Chapter 12
Hindi ko talaga ginustong maging anak ni Mama, o magkaroon ng mga mapang-abusong Tito at Tita, o kaya maging pasaway na apo ni Lolo at Lola, at mas lalong hindi ko gustong maging kapitbahay si Margie.
Hindi, hindi talaga. Hindi ko naman kasalanang nabuhay ako sa mundo kaya... ba't galit na galit siya?
"Hara ka kasi! Umalis ka nga riyan, Laura! Lech*!"
Huminga ako nang malalim at dahan-dahang umakyat mula sa ilalim ng munting canal. Napapikit ako sa baho ng tubig na dumikit sa uniporme at buhok ko. Pakiramdam ko nga, may uod na pumasok sa ilalim ng sapatos ko.
"Nakakagigil talaga 'yang mukha mo! Ba't ka ba punta nang punta rito, ha? Sabing 'wag kang dumaan sa tapat ng bahay namin! Ayoko sa mukha mong nakakasura!"
"Margie, public road ang kalsada. Talagang dadaan ako riyan."
"Aba, sumasagot ka pa!"
Mabilis kong pinulot ang backpack sa lupa, at tumakbo palayo sa kaniya. Narinig kong sumalop siya ng tubig at binato sa akin. Naramdaman ko na naman 'yong tubig canal sa bumasa sa buhok ko. Napahinga ako nang malalim.
"Bumalik ka rito, lech*!"
Lumiko ako eskena papunta sa bahay nina Gernalie. Alam kong bulyaw ang aabutin ko sa bahay. Magpapatuyo na muna ako.
"Gernalie!" Luminga ako. Nakahinga ako nang maluwag sa kaalamang walang tao sa kalsada. Binalik ko ang tingin sa bahay sa harap. "Gernalie!" ulit ko.
Nakita ko siyang bumaba sa hagdan at nagmadaling buksan ang munting gate ng bahay nila. "Laura? Si Margie ba may gawa niyan?"
"Nag-iisang kanal lang naman ang nakabukas dito."
Napailing siya. "Maireklamo nga minsan kay Kapitan."
"Wag na." Nilampasan ko siya at naglakad paikot sa bahay nila. Naramdaman kong nakasunod siya sa akin. "Mas lalong lalaki ang gulo. Alam mo naman si Mama, ayaw magpunta sa baranggay. Baka hindi lang sinturon ang aabutin ko."
Bumuntong-hinga siya at hindi na nagsalita. Binuksan ko ang gripo at tinapat ko sa agos ng tubig ang narumihang palda. "Ang tatay mo?" tanong ko kay Gernalie.
"Nauna na sa malaking bahay. Sabi niya, hihintayin niya raw tayo doon."
"Ah, sige." Mabilis kong tinapos ang paghuhugas ng dumi, saka binasa ko na rin ang buong buhok ko. 'Yong uniporme ko naman, hindi na masalba kaya binasa ko na nang tuluyan.
"Laura," nag-aalalang tawag ni Gernalie. "Pahiramin na lang kaya kita ng damit? Masyado ka nang basa."
"Okay lang din. Isasampay ko na lang 'tong uniporme sa bintana niyo. Pahiram ako ng stand fan, ha?"
"Basta magbihis ka. Grabe, ilang bleach na naman ang mauubos mo para sa mantsa?"
Matapos makapagbihis, sabay kaming tumakbo palabas ng bahay. Tinahak namin 'yong maliit na daanan papunta sa malaking bahay ng Gutierrez. Matagal nang nakatayo ang bahay, at sa isang tingin ay masasabing isang antigo. Ancestral house nga.
"Diretso na tayo sa likod-bahay," paalala ni Gernalie. Sumunod lang ako sa kaniya.
Nakita ko ang ama niya na nagbubungkal ng lupa. Nakasuot siya ng sumbrerong abaka at nakayuko.
"Tay!" sigaw ni Gernalie.
Nag-angat ng tingin ang ama niya at ngumiti sa amin. "Nali." Natuon sa akin ang tingin ng tatay niya. "Laura."
Ngumiti ako nang bahagya sa kaniya. Tumango siya saka minuwestra kaming kumuha ng mga gamit sa gilid.
"Uuwi ngayon ang anak ng mag-asawang Gutierrez. Sana ay hindi kayo gagawa ng bagay na kahiya-hiya," sabi ng tatay ni Gernalie.
"Opo, 'tay."
