Chapter 14
"Gusto ko sanang umutang. Kahit isandaan lang. Uh..." Nagbaba ako ng tingin. "Kailangan ko kasi n-ngayon."
Lumunok ako nang ilang beses. Hindi ko na halos maiangat ang mukha sa hiya. Pero wala akong choice. Hmm. Sa simula pa lang... wala naman talaga akong choice.
"Ashlee.."
"Pero kung wala ka namang pera ngayon.. uh... ayos lang." Pagak akong tumawa. "Maintindihan ko." Nag-angat ako saglit ng tingin sa kaniya saka mabilis na pumihit. "S-Sorry sa abala. Uhm... s-sige, babalik na ako sa building n-namin."
Niyuko ko ang ulo at mabilis na humakbang palayo kay Hanson. Pero hindi pa ako nakakalayo nang maramdaman kong may humawak sa braso ko at mabilis akong inikot. Dalawang kamay ang magaang humawak sa mga balikat ko habang nakatitig patingala sa maiitim niyang mga mata. Bumagsak ang hibla ng buhok sa noo niya.
"Sabihin mo sa akin kung magkano ang kailangan mo, Laura. Ibibigay ko."
"H-Hans..."
Bumuntong-hinga siya at dumausdos pababa mula sa balikat ko ang mga kamay niya. Hinawakan niyang mariin ang mga palad ko. Bahagyang pinisil. "Ang mga kamay na 'to..." bulong niya. "Kamay ng isang babaeng pinagkaitan ng kalayaang maglaro. Sa murang edad, nagtatrabaho."
Hindi ko namalayan ang dahan-dahang paglandas ng luha sa pisngi ko. Kumabog ang dibdib ko. Malakas. Mabilis. Masakit. "H-Hans..." daing ko.
Nag-angat siya ng tingin at nagtama ang paningin naming dalawa. Inabot niya ang pisngi ko. "Wag kang umiyak. Isa kang inspirasyon kaya 'wag kang umiyak, Laura."
"Pinapaiyak mo 'ko." Suminghot ako at binawi ang mga kamay mula sa kaniya. Umiling ako. "P-Papautangin mo ba ako?"
"Para sa'n?"
"Sa project ko." Yumuko ulit ako. "Hindi ko kayang humingi kay Mama kasi alam kong nahihirapan siya. Promise, ibabalik ko 'yong pera bukas. May part-time ako ngayon. Arawan ang sahod at mamayang hapon ko makukuha ang sweldo." Nag-iwas ako ng tingin. "Kasi naman... kailangan ko nang magpasa ng project bukas. Hindi na ako makakabili sa tindahan kung hihintayin ko 'yong suweldo. Kaya... n-nangungutang ako ngayon. Ikaw lang kasi ang alam kong makakatulong sa akin."
Bahagya niyang tinapik ang balikat ko. Dinukot niya ang wallet niya sa bulsa at inilabas ang isanlibo. Inabot niya 'yon sa akin. "Bigay ko na. 'Wag mo nang bayaran."
"P-Pero -"
"Sige na, Ashlee. Kaibigan kita kaya ayokong nakikita kitang nahihirapan."
Bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko habang nakatitig kay Hanson. May munting ngiti sa mga labi niya at bahagyang sinayaw ng hangin ang may kahabaan niyang buhok. "S-Salamat..." Pigil-hinga kong tinanggap ang inabot niyang pera.
"Pero."
Tumingala ulit ako sa kaniya. "P-Pero?"
"Kailangan mangako ka."
"M-Mangako?" taka kong tanong.
Tumango siya. "Ipasa mo lahat ng subject. Kung kaya mo, gawin mong eighty-five above lahat ng subject para makasali ka sa top student list ng klase niyo."
Ilang segundo akong manghang napatitig sa kaniya. Mangangako akong... magiging top student kapalit nitong pera? Payak akong natawa saka tumango. "S-Sige. Gagawin ko lahat ng makakaya ko para makapasa at makasali sa top student. Salamat, Hans."
Ngumiti siya at inakbayan ako. Sabay kaming lumakad papunta sa B. D building.
NANG UWIAN, sinamahan ako ni Hanson sa JA School Supplies Store na ilang metro lang ang layo mula sa Tyrant. Nailang nga ako dahil pinagtitinginan ako ng mga estudyanteng nakapila sa tindahan. Hindi siguro sila sanay na makakita ng sophomore na kasama ang isang senior.
Sa Tyrant kasi, may sariling mundo ang bawat year level kaya hindi halos nagkakahalubilo ang dalawang magkaibang level. Lalo na't isang taon ang agwat ng yellow and blue neckties. Ika nga, rare.
Umusad ang pila. Umusad pa nang umusad hanggang maabot namin ang pinakaharap. Binili ko lahat ng nakalista at tinulungan naman ako ni Hanson na bitbitin ang mga 'yon.
Natawa pa nga siya nang makita akong hirap sa pagbitbit ng dalawang malalaking cardboards.
"Ako na riyan," sabi niya sabay hablot sa dalawang whole cardboards. Inabot niya sa akin ang dalawang supot na naglalaman ng mga pandikit at poster paints. "Ikaw na sa dalawang 'yan. Ako na ang magbibitbit ng cardboard at styrofoams."
"Sige."
