KABANATA 22 : Blangko
NAGULAT pa ang dalawang guards na nakaduty sa bukana ng hacienda nila Maxine nang makita siya sa pagsilip niya sa car window.
Nagmamadali ang mga itong binuksan ang mataas at malawak na gate dahil hindi naman automatic iyon.
Hacienda Cuenco. Iyon ang nakasulat sa arko ng gate.
Ipinagpatuloy ni Naylor ang pagmamaneho papasok habang palinga-linga, namamangha ito sa mga nakikita roon pa lamang sa bungad.
Paano pa kaya kapag nakita pa nito ang malalawak na plantation at animal farm o ang rancho sa kaloob-looban noon.
“Alamo, sa totoo lang hindi ko akalain na ganito pala ang buhay na meron ka,” seryosong sabi ng binata sa kanya.
Bahagya lang siyang ngumiti rito.
Siyam na daang metro pa ang tinakbo nila bago narating ang kinatatayuan ng kanilang malaki at modernong mansiyon.
Agad silang sinalubong ng mga kasambahay doon nang makita siya, tila ba inaasahan na ang kanyang pagdating.
Ang kanyang ama na nagkataong pababa noon sa kabayo ay tila hindi makapaniwala nang makita siya.
“Maxine!” masayang tawag nito sa kanya at inilang hakbang ang kinatatayuan niya saka siya niyakap.
“Akala ko, matitiis mo na kami ng Mama mo na hindi ka makita!” mangiyak-ngiyak nitong sabi.
“Si Mama? Kumusta na ang kondisyon niya?” kaagad niyang tanong.
Ngumiti ito. “Maayos na ang kalagayan niya, katunayan ay dalawang araw na siyang nakalabas sa ospital. Nasa kuwarto siya at nagpapahinga.”
Napaangat ang mga kilay niya dahil sa sinabi nito.
Kung ganoon pala ay ginawa lang alibi ng mga ito ang kanyang ina para umuwi siya.
“May kasama ka pala,” pagkuwan ay sabi ng ama niya na kay Naylor nakatingin.
“Magandang araw po, Sir,” nakangiting sabi ni Naylor dito sabay lahad ng kamay upang mag-mano.
“Ganundin sa’yo,” agad namang wika ng ama niya pero hindi pinansin ang kamay ni Naylor bagkus ay tumingin sa kanya.
Ibinulsa naman ni Naylor ang kamay upang mabawasan ang pagkapahiya.
“Si Naylor, Pa, kaibigan ko.” Pagpapakilala niya sa binata bilang tugon sa tingin ng ama.
Lumuwag ang ngiti nito at tila ba ikinatuwa ang sinabi niya.
Agad nitong inilahad ang kamay kay Naylor na mabilis namang tinanggap ng binata.
“Ako ang ama ni Maxine.” Pagpapakilala nito sa sarili.
Saglit na nagdaop ang palad ng mga ito bago naghiwalay.
“Senior Martin, nakahanda na po ang komedor para sa tanghalian.” Singit ni Aling Ester na nakangiti at sa kanila ng binata nakatingin.
“Sige,” ang kanyang ama. “Pumasok tayo sa loob.” Sabay akbay sa kanya at iginiya papasok sa entryway.
Sumunod sa kanila si Naylor.
“Maxine.”
Napatingala sila nang marinig ang tinig na nagmula sa ikalawang palapag ng mansiyon.
“Mama!” tuwang-tuwa niyang tawag dito at malalaki ang mga hakbang na sinalubong ito sa hagdanan.
“Kumain na tayo, at marami tayong pag-uusapan mamaya,” sabi ng ama niya.
Napaangat pa ang mga kilay niya nang makitang inakbayan nito si Naylor at igiya papunta sa komedor.
Lumingon sa kanya si Naylor at hindi niya maintindihan ang ekspresyon ng mukha nito.
Sinenyasan niya ito na okay lang iyon.
Tumingin siya sa ina. Nagkibit-balikat ito bago ngumiti at iginiya na rin siya upang sumunod sa kanila Naylor.
“Kumusta ka na, hija? Bakit parang hitsurang mas may sakit ka pa kaysa sa akin?” tanong ng ina niya na pinasadahan pa siya ng tingin.
“Okay lang ako, Ma, pagod lang po ako sa biyahe.”
Ang totoo ay epekto iyan ng ginawa nila ni Kyzer kanina.
