KABANATA 23 : Dedma
HINAPLOS ni Maxine ang balahibo ng kanyang kabayo.
Makintab at putting-puti iyon.
“Alagang-alaga namin dito ‘yang si Xeo, iyon ang kabilin-bilinan nila Señor Maximo,” sabi ni Mang Kaloy, ang isa sa mga rancher nila.
Ngumiti siya rito. “Salamat, Mang Kaloy.” Sumakay siya sa kabayo a inilabas iyon sa kuwadra kung saan naroon at nakamasid sa kaniya si Naylor.
“Nasubukan mo na ba ‘to?” tanong niya sa binata.
Ngumiti ito at umiling.
“Gusto mong subukan?” tanong niya na hindi nito nagawang sagutin dahil sa biglaang pagdating ng asungot.
Si Marcus.
“Max!” maluwang ang ngiting tawag nito sa kanya.
Iniiwas niya ang tingin dito at hindi napigil ang mapabuntong hininga ng marahas dahil sa inis.
“Nabalitaan kong dumating ka kaya agad akong pumunta rito para makita ka. Hindi mo ba natagalan ang buhay sa loob ng kumbento?” May pang-aalaska sa tono nito.
Alam niyang iniisip nito ang pagku-krus ng landas nila sa mall noong nakaraan, at iniisip nito na alibi na lang niya at ng kanyang mga magulang ang pagpasok niya sa kumbento makawala lang sa kasunduang pagpapakasal dito.
“Sino siya?” tanong nito na noon ay nakatingin kay Naylor.
Tumalon siya pababa sa kabayo at lumapit kay Naylor.
“Boyfriend ko siya,” sabi niya sabay hawak sa braso ng binata at pasimpleng pinisil ito. “Gusto mo bang ipakilala ko pa siya sa’yo?”
Bakas sa mukha ni Marcus ang pagkadismaya at panibugho sa sinabi niya pero nagawa pa rin nitong tingnan si Naylor at nagpakita ng pagiging kalmado.
“Guwapo lang din pala ang hanap mo bakit lumayo ka pa? Eh narito naman ako,” seryosong sabi nito matapos hagurin ng tingin si Naylor.
Napailing siya at hindi makapaniwala rito. Matigas talaga ang apog nito.
Nanatili lang tahimik si Naylor pero nakatitig kay Marcus.
“Dapat bakuran mo si Maxine kapag pinasya mo siyang pakasalan, mabilis kaseng pumuslit ‘yan,” sarkastikong sabi nito bago ngumiti kay Naylor.
“Bakit ko naman gagawin ‘yon sa lalaking mahal ko?” Kaagad niya salag sa sinabi nito.
Nagdilim ang anyo ni Marcus. Lumakad ito palapit sa kanya.
“Umaasa pa rin ako, Max, hangga’t wala akong nakikitang sing-sing d’yan sa daliri mo…” pabulong nitong sabi sabay hawak sa kamay niya at ipinakita iyon sa kanya mismo.
Naramdaman niya ang pagkilos ni Naylor upang sugurin ito pero maagap niya itong pinigilan ng pasimple.
Umalis si Marcus ng walang lingon-likod.
Inis na tinanaw niya ito habang papalayo.
Lumingon siya kay Naylor na noon ay nakatingin din sa kanya.
Bumitaw siya sa pagkakahawak dito at bumalik sa kabayo.
“Halika, subukan mo ‘to.” Panghihikayat niya sa binata na parang wala lang nangyari.
Kumilos ito upang gawin ang sinabi niya.
“AKALA ko hindi ka na sasama pabalik sa Maynila,” sabi ni Naylor habang abala sa pagmamaneho.
Napabuntong hininga siya.
Hindi rin niya alam kung bakit.
Basta pakiramdam niya hinihila ang buo niyang pagkatao pabalik sa lungsod.
Siguro dahil hindi pa sila nagkausap ni Kyzer ng maayos pagkatapos ng namagitan sa kanila.
“Gusto ko munang umiwas kay Marcus, narinig mo naman kung anong sinabi niya, hindi ba?” Pagdadahilan na lang niya. “Ayokong kulitin pa niya ako. Alam ko naman kung ano lang talaga ang gusto niya, ng kanyang pamilya. Kilala ang Papa ko sa bayan namin, gusto niyang mapaugnay sa pamilya namin para sa kandidatura ng kanyang ama, at si Papa naman, gusto niya akong mag-asawa kase iniisip niya na tomboy ako dahil ni minsan hindi pa ako nagkaroon ng boyfriend. Nag-aalala siguro sila na baka hindi sila magkaroon ng apo sa akin. Nag-iisang anak kase ako,” mahabang sabi niya.
