CHAPTER 53

Buong araw na hindi mapakali si Rocky, matapos niyang malaman na alam na ng pamilya ni Penny kung anong myembro ng fraternity ang nasa likod ng pagkamatay ni Rust ay hindi na niya magawang mapanatag. Unti-unti ng lumalabas ang katotohanan. Unti-unti na rin siyang natatakot at kinakabahan. Narinig niya kanina ang pag-uusap ni Penny at nang mommy nito sa cellphone. Dark Empire ang malinaw na binanggit nito. Kung ganoon ay may nakausap nang saksi ang mga magulang ni Penny kaya't nalaman na ng mga ito ang katotohanan. Gustong-gusto na niyang umamin kay Penny kanina na myembro siya ng kapatirang iyon pero napangungunahan siya ng takot. Hindi niya kayang mawala si Penny sa kaniya. Mahal na mahal niya ito at alam niyang kung malalaman nito ang totoo ay lalayo na ito sa kaniya. Baka itakwil na siya nito.

"Ayos ka lang ba talaga, love? Kanina ko pa napapansin na malalim ang iniisip mo. May problema ba?" tanong ni Penny sa kaniya. Nandito sila sa labas ng bahay. Nagpapakawala na naman siya ng usok. Naka isang kaha na yata siya ng sigarilyo buhat pa kanina. Samu't saring emosyon ang nararamdaman niya ngayon.

Wala pa ang Mommy at Daddy ni Penny dahil nga inaasikaso pa ng mga ito ang kaso ni Rust.

"Ayos lang ako. Wag mo akong intindihin," sagot niya dito.

"Nagugutom ka ba? Gusto mong kumuha ako ng miryenda natin?" tanong nito sa kaniya.

"Hindi ako gutom Penny. Ikaw nagugutom ka ba? Magmiryenda ka muna." Muli siyang bumuga ng usok.

Iniisip niya ang mga kasama niya. Nasa bingit na ng panganib ang mga ito. Anomang oras ay baka bigla na lamang may sumulpot upang damputin ang mga ito. Kahit galit siya sa mga ito ay hindi niya pa rin maiwasan na mag-alala.

"Hmm, oo nagugutom ako. Kukuha muna ako ng miryenda sa loob ha." Nakita niyang tumayo si Penny at pumasok ito sa loob ng bahay. Naiwan siyang mag-isa habang nag-iisip pa rin ng malalim. Mayamaya ay nakarinig siya ng ugong ng sasakyan. Iyon na ang mga magulang ni Penny. Bumusina pa ito kaya niluwagan niya ang pagkakabukas ng gate.

Pagkababa pa lang ng mga ito sa sasakyan ay nadoble na ang kaba sa dibdib niya. Bakas kasi na umiyak ang Mommy ni Penny dahil bahagyang namumugto ang mga mata nito. Si Mr. Crisostomo naman ay seryoso habang may hawak na folder. Hindi niya alam kung ano ang mga papeles na nasa loob niyon. Nang lumabas si Penny bitbit ang miryenda nito ay nagulat pa ito nang makita na nakauwi na pala ang Mommy at Daddy nito.

"Penny, anak!" wika ng Mommy nito. Alalang lumapit si Penny sa ina nang makita ang bakas ng luha sa mga mata nito.

"Mommy, bakit ka umiiyak? May nangyari ba?" tanong ni Penny dito. Umiling lamang si Mrs. Crisostomo.

"Masaya lang ako anak, dahil sa wakas ay mabibigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid mo," sabi nito.

"Sinisigurado kong mabubulok sa kulungan ang walanghiyang pumatay kay Rust," ani Mr. Crisostomo at ngayon lang niya nakita na galit na galit ito.

Napalunok siya at umiwas ng tingin.

———

"Love, ayaw mo ba talagang kumain?" tanong ni Penny sa tahimik pa ring si Rocky. Kanina pa siya kain ng kain mag-isa. Si Rocky naman ay tila tulala pa rin. Nakauwi na ang mga magulang niya at nasa loob na ang mga ito upang magpahinga. Siguradong napagod ang mga ito buong araw.

"Ikaw na lang ang kumain, magpakabusog ka," sabi ni Rocky sa kaniya at pinilit nitong ngumiti. Nawiwirdohan na siya dito pero hindi na niya ito kinulit pang tanungin ulit kung wala ba talaga itong problema. Base kasi sa kilos nito ay parang mayroon. Baka ganoon lang talaga ito, hindi ito mahilig mag-open up kapag may problema. May mga tao naman kasing ganoon. Nilapitan na lang niya ito at tumabi siya dito nang matapos siyang kumain. Isinandal niya ang ulo sa balikat nito. Naramdaman naman niyang hinalikan nito ang ulo niya.

"Parang may problema ka pero ayaw ko ng magpilit na tanungin ka pa kasi hindi ka naman magsasabi. Gusto mo maglakad-lakad muna tayo dyan sa labas?" tanong niya dito para naman malibang ito.

"Hmm, gusto mo lang bumaba agad ang kinain mo eh," sabi naman nito sa kaniya. Kahit papaano ay natawa siya dahil nakangiti na ito.

"Bakit mo alam? Napadami yung kain ko ng cake," sabi niya.

"Okay lang yan. Kahit naman tumaba ka pa ulit eh hindi magbabago ang pagmamahal ko para sayo."

