaba ako ng tingin sa pinggan at sumubo ng kanin.
KANINA pa ako kinukulit ni Reynaldo. Kailangan ko na raw gumawa ng improvised dam at force meter. Sa susunod na araw na ipapasa ang dalawang proyekto. Pero kasi...
"Kailan ka makagagawa, Laura? Tapos na ang kagrupo natin sa inatas ko sa kanila. Kailangan mo nang gumawa ng dam para maipuwesto na natin sa little community. Iti-test pa natin kung gagana ba ang motor at generator."
"Promise... b-bukas. Dadalhin ko bukas."
Mariin niya akong tinitigan. "Sinabi mo 'yan. Kailangan nandito na ang mga 'yan bukas," sabi niya sabay pihit at bumalik sa upuan niya sa gilid ng bintana.
Huminga ako nang malalim. Kailangan ko na namang magtrabaho sa malaking bahay para makakuha ng pera. Ang inalala ko ngayon, kung sakali mang magkakapera ako mamaya, kailangan ko munang pumunta sa school supplies store para bumili ng materyales para magawa ko ang proyekto mamayang gabi. Kaso gagabihin ako kung bibili ako pagkatapos kong magtrabaho.
Nilapag ko sa mesa ang lapis. Kailangang humiram ako ng pera ngayon. Nagpalinga-linga ako at nilapitan ang mga kaklase ko, nagbabakasakaling makahingi ng pera kaso ayaw nilang magpahiram.
Hanggang breaktime, walang nagpahiram maski isa. Wala naman akong kakilala sa lower year, saka si Hanson at Gernalie lang ang kilala ko sa higher years. Alam kong hirap din si Gernalie kaya si Hanson lang ang naiisip kong makakatulong sa akin. Napahinga ako nang malalim.
Kaya nagpunta ako sa M. A building at hinanap ko agad siya sa 4C. Naghintay ako sa labas ng nakasarang pinto. Pinagtitinginan pa ako ng ilang fourth years na dumadaan sa hallway. Nagbaba ako ng tingin.
"Ikaw 'yong freshman last year, 'di ba?"
Nag-angat ako ng tingin sa nagsalita. Isa siyang babae na nakatayo sa entrada ng pintuan ng 4C. Pamilyar. At doon ko naalalang siya rin 'yong babaeng naghatid sa akin doon sa classroom ni Ate Sidine last year.
"O-Oo, ako nga."
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. "Sino na naman ang hinahanap mo?"
"Si H-Hanson."
Kumunot ang noo niya. "Ano na naman ang kailangan mo sa kaibigan ko?"
"Kaibigan m-mo?"
Umismid siya, saka pinihit ang seradura at pumasok sa loob ng 4C. Napakurap ako. Naiwan ako sa labas na naguguluhan. Sino ang babaeng 'yon?
Napatingin ulit ako sa pinto nang bumukas 'yon. Nakita ko si Hanson. "Ashlee?" Lumapit siya sa akin at umikhim. "May kailangan ka ba?"
"Uh." Luminga ako. "Pwedeng mag-usap tayo sa p-private?"
Tumango siya. Inaya ko siyang lumabas ng M. A building at nakita ko sa gilid ng mata ang pagsabay niya sa akin.