Ngumiti ito. “Alamo, naiintindihan kita, Sister Max,” sabi nito na sumulyap pa sa kanya. “Ayaw ko ring umuwi sa’min kase ‘yong lola ko naman wala ng ginawa kun’di kulitin ako sa pag-aasawa.”
Natawa siya. “Bakit naman?”
“Natatakot daw sila na tumanda akong binata at mag-isa. Wala rin kase akong kapatid, tapos never pa naman din talaga akong nagkaroon ng girlfriend. Saka siguro, nag-aalala rin sila na baka hindi sila magka-apo, o baka iniisip din nila na baka bakla ako.”
Nagkatawanan sila.
“Siguro nga inakala nilang bading ako kase palagi kaming magkasama ni Kyzer noon. Pero s’yempre, hindi iyon totoo, ha. Thirty-eight pa lang naman ako at para sa ‘kin hindi pa naman ako napag-iiwanan. Pero napi-pressure ako sa Lola ko. Sa dami ng p’wede n’yang hilingin, ‘yong pag-aasawa ko pa talaga.”
“Eh wala ka pa ba talaga kaseng napupusuan na maging asawa mo?” naitanong niya kay Naylor.
“Meron s’yempre, pero ayokong ayain na lang s’ya na agarang magpakasal dahil lang sa Lola ko. Mas maganda pa rin ‘yong napagplanuhan at napaghandaan ng matagal.” Sinulyapan siya nito. “Saka isa pa, nagdadalawang isip din ako kase masyadong malayo ang estado namin sa buhay. Hindi naman kase kami mayaman.”
Napangiti siya. Sa tingin niya ay si Kylie ang tinutukoy nito.
Tiyak na matutuwa ang dalaga kapag nalaman nito na gusto rin ito nitong si Naylor.
“Sa tingin ko wala naman sa estado ng buhay ‘yan, Naylor. Kung mahal n’yo naman ang isa’t isa, bakit hindi?”
Manipis ang naging ngiti nito.
“Ikaw,” sabi nito, tila gustong ilihis dito ang usapan. “Nakita ko sa mga mata niya na mayroon siyang special na pagtingin sa’yo.” Sabi nito na ang tinutukoy ay si Leo, ang pangyayari noong gabing birthday ni Eynon.
Saglit siyang natigilan.
“May masama ba sa tanong ko, Sister Max?”
“Hindi wala naman.” Pinilit pang ngumiti. “Sa totoo lang, pareho kami ng nararamdaman…dati.”
Tumahimik ito at tila hinintay ang iba pa niyang sasabihin pero biglang nag-ingay ang cellphone nito.
Binagalan nito ang pagpapatakbo sa kotse at sinagot ang tawag.
“Kyzer.”
Sumikdo ang dibdib niya nang marinig ang pangalan ng binata.
Nakita niyang ngumiti ito.
“Oo, kasama ko s’ya,” sabi nito at sinulyapan pa siya sa rearview mirror.
Tumahimik ito at nakinig.
“Sige, bye.”
Tinapos nito ang tawag pero muli ring nag-ingay ang cellphone nito.
Napangiti ito ng maluwang at sinagot ang tawag.
“Ma,” sabi nito.
Nagpatuloy ito sa pakikipag-usap sa ina nito, pero dahil abala ang isip niya kay Kyzer ay parang hindi niya naririnig ang mga sinasabi nito kahit magkatabi lamang sila.
Natuon lamang ang atensyon niya rito nang kausapin siya nito.
NADATNAN nila si Kyzer na nakaupo sa pang-isahang sofa at humihithit ng sigarilyo. Gising pa ito ng dis oras ng gabi.
“Hey,” untag dito ni Naylor. “Inihatid ko lang si Sister Max, pauwi na rin ako,” sabi nito saka tumingin sa kanya. “Sister Max, alis na ako, gabi na rin kase eh. Pag-isipan mo ‘yong napag-usapan natin.”