Hindi ito nagsalita pero hinagod pa ulit siya ng tingin.
“Ma, si Karen, kumusta na pala siya?” naitanong niya habang naglalakad sila.
Huminto ito at tumingin sa kanya kaya huminto rin siya upang pakinggan ang sasabihin nito.
“Okay lang naman siya…” bigla ay balisang tugon nito kaya napatitig siya sa ina. “Ang tungkol kay Marcus, hindi na namin ipipilit sa’yo ng Papa mo, lalo na at tingin ko naman ay makakakuha ka pa ng mas maayos na lalaki kaysa sa kanya,” sabi nito at pilya pang ngumiti.
Si Naylor ang tinutukoy nito.
“Ma!?” kunwa’y inis na sabi rito at hindi na itinaman ang nasa isip nito bagama’t hindi naman talaga iyon ang umuukupa sa isip niya kundi ang una nitong sinabi.
“Noong umalis ka rito at nag-iwan ng sulat na papasok ka sa kumbento,” pagpapatuloy nito. “Ipinaalam namin sa pamilya ni Marcus ‘yon, at binawi namin ng Papa mo ang pakikipag kasundo sa pamilya nila. Pero itong si Marcus, tila hindi nagsasawa, halos araw-araw pa rin siyang tumatambay dito.”
Sa puntong iyon ay doon natuon ang isip niya.
“Hindi pa pala ako humingi ng pasensya sa inyo ni Papa matapos ko kayong ipahiya dahil sa ginawa ko. Pero salamat, Ma, kase naunawaan n’yo ako.”
Ngumiti ito. “Kami nga ang dapat na humingi ng pasensya sa’yo dahil pinakialaman namin ang buhay mo. S’yanga pala,” pagkuwa’y biglang sabi nito. “Ilang beses ding pumunta rito si Leo noong umalis ka, pero dahil nga pumasok ka sa kumbento, ayaw ka naming ipaabala pa kaya ikinaila namin sa kanya na alam namin kung nasaan ka. Kaya lang, mapilit siya at siya na mismo ang humanap ng paraan upang malaman kung nasaan ka talaga.”
Napakurap siya.
Hindi alam ng mga magulang niya na isa si Leo sa matinding dahilan kung bakit hindi siya sumipot sa kasal nila ni Marcus.
Pero dahil nga naduwag si Leo noon, hindi niya nagawang aminin sa mga magulang ang tungkol doon.
“Ma, nais ko sanang pasyalan si Karen,” naisip na lang niyang sabihin bagama’t iyon din naman talaga ang kanyang nais.
“Wala na s’ya rito sa bayan natin, ilang taon na ang nakakaraan—”
“Señora, Señorita, inaantay po kayo sa komedor.” Si Aling Minerva ang kusinera na siyang pumutol sa sasabihin ng kanyang ina.
Lumakad na ulit sila at tahimik na tinungo ang komedor.
NAGMASID sa paligid si Kyzer.
Sa tulong ng impormasyong ibinigay ng kanyang ina noon ay natuntun niya ang tirahan ni Leo.
Pinagmasdan niya ang mataas na pader na kinauugnayan ng gate.
Tiningnan niya ang hidden camera detector at wala naman itong na-detect doon sa labas.
Inayos niya ang sumbrero at facemask sa kanyang mukha tapos noon ay isinuot ang tactical gloves.
Bumaba siya sa kanyang kotse sukbit sa likod ang range bag habang malikot ang mga mata sa paligid.
Umakyat siya sa gate. Nakita niya ang isang sasakyan sa garahe.
Lumakad siya palapit sa doorway.
Tiningnan niya ang CCTV na nandoon sa itaas ng pintuan.
“Shit!” anas niya.
Umaayon pa rin ang pagkakataon nang makakita siya ng silya roon.
Kinuha niya iyon at umapak doon saka pinakialaman ang CCTV.
Pinihit niya ang doorknob matapos doon at gaya ng inaasahan niya ay naka-lock iyon.
Kinuha niya ang pin na nakasiksik sa kuwelyo ng suot niyang polo shirt at ginamit iyon doon.
Binunot niya ang baril sa baywang at iniumang iyon bago maingat na itinulak ang dahon ng pintuan. Walang mission order ang operation niya pero kailangan niya ang baril kung sakali.
Saka na niya aalalahanin ang maaari niyang kahinatnan sa serbisyo.