Ngumiti lang ako sa kaniya at tumango. Hindi ko hilig magkipag-usap sa tatay ng kaibigan ko. Ayoko lang. Hindi ako sanay.
Ilang minuto kaming nagbubungkal ng lupa ro'n, at nakapaglagay na rin ng buto sa bawat metro, saka diniligan. Sa buong oras ng pagtatanim, hindi man lang ako nakaramdam ng pagod. Dahil siguro sa kadaldalan ng tatay ni Gernalie. Marami siyang kuwento. Napapatawa niya ako minsan.
"Bakit hindi ka nagsasalita, Laura?"
Nahinto ako sa pagdilig at nilingon ang tatay ni Gernalie. "Hindi lang ako sanay... Tiyo," bulong ko saka muling pinagpatuloy ang pagdidilig.
"Balita ko, nag-iisa kang anak. At nakatira pa sa bahay niyo ang iyong mga Tiyahin at Tiyohin. Nahirapan ka siguro, Laura?"
Nakikita ko siya gilid ng mata. Nagdidilig din siya. Bumuntong-hinga ako. "Tama kayo, Tiyo."
"Kung gano'n, bakit hindi mo sabihin sa nanay mo ang sitwasyon?" Napatingin ako sa kaniya. Nanatili ang mga mata niya sa ibaba habang dinidiligan ang lupa. Mapait siyang ngumiti. "Tulad mo, lumaki ako sa isang bahay na maraming tao."
"Maraming tao?"
Tumango siya. "May sampung kapatid ang ama ko. Sa sampung iyon, siya lang ang nakapag-aral, nakapagtapos ng kolehiyo at nakakuha ng magandang trabaho." Nag-angat siya ng tingin sa akin at marahang ngumiti. "Dahil siya lang ang nakapag-aral, umasa sa kaniya lahat ng kapatid niya. Pati na ang Lolo at Lola ko."
Napatitig ako nang husto sa kaniya. Bakit parang... pareho kami ng naranasan sa buhay?
"Dahil sa utang na loob at obligasyon sa pamilya, inako lahat ng tatay ang pagpapa-aral sa mas nakakabata niyang mga kapatid. 'Yong tatlong mas matanda sa kaniya, hindi makahanap ng trabaho dahil walang sapat na kaalaman kung paano kumita. Kaya naging palamunin. 'Yong Lolo at Lola ko, inasa kay Tatay lahat ng gastos."
Bumuntong-hinga siya at nagpatuloy. "Dahil sa sitwasyon, hindi na kinaya ng tatay na ipadala ako sa isang magandang eskuwelahan. Isang labandera lang ang nanay kaya kaunting tulong lang ang nabibigay niya sa lahat ng gastusin sa bahay. Ang nangyari, elementary lang ang natapos ko at isang Tiyohin lang ang nakapagtapos ng kolehiyo.
Nagkasakit ang tatay dahil subsob sa trabaho. Namatay siyang kumakayod para sa mga taong kung tutousin, hindi niya responsibilidad."
"A-Ang lungkot, T-Tiyo..."
Nagkibit-balikat siya. "Kaya pinangako ko sa sarili kong isa o dalawang anak lang. Ayokong matulad sa akin ang mga anak ko."
Napayuko ako. "Hindi ko rin alam kung bakit... gano'n 'yong buhay ko."
"Laura, ang mapapayo ko lang sa 'yo, kapag nagkaasawa ka na, 'wag na 'wag kayong magkakaanak nang marami kung hindi niyo kayang buhayin. Dahil magiging katulad ang buhay ng mga anak mo sa buhay ng nanay mo."
Napangiwi ako bigla. Hindi ko gusto ang ideyang magkaanak. Ewan, napapangiwi ako.
"Laura! Tay! Nandito na ang juice at pandesal!"
Nilapag ko sa lupa ang pandilig saka lumapit kay Gernalie. Nakasunod lang ang tatay niya sa akin. Nilagay ni Gernalie sa ibabw ng maliit na mesa ang supot ng pandesal at pitsel ng juice. Naupo ako sa isang upuan at naupo sa tapat ko ang tatay niya.
"Tay, pagkatapos daw natin dito, pumasok tayo sa bahay. Nakauwi na ang anak ng mag-asawa kaya may kaunting salu-salo ang pamilya."
"Sige, bilisan natin ang kilos. Malapit nang mag-alas sais. Hindi magandang maabutan ng paglubog ng araw."
Doon ako natigilan. Alas-sais? Patay. 'Yong curfew ko!