Kunot ang noong tiningnan sila ni Kyzer matapos marinig ang sinabi ni Naylor pero hindi ito nag-abalang mag-usisa.
Matapos ang malalim na pakikipag-usap ni Naylor kanina sa ina nito ay humingi ito ng pabor sa kanya, ang magpanggap siya na girlfriend ng binata sa harap ng lola nito.
Ngumiti lang siya at hinintay itong tumalikod at umalis.
Tiningnan niya ang walang kibong si Kyzer. Nang hindi pa rin siya nito pinansin ay kumilos siya at nagtungo sa kanyang silid.
Nang sumapit siya roon ay natigilan siya nang makita ang isa pa niyang maleta at ilan pang personal na gamit na naiwan sa apartment.
Tapos na ba ang private investigation na sinasabi nito? Bakit parang wala man lang itong niha-niho sa kanya?
Ano kayang ibig iparating ni Kyzer?
Iyan ang tanong na agad sumilid sa isip niya.
Bigla ay naisip niya ang ekspresyon ng mukha nito kanina. Tahimik lang ito nang dumating sila ni Naylor.
Bakit kaya?
Lumabas siya ng silid at binalikan ito sa sala.
Nakatungo ito at dinidikdik ang sigarilyo sa ashtray.
Bumaba siya sa hagdanan at lumakad palapit dito.
“I brought your all stuff here. Nakita mo na, kinausap ko na rin ang may-ari ng apartment, wala ng problema,” sabi nito saka dinampot ang bible sa center table at ipinakita sa kanya. “Mahilig ka pala sa ganitong libro?”
Napakurap siya matapos marinig ang paraan ng pagtawag nito roon.
At teka, hindi ba nito naisip na pumasok siya sa kumbento? Natural na magkaroon siya ng bible book.
“Salamat, h’wag kang mag-alala makakabawi rin ako sa’yo, Kyzer,” sabi na lang niya at akmang kukunin ang bible sa kamay nito pero iniiwas nito iyon.
“Ano ba ‘yong saddest moment in your life?” tanong ni Kyzer dahilan para matigilan siya.
Hindi siya nagsalita.
Kaiba ang kislap ng mga mata nito ngayon habang nakatitig sa kanya.
Muli nitong iniabot ang bible sa kanya kasabay ang pagtayo buhat sa sofa.
Pahablot niyang kinuha ang bible book buhat sa kamay nito.
Saglit pa siya nitong tinitigan bago ito kumilos at lumakad.
Nilampasan siya nito sa kanyang kinatatayuan.
“Saddest moment in my life,” sabi niya na siyang nagpahinto sa paglakad nito patungo sa hagdanan.
Nilingon siya nito.
“Nang naaksidente kami ng bestfriend ko,” pagpapatuloy niya habang nakatalikod dito. “Sinubukan niya akong tulungan para makalayo sa…wedding ko noon pero unfortunately, mabilis akong nakarma at nadamay pa siya.” Pagkukuwento niya, hindi siya aware sa lungkot na sumilay sa kanyang mga mata.
Pumihit siya at humarap kay Kyzer. Titig na titig ito sa kanya.
“Sabi nila aksidente iyon, pero paulit-ulit kong sinisisi ang aking sarili. Kahit anong gawin ko, kahit magpatirapa ako sa harap ng lahat ng imahe ng mga santo hindi ko matanggap na aksidente nga lang iyon. Kase nagi-guilty talaga ako. Sinubukan niya akong tulungan upang makawala sa nahaharap kong kalungkutan pero nabulag siya dahil sa akin, at wala akong nagawa para sa kanya.”
Natigilan siya sa pagsasalita dahil noon lang niya namalayan na bumalik na pala sa puso niya lahat ng sakit buhat sa nakaraan.
Pumatak ang luha sa mga mata niya habang bumabalik sa alaala niya ang naganap na aksidenteng iyon dalawang taon na ang nakalipas.
Marami pa siyang gustong sabihin pero hindi na niya magawang ibuka ang kanyang bibig.
Minasdan niya si Kyzer na noon ay nananatiling nakatitig sa kanya.
Akala niya ay magsasalita ito at aaluin siya upang gumaan ang kanyang kalooban pero kumilos ito at tinalikuran siya ng walang paalam.
Maang na napasunod siya ng tingin dito.
“Kyzer!” tawag niya pero hindi siya nito pinansin.