Sabay kaming naglakad pabalik sa Tyrant. Sabi niya, may susundo sa kaniya at ihahatid niya ako sa bahay. Tumanggi nga ako noong una pero nang sabihin niyang mahirap sumakay sa jeep bitbit ang malalaking cardboards at styrofoams, umuo na ako. Sabagay, mahirap nga makipagsiksikan sa jeep na may malalaking dala.
Inisip ko rin 'yong eskina na kailangan ko pang lakarin dahil sa highway lang ang humihinto ang jeep. Mahirap ngang lumakad na may bitbit.
"May trabaho ka pa mamaya?" tanong niya bigla.
Huminto kami sa waiting shed sa tapat lang ng Tyrant. May nakita pa akong babaeng naghihintay rin sa may tabi, pero nanatili siyang tulalang nakatitig sa harap. Siguro may iniisip.
"Meron. Pero... baka hindi na ako makaabot. Bukas na lang siguro ako babalik sa malaking bahay. Kailangan ko pang pagpuyatan ang dalawang projects."
"Ano bang mga project mo?"
"Improvised dam saka force meter."
"Force meter." Napansin ko sa gilid ng mata ang pagngiti niya. "Madali lang gumawa ng force meter. Kailangan mo lang ng rubber band, dalawang singsing, marker, saka stick."
Hindi ko alam kung ilang minutong nag-i-instruct si Hanson sa paggawa ng force meter pero namalayan ko na lang ang paghinto ng isang kotse sa harap ng waiting shed. Natigilan ako at manghang tiningnan ang itim at makintab na kotse. Biglang bumukas ang driver seat at umibis ang driver. Umikot siya sa harap ng hood at huminto sa tapat namin ni Hanson.
Yumuko siya nang bahagya. "I'm sorry for delay, Young Master." Nag-angat siya ng tingin at tumitig sa dala ni Hanson. "Young Master, I will carry those things for you."
"Ayos lang." Ngumiti si Hanson at nagbaba ng tingin sa akin. "Hatid na kita?"
Umawang ang labi ko at nagpalipat-lipat ng tingin sa kaniya at sa driver na naka-tuxedo. Lumunok ako. "Y-Young Master?" Para yatang nawalan ako ng hininga.
Sumenyas si Hanson sa driver na pumasok sa loob ng kotse. Tumango ang driver at mabilis na pumihit. Tumalima.
"Ashlee -"
"Mayaman kayo?" Kumunot ang noo ko.
Umikhim siya. "Y-Yes."
Mas lalong nangunot ang noo ko. Pinasadahan ko ng tingin ang kotse sa harap. Kahit wala kaming kotse, pero alam ko sa unang tingin pa lang na isa 'yong luxury car. Latest release ng Mercedes-Benz, ayon na rin sa naka-engrave na letra sa bumper ng sasakyan.
"Paanong mayaman kayo?" taka kong tanong. "Akala ko 4E ang mayayaman?"
Napaikhim si Hanson. Napansin ko sa gilid ng mata ang pagsulyap niya sa babaeng nakatayo sa gilid ng pundasyon ng waiting shed. "Mabuti pang sa kotse na natin pag-usapan, Laura."
Lumunok ako. "H-Hindi. I mean... magji-jeep na ako." Humarap ako sa kaniya at bahagyang yumuko. "Pasensya na sa abala. Ibabalik ko bukas ang ibinigay mong isanlibo. Don't worry, buo ko 'yong ibabalik."
"Laura."
Nag-angat ako ng tingin at tumingala sa kaniya. "Hindi ko alam kung sino ka pero... may hinala na akong isa kang anak ng mayaman." Lumunok ako. "Baka anak ka ng isang prinsepe o kaya duke, o kaya ng konseho. Pasensya na talaga sa abala. H-Hindi kita dapat inabala."
"Don't." Pumikit siya nang mariin at dumilat. "I'm still the same Hanson you've met two years ago, Laura."
Nahigit ko ang hininga. Napakurap-kurap at napaatras. "P-Paanong -"
"Kahit hindi mo sabihin sa akin pero naalala ko ang babaeng binigyan ko ng jacket noon. Alam ko, Laura. Naalala ko. Naalala kita."
Nagbaba ako ng tingin at marahang ngumiti. May isang luhang bumagsak mula sa mata ko. "S-Salamat pala do'n sa jacket." Kumurap ako at lumunok. "Y-Yong araw na 'yon... nalaman kong may tao pa palang kayang magmalasakit sa akin." Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kaniya. "Hans... I..." Napapikit ako at huminga nang malalim. Hindi ko kayang sabihin sa kaniya.
"Laura?"
Pumihit ako. "Pakilapag na lang sa semento ang cardboard at styrofoam. Ako na ang magdadala niyan pauwi ng bahay."
"Laura -"
"Please." Kinagat ko ang labi. "A-Ayoko nang magkautang-loob sa 'yo. K-Kinain ko na ang pride ko kanina kaya please... please umalis ka na."
"Laura -"
"Please... Hanson. 'Wag mo na 'kong p-pahirapan."
Narinig ko ang buntong-hinga niya saka nilapag ang dinadala. Bumukas-sara ang pinto ng kotse at tumakbo palayo. Doon ko lang pinakawalan ang kanina ko pa pinipigilang hininga.