Pumasok siya at agad na napakubli sa likod ng sofa nang makarinig ng kalabog buhat sa isang direksyon.
Narinig niya ang ingaw ng pusa.
Sinilip niya ito at nakita niyang buhat ito sa direksyong pinagmulan ng ingay.
Umalis siya sa pinagkukublihan at tinungo ang direksyong iyon.
Kusina pala ang bahagi iyon ng bahay.
Kaagad siyang nag-set up ng concealed camera roon ganoon din nang bumalik siya sa sala.
Natigilan pa siya nang mapatingin sa picture frame na nandoon sa tabi ng kinalalagyan ng telepono.
Napakunot ang kanyang noo kasabay ang pagpitik ng panibugho sa kanyang dibdib.
Si Maxine iyon at si Leo. Kapwa nakangiti ang mga ito habang magkaakbay.
Kumilos siya at tahimik na inakyat ang hagdanan.
Agad niyang nakita ang nakabukas na pinto ng isa sa silid na naroon. Nakaumang ang baril ay maingat na humakbang papalapit doon.
Nabigla siya nang makita ang isang babae roon.
Nakaupo ito sa tabi ng nakabukas na bintana at nakatanaw sa labas.
Hindi niya ibinaba ang hawak na baril at nanatili iyong nakaumang dito habang maingat na humahakbang papasok.
Napalinga siya nang bigla ay makarinig ng mga yabag.
Nakita niyang napatuwid sa kinauupuan ang babae, pero bago pa ito makalingon ay nakapagkubli na siya sa likod ng dahon ng pintuan.
Narinig niya ang yabag ng bagong dating na tuloy-tuloy pumasok sa silid na iyon.
Sumilip siya roon upang makita ang bagong dating.
Nakalingon na rito ang babae nang pagkakataong iyan at nahantad sa kanyang paningin ang mukha nito.
Napakunot ang noo niya, pamilyar ito sa kanya at sa unang pagkakataon ay tila ngayon lang pumalya ang memorya niya dahil hindi niya matandaan kung saan ito nakita.
Lumapit dito ang bagong dating.
“May dala akong pagkain,” sabi ng lalaki sa babae.
“Busog pa ako,” matabang nitong sabi.
Lumapit sa kama ang lalaki at naupo roon.
Napatiim bagang siya nang makita ang mukha ni Leo.
Unipormado ito at naka-combat shoes pala kaya medyo maingay ang yabag nito sa tiled floor, out of knowing na may ibang taong nakapasok na sa bahay nito.
“H’wag mong pabayaan ang sarili mo. Kung patuloy kang magiging ganyan paano ka maka—”
“Sa tingin mo ba? Makakawala pa ako sa sitwasyong ito?” Malungkot na putol ng babaeng ito kay Leo.”Habang buhay na akong ganito!” napaiyak nitong sabi habang nakatitig dito.
“Nakita ko na siya. Hindi ba matagal mo na s’yang gustong makita? Sa susunod na balik ko rito, isasama ko siya.” Tumayo ito lumakad na palapit sa pinto.
“Makita?” napahibi ang babaeng ito. “Makita ba talaga Leo?”
Hindi sumagot ang tinanong pero nanatiling nakipagtitigan dito.
“Aalis na ako,” pagkuwa’y paalam nito. “Kumain ka na lang kapag nagutom ka, kailangan ko na ring bumalik sa trabaho.” Sinundan ng paglakad palabas.
Kinabig nito ang dahon ng pintuan nang lumabas, dahil diyan ay nawalan siya ng tabing at nahantad siya buhat sa pinagkukublihan. .
Kaagad niyang itinutok ang baril sa babae upang mapigilan ito kung sakali mang tangkain nitong sumigaw.
Pero napaawang ang bibig niya nang makitang nakatingin lang sa kanya ang babaeng ito at blangko ang ekspresyon.
Bulag pala ito.
Imbes na lapitan ito ay tahimik siyang kumilos at nag-set-up doon ng concealed camera.
Lumabas siya ng silid, lumipat sa kabilang silid at nangialam doon.
Maingat siyang naghalughog sa isip na may makikita roon maliban sa larawang nakita niya kanina.
Mabigat ang kalooban niya matapos na makita ang kuha ng dashcam sa kotse ni Kylie. Pero sa kabila niyan, may nais siyang makumpirma at mapatunayan bago ibigay ang trabaho kay Eynon at mabigyan ng proper mission order sa itaas.