Kinilig siya sa sinabi nito at ito na ang humila sa kaniya palabas. Naglakad-lakad sila sa labas ng village, medyo maliwanag pa naman. May nakita silang basketball court at may mga lalaking nakahubad doon na nakatambay, ang iba ay naglalaro habang ang iba naman ay nanonood lang. Nagtaka siya nang biglang huminto si Rocky.

"Wag na tayo dyan," sabi nito.

"Ha? Bakit naman?" nagtataka niyang tanong. May gusto pa naman siyang bilhin sa tindahan at doon malapit iyon sa court.

"Ang daming tambay oh."

Pinagmasdan siya ni Rocky mula ulo hanggang paa.

"Tapos ang sexy pa ng suot mo. Pagpipyestahan ka lang ng mga gunggong na iyon," sabi nito habang nakasimangot. Natawa tuloy siya. Ganito ito magselos, masyadong halata.

"May bibilhin ako sa tindahan. Saglit lang naman tayo, halika na. Saka hayaan mo yung mga tambay, wala naman akong pakialam sa kanila eh," sabi niya dito.

Kunot na kunot ang noo ni Rocky.

"Sige na please?" pagpipilit niya. Napabuntonghininga na lang ito.

"Oo na, pero sandali lang ha. Saka ako ang mauunang maglakad dito ka sa gilid ko." Pinagpalit nito ang pwesto nilang dalawa. Nagpipigil siya ng ngiti dahil masyado itong possessive pero hindi niya alam kung bakit siya kinikilig. Tumango na lang siya.

Naglakad na sila habang nakakapit siya sa braso ni Rocky. Katulad nga ng sinasabi ni Rocky kanina ay napapalingon sa kanila ang mga naroon. Naka-short lang kasi siya tapos malaking t-shirt. Kitang-kita ang maputi niyang legs habang naglalakad.

"Makakabulag pa yata ako ng mga ulol," inis na wika ni Rocky.

"Kainis kasi yung suot mo, love. Tsk! Mapapaaway pa ako sayo nyan eh!" sermon nito sa kaniya.

"Love naman." Ngumuso siya dito at bumili na sa tindahan nang makarating na sila doon. Pilit siyang hinaharangan ni Rocky upang hindi makita ng mga tambay ang legs niya.

Chichirya lang naman ang binili niya para habang gumagawa siya ng lesson plan mamaya at may kinakain siya.

"Ang dami mo naman binili," anito sa kaniya at ito na ang humawak ng ilang mga pinamili niya. Niyakap nito ang mga chichirya saka umalis na sila sa tindahan. Hindi pa sila nakakalayo nang may masalubong silang isang lalaki. Madalas na niyang nakikita sa village ang lalaki na ito pero hindi niya naman kilala. Ang sama ng tingin nito kay Rocky. Para ngang nagulat ito pagkakita kay Rocky. Bigla itong humarang sa daan.

"What a small world, Rocky boy!" Ngumisi ito kay Rocky na tila nang-uuyam. Napakunot noo tuloy siya. Kilala nito si Rocky?

"Sino ka?" Hindi niya napigilan ang sarili na magtanong. Naramdaman niya na hinawakan ni Rocky ang braso niya na parang pinahihinto siya nito sa pagkausap sa lalaki.

"Umalis ka sa dinadaanan ko kung ayaw mong bangasin ko yang nguso mo, Spade."

Napasinghap siya nang marinig ang malalim at seryosong tinig ni Rocky. Tinawag nitong Spade ang lalaki. So magkakilala nga ang dalawang ito?

Mahina namang humalakhak ang lalaki.

"Hindi ka pa rin nagbabago, Rocky boy. Nakakaulol pa rin yang katapangan mo." Tumingin sa kaniya ang lalaki at bahagyang naningkit ang mga mata nito.

"Kapatid ka ni Rust hindi ba—"

"Wag mo siyang kausapin, Penny. Hindi mo siya kailangang sagutin," mabilis na sabi ni Rocky.

Nakangisi ang lalaki sa kaniya. Kulay pula ang buhok nito at may band aid ito sa bandang gilid ng labi. Natatakot na tuloy siya.

"Poor lady. Hindi mo ba kilala kung sino itong taong kasama mo, Miss?" sabi pa ng lalaki sa kaniya. Napansin niyang naikuyom ni Rocky ang kamao. Mabilis nitong hinila ang kamay niya palayo sa lalaki. Nilagpasan nila ito.

Nagtataka siya sa huling sinabi ng lalaki. Hindi niya alam kung ano ang ibig nitong sabihin.

"Rocky sino ba iyon? Bakit ka niya kilala? Saka ano yung ibig niyang sabi—"

"Wag mong pansinin ang tao na yon. Nanti-trip lang yon."

"Pero kilala ka niya..."

"Oo magkakilala kami, pero hindi na mahalaga iyon. Pumasok ka na sa loob ng bahay at huwag ka ng lalabas. Delikado ang mga tambay na iyon kahit na alam kong maayos itong village niyo, mag-ingat ka pa rin," alalang sabi ni Rocky sa kaniya. Pinilit siya nitong pumasok na sa loob at magpahinga. Wala siyang nagawa kundi ang sundin na lamang ito dahil natakot din naman sya doon sa lalaki kanina. Mukha kasing gangster ang isang iyon. Sino nga kaya ang taong iyon at bakit magkakilala ang